Isang Umuungal na Leon na Naging Maamong Tupa
AYON SA SALAYSAY NI ENRIQUE TORRES, JR.
ISINILANG ako noong 1941 sa Puerto Rico na isang isla sa Caribbean, kung saan Kastila ang karaniwang wika. Ang aking dukhang mga magulang ay mga Romano Katoliko, ngunit sila ni ang aking mga kapatid na babae at kapatid na lalaki (na namatay nang siya ay bata pa) ni ako ay hindi tinuruan kailanman ng anumang tungkol sa relihiyon, at madalang kaming magsimba.
Umalis ang aming pamilya sa Puerto Rico para lumipat sa Estados Unidos noong 1949. Nanirahan kami sa New York City sa East Harlem, na kilala bilang El Barrio. Namalagi kami roon hanggang 1953. Nahirapan akong matutong magsalita ng wikang Ingles. Ang problemang ito ay nagpadama sa akin ng kawalang-kakayahan.
Impluwensiya ng mga Suwail
Pagkatapos, ang aming pamilya ay lumipat sa lugar ng Prospect Heights sa Brooklyn. Nang panahong iyon ay naimpluwensiyahan ako ng aking mga kasamahan na mapabilang sa isang gang sa kalye. Nang maglaon ay ako na ang naging lider nito. Pagkatapos noon ay naging lider din ako ng isa pang gang, na sangkot sa pagnanakaw ng mga kotse. Naging runner (isang kolektor ng mga utang sa ilegal na sugal) din ako ng mga tagapag-ingat ng pusta sa komunidad. Mula roon, nagsimula akong manloob at maaresto ng ilang beses bago ako mag-15 anyos. Nang panahong iyon ay hindi na ako nag-aaral.
Nang ako ay 16 anyos, ipinatapon ako ng mga awtoridad sa Puerto Rico sa loob ng limang taon bilang bahagi ng isang kasunduan kapag umamin sa kasalanan. Ako ay ipinadala sa aking lolo at sa kaniyang pamilya. Siya ay kilala at iginagalang na retiradong pulis. Gayunman, makalipas ang isang taon, pinabalik ako ng aking lolo sa Brooklyn dahil sa pakikipaglasingan, pakikisama sa masasamang tao, at panloloob.
Ang Papel ni Itay sa Aking Buhay
Nang magbalik ako sa New York City mula sa Puerto Rico, nalaman ko na ang aking ama ay nagsisimula nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang aking buhay ay patungo sa kabilang direksiyon. Patuloy akong namuhay nang walang kinikilalang Diyos at napasangkot sa pag-aabuso sa droga at alkohol. Naging miyembro ako ng isang gang na nanloloob at nanghoholdap, na naging dahilan ng aking pagkaaresto noong 1960. Ako ay nahatulan at sinentensiyahan ng tatlong taon sa bilangguan.
Noong 1963, pinalaya ako sa pamamagitan ng parol. Subalit di-nagtagal at naaresto akong muli dahil sa panloloob, at nabilanggo ako nang dalawang taon sa Rikers Island, sa New York City. Pinalaya ako noong 1965. Gayunman, noong taon ding iyon, inaresto ako sa salang pagpaslang. Tunay na ako’y naging mabangis at naging gaya ng isang leon!
Sinentensiyahan ako ng hukuman na mapiit nang 20 taon sa Dannemora, sa gawing hilaga ng New York. Doon ay nasangkot ako sa isang sangay ng kultura sa loob ng bilangguan.
Gayunman, gaya ng nabanggit na, ang aking ama ay nakikipag-aral ng Kasulatan sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon ay nabautismuhan siya at naglingkod bilang matanda sa isang kongregasyon sa Harlem. Madalas niya akong dalawin habang ako’y nakabilanggo at lagi niya akong kinakausap tungkol sa Diyos, sa Kaniyang pangalan, at sa Kaniyang layunin.
Subalit samantalang nasa bilangguan sa Dannemora, naging bahagi ako ng isang grupo ng mga buwaya sa katihan, na nagpapautang nang may labis-labis na tubo. Noong panahong iyon, ng 1971, nagkaroon ng malaking gulo sa isa pang bilangguan sa New York State, ang Attica Correctional Facility. Ang kaguluhang ito ay naging ulo ng mga balita sa maraming pahayagan at napabalita sa mga radyo at telebisyon sa buong daigdig. Pagkatapos ng kaguluhang ito, upang hindi mangyari ang gayong bagay sa Dannemora, naisip ng warden na kailangan niyang piliin ang mga bilanggo na maaaring maging masamang impluwensiya sa iba pang bilanggo. Ang mga ito ay ibinukod niya sa pantanging mga bahay-tuluyan.
Sa 2,200 bilanggo, mga 200 kami na ibinukod. Ang higit pang pagsisiyasat ay nagbunga ng matinding pambubugbog sa ilan sa mga napili. Bukod dito, bilang bahagi ng tinaguriang “panggagamot upang mabago ang ugali,” hinaluan ng droga ang aming pagkain.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ako’y ibinartolina dahil sa di-masupil na paggawi. Gayunman, ito ang unang pagkakataon na ako’y nabiktima ng gayong kalupitan, at matindi ang naging epekto nito sa akin. Ako ay pinosasan, ikinadena ang aking mga paa, at ako ay labis na binugbog nang ilang ulit ng mga guwardiya. Kinailangan ko ring batahin ang palagiang pang-iinsulto sa akin dahil sa aking lahi. Dahil sa panghahamak at pambubugbog, sinadya kong kumain lamang nang kaunti sa buong panahon ng aking pagkakabartolina, na nagtagal ng mga tatlong buwan. Ito ang dahilan kung kaya nabawasan ng halos 50 libra ang aking timbang.
Ang mga pagtatanong ng aking ama hinggil sa paghina ng aking kalusugan ay ipinagwalang-bahala ng mga opisyal sa bilangguan. Nawalan na tuloy ako ng pag-asa at bumaling ako sa pagsulat sa mga pulitiko upang tulungan ako hinggil sa di-makatarungang pagtrato.
Ang aking ama ay paulit-ulit na nagsumbong sa mga pahayagan tungkol sa mga pambubugbog, panghahamak, at ang paghahalo ng droga sa pagkain ng mga bilanggo sa pantanging mga bahay-tuluyan. Isang pahayagan lamang, ang Amsterdam News, ang tumugon sa pamamagitan ng pagsulat ng isang artikulo tungkol sa kaawa-awang situwasyon. Ilang ulit ding nagpunta ang aking ama sa Commissioner of Corrections, sa Albany, New York, at lagi siyang sinasabihan na ako ay nasa karaniwang bahay-tuluyan lamang. Hindi binigyang-pansin ng mga pulitiko ang aking report hinggil sa mga kalagayan sa bilangguan. Lalong tumindi ang aking panlulumo, yamang sa wari’y wala na akong mahihingan pa ng tulong.
Noon ko naalaala ang ilang bagay na sinabi sa akin ng aking ama. Ipinasiya kong manalangin sa Diyos upang humingi ng tulong.
Pagbaling sa Diyos
Bago ako manalangin, nagunita ko ang matiyagang payo sa akin ng aking ama na manalangin hindi kay Jesus kundi sa Ama ni Jesus, na ang pangalan ay Jehova. Nagpatirapa ako sa sahig ng selda at ipinahayag ang aking marubdob na pagsisisi sa tinahak kong landasin sa buhay, na naging sanhi ng paggugol ko ng kalahati ng aking buhay sa bilangguan. Taimtim akong nakiusap kay Jehova na tulungan akong makalaya sa situwasyong ito dahil natanto ko na ngayon na tanging siya lamang ang may kapangyarihang magligtas sa akin sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong nanalangin, subalit ginunita ko ang aking nakaraan at buong-pagsisising hiniling ang kapatawaran ni Jehova. Ipinangako ko na sisikapin kong matuto nang higit tungkol sa kaniya. Di-nagtagal pagkatapos, pinalaya ako mula sa tulad-bartolinang piitan at isinama sa karamihan ng mga bilanggo. Dito nagtapos ang paggutom ko sa aking sarili.
Bilang pagtupad sa aking pangako na mag-aral nang higit tungkol kay Jehova, sinimulan kong basahin ang New World Translation of the Holy Scriptures. Ang isa sa mga bagay na nakaakit sa aking pansin hinggil sa salin na ito ng Bibliya ay ang kulay-berdeng pabalat nito. Ito ay nakaakit sa akin dahil ang kulay ng bilangguan, damit, selda, dingding, at mga pasilyo ay pawang abuhin, isang nakapanlulumong abuhin. Nang maglaon, na labis ko namang ikinagulat, ang kulay ng lahat ng mga bagay na ito ay binago tungo sa kulay-luntian. Ang kulay na ito ang ginamit ng Department of Corrections matapos ang pag-aalsa sa bilangguan sa Attica.
Nagsimula rin akong magbasa ng mga artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising!, na isinaayos ng aking ama na ipadala sa akin. Ang pagbabasa ng mga karanasan ng napakaraming Saksi ni Jehova na nabilanggo dahil sa panghahawakan sa kanilang pananampalataya at nakaranas nang higit pa sa naranasan ko ay nakalikha ng matinding impresyon sa akin. Narito ang mga tao na walang nagawang krimen ngunit di-makatarungang pinapagdusa dahil sa pagiging tapat sa Diyos. Ako, sa kabilang panig, ay nararapat lamang na magdusa. Nang mabasa ko ang mga karanasang ito, naantig ang aking damdamin, at ako ay napasigla na higit pang mag-aral tungkol kay Jehova at sa kaniyang bayan.
Sa wakas, pagkalipas ng isang taon, humarap ako sa konseho na nagkakaloob ng kalayaan sa pamamagitan ng parol. Nirepaso ang aking kaso, lakip na ang hirap na dinanas ko sa pantanging bahay-tuluyan. Natuwa ako nang malaman kong palalayain na ako sa pamamagitan ng parol sa 1972.
Dalawang linggo pagkatapos ng aking paglaya, dumalo ako sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, sa Spanish Harlem. Subalit nadama ko pa rin na hindi ako karapat-dapat makisalamuha sa bayan ni Jehova. At marami pa rin akong dapat malaman tungkol kay Jehova, sa kaniyang organisasyon, at sa kaniyang bayan. Nangailangan din ako ng panahon upang maiayon ang aking sarili sa lipunan matapos gumugol ng napakahabang panahon sa bilangguan.
Nakalulungkot, hindi ko nagawang iwaksi ang aking dating landasin. Muli na naman akong bumaling sa droga, krimen, at sa isang di-makadiyos na paraan ng pamumuhay. Nang dakong huli, ito ang naging sanhi ng pagkakasentensiya sa akin ng karagdagang 15 taon sa bilangguan. Gayunman, nadarama ko na tiyak na may nakitang mabuti si Jehova sa aking puso, yamang hindi pa rin niya ako pinabayaan. Masasabi ko lamang sa inyo na nasa bilangguan man kayo o wala, hindi iiwan o pababayaan kailanman ni Jehova yaong nakahilig na matuto tungkol sa kaniya.
Pag-aaral ng Bibliya sa Bilangguan
Sa pagkakataong ito, habang nakabilanggong muli sa Dannemora, sinamantala ko ang pagkakaroon ng lingguhang pakikipag-aral ng Bibliya sa isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, ako ay inilipat sa Mid-Orange Correctional Facility, isang bilangguan sa gawing hilaga ng New York na medyo katamtaman ang higpit ng pagbabantay. Isa itong pagbabago mula sa bilangguan sa Dannemora na may napakahigpit na pagbabantay.
Pagkalipas ng dalawang taon sa Mid-Orange Correctional Facility, nagsimula akong makibahagi nang may kasiglahan sa isang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa isang kapuwa bilanggo, na inaprobahan naman ng mga awtoridad sa bilangguan. Ang kaniyang ina, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ang nagsaayos na idaos sa kaniya ang ganitong pag-aaral. Sa wakas, sa pamamagitan ng patuluyang pagkuha ng kaalaman, nagsimula akong magkapit ng mga simulain sa Bibliya, na nang dakong huli ay humantong sa aking espirituwal na pagsulong.
Pagkatapos na pitong ulit na tanggihang mabigyan ng parol, sa ikawalong pagkakataon ay may pag-aatubiling pinalaya na rin ako sa pamamagitan ng parol. Ang dahilang ibinigay sa mga nakaraang pagtanggi na mabigyan ako ng parol ay ang aking “pagkahilig sa kriminalidad.” Ako ay pinalaya pagkatapos na gugulin ang 8 taon sa 15-taóng sentensiya.
Pangwakas na Paglaya sa Kadiliman
Pagkalaya ko, muli na naman akong nalihis, at sa sandaling panahon ay nalulong ako sa droga. Nakisama rin ako sa isang babae nang hindi kasal. Nagsimula ito noong 1972. Gayunman, noong 1983, muli akong nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa pagkakataong ito, nagsimula akong dumalo nang regular sa mga pulong Kristiyano. Subalit bago ako mag-aral at dumalo sa mga pulong, huminto na ako sa paggamit ng droga at tumigil na sa paninigarilyo.
Gayunpaman, bagaman labag sa batas ng Diyos hinggil sa pag-aasawa, namumuhay pa rin ako sa piling ng aking kinakasamang babae. Nakabagabag ito sa aking budhi, kaya sinikap kong tanggapin niya ang isang pag-aaral sa Bibliya at gawing legal ang aming pagsasama sa pamamagitan ng pagpapakasal. Subalit sinabi niya na ang Bibliya ay aklat ng tao na dinisenyo ng mga lalaki upang alipinin ang mga babae at na ang kasal ay hindi na kailangan.
Natanto ko na hindi ko kayang ipagpatuloy ang imoral na pamumuhay kasama ng isang babae na hindi gumagalang sa mga batas ng Diyos hinggil sa pag-aasawa. Kaya winakasan ko ang aming pagsasama at lumipat ako sa Brooklyn. Alam kong hindi ako maaaring makipag-usap sa iba tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin kung ang sarili kong gawa ay hindi kasuwato ng kaniyang mga batas.
Palibhasa’y malaya na sa lahat ng di-makakasulatang salabid sa buhay at nakapag-aral na ng Bibliya nang tatlong taon, taglay ang malinis na budhi ay inialay ko ang aking buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sinagisagan ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang aking pangako na makilala ang Diyos na ang pangalan ay laging binabanggit ng aking ama ay isang bagay na hindi ko pinagsisisihan kailanman. At ang aking pangako kay Jehova sa mga bartolina ng bilangguan sa Dannemora ay aking pagsisikapang tuparin hanggang sa pangyarihin niya ang maraming mga pagpapala na ipinangangako niya sa kaniyang Salita.
Pag-asam sa Paraiso
Labis kong inaasam ang panahon na babaguhin ni Jehova ang buong lupa upang gawing magandang paraiso. (Awit 37:11, 29; Lucas 23:43) At inaasam ko rin ang isa pang pangako ng Diyos—ang pagkabuhay-muli ng mga patay upang magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Tunay na magiging kamangha-manghang panahon iyon kapag sinasalubong ko na mula sa libingan ang aking namatay na mga minamahal, kasali na ang aking ama, ang aking nakababatang kapatid na lalaki, at ang iba pa na alam kong maagang namatay! Madalas kong bulay-bulayin ang pag-asang ito, at ito’y lubusang nagpapagalak sa akin. Ang isa pang ikinagagalak ko ngayon ay ang hinggil sa dalawa kong kapatid na babae at sa ilan sa kanilang mga anak na nag-alay na ng kanilang buhay kay Jehova at nagpabautismo na.
Ngayon, habang ipinahahayag ko ang aking pananampalataya sa iba at ibinabahagi ang aking naging karanasan sa buhay, hindi ko mapigil ang kasiyahan na ipaalam sa kanila ang nakaaaliw na mga salita ng salmista, na nakaulat sa Awit 72:12-14: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”
Ang pagkamatiisin ni Jehova sa akin ay nakaantig sa aking puso at nakatulong sa akin na matutuhan at maikapit ang mga ugali na nais niya na taglayin ng kaniyang bayan—hindi gaya ng mababangis na parang leon, kundi gaya ng mapayapa, mabait, at maamong mga katangian ng isang tupa. Ito ay kailangan, sapagkat gaya ng isinasaad ng Salita ng Diyos, “sa maaamo ay magpapakita siya ng lingap.”—Kawikaan 3:34.
[Blurb sa pahina 12]
“Naaresto akong muli dahil sa panloloob, at nabilanggo ako nang dalawang taon sa Rikers Island, sa New York City. Pinalaya ako noong 1965. Gayunman, noong taon ding iyon, inaresto ako sa salang pagpaslang. Tunay na ako’y naging mabangis at naging gaya ng isang leon!”
[Larawan sa pahina 13]
Ang araw nang ako ay bautismuhan