Ang International Space Station—Isang Umiinog na Laboratoryo
SA LOOB ng ilang taon, kapag tumitig ka sa langit sa isang maaliwalas na gabi, maaaring makita mo hindi lamang ang mga bituin at ang buwan kundi pati rin naman ang isang artipisyal na “bituin,” isang bagay na nagniningning na gaya ng mga planeta. Kasinlaki ng dalawang palaruan ng putbol, ang gawang-tao na dambuhalang ito, na ginagawa sa kasalukuyan, ay tinawag na ‘ang pinakamalaking proyekto ng inhinyeriya mula nang magkaroon ng piramide.’ Ano ba ito?
Kapag ito’y natapos na, ito ang magiging International Space Station (ISS)—isang permanenteng laboratoryo ng pananaliksik sa kalawakan na ginawa ng mahigit na 100,000 manggagawa. Karamihan dito ay gumagawa sa Canada, Estados Unidos, at Russia, subalit ang marami pang iba ay gumagawa sa Alemanya, Belgium, Brazil, Denmark, Espanya, Hapón, Italya, Netherlands, Norway, Pransiya, Sweden, Switzerland, at United Kingdom. Ang matatapos na ISS ay magiging 88 metro ang haba at 109 metro ang lapad, na may espasyo para sa paggawa at tirahan na gaya ng mga cabin ng dalawang jet na Boeing 747. Kapag natapos na, ang istasyon sa kalawakan ay titimbang ng 520 tonelada, at ang paggawa nito ay magkakahalaga ng hindi kukulanging $50 bilyon!
Tinawag ng ilang kritiko na nababahala sa napakalaking halaga nito para sa pananaliksik ang ISS na “isang magastos ngunit walang halagang bagay sa gitna ng mga bituin.” Sa kabilang dako naman, inaasahan ng mga nagpanukala nito na ang istasyon sa kalawakan ay maglalaan ng isang lugar para sa mga pagsubok sa pinakabagong mga materyales sa industriya, teknolohiyang pangkomunikasyon, at pananaliksik sa medisina. Gayunman, bago maikabit ng mga astronot ang kagamitan sa laboratoryo sa mga dingding ng ISS, dapat itong pagkabitin nang piraso por piraso, at lahat ng ito ay dapat gawin sa kalawakan!
Pagtatayo Nito sa Kalawakan
Dahil sa ubod nang laki ito, ang ISS ay hindi maaaring buuin sa lupa, yamang babagsak ito dahil sa bigat. Upang mapagtagumpayan ang hadlang na ito, ang mga siyentipiko ay nagtatayo sa lupa ng mga module na pagkakabit-kabitin sa kalawakan upang mabuo ang istasyon sa kalawakan. Mangangailangan ito ng 45 panlunsad na rocket ng Russia at mga space shuttle ng Estados Unidos upang ihatid ang mga bahaging ito sa kalawakan.
Ang pagbuo sa istasyon ay isang trabahong walang katulad, anupat ginagawang patuloy na nagbabagong dako ng pagtatayo ang kalawakan. Mahigit na 100 module ang pagkakabit-kabitin samantalang nasa orbita ang mga manggagawa at ang mga materyales. Ang karamihan ng trabaho ay kailangang gawin nang manu-mano ng internasyonal na grupo ng mga astronot, na gumugugol ng daan-daang oras sa space walk (paggawa sa kalawakan sakay ng ekstrang sasakyang pangkalawakan).
Ang unang module ng ISS—na 20-tonelada at gawa sa Russia na Zarya (ibig sabihin ay “Pagsikat ng araw”)—ay inilunsad noong Nobyembre 22, 1998, mula sa Baykonur Cosmodrome, sa Kazakhstan. Ang module na ito ay nangangailangan ng sapat na gatong upang panatilihin ito at ang iba pang module na idaragdag dito na nasa orbita. Dalawampung araw pagkatapos mailunsad ang Zarya, dala naman sa kaitaasan ng space shuttle na Endeavour ang karugtong na module na gawa sa Amerika na pinanganlang Unity.
Sa unang sesyon ng pagtatayo sa kalawakan noong Disyembre 1998, naranasan ng tripulante ng Endeavour ang mga hamon na nasa unahan. Nang makatagpo ang Zarya mga 400 kilometro sa itaas ng lupa, ginamit ng astronot na si Nancy Currie ang 15-metrong kamay na robot upang sunggaban ang 20-toneladang module na iyon at ikabit ito sa Unity. Pagkatapos, ikinabit ng mga astronot na sina Jerry Ross at James Newman ang mga kawad ng kuryente at computer at ang mga tubo para sa likido sa labas ng dalawang module. Ang mga koneksiyong ito ay ginamit upang maghatid ng kuryente sa pagitan ng mga module at mapatakbo ang tubig upang palamigin ang hangin at ang inuming tubig. Gumugol ng tatlong space walk, na mahigit na 21 oras lahat-lahat, upang tapusin ang mga trabahong ito.
Habang ang mga rocket at shuttle ay naghahatid ng bagong mga module bawat ilang linggo, ang ISS ay lálakí mula sa module na Zarya na gawa sa Russia hanggang sa maging isang 520-toneladang istasyon sa kalawakan. Magiging isang hamon na panatilihing umiinog ang lumalaking istasyong ito, yamang kailangang labanan nito ang hila ng grabidad ng lupa. Kaya lagi itong nanganganib na bumagsak sa lupa. Upang panatilihing nasa itaas ang istasyon, dadalawin ito ng mga space shuttle at itutulak paitaas ang istasyon sa kalawakan upang mapanatili ang tamang taas nito.
Ang halos-sero na grabidad ay gaganap ng malaking bahagi sa pananaliksik na isasagawa sa ISS, na kung saan ang puwersa ng grabidad ay katumbas lamang ng isang ikasangmilyon sa lakas ng puwersang ito na nasa lupa. Ang isang lapis na ihuhulog sa lupa ay mahuhulog ng 2 metro sa loob ng 0.5 segundo. Sa istasyon sa kalawakan, gugugol ito ng sampung minuto! Paano magsisilbing isang laboratoryo ang ISS, at paano nito maaapektuhan ang iyong pang-araw-araw na buhay?
Umiinog na Laboratoryo
Ang ISS ay inaasahang matatapos sa 2004. Pagkatapos, hanggang pitong astronot sa pana-panahon ang dadalaw sa dambuhalang gusaling tahanan. Ang ilan ay titira roon ng ilang buwan. Sakay nitong tinatawag na bintana sa uniberso, ang tripulante ng ISS ay magsasagawa ng iba’t ibang mga eksperimento na dinisenyo ng mga siyentipiko sa buong daigdig.
Halimbawa, kung napakahina ng puwersa ng grabidad, ang mga ugat ng halaman ay hindi bumababa at ang mga dahon ay hindi tumataas. Kaya ang mga siyentipiko ay nagbabalak ng mga eksperimento upang malaman kung paano tumutubo ang mga halaman kung walang grabidad. Bukod pa riyan, ang mga kristal ng protina ay lumalaki at mas may simetriya sa kalawakan. Kaya, maaaring makagawa ng mas dalisay na mga kristal sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Ang impormasyong may kinalaman dito ay makatutulong sa mga mananaliksik na makagawa ng mga medisina na patungkol sa partikular na mga protinang nagdadala ng sakit. Sa isang kapaligiran na doo’y mahina ang grabidad, baka posibleng makagawa ng mga materyales na halos imposibleng gawin sa lupa.
Humihina ang mga buto at kalamnan ng tao sa halos-sero na grabidad. Ganito ang sabi ng dating astronot na si Michael Clifford: “Pinagtutuunan ng bahagi ng siyentipikong pananaliksik ang pag-unawa sa mga epekto ng matagal na pagkalantad ng katawan sa kalawakan.” Titiyakin ng kahit isa lamang eksperimento kung paano malalabanan ang panghihinang ito ng buto.
Maaaring makatulong ang pag-aaral sa pangmatagalang mga epekto ng pamumuhay sa kalawakan na gawing posible ang matagal na paglagi sa kalawakan patungo sa Mars balang araw. “Napakalayong paglalakbay niyan,” sabi ni Clifford. “Gusto naming magkaroon ng kakayahang maibalik [ang mga manlalakbay sa kalawakan] sa mabuting kalagayan.”
Karagdagan pa, hinuhulaan ng mga tagapagtaguyod ng ISS na ang pananaliksik sa istasyon sa kalawakan ay hahantong sa mas mabuting pagkaunawa sa mahahalagang elemento ng buhay. Ang pagkaunawang ito ay maaaring magbunga ng bagong mga pamamaraan sa paggamot ng kanser, diyabetis, emphysema, at mga sakit sa sistema ng imyunidad. Ang mga laboratoryo sa ISS ay maglalaman ng isang bioreactor na nagpapatubo ng mga cell culture na kahawig ng likas na mga himaymay. Hinahangad ng mga siyentipiko na matuklasan nang higit ang tungkol sa mga sakit ng tao at kung paano matagumpay na gagamutin ang mga ito. Nasa ISS din ang 50-centimetrong optical window upang pag-aralan ang mga gas sa atmospera, pagputi ng mga bahurang-korales, mga bagyo, at iba pang likas na pangyayari sa lupa.
Isang “Laboratoryo Para sa Kapayapaan”?
Gayunpaman, para sa ilang masigasig na mga tagapagtaguyod nito, ang ISS ay hindi lamang isang lumulutang na laboratoryo. Nakikini-kinita nila na ito ang tutupad ng pangako mula sa Apollo Program, na nag-iwan ng isang plake sa buwan na nagsasabi: “Dumating kami para sa kapayapaan ng buong sangkatauhan.” Pagkatapos ilarawan ang ISS bilang isang “laboratoryo para sa kapayapaan,” ganito pa ang sabi ng astronot na nasa mga edad setenta na, si John Glenn: “Pangyayarihin [nito] na magtrabahong sama-sama ang 16 na bansa sa kalawakan sa halip na tuklasin ang mga paraan upang gawin ang mga bagay na nakapipinsala sa bawat isa sa Lupa.” Nakikita niya at ng iba pa ang ISS bilang isang dako kung saan maaaring matuto ang mga bansa na magtulungan sa mga proyekto sa siyensiya at teknolohiya na hindi kakayanin ng isang bansa subalit pakikinabangan ng lahat.
Gayunman, marami ang nag-iisip kung talaga bang mapayapang magtutulungan ang mga bansa sa kalawakan, gayong hindi nila magawa ito sa lupa. Sa paano man, ang ISS ay bunga ng simbuyo ng tao na tuklasin ang bagay na walang nakaaalam at alamin kung ano ang nangyayari sa ilalim ng mga kalagayang umiiral doon. Tunay, ang pagkalaki-laking proyektong ito ay produkto ng pakikipagsapalaran ng tao at ng kaniyang hilig na tumuklas.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15-17]
MGA PETSANG MAY KAUGNAYAN SA MGA ISTASYON SA KALAWAKAN
1869: Inilathala ng Amerikanong si Edward Everett Hale ang isang maikling kuwento, ang The Brick Moon, hinggil sa isang laryong satelayt na pangkalawakan at may sakay na tao.
1923: Nilikha ni Hermann Oberth, na ipinanganak sa Romania, ang terminong “space station.” Nasa isip niya ang pagmumulang dako para sa mga paglalakbay patungong Buwan at Mars.
1929: Binalangkas ni Hermann Potocnik sa kaniyang aklat na The Problem of Space Travel, ang isang plano para sa isang istasyon sa kalawakan.
Dekada ng 1950: Inilarawan ng rocket engineer na si Wernher von Braun ang isang hugis-ruwedang istasyon na umiinog ng 1,730 kilometro sa ibabaw ng lupa.
1971: Inilunsad ng Unyong Sobyet ang Salyut 1, ang kauna-unahang istasyon sa kalawakan sa kasaysayan. Tatlong kosmonot ang nanatili sa istasyon sa loob ng 23 araw.
1973: Ang Skylab, ang unang istasyon sa kalawakan ng Estados Unidos, ay pinainog at naglulan ng tatlong pangkat ng mga astronot. Wala na sa kalawakan ang istasyong ito.
1986: Inilunsad ng mga Sobyet ang Mir, ang unang istasyon sa kalawakan na dinisenyo upang panatilihin ang permanenteng pagdoon ng tao sa kalawakan.
1993: Inanyayahan ng Estados Unidos ang Russia, Hapón, at ang iba pang bansa na sumali sa paggawa ng International Space Station (ISS).
1998/99: Ang unang mga module ng ISS ay inilunsad sa orbita—huli nang isang taon sa iskedyul.
[Mga larawan]
Itaas: Ang ideya ng pintor kapag nayari ang istasyon sa 2004
Pinagkabit ang unang dalawang module, ang Zarya at Unity
Sina Ross at Newman sa kanilang ikatlong space walk
Inilunsad ang isang space shuttle, isa sa maraming isinaplano
Skylab
Mir
[Credit Line]
Pahina 15-17: NASA photos