Ito ba’y Kapalaran o Nagkataon Lamang?
“MARAMI na ang nasawi at nakaligtas dahil sa kapalaran,” sabi ng International Herald Tribune. Nitong nakaraang taon, halos 200 katao ang namatay at daan-daan ang nasugatan dahil sa pagsalakay ng mga terorista sa mga embahada ng Amerika sa Kenya at Tanzania. Gayunman, “nakatiyempo ang pinakamatataas na diplomatiko ng embahada,” sabi ng pahayagan.
Ang mga ito’y nakaligtas dahil sa sila’y nagmimiting noon sa isang lugar sa gusali na malayo sa pinagsabugan. Subalit ang isang mataas na opisyal ng embahada, na dapat sana’y naroroon din pero hindi dumalo, ay nasa lugar na malapit sa pinagsabugan at ito’y namatay.
“Naging malupit din ang kapalaran kay Arlene Kirk,” sabi ng pahayagan. Nang pauwi na ito sa Kenya mula sa pagbabakasyon, nagboluntaryo si Arlene na ibigay sa iba ang kaniyang nakareserbang upuan sa eroplano dahil sa napakaraming pasahero. Pero, naunahan siya ng iba pang mga pasahero sa pagboboluntaryo, kaya napasakay rin siya sa eroplano. Dahil dito, nakapagtrabaho siya sa embahada noong araw na maganap ang pagsabog at siya’y namatay.
Sanáy na ang tao sa kalamidad. Pero, napakahirap ipaliwanag ang trahedya. Sa tuwina, sa mga aksidente at mga kapahamakan sa buong daigdig, ang ilan ay namamatay at ang iba naman ay nakaliligtas. Gayunman, hindi lamang sa panahon ng sakuna na ang ilan ay nagtatanong, ‘Bakit ako pa?’ Maging sa mabubuting pangyayari sa buhay, ang ilan ay waring mas nakalalamang sa iba. Bagaman ang buhay ay waring isang walang-katapusang pakikibaka para sa marami, para sa iba ang mga bagay-bagay ay waring napakadaling isaayos. Kaya naman, marahil ay maitatanong mo, ‘Posible kayang naisaplano na ito sa paanuman? Kontrolado nga ba ng kapalaran ang aking buhay?’
Paghahanap ng Paliwanag
Mga 3,000 taon na ang nakalilipas, napansin ng isang matalinong hari ang mga di-inaasahang pangyayari sa kaniyang paligid. Iniharap niya ang sumusunod na paliwanag tungkol sa mga pangyayaring ito: “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Kung minsan ay nangyayari ang di-inaasahan. Talagang walang paraan upang mahulaan ito. Ang pambihirang mga pangyayari, kapuwa ang mabuti at masama, ay kadalasang nagaganap dahil sa pagkakataon.
Gayunman, baka ang pangmalas mo’y gaya rin niyaong sa halip na ipaliwanag ang mga bagay-bagay bilang bunga ng pagkakataon ay nag-aakala na may ibang puwersa na nagpapangyari nito—ang kapalaran. Ang paniniwala sa kapalaran o tadhana ay isa sa pinakamatanda at pinakalaganap na relihiyosong paniniwala ng tao.a Ganito ang sabi ng propesor na si François Jouan, direktor ng Center for Mythological Research sa University of Paris: “Walang panahon o sibilisasyon na hindi naniniwalang may isa ngang diyos na kumokontrol sa tadhana . . . bilang paliwanag sa lahat ng kahiwagaan sa ating pag-iral.” Kaya naman karaniwan nang maririnig na sinasabi ng mga tao: “Hindi pa ito ang oras niya para mamatay” o, “Ganiyan talaga ang buhay.” Ngunit ano nga ba ang kapalaran?
Pagbibigay-Kahulugan sa Kapalaran
Ang salitang Ingles na “fate” (kapalaran) ay galing sa Latin na fatum, na nangangahulugang “isang makahulang pahayag, isang orakulo, isang kapasiyahan ng Diyos.” Bagaman kung minsan ay inaakalang isang nagkakataong puwersa ang nagpapasiya sa kinabukasan sa isang paraang di-maiiwasan at di-maipaliwanag, kadalasan nang ipinalalagay na ang puwersang ito ay isang diyos.
Ganito ang paliwanag ng istoryador sa relihiyon na si Helmer Ringgren: “Ang isang mahalagang elemento sa relihiyosong saloobin ay ang pagkadama na ang tadhana ng tao ay hindi walang kabuluhan o nagkataon lamang, kundi ito’y nagmula sa isang kapangyarihan na bunga ng kagustuhan at intensiyon.” Bagaman madalas na inaakalang posible na baguhin ito sa isang antas, iniisip ng marami na ang mga tao ay parang mga walang kalaban-labang piyon sa larong chess na hindi nila kontrolado. Sa gayon ay ‘nagkakatotoo ang kapalaran nila.’
Malaon nang nakikipagpunyagi ang mga teologo at mga pilosopo upang maipaliwanag ang kapalaran. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang palagay hinggil sa kapalaran, sa anumang anyo, wika, o pagkakaiba ng kahulugan nito, ay palagi nang may bahid ng saligang elemento ng kahiwagaan.” Gayunman, ang isa pang kabilang sa masalimuot na ideyang ito ay ang palagay na may isang nakatataas na kapangyarihang kumokontrol at gumagabay sa mga gawain ng tao. Ang puwersang ito ay ipinalalagay na siyang patiunang humuhubog sa buhay ng mga indibiduwal at mga bansa, anupat ang mangyayari sa hinaharap ay di-maiiwasan na gaya noong nakaraan.
Isang Pinagbabatayang Salik
May magagawa bang pagbabago kung maniwala ka man sa kapalaran? “Ang mga pangyayari sa buhay ng tao ay may malaking nagagawa upang matiyak ang kanilang pilosopiya, ngunit, sa kabaligtaran, ang kanilang pilosopiya ay may malaking nagagawa upang matiyak ang mangyayari sa kanila,” isinulat ng pilosopong Ingles na si Bertrand Russell.
Oo, ang paniniwala sa kapalaran—mayroon mang ganitong bagay o wala—ang maaaring pagbatayan ng ating ikikilos. Palibhasa’y naniniwalang ito’y kalooban nga ng mga diyos, tinatanggap na lamang ng marami ang kanilang kalagayan—ito man ay di-makatarungan o mapang-api—na para bang nakaguhit na ito sa kanilang buhay. Kaya nga, sinisira ng paniniwala sa kapalaran ang pagkaunawa sa personal na pananagutan.
Sa kabilang dako naman, ang paniniwala sa tadhana ay nagpakilos sa iba tungo sa kabilang direksiyon naman. Halimbawa, tinutunton ng mga istoryador ang pagsulong ng kapitalismo at ang mabilis na pag-unlad ng industriya batay sa maraming salik. Isa sa mga ito ang paniniwala sa predestinasyon. Itinuro ng ilang Protestanteng relihiyon na itinatalaga ng Diyos ang kaligtasan ng mga indibiduwal. Ganito ang sabi ng sosyologong Aleman na si Max Weber: “Ang tanong na, Isa ba ako sa napili? sa malao’t madali ay babangon sa bawat mananampalataya.” Hangad ng bawat isa na malaman kung taglay nila ang pagpapala ng Diyos at sa gayon ay nakatalaga silang maligtas. Ikinatuwiran ni Weber na ginagawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang “makasanlibutang gawain.” Ang tagumpay sa negosyo at pagkakamal ng kayamanan ay itinuturing na mga palatandaan ng pabor ng Diyos.
Ang paniniwala sa kapalaran ay nagpapangyari sa ilan upang gumawa ng kakaibang pagkilos. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang nagpapatiwakal na mga pilotong Hapones ay naniwala sa kamikaze, o “hangin mula sa Diyos.” Nagkaroon ng relihiyosong kahalagahan ang nakatatakot na kamatayan dahil sa ideya na ang mga diyos ay may layunin at posibleng may gagampanang papel ang tao sa layuning iyon. Noong nakaraang dekada, ang nagpapatiwakal na mga tagabomba sa Gitnang Silangan ay madalas na maging ulong-balita dahil sa kanilang nakapangingilabot na mga pagsalakay. Ang patalismo (fatalism) ay gumaganap ng mahalagang papel sa “nagpapatiwakal na pagsalakay [na ito] na udyok ng relihiyon,” sabi ng isang ensayklopidiya.
Ngunit bakit nga ba napakalaganap ng paniniwala sa kapalaran? Ang pagsulyap sa pinagmulan nito ay maglalaan ng sagot.
[Talababa]
a Gayon na lamang kalaganap ang paniniwala sa kapalaran anupat kapag pinag-uusapan ang kamatayan, ang salitang “kapalaran” o “hindi maiiwasan” ay kadalasang ginagamit sa maraming wika.