Ang Daigdig ay Tumatanda Na
NOONG 1513, ang Kastilang manggagalugad na si Juan Ponce de León ay lumakad sa dalampasigan sa kahabaan ng isang di-kilalang baybayin sa Hilagang Amerika. Sinasabi ng isang ulat na yamang nababalutan ng mga bulaklak ang teritoryong kaniyang nasumpungan, tinawag niya iyon na Florida, na ang kahulugan sa Kastila ay “Mabulaklak.” Madaling makahanap ng pangalan. Ang pagkasumpong sa layunin ng kaniyang ekspedisyon—isang bukal ng tubig na may kapangyarihang magbalik ng kabataan sa matatandang tao—ay napatunayang imposible. Matapos suyurin ang lupaing iyon sa loob ng maraming buwan, tinapos ng manggagalugad ang kaniyang paghahanap sa maalamat na bukal ng kabataan at nagpatuloy siya sa paglalayag.
Bagaman ang mga bukal ng kabataan ay nananatiling mailap ngayon gaya noong panahon ni Ponce de León, waring natuklasan ng tao ang tinatawag ng awtor na si Betty Friedan na “ang bukal ng katandaan.” Sinabi niya ito dahil sa mabilis na pagdami ng matatandang tao sa buong daigdig. Napakaraming tao ngayon ang tumatanda na anupat nagbabago ang kayarian ng populasyon ng daigdig. Sa diwa, ang daigdig ay tumatanda na.
“Isa sa Pinakadakilang Tagumpay ng Sangkatauhan”
Makikita ito sa demograpiya. Sa pagsisimula ng siglong ito, kahit sa pinakamayayamang bansa, ang inaasahang haba ng buhay mula sa pagkasilang ay wala pang 50 taon. Ngayon, ito ay tumaas sa mahigit na 75. Gayundin naman, sa papaunlad na mga bansa na gaya ng Tsina, Honduras, Indonesia, at Vietnam, ang inaasahang haba ng buhay mula sa pagkasilang ay mas mahaba ng 25 taon kaysa noong nakalipas na apatnapung taon. Bawat buwan, isang milyon katao sa buong daigdig ang tumutuntong sa edad na 60. Nakapagtataka, hindi ang mga kabataan kundi yaong mga 80 anyos pataas, ang ‘pinakamatandang matanda,’ ang bumubuo ngayon sa pinakamabilis-lumaking grupo ng populasyon sa lupa.
“Ang paghaba ng buhay,” sabi ng demograpong si Eileen Crimmins sa magasing Science, “ay isa sa pinakadakilang tagumpay ng sangkatauhan.” Sumasang-ayon ang United Nations, at upang tumawag ng pansin sa ganitong tagumpay, itinalaga nito ang taóng 1999 bilang ang Internasyonal na Taon ng Matatandang Tao.—Tingnan ang kahon sa pahina 3.
Kailangan—Pagbabago ng Saloobin
Gayunman, ang tagumpay na ito ay hindi lamang sumasaklaw sa pagbabago sa inaasahang haba ng buhay ng tao. Kasali rin dito ang pagbabago sa pananaw ng tao tungkol sa pagtanda. Totoo, ang pagtanda ay ikinababahala pa rin ng maraming tao, anupat kinatatakutan pa nga, dahil ang katandaan ay kadalasang kaakibat ng paghina ng katawan at pagrupok ng isip. Subalit idiniriin ng mga mananaliksik na nag-aaral tungkol sa pagkakaedad na ang pagtanda at ang pagkakasakit ay dalawang magkaibang bagay. Lubhang nagkakaiba-iba ang mga tao sa paraan ng pagtanda nila. May kaibahan, sabi ng mga mananaliksik, ang kronolohikal na edad at ang biyolohikal na edad. (Tingnan ang kahon na “Ano ba ang Pagtanda?”) Sa ibang salita, ang pagtanda at ang panghihina ay hindi naman laging magkasabay.
Sa katunayan, habang nagkakaedad ka, makagagawa ka ng mga hakbang upang mapabuti ang kalidad ng iyong buhay. Totoo, hindi ka babata sa paggawa ng mga hakbang na ito, ngunit dahil sa mga ito ay maaari kang manatiling malusog habang tumatanda ka. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa mga hakbang na ito. Kahit na hindi gaanong mahalaga sa iyo ngayon ang paksa tungkol sa pagtanda, baka naisin mong ipagpatuloy ang pagbasa yamang hindi magtatagal at ikababahala mo ang bagay na ito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 3]
ANG INTERNASYONAL NA TAON NG MATATANDANG TAO
“Dahil ako mismo ay 60 anyos na . . . , kasama na ako ngayon sa estadistikang nabanggit kanina,” ang sabi kamakailan ng Kalihim-Panlahat ng UN na si Kofi Annan sa paglulunsad ng Internasyonal na Taon ng Matatandang Tao. Marami ang katulad ni G. Annan. Sinasabi ng mga mananaliksik na sa pagsisimula ng susunod na siglo, 1 sa bawat 5 katao sa maraming bansa ang magiging 60 anyos o mahigit pa. Ang ilan sa kanila ay mangangailangan ng pag-aaruga, ngunit lahat sila ay mangangailangan ng mga paraan na doo’y mapananatili nila ang kanilang kalayaan, ang kanilang dignidad, at ang kanilang pagkamalikhain. Upang matulungan ang mga gumagawa ng mga patakaran na maharap ang mga hamon na dulot ng ganitong ‘demograpikong pagbabago’ at upang higit na maunawaan ang “kahalagahan ng matatanda sa lipunan,” ipinasiya ng Pangkalahatang Kapulungan ng UN noong 1992 na italaga ang 1999 bilang ang Internasyonal na Taon ng Matatandang Tao. “Tungo sa Isang Lipunan ng Lahat ng Edad” ang siyang tema ng pantanging taon na ito.
[Larawan]
Kofi Annan
[Credit Lines]
UN photo
UN/DPI photo by Milton Grant
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
ANO BA ANG PAGTANDA?
“Ang bolang kristal tungkol sa buhay ng nilalang ay napakalabo pagdating sa pagtanda,” sabi ng isang mananaliksik. “Walang sinuman ang lubusang nakauunawa rito,” sabi ng isa pa. Magkagayunman, tinangka ng mga gerontologist (mga siyentipiko na nagsusuri sa pagtanda) na bigyang-katuturan ito. Sa simpleng pananalita, anila, ang pagtanda ay ang kronolohikal na panahon ng pag-iral ng isang tao. Subalit ang pagtanda ay hindi lamang ang paglipas ng mga taon. Ang isa ay hindi karaniwang babanggit ng tungkol sa isang tumatandang bata dahil ang pagtanda ay nagpapahiwatig ng pagkaubos ng lakas. Ang pagtanda ang siyang kabayaran ng paglipas ng mga taon sa isang indibiduwal. May ilang tao na waring bata para sa kanilang kronolohikal na edad. Halimbawa, ipinahihiwatig ito kapag ang isang tao ay sinabihan na “wala sa mukha niya ang kaniyang edad.” Upang ipakita ang pagkakaiba ng kronolohikal at ng biyolohikal na pagtanda, karaniwan nang inilalarawan ng mga mananaliksik ang biyolohikal na pagtanda (pagtanda na may kasamang nakapipinsalang pagbabago sa pisikal) bilang katandaan.
Inilarawan ng propesor sa zoology na si Steven N. Austad ang katandaan bilang “ang baytang-baytang na pagkasira ng halos lahat ng kakayahan ng katawan sa paglipas ng panahon.” At sinasabi ni Dr. Richard L. Sprott, ng National Institute on Aging, na ang pagtanda “ang unti-unting pagkasira ng mga bahagi ng ating sistema na nagpapangyari sa atin na tumugon nang angkop sa mga kaigtingan.” Subalit sumasang-ayon ang karamihan ng mga eksperto na ang pagtukoy sa isang malinaw na kahulugan ng pagtanda ay nananatili pa ring isang hamon. Ipinaliwanag ng molecular biologist na si Dr. John Medina kung bakit: “Mula ulo hanggang daliri ng paa, mula sa mga protina hanggang sa DNA, mula sa pagsilang hanggang sa pagkamatay, pagkarami-raming likas na proseso ang nabubuo upang maging sanhi ng pagtanda ng isang tao na may 60 trilyong selula.” Hindi nakapagtataka na maraming mananaliksik ang nagsasabi na ang pagtanda ang siyang “pinakamasalimuot sa lahat ng mga palaisipan sa buhay ng nilalang”!