Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 8/8 p. 15-17
  • Ang Ibon na Humahalik sa mga Bulaklak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Ibon na Humahalik sa mga Bulaklak
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kahanga-hangang Aerobatic
  • Napakatakaw
  • Mga Pamamaraan ng Pagligaw
  • Magagandang Bahay
  • Walang-Takot
  • Isang Iglap na Pagsambulat ng mga Kulay
    Gumising!—1987
  • Dila ng Hummingbird
    Gumising!—2010
  • Ang Dila ng Hummingbird
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Ano ang Matututuhan Natin sa mga Nilalang Tungkol sa Lakas ng Loob?
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2020
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 8/8 p. 15-17

Ang Ibon na Humahalik sa mga Bulaklak

TINATAWAG ito ng mga taga-Brazil na beija-flor​—ang ibon na humahalik sa mga bulaklak. Angkop na angkop ang pangalang ito sa papel ng hummingbird sa mga bulaklak. Palibhasa’y napapansin ang matingkad na kulay ng balahibo nito, tinatawag naman ng ibang nagmamasid ang mumunting nilalang na ito na “buháy na hiyas” o “magagandang piraso ng bahaghari” at binigyan ng katangi-tanging mga pangalan ang iba’t ibang uri nito, gaya ng ruby-topaz, kumikinang-ang-tiyan na esmeralda, o kometang may tansong buntot.

Ang kahanga-hangang kulay ay halos nakikita sa pantanging mga balahibo sa gawing lalamunan at ulo ng mga lalaking hummingbird. Ang kanilang balahibo ay may mga suson ng mga selulang puno ng hangin, at ipinaaaninag ng mga selulang ito ang mga alon ng liwanag tungo sa isang bahaghari ng kulay na gaya ng milyun-milyong maliliit na bula ng sabon.

Masusumpungan ang isang magandang paglalarawan ng isang kulay-kanela na rufous hummingbird, na karaniwan sa gawing kanluran ng Hilagang Amerika, sa aklat na Creature Comforts, ni Joan Ward-Harris: “Ang hiyas nito ay nasa kaniyang lalamunan​—ang gorget . . . Umaabot ito sa ibaba ng kaniyang pisngi at sa ilalim ng kaniyang baba hanggang sa kaniyang lalamunan at dibdib, na parang babero ng sanggol. Ang epekto ng nakabulgang gorget ay makapigil-hininga​—parang dumodoble ang laki ng ibon sa karaniwang laki nito at waring literal na nag-aapoy.” Habang humahagibis paalis ang rufous, ang gorget nito ay maaaring kumislap na kulay biyoleta, esmeralda, o lahat ng kulay pa nga ng liwanag. Ngunit kapag tumalikod na ito sa liwanag, ang gorget ay biglang nagiging matingkad at malapelus na itim.

Kahanga-hangang Aerobatic

Ang mga hummingbird ay kilala sa kahusayan sa aerobatics. Sa isang sandali, ang isa ay lumilipad-lipad sa isang bulaklak, umiinom ng nektar nito, na ang humuhuning mga pakpak nito ay malabong makita. Pagkatapos, biglang-bigla, ang malakas na napakaliit na nilalang na ito ay sumisibad pataas, paatras, patagilid, o patiwarik pa nga na may 50 hanggang 70​—80 ang sabi ng ilan​—pagaspas ng pakpak sa bawat segundo! Iniulat, naaabot nito ang tulin na 50 hanggang 100 kilometro sa isang oras at pagkatapos ay biglang hihinto. Bakit nagagawa ng hummingbird ang gayong kamangha-mangha at pambihirang mga gawa?

Ang sekreto ay nasa kamangha-mangha ang pagkakadisenyong mga sangkap ng katawan ng hummingbird. Ang 25 hanggang 30 porsiyento ng timbang ng katawan nito ay binubuo ng napakagaling ang pagkakagawang mga kalamnan, na nakakabit sa prominenteng buto nito sa dibdib. Ang mga pakpak nito, na matibay mula sa balikat hanggang sa dulo ng pakpak, ay nagbibigay rito ng lakas kapuwa para sa paitaas at pababang pagaspas, sa halip na pababa lamang, na totoo sa ibang ibon. Sa gayon, ang dalawang kampay ay nag-aangat at nagtutulak dito, samantalang ang hugpungan sa balikat ang nagpapangyari sa 180-digri na pag-ikot. Hindi kataka-taka na hahanga ka sa aerobatic ng ibong ito!

Makapapasa kaya ang mga hummingbird sa pagsubok sa tibay ng katawan? Tiyak iyan. Halimbawa, taun-taon ang ilang rufous hummingbird ay nandarayuhan ng mahigit na tatlong libong kilometro mula sa kanilang tirahan kung taglamig sa Mexico hanggang sa dulong hilaga sa Alaska. Ang mga panganib ng mga daan sa mataas na kabundukan, karagatan, at masamang panahon ay hindi nakababahala sa kanila.

Napakatakaw

Ang pagkahilig ng mga hummingbird sa mga bulaklak na dinadalaw nila ay nagsisilbi sa isang kapaki-pakinabang na layunin​—ang cross-pollination. Gayunman, ang tunay na pang-akit sa kanila ay ang nektar. Upang tustusan ang kamangha-manghang enerhiya nito, ang mga hummingbird ay kailangang kumain araw-araw ng nektar na halos kalahati (ang sabi ng ilan ay doble) ng timbang nito at mayaman sa carbohydrate. Maguguniguni mo ba ang katumbas na kahilingang pagkain para sa isang tao?

Di-gaya ng karamihan sa mga ibon, bihirang lumakad ang mga hummingbird. Kumakain sila habang lumilipad. Taglay ang mga tuka na iba-iba ang haba at hugis ayon sa kani-kaniyang uri, pinipili nila ang mga bulaklak na angkop sa kanilang mga tuka. Dinaragdagan nila ang kanilang pagkaing nektar sa pamamagitan ng paghuli sa mga langaw ng prutas at pagtuka ng mga dapulak sa mga pananim. Paano ba kinukuha ng ibon ang nektar mula sa mga bulaklak na hinahagkan nito?

Ang kasangkapan ng hummingbird sa pagkain ay ang dila nito mismo. Ganito ang sulat ni Joan Ward-Harris: “Ang dila ng hummingbird ay mahaba, makitid, nagsasanga at bahagyang mabalahibo sa dulo; nahahati ito ng dalawang baluktot na tudling, anupat lumilikha ng maliliit na alulod na dinadaluyan ng nektar hanggang sa ito’y malulon.”

Kung aakitin mo ang mga hummingbird sa isang patukaan na malapit sa iyong bintana, hindi ka magsasawa sa palabas ng kawili-wili’t masisiglang ibon na ito. Gayunman, pakanin mo lamang ito kung handa kang alagaan sila sa buong panahon, yamang aasa sila sa iyo para sa kanilang pagkain habang pinalalaki nila ang kanilang pamilya sa isang kalapit na pugad.

Mga Pamamaraan ng Pagligaw

Inaakit ng ilang uri ng hummingbird sa Sentral at Timog Amerika ang kanilang mga nililiyag sa pamamagitan ng kanilang pag-awit. Ang wine-throated hummingbird ng Guatemala, ang pinakamagandang umawit sa mga aliw-iw nito. At ang awit ng puting-taingang hummingbird ay parang “tunog ng isang maliit at magandang-pakinggang pilak na kuliling.” Subalit ang karamihan ay hindi kilala bilang mga mang-aawit. Basta hinuhuni nila ang ilang pare-parehong tono at matining na mga nota nang paulit-ulit o kung minsan ay humuhuni na nakasara ang mga tuka at lumalaki ang gorget.

Ang ilang hummingbird ay nagpapalabas ng kahanga-hangang aerobatic na pagtatanghal sa kanilang paraan ng pagligaw. Totoo ito sa mga rufous, animo’y isang humahagibis na apoy na bumubulusok mula sa kaitaasan hanggang sa ibabaw lamang ng nagmamasid na babae at pagkatapos​—bago maabot ang babae​—ay muling pumapailanlang paitaas na waring inilalarawan ang letrang J. Paroo’t parito ang kilos nito sa dulo ng J hanggang sa muling makabalik sa mataas na dulo o lumipad na kasama ng kaniyang bagong kapareha. Ang pagaspas ng kaniyang pakpak sa mapasikat na pagtatanghal na ito ay maaaring umabot ng dalawang daan sa bawat segundo!

Magagandang Bahay

Ang pugad ng hummingbird ay “isa sa pinakamagagandang kayarian sa daigdig,” sabi ng isang tagamasid. Ipinakita ni Joan Ward-Harris sa isang reporter ng Gumising! ang isang pugad na natagpuan niya. Ang luwang nito ay apat at kalahating centimetro at halos isang centimetro ang lalim, gayon ang pagkakagawa anupat habang lumalaki ang mga inakay na sinlaki ng bubuyog, lumalaki rin ang kanilang maginhawang bahay upang magkasiya ang mga ito. Nakatutuwang ilagay ang isang pugad sa palad ng iyong kamay​—parang isang tasa ng manika na yari sa malambot na mga materyales mula sa halaman. Ang mga pugad ay gawa rin sa pinong mga balahibo na hinabing magkakasama sa pamamagitan ng mga sapot. Nakalagay rito ang dalawa o tatlong puting-puting itlog, “parang magkakatulad na mga perlas.”

Sa pagpapakain ng kaniyang mga inakay, ipinapasok ng ina ang kaniyang tuka sa maliliit na lalamunan nito at iniluluwa ang kinakailangang pagkain. Karaniwang pagkaraan lamang ng tatlong linggo, ang mga inakay ay lumilipad na sa kanilang ganang sarili, kumakain at lumalaki hanggang sa dalhin sila ng kanilang panloob na orasan sa kanilang mahabang pandarayuhan tungo sa hindi gaanong malamig na lagay ng panahon.

Walang-Takot

Isang nakagugulat na katangian ng hummingbird ang pagiging walang-takot nito. Makikita mo ito kapag nagkakagalit ang mga ito tungkol sa mga dakong kainan o teritoryo. Sa Timog Amerika, nakita ang dalawang malapelus-purpurang coronet na buong-tapang na tumutudla sa isang agila na sumasalakay sa kanilang dakong pinagpupugaran, anupat ipinakikitang handa nilang labanan ang isang Goliat kung kinakailangan. Subalit kung minsan ay nasasawi ang mga hummingbird sa iba pang kaaway, gaya ng mga ahas, palaka, sapot ng gagamba, matinik na mga bulaklak, at mga taong nangongolekta.

Gayunman, kinakaibigan sila ng maraming tao at buong pananabik na hinihintay ang pagbabalik ng mga hummingbird sa bawat kapanahunan upang simulang muli ang kanilang makabuluhang istilo ng buhay. Tiyak na lálakí ang kaluguran mo sa mga ito kung pag-aaralan mo nang malapitan ang kumikinang na mga hiyas na ito ng paglalang​—kung pipiliin nilang hagkan ang mga bulaklak sa iyong hardin.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

MGA KATOTOHANAN TUNGKOL SA HUMMINGBIRD

• May 320 uri, ikalawa sa pinakamalaking pamilya ng ibon sa Kanlurang Hemispero ang mga hummingbird

• Ang mga ito ay maliliit na nilalang sa daigdig ng mga ibon: Ang bee hummingbird ng Cuba ay sumusukat ng halos 6 na centimetro mula sa dulo ng buntot nito hanggang sa dulo ng tuka nito

• Ang pinakamalaking hummingbird ay 22 centimetro ang haba at masusumpungan sa gawing kanluran ng Timog Amerika mula sa Ecuador hanggang sa Chile

• Kabilang sa kanilang pangunahing tirahan ang sona sa ekwador sa Timog Amerika mula sa antas ng dagat na mahigit na 4,500 metro at ang ilang isla sa Caribbean at sa Pasipiko

• Masusumpungan ang mga ito sa dulong hilaga sa Alaska at sa dulong timog sa Tierra del Fuego kung mga buwan ng tag-init

• Minsan, milyun-milyon ang pinatay upang gawing dekorasyon para sa negosyo ng paggawa ng mga sumbrero ng mga babae sa Europa, anupat malamang na nalipol ang ilang uri

[Mga larawan]

Giant (aktuwal na laki)

Bee hummingbird (pinalaki)

[Credit Lines]

© C. H. Greenewalt/VIREO

© 1990 Robert A. Tyrrell

[Larawan sa pahina 15]

Rufous hummingbird

[Credit Line]

THE HUMMINGBIRD SOCIETY/Newark Delaware USA

[Larawan sa pahina 15]

Bee hummingbird (aktuwal na laki)

[Credit Line]

© 1990 Robert A. Tyrrell

[Larawan sa pahina 15]

Antillean mango

[Credit Line]

© 1990 Robert A. Tyrrell

[Larawan sa pahina 16]

Rufous-breasted hermit

[Credit Line]

© 1990 Robert A. Tyrrell

[Larawan sa pahina 16, 17]

Anna’s (pinalaki)

[Credit Line]

Patricia Meacham/Cornell Laboratory of Ornithology

[Larawan sa pahina 17]

Babaing ruby-throated at ang inakay nito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share