Paninindigang Matatag sa Ilalim ng Pananakop ng Nazi sa Netherlands
ITINATANGHAL ng United States Holocaust Memorial Museum (USHMM) ang pinakamalaking koleksiyon ng mga bagay-bagay at mga pelikula na nag-uulat sa mga krimeng ginawa ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Sapol nang buksan ang museo para sa publiko noong 1993, mga 12 milyong bisita na ang nakadalaw sa lalong napapabantog na eksibit na ito, na matatagpuan sa Washington, D.C.
Itinatanghal din ng museo ang ilang ulat tungkol sa matinding pag-uusig na dinanas ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng rehimeng Nazi. Bukod pa sa mga limitadong permanenteng eksibit, itinanghal ng USHMM ang isang serye ng pantanging mga programa tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Itinampok ng mga programang ito ang espesipikong mga halimbawa ng pagbabata at integridad sa bahagi ng mga Saksi ni Jehova. Noong Abril 8, 1999, pinangasiwaan ng museo ang isang pantanging presentasyon na pinamagatang “Ang mga Saksi ni Jehova sa Netherlands sa Ilalim ng Pananakop ng mga Nazi.” Ginanap ito sa dalawang malalaking awditoryum ng museo.
Pinasimulan ang programa sa pamamagitan ng pambungad na pananalita ni Bb. Sara Jane Bloomfield, punong direktor ng USHMM. Ipinahayag ni Bb. Bloomfield ang isang taimtim na interes sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Sa isang pakikipanayam sa Gumising!, ipinaliwanag niya na isang malaking pagsisikap ang ginagawa upang pasulungin ang kabatiran ng publiko sa integridad ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng pag-uusig. “Ang mga pangyayaring tulad nito,” ang sabi niya, “ay iniaanunsiyo sa paraang katulad ng ginawa sa lahat ng iba pang mahahalagang programa na ginanap sa museo.”
Maraming istoryador ang presente at nakibahagi sa programa nang gabing iyon. Isa sa kanila ay si Dr. Lawrence Baron, propesor ng makabagong kasaysayan ng mga Aleman at Judio sa San Diego State University. Sa kaniyang diskurso, sinabi ni Dr. Baron na “kahanga-hanga ang pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova sa anumang pakikipagsabuwatan sa Third Reich.” Binanggit niya na ang mga Saksi ay “higit na nanalig sa Diyos kaysa sa mga kahilingan ng estadong Nazi. Minalas nila ang debosyon sa pamumuno ni Hitler bilang isang sekular na anyo ng pagsamba at tumangging tangkilikin ang pagluwalhati sa kaniya sa pamamagitan ng pag-uukol ng saludong Nazi o sa pagsasabi ng, ‘Heil Hitler.’ . . . Yamang iniutos ng Diyos sa kanila na ibigin ang kanilang kapuwa at huwag patayin ang iba, tumanggi silang maglingkod sa hukbo . . . Nang utusan ng Third Reich na ihinto ang pagdaraos ng kanilang mga relihiyosong serbisyo, ang mga Saksi ay karaniwang tumutugon ng, ‘Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.’” Dahil dito, maraming Saksi mula sa iba’t ibang bansa sa Europa ang dinala sa mga kampong piitan, pinahirapan, at pinatay pa nga.
Inanyayahan ng USHMM ang mga mananaliksik na Olandes at ang isang grupo ng mga nakaligtas sa Holocaust upang maglaan ng mga halimbawa ng pag-uusig ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova sa Netherlands. Noong Mayo 29, 1940, di-nagtagal matapos sakupin ng mga Nazi ang Netherlands, ang mga Saksi ni Jehova, na may bilang na mga 500, ay ipinagbawal sa bansang iyan. Sa mga sumunod na buwan, daan-daang mga Saksi ang inaresto. Sa pagsisikap na makuha ang mga pangalan ng iba pang mga Saksi, pinahirapan ng mga awtoridad ang mga naaresto. Sa katapusan ng digmaan, mahigit sa 450 Saksi ang naaresto. Sa mga ito, mahigit na 120 ang namatay bunga mismo ng pag-uusig.
Ipinaliwanag ng isang mananaliksik na Olandes na ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Netherlands ay nagtataglay sa mga artsibo nito ng “mahigit sa 170 panayam na naka-video at 200 nakasulat na mga talambuhay ng mga Saksi ni Jehova sa Netherlands na nakaligtas sa Holocaust. Ipinakikita ng lahat ng ito na ang nag-udyok sa mga Saksi ay ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa.”
Idiniin ng ilang tagapagsalita ang bagay na di-tulad ng ibang mga grupong pinag-usig ng mga Nazi, karamihan sa mga Saksi ni Jehova ay nakapagtamo sana ng kanilang kalayaan sa pamamagitan lamang ng paglagda sa isang deklarasyon na nagtatakwil sa kanilang paniniwala. Gayunman, kapuwa ang mga tagapagsalita at yaong mga kinapanayam ay nagpaliwanag na ang nakararaming mga Saksi ay gumawa ng isang makatuwiran at may lubos na kabatirang pagpili na tumanggap ng pag-uusig sa halip na makipagkompromiso. Ang ilang indibiduwal ay lumagda dahil sa gusto nilang tapusin na ang kanilang pakikisama sa mga Saksi ni Jehova.
May ilan na lumagda sa deklarasyon dahil sa kalituhan. Hindi nilayon ng mga ito na talikdan ang kanilang anyo ng pagsamba. Nadama ng ilan na makatuwiran naman kung ibabatay sa moral na linlangin ang kanilang mga tagausig upang makalaya at makabalik sa kanilang gawaing pangangaral. Sa paano man matapos ang kanilang paglaya, natanto nila na anuman ang kanilang mga motibo, ang paglagda sa deklarasyon ay mali.
Ang kanilang maling pasiya ay hindi nagbunga ng ostrasismo. Nang sila’y magsibalik sa kanilang mga tahanan at kongregasyon, nakatanggap sila ng espirituwal na tulong. Isang liham mula sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Netherlands, na may petsang Hunyo 1942, ang nagpasigla sa mga Saksi sa lupaing iyan na unawain ang mga kalagayan na umakay sa ilan upang lagdaan ang deklarasyon at pakitunguhan sila nang may kaawaan. Bagaman ang pananakop ng Nazi ay umiiral pa rin noon, di-nagtagal at ang dating mga bilanggong ito ay muling nakibahagi sa gawaing pangangaral, at ito ay sa kabila ng malaking panganib. Ang ilan ay inaresto sa ikalawang pagkakataon. Ang isa sa kanila ay pinatay pa nga dahil sa pagtangging makibahagi sa mga gawaing militar.
Sa kabila ng labis-labis na paghihirap at mga taon ng pag-aalala at mapanganib na patagong paggawa, ang mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay lumago sa bilang mula sa mga 500 noong 1940 tungo sa mahigit na 2,000 nang magwakas ang pamamahala ng Nazi noong 1945. Ang kanilang tibay ng loob at determinasyon na sundin ang Diyos ay nagsisilbing isang malaking patotoo hanggang sa araw na ito.
[Larawan sa pahina 25]
Kinakausap ng mga mananaliksik ang nagkatipong grupo
[Larawan sa pahina 25]
Isang pakikipanayam sa mga Olandes na nakaligtas sa Holocaust