“May Diyabetis ang Iyong Anak!”
ANG epekto ng mga salitang iyon ng doktor ay hindi madaling malilimutan. Ang aking anak na babae, si Sonya, ay sampung taon noong panahong iyon. Siya ay mukhang malusog na malusog noon, masiglang-masigla—sumosobra pa nga kung minsan. Ang huling pagpapagamot niya dahil sa sakit ay nang siya’y limang taon.
Gayunman, ang mga araw bago ang pagdalaw na ito sa doktor ay napakahirap. Mukhang may dinaramdam si Sonya. Gusto niyang uminom nang marami, at kapag ginawa niya ito, naiihi naman siya—kung minsan ay bawat 15 minuto. Sa gabi, bumabangon siya upang umihi nang di-kukulangin sa tatlong beses. Sa simula, sinikap kong bigyang-katuwiran ang kaniyang mga sintomas—isa lamang itong impeksiyon sa pantog, at gagaling naman siya. Subalit pagkaraan ng ilang araw, naipasiya ko na baka kailangan niya ng antibiotic para matanggal ang impeksiyon sa kaniyang sistema.
Noon ko siya dinala sa doktor. Ipinaliwanag ko ang inaakala kong karamdaman niya. Hiniling ng doktor na suriin ang kaniyang ihi, at napansin ko na ang ihi sa lalagyan ay puno ng latak, halos katulad ng maliliit na piraso ng niyebe. Napansin din ito ng nars. Ang kanilang hinala ay napatunayan sa pamamagitan ng isang simpleng pagsusuri sa dugo. Mayroon siyang Type 1 na diyabetis.
Naintindihan ni Sonya kung ano ang ibig sabihin noon. Bagaman sampung taon pa lamang siya, natutuhan na niya sa paaralan ang tungkol sa diyabetis. Ang takot at panlalata na kitang-kita sa kaniyang mukha ay katulad ng sa akin. Sinabi ng doktor na upang maiwasan ang higit pang paglubha, kailangan siyang magtungo kaagad sa ospital. Isinaayos ng doktor na maipasok siya sa intensive care unit sa isang ospital sa Portland, Oregon, E.U.A. Galit na galit si Sonya sa nangyayaring ito sa kaniya. Ayaw niyang gumamit ng iniksiyon para lamang manatili siyang buháy. Siya ay umiiyak at patuloy na nagtatanong kung bakit nagkaganoon. Hirap na hirap akong kontrolin ang aking pagdadalamhati. Hanggang sa hindi ko na rin ito mapigil. Kaya naroon kami, nakaupo sa silid-hintayan, nakahilig sa isa’t isa, humihikbi at nagsusumamo kay Jehova upang alalayan kami sa aming pamimighati.
Ang Pagsubok Habang Nasa Ospital
Pinahintulutan ako ng doktor na iuwi si Sonya para kumuha ng ilang bagay, tawagan ang aking asawa, si Phil, at magsaayos ng susundo sa aming anak na lalaki, si Austin, sa paaralan. Sa loob lamang ng isang oras, ipinapasok na naming mag-asawa si Sonya sa ospital. Karaka-raka ay sinimulan siyang bigyan ng IV upang alisin ang sobrang asukal at mga ketone sa kaniyang dugo.a Talagang isang pagsubok ito. Nabawasan ng pitong libra ang timbang ni Sonya dahil sa kakulangan ng tubig sa katawan. Ang kaniyang lumiit na mga ugat ay mahirap matagpuan. Sa wakas ay nagtagumpay ang nars, at naging kalmante ang mga bagay-bagay—nang pansamantala. Inabután kami ng isang malaking aklat at marami pang ibang dokumento na kailangang basahin at unawain namin bago kami pahintulutang iuwi si Sonya.
Walang-tigil ang pagpunta ng mga doktor, nars, at mga dietitian. Ipinakita sa amin kung paano gumamit ng heringgilya at mag-iiniksiyon kay Sonya ng dalawang sukat ng insulin na kakailanganin niya araw-araw mula sa araw na iyon. Tinuruan kami kung paano gagawin ang pagsusuri sa dugo na kailangang gawin ni Sonya nang apat na beses sa loob ng isang araw upang mabantayan ang dami ng asukal sa kaniyang dugo. Napakaraming impormasyon na dapat tandaan! Kailangan din kaming turuan kung paano siya pakakainin. Kailangan niyang iwasan ang mga pagkaing maasukal, at bukod sa pagkakaroon ng wastong pagbabalanse para sa kaniyang lumalaking katawan, bawat pagkain ay kailangang may eksaktong dami lamang ng carbohydrates.
Pagkalipas ng tatlong araw, lumabas na siya sa ospital. Hinayaan niyang ako ang mag-iniksiyon sa kaniya, pero siya ang nagsusuri sa kaniyang dugo. Sa loob lamang ng isang buwan, gusto niya na siya na lamang ang mag-iniksiyon ng insulin sa kaniyang sarili, at mula noon ay gayon na ang kaniyang ginagawa. Nakagugulat na makitang natanggap na niya ang sakit na ito at natutuhan na niyang mamuhay na mayroon nito. Siya na dating naghahangad mamatay at basta na lamang magising sa Paraiso ay naging isa na alisto sa sintomas ng kaniyang katawan at sa kaniyang damdamin at mga limitasyon at nagkaroon ng kakayahang magpahayag ng sarili kapag siya ay may kailangan.
Isang Panahon ng Pagbabago
Ang unang mga buwan ay napakahirap. Bawat miyembro ng pamilya ay kailangang makitungo sa napakarami at iba’t ibang damdamin. Napakarami ang sinisikap kong gawin anupat umabot sa punto na parang gusto ko nang sumuko. Ang mahigpit na iskedyul ang siyang pinakamahirap na panatilihin, lalo na kapag hindi ito tumugma sa mga pulong Kristiyano at sa ating gawaing pangangaral—bukod pa sa araw-araw na rutin sa paaralan at mga bakasyon. Ngunit dahil sa madalas na pananalangin, natutuhan naming mag-asawa na gawin lamang ang magagawa sa isang araw at nagawa naming tanggapin ang aming bagong mga pananagutan.
Nakatagpo kami ng isang mahusay na doktor na espesyalista sa endocrinology at laging maaasahan upang tumulong sa aming mga álalahanín, kahit na makipag-ugnayan pa nga sa pamamagitan ng E-mail. Ginawa naming bahagi ng aming regular na iskedyul ang pagdalaw sa kaniyang tanggapan. Ang pakikipagkita sa kaniya tuwing ikatlong buwan para magpatingin ay hindi lamang nagpapangyari sa amin na malaman ang pagbuti ng kalagayan ni Sonya kundi nagbibigay rin ito ng katiyakan sa amin na nagagawa namin ang lahat nang makakaya namin para sa kaniya.
Gaya ng maaasahan, nahirapan ang aming anak na lalaki na maintindihan ang lahat ng atensiyon na aming iniuukol sa kaniyang kapatid. Napansin ito ng ilan sa kongregasyon gayundin ng kaniyang guro sa paaralan at tinulungan siya na maging abala at maunawaan na kailangan talagang gumawa ng mga pagbabago. Siya ngayon ay malaking tulong sa pagbabantay kay Sonya. Bilang mga magulang niya, kung minsan ay napapasobra ang aming pangangalaga at nagiging labis-labis ang aming pangamba ukol sa kaniyang kapakanan. Nasumpungan namin na ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang ganitong mga pangamba ay ang magsaliksik tungkol sa sakit at malaman ang talagang magagawa nito sa katawan.
Ano Na ang Kalagayan Namin Ngayon?
Malimit kaming nag-uusap tungkol sa mga pangako ni Jehova at tungkol sa darating na panahon kapag ang sakit ay isa na lamang alaala nang lumipas. (Isaias 33:24) Hanggang sa panahong iyon, tunguhin namin bilang isang pamilya na manatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova, na lubusang nakikibahagi hangga’t maaari sa pagsasalita sa iba tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Sinisikap din namin na maging regular sa mga pulong ng kongregasyon.
Ilang taon na ang nakalipas, ang aking asawa ay inalok ng isang pansamantalang sekular na trabaho sa Israel. Palibhasa’y isinasaalang-alang ang kalagayan ng kalusugan ni Sonya, maingat naming pinag-isipan ang paglipat at nanalangin ukol dito. Ipinasiya namin na taglay ang wastong paghahanda, lakip na ang paghanap ng wastong diyeta para kay Sonya, ang gayong paglipat ay baka pa nga magbigay-daan sa espirituwal na mga pagpapala. Sa loob ng isa at kalahating taon, pribilehiyo namin na maging bahagi ng Tel Aviv English Congregation. Nasiyahan kami sa isang lubos na naiibang anyo ng pangangaral, at ito ay isang napakaganda at nakapagtuturong karanasan sa aming pamilya.
Ang ilang simpleng salitang “May diyabetis ang iyong anak!” ay nagpabago nang malaki sa aming buhay. Subalit sa halip na magpadaig sa pagkasira ng loob, ginawa naming isang proyekto ng pamilya ang pisikal na kapakanan ng aming anak, at lalo kaming pinaglapit nito sa isa’t isa. Si Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan,” ang tumulong sa amin para magtagumpay. (2 Corinto 1:3)—Ayon sa salaysay ni Cindy Herd.
[Talababa]
a “Ang hindi ginagamot na diyabetis ay nauuwi sa ketosis, ang pagdami ng mga ketone, mga produkto ng pagkatunaw ng taba sa dugo; ito ay sinusundan ng acidosis (pagdami ng acid sa dugo) na nagbubunga ng pagkahilo at pagsusuka. Habang ang mga nakalalasong produkto ng nasirang metabolismo ng carbohydrate at taba ay patuloy na dumarami, ang pasyente ay nakokoma sanhi ng diyabetis.”— Encyclopædia Britannica.
[Kahon sa pahina 21]
Ano ba ang Diyabetis?
Ginagawang enerhiya ng ating katawan ang pagkain na ating kinakain para magamit natin ito. Ang sistemang ito ay kasinghalaga ng paghinga. Sa loob ng tiyan at ng mga bituka, ang pagkain ay tinutunaw upang gawing mas simpleng mga elemento, kasali na ang isang uri ng asukal, ang glucose. Ang asukal ay nagkakaroon ng reaksiyon sa lapay sa pamamagitan ng paggawa ng insulin, na siyang tumutulong upang makaraan ang asukal sa mga selula ng katawan. Pagkatapos, ang asukal ay maaaring sunugin upang gawing enerhiya.
Kapag ang isang tao ay may diyabetis, alinman sa ang lapay nito ay hindi gumagawa ng sapat na insulin o ang insulin ay hindi lubusang nagagamit ng kaniyang katawan. Bunga nito, ang asukal sa dugo ay hindi makaraan sa mga selula ng katawan para magamit. Ganito ang paliwanag ng aklat na Understanding Insulin Dependent Diabetes: “Ang asukal sa dugo kung magkagayon ay tumataas hanggang sa isang mataas na antas at napupunta sa bato tungo sa ihi.” Ang isang diyabetiko na hindi ginagamot ay makararanas ng madalas na pag-ihi at iba pang sintomas.
[Kahon sa pahina 21]
Type 1 na Diyabetis
Ang uring ito ng diyabetis ay dating kilala sa tawag na juvenile diabetes, yamang ito ang uri na kadalasa’y nasusuri sa mga bata at mga kabataang adulto. Subalit maaaring magkaroon nito ang isang tao anuman ang kaniyang edad. Bagaman ang sanhi ng diyabetis ay hindi pa alam, may ilang iba’t ibang salik na pinaniniwalaan ng ilan na nauugnay sa Type 1 na diyabetis:
1. Pagmamana (henetiko)
2. Autoimmunity (ang katawan ay nagiging alerdyik sa isa sa sarili nitong himaymay o uri ng selula—sa kasong ito ay sa lapay)
3. Dulot ng Kapaligiran (viral o kimikal)
Posible na napipinsala ng mga viral infection at iba pang salik ang mga selulang islet (ang mga grupo ng mga selula sa loob ng lapay kung saan ginagawa ang insulin). Habang parami nang parami ang nasisirang mga selulang islet, ang isang tao ay lalo namang nanganganib na magkadiyabetis.
Ang mga diyabetiko ay kakikitaan ng ilang sintomas:
1. Madalas na pag-ihi
2. Labis na pagkauhaw
3. Malimit na magutom; ang katawan ay gutom sa enerhiyang hindi niya nakukuha
4. Pagkabawas ng timbang. Kapag ang asukal ay hindi naihahatid ng katawan sa mga selula nito, sinusunog nito ang sarili nitong taba at protina para maging enerhiya, na nagbubunga naman ng pagkabawas ng timbang
5. Madaling mayamot. Kung ang diyabetiko ay madalas magising sa gabi dahil sa pag-ihi, hindi siya nakatutulog nang mahimbing. Nagbubunga ito ng pagbabago ng ugali
Sa Type 1 na diyabetis, ang lapay ay gumagawa lamang ng kaunting insulin o baka pa nga hindi na. Sa gayong mga kaso, dapat na magpasok ng insulin sa katawan, karaniwan nang sa pamamagitan ng iniksiyon (nasisira ang insulin sa tiyan kapag ito ay ininom).
[Kahon sa pahina 21]
Type 2 na Diyabetis
Hindi ito dapat ipagkamaling Type 1 na diyabetis, ito ay isang kalagayan na kung saan ang katawan ay hindi gumagawa ng sapat na insulin o hindi nito nagagamit nang mabisa ang insulin. Ito ang pinakakaraniwang uri sa mga adultong mahigit na sa 40 ang edad at kadalasa’y lumulubha ito nang unti-unti. May kaugnayan ang pagmamana sa sakit na ito, at kadalasan ay lumulubha ito dahil sa di-wastong diyeta o labis na timbang. Sa maraming kaso, maaaring gumamit ng pildoras, kahit sa pasimula man lamang, upang pasiglahin ang lapay na gumawa nang higit na insulin. Ang mga pildoras ay hindi insulin.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Panganib ng Diyabetis
Ang katawan ay nangangailangan ng gatong upang patuloy itong gumana. Kung hindi nito magagamit ang glucose, bumabaling ito sa mga taba at protina ng katawan. Subalit kapag sinusunog ng katawan ang taba, nabubuo ang mga produktong hindi kailangan na tinatawag na mga ketone. Ang mga ketone ay dumarami sa dugo at sumasama sa ihi. Dahil sa ang mga ketone na ito ay mas ma-acid kaysa sa malulusog na himaymay ng katawan, ang mataas na antas ng ketone sa dugo ay maaaring humantong sa isang malubhang kondisyon na tinatawag na ketoacidosis.
Mapanganib din sa isang diyabetiko kapag ang asukal sa kaniyang dugo ay bumaba pa sa karaniwang antas (hypoglycemia). Mararamdaman ng diyabetiko ang ganitong kondisyon dahil sa di-kasiya-siyang mga sintomas. Maaari siyang maliyo, mamawis, mapagod, magutom, mayamot, o malito o bibilis ang pintig ng kaniyang puso, lalabo ang kaniyang paningin, sasakit ang kaniyang ulo, makadarama ng pamamanhid, o pangingilig sa palibot ng bibig at mga labi. Maaari pa nga siyang magkombulsiyon o himatayin. Ang wastong diyeta at kontroladong pagkain ay madalas na makahahadlang sa gayong problema.
Kung ang mga sintomas na nakatala sa itaas ay maranasan, ang pagpapasok sa katawan ng mga simpleng asukal, marahil ay katas ng prutas o mga tabletang glucose, ay maaaring makapagbalik sa mas ligtas na dami ng asukal sa dugo hanggang sa maaari nang kainin ang iba pang pagkain. Sa malulubhang kaso, dapat na mag-iniksiyon ng glucagon. Ito ay isang hormone na nagpapasigla sa paglabas ng naimbak na asukal sa atay, na siya namang magtataas sa antas ng asukal sa dugo. Baka nanaisin ng magulang ng isang batang diyabetiko na ipabatid sa paaralan at drayber ng school bus ng bata o sa nagbibigay ng pangangalaga ang tungkol sa kalagayan ng bata.
[Kahon sa pahina 22]
Nagtatagal na mga Komplikasyon
Ang isang taong may diyabetis ay maaaring makaranas ng nagtatagal na mga komplikasyon, kabilang dito ang atake sa puso, istrok, mga problema sa mata, sakit sa bato, mga karamdaman sa paa o binti, at malimit na pagkakaroon ng impeksiyon. Ang mga komplikasyong ito ay sanhi ng pagkasira ng mga daluyan ng dugo, pagkasira ng mga nerbiyo, at kawalang-kakayahan na labanan ang mga impeksiyon. Gayunman, hindi lahat ng mga diyabetiko ay nagkakaroon ng ganitong nagtatagal na mga problema.
Ang pagpapanatiling nasa normal na antas ang dami ng asukal sa dugo ay maaaring makabalam o makabawas sa nakapipinsalang mga epekto ng ganitong mga komplikasyon. Bukod dito, ang pagpapanatiling nasa tamang antas ang timbang at ang presyon ng dugo gayundin ang hindi paninigarilyo ay maaaring maging napakabisang mga paraan upang mabawasan ang mga panganib. Ang diyabetiko ay kailangang mag-ehersisyo nang madalas, mamalagi sa isang wastong diyeta, at manatili sa kaniyang nakaresetang gamot.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pamilyang Herd