Pangglobong Kalakalan—Ang Epekto Nito sa Iyo
NANG mawalan ng trabaho si Peter sa isang multinasyonal na korporasyon kung saan nagtrabaho siya sa loob ng 20 taon, tahasang sinisi ng sulat sa pagkatanggal sa trabaho “ang globalisasyon ng ekonomiya.” Nang bumaba nang mahigit sa kalahati ang halaga ng salapi ng Thailand, ang baht, matinding binatikos sa TV ng ministro sa pananalapi ng bansang iyon ang “globalisasyon.” Nang ang presyo ng bigas sa isang bansa sa Timog-silangang Asia ay tumaas ng 60 porsiyento, ipinatalastas ng mga ulong-balita sa mga tindahan ng pahayagan: “Ito’y dahil sa Globalisasyon!”
Ano nga ba ang globalisasyon ng ekonomiya? Paano at bakit apektado nito ang iyong bansa gayundin ang iyong pera? Ano ang nasa likuran ng kalakarang ito?
Ano ba ang Globalisasyon?
Bilang isang di-pangkaraniwang pangyayari sa ekonomiya, ang globalisasyon ay isang paglipat mula sa bukud-bukod na mga pambansang ekonomiya tungo sa pandaigdig na ekonomiya. Sa kasalukuyang “pangglobong nayon,” ang produksiyon ng mga paninda ay naging pandaigdig, at malaya at agad na dumadaloy ang pera sa pagitan ng mga bansa. Ito’y halos kalakalan na walang mga hangganan. Sa sistemang ito, ang multinasyonal na mga korporasyon ang humahawak ng napakalaking kapangyarihan, samantalang ang di-kilalang mga mamumuhunan ay maaaring magpaunlad sa materyal na kasaganaan o maging sanhi ng mapangwasak na depresyon sa anumang bahagi ng daigdig.
Ang globalisasyon ay kapuwa sanhi at resulta ng pagbabago ng modernong impormasyon. Udyok ito ng malaking mga pagsulong sa telekomunikasyon, ng kamangha-manghang kakayahan ng mga computer, at ng pag-unlad ng mga information network, gaya ng Internet. Napagtagumpayan ng mga teknolohiyang ito ang hadlang ng pisikal na distansiya. Taglay ang anong mga resulta?
Magkahalong Pagpapalâ at Sumpa?
Ayon sa mga tagapagtaguyod nito, ang globalisasyon ay maaaring maging isang mabilisang kalakalan at pamumuhunan na nagdaragdag ng kabuhayan at nagpapasigla ng pag-unlad kahit sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig. Halimbawa, noon lamang dekada ng 1990, ang banyagang mga mamumuhunan ay nagbuhos ng isang trilyong dolyar sa papaunlad na mga ekonomiya. Ang pambihirang pag-unlad na ito sa internasyonal na pamumuhunan ay nagpangyari sa paggawa ng mga daan, paliparan, at mga pagawaan sa mas mahihirap na bansa. Ang globalisasyon ay tunay na naging isang puwersa na nagpaunlad sa mga pamantayan sa pamumuhay ng ilang bansa sa daigdig. Sinabi ni Peter Sutherland, tagapangulo ng Overseas Development Council, na “hanggang nitong kamakailan lamang, umabot ng hindi kukulanging dalawang salinlahi upang makalawang beses na umunlad ang pamantayan ng pamumuhay, subalit sa Tsina, ang pamantayan ng pamumuhay ngayon ay makalawang beses na umuunlad tuwing 10 taon.” Inaakalang nagdadala ng walang-katulad na mga oportunidad sa bilyun-bilyong tao ang globalisasyon. Ang napakabilis na paglawak ng kalakalang pandaigdig ay nagpasigla sa pinaraming produksiyon at kahusayan sa pagtatrabaho at lumikha ng bagong mga trabaho.
Gayunman, binatikos ng mga kritiko nito na sa magdamag lamang ay maaari ring pabagsakin ng globalisasyon ang mga ekonomiya. Sa ilang klik lamang sa mouse ng computer, maaaring mabilis na bumaba ang halaga ng salapi ng isang bansa, anupat mawawala ang buong-buhay na pinag-ipunang pera ng milyun-milyong taong naghahanapbuhay. Ang mga salitang nagpapahiwatig ng masama mula sa bibig ng isang maimpluwensiyang tagasuri sa Wall Street ay maaaring magpataranta sa mga namumuhunan na ipagbili ang kanilang mga stock sa Asia, anupat lumilikha ng napakalaking pagkaubos ng kapital na sa dakong huli’y maaaring magdala sa milyun-milyon sa karalitaan. Maaaring magpasiya ang isang lupon ng mga direktor na isara ang isang pagawaan sa Mexico at sa halip ay magbukas ng isang pagawaan sa Thailand—anupat lilikha ng mga trabaho sa Asia samantalang isinasadlak naman sa karukhaan ang daan-daang pamilya sa Latin Amerika.
Binabanggit ng marami na ginawang mas mahirap ng globalisasyon ang buhay para sa malaking bahagi ng lipunan ng tao at na pinagbabantaan nito na iwang walang pagkakataon upang sumulong ang isang bahagi ng daigdig. “Hindi nagkataon lamang na ang nakapanlulumong ekonomiya sa malaking bahagi ng Sub-Saharan Aprika ay dahil sa hindi ito makaalinsabay sa pandaigdig na ekonomiya at, sa gayon, hindi ito magtagumpay sa pakikipagkalakalan at pag-akit ng pamumuhunan,” sabi ni Sutherland.
Nakahahawang mga Epekto na Makapagpapayaman o Makapagpapahirap sa Iyo
Paano ito nakaaapekto sa iyo? Ang lokal, pambansa, at panrehiyon na mga ekonomiya ay naging magkakaugnay at umaasa sa isa’t isa. Kaya, ang masasamang sintomas sa ekonomiya ng isa ay maaaring mabilis na kumalat at makahawa sa iba—pati na sa iyong bansa. Halimbawa, ang krisis sa pandaigdig na pananalapi na puminsala sa Asia noong 1997 at sa Russia at Latin Amerika noong 1998 at 1999 ay nagbabanta ngayon na magpasapit ng malaking pinsala sa kaunlaran ng Estados Unidos, ng mga bansa sa Europa, at ng maraming iba pang bansang matatag ang pananalapi. Ang mga ekonomiya na tila maunlad sa isang sandali ay biglang nagkaproblema—maliwanag na hindi dahil sa anumang bagong pangyayari sa loob ng kanilang bansa kundi dahil sa problema sa pananalapi sa ibang bansa. Tinatawag ng mga ekonomista ang pangyayaring ito na “pinansiyal na pagkahawa.” Ganito ang sabi ni Lionel Barber ng Financial Times: “Ang problema sa pananalapi ay sabay-sabay na nangyayari at sa maraming pagkakataon ay nagpapatibay sa isa’t isa. Ang pagkahawa ay hindi na isang panganib; bahagi na ito ng buhay.”
Samakatuwid, sa buong daigdig, lalo pang pinag-ugnay-ugnay ng globalisasyon ang mga buhay sa isang tila-kubrekamang ekonomiya. Saan ka man nakatira, apektado ka ng pagkahawang ito sa maraming paraan. Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa. Nang bumaba ang halaga ng salapi ng Brazil noong Enero ng 1999, nagulat ang mga nagmamanukan sa Argentina na ang mga taga-Brazil ay nagbebenta ng manok na mas mura kaysa sa kanilang mga manok sa mga supermarket sa Buenos Aires. Bukod pa riyan, nabawasan nang malaki ang presyo ng kahoy, toyo, katas ng prutas, karne, at keso ng Argentina dahil sa pagbagsak ng pandaigdig na ekonomiya. Ang mabababang presyo at lumiit na pangangailangan ay humantong sa pagsasara ng mga negosyo sa gatas doon, anupat daan-daan ang nawalan ng trabaho.
Samantala, natuklasan naman ng mga nag-aalaga ng baboy sa Illinois, E.U.A., na bagaman nagtamasa sila ng masaganang pagluluwas ng mga karne ng baboy sa umuunlad na mga bansa sa Asia noon, ngayon ay kailangan nilang ibaba ang kanilang mga presyo, yamang lumiit ang pangangailangan at matindi ang kompetisyon. “Hindi pa namin kailanman nakita ang ganitong pagkalugi sa industriya ng karne ng baboy, kahit na noong Depresyon,” panangis ng isang magbubukid. Sa bansa ring ito, natanggal sa trabaho ang mga manggagawa sa pagawaan ng bakal, habang ang kanilang mga kompanya ay napapaharap sa napakaraming inaangkat na bakal mula sa Tsina, Hapón, Russia, Indonesia, at sa iba pang bansa—lahat ng mga ito’y may mabababang halaga ng pananalapi anupat nagiging napakamura ng kanilang iniluluwas na mga paninda. Dahil sa walang bumibili sa Asia, nagtambakan ang di-mabentang binutil sa Estados Unidos, na ikinabalisa ng mga magsasaka sa bansang iyon.
Ang mga implikasyon ng globalisasyon ay lalo pang pinatindi ng bagay na ang mga bangko at mga pondo ng pensiyon sa mayayamang bansa ay nagpautang o namuhunan nang husto sa “nabubuong mga pamilihan”—isang pinagandang katawagan sa ilang ekonomiya sa papaunlad na mga bansa. Kaya, nang bumagsak ang gayong mga ekonomiya noong krisis sa pananalapi ng 1997-99, naapektuhan nito ang karaniwang mga mamamayan na mga pensiyonado o may mga naipong pera sa mga bangkong nalugi. Halos lahat ay nakadama ng takot dahil sa pagkalugi, tuwiran man o di-tuwiran.
Lalong Pinayayaman, Lalong Pinagiging Dukha
Isinisiwalat ng mas masusing pagsusuri sa proseso ng globalisasyon na lumikha ito ng dumaraming grupo ng mayayamang tao sa mahihirap na bansa at dumaraming mahihirap sa mayayamang bansa. Paano? Bahagyang sinasagot ni David Korten ang tanong na ito sa kaniyang aklat na When Corporations Rule the World: “Ang mabilis na pag-unlad ng ekonomiya sa mga bansang may mababang kita ay nagdadala ng makabagong mga paliparan, telebisyon, mga express highway, at mga tindahang may air-condition na nagbebenta ng makabagong mga elektroniks at mga damit na may tatak ng kilalang mga designer para sa ilan na kayang bumili nito. Bihira nitong mapaunlad ang mga kalagayan ng pamumuhay ng marami. Ang ganitong uri ng pag-unlad ay nangangahulugang kailangang pagtuunan ng pansin ng ekonomiya ang mga panindang iniluluwas upang kumita ng salapi mula sa ibang bansa nang sa gayo’y mabili ang mga bagay na gusto ng mayayamang tao. Kaya, ang lupa ng mahihirap ay itinatalaga para sa mga pananim na iluluwas. Nasusumpungan ng mga dating nagsasaka sa mga lupang ito ang kanilang sarili sa pook ng mga dukha sa lunsod na nagtatrabaho nang mahahabang oras at may kakaunting suweldo sa mga pagawaan ng mga produktong iniluluwas. Nagkakawatak-watak ang mga pamilya, napipinsala ang kaayusan ng lipunan hanggang sa punto na nagiging mahigpit ang kalagayan, at ang karahasan ay lumalaganap sa bansa. Yaong mga nakinabang sa pag-unlad ng ekonomiya ay nangangailangan ng higit pang salapi ng ibang bansa upang mag-angkat ng mga sandata na magsasanggalang sa kanila mula sa poot ng mahihirap.”
Sa pangkalahatan, ang globalisasyon ay nagdulot ng matinding panggigipit sa mga manggagawa habang ibinababa ng mga pamahalaan ang sahod at mga kalagayan sa trabaho sa pagsisikap na makaakit ng puhunan buhat sa ibang bansa taglay ang pangako ng mababang halaga. Bagaman nakinabang ang ilang bagong industriyalisadong mga bansa mula sa dumaming iniluluwas na mga kalakal bunga ng mas malayang pandaigdig na kalakalan, sa pangkalahatan, hindi kasali sa mga nakinabang ang mahihirap na bansa.
Gaano kalubha ang pagkadi-pantay-pantay sa buong daigdig? Isaalang-alang ang isa lamang estadistikang sinipi ni Korten: “Mayroon na ngayon [noong 1998] 477 bilyonaryo sa daigdig, mula sa 274 lamang noong 1991. Ang kanilang pinagsama-samang pag-aari ay humigit-kumulang katumbas ng pinagsamang taunang kita ng pinakamahihirap na kalahati ng sangkatauhan—2.8 bilyon katao.” Ang salarin? “Ito ang tuwirang bunga ng di-mapangasiwaang pangglobong ekonomiya.”
Udyok ng Kasakiman—Isang Mabuting Kalakaran?
Ano ang pangunahing depekto ng globalisasyon? Sa pagkokomento tungkol sa krisis ng pananalapi noong 1997-98, sinabi ng editor na si Jim Hoagland na “masusumpungan [ng mga mananalaysay sa hinaharap] ang bakas ng nasayang na mga pagkakataon, may depektong pandaigdig na pagtutulungan at kasakiman ng tao.” Ang ilang tao ay nagtatanong: ‘Maaari kayang magkaroon ng pandaigdig na kapayapaan at kasaganaan kung saan pinaglalaban ng sistema ng ekonomiya ang mayayamang minorya at ang nakararaming mahihirap sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipagpunyagi? Makatuwiran ba na ang maliit na bilang ng mga panalo ay nagtatamasa ng labis-labis na kayamanan samantalang ang nakararaming talunan ay nasasadlak sa kaaba-abang karukhaan?’
Tunay, ang walang-kasiyahang kasakiman at kawalan ng moral ay lumikha ng isang daigdig na may matinding pagkadi-pantay-pantay sa pananalapi. Ang sinabi ng isang abogado 2,000 taon na ang nakalipas ay nananatiling totoo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:10) Handa ba ang mga pamahalaan ng tao na lutasin nang matagumpay ang gayong likas na depekto ng di-kasakdalan ng tao? Ipinahayag ni Fernando Cardoso, presidente ng Brazil, ang kaniyang mga pagkabahala: “Ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng tao sa pag-unlad ng ekonomiya sa panahon ng Globalisasyon ay naging isang malaking hamon, yamang kailangan nating lahat na lutasin . . . ang kawalan ng moral na pinangyari ng labis-labis na debosyon sa daigdig ng kalakalan.”
“Pambihirang Labanan ng Kapangyarihan at mga Simulain”
Sa isang lektyur sa 22nd World Conference of the Society for International Development, ipinahayag ni Korten ang kaniyang pag-aalinlangan tungkol sa ilan sa kapaki-pakinabang na mga epekto ng pandaigdig na ekonomiya. Sinabi niya na may “isang pambihirang labanan ng kapangyarihan at mga simulain sa pagitan ng mga tao sa lahat ng dako at ng mga institusyon ng pandaigdig na ekonomiya. Ang resulta ng labanang ito ay malamang na siyang titiyak kung ang ika-21 siglo ay magiging tanda ng pagbaba ng ating uri tungo sa anarkiya ng kasakiman, karahasan, kawalan, at pagsira sa kapaligiran na maaaring humantong sa atin mismong pagkalipol. O ang paglitaw ng isang masagana at nakasentro-sa-buhay na sibilisadong mga lipunan kung saan ang lahat ng tao ay namumuhay nang mapayapa sa isa’t isa at kasuwato ng planeta.”
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
“ANG DAIGDIG AY LALONG NAGIGING MAGKAKAUGNAY”
Ang pananalitang ito ay ginamit sa isang editoryal sa magasing Asiaweek ng Pebrero 26, 1999, na nagsabi: “Ang daigdig ay lalong nagiging magkakaugnay, dahil sa malayang daloy ng kalakal, kapital, impormasyon at teknolohiya. . . . Ang estratehiya para sa pagtatagumpay ay pakikisama: mientras mas maraming rehiyon at bansa ang napapasama sa pandaigdig na ekonomiya, mas malaki ang pangangailangan para sa lahat ng mga tagagawa.”
Sinabi rin nito: “Ang bigla at ganap na pagbagsak ng ekonomiya na rumagasa sa Silangang Asia, Russia at Brazil [nitong nakalipas na mga taon] ay nagpakita na sa daigdig na ito na pinagkaisa sa ekonomiya at teknolohiya, hindi katalinuhang patibayin ang isang rehiyon samantalang bumabagsak naman ang iba.”
Nagbabala rin ang artikulong ito laban sa pagtatalaga sa Asia sa “kawalang-pag-unlad sa ekonomiya at pulitika,” anupat ipinaalaala nito sa mga mambabasa na “ang ikalawa- at ikatlong-pinakamalaking ekonomiya sa daigdig ay ang Hapón at Tsina pa rin.” Sabi pa nito: “Ang dami ng populasyon ng Asia ay tiyak na magiging isang puwersang dapat isaalang-alang.” Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang bilyun-bilyon ng Asia. Tunay, nabubuhay tayo sa isang pandaigdig na ekonomiya, at ang mga hadlang sa kalakalan ay ibinababa.
[Mga larawan sa pahina 23]
Sinisi ang globalisasyon sa lumalaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap