Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Nasa Likod ng Pangkukulam?
“MANGKUKULAM.” Ano ang naguguniguni mo sa salitang iyan? Mga larawan ng mga babaing hukluban na nanggagaway o ng mga babaing imoral na kasapakat ni Satanas? Kabaligtaran sa karaniwang paglalarawan, maraming modernong nagpapakilalang mangkukulam ang sa wari’y gaya ng mga ordinaryong tao lamang. Ang ilan ay mga iginagalang na mga propesyonal, tulad ng mga abogado, guro, manunulat, at mga nars. Muling sumigla ang mga kilusang relihiyoso sa buong daigdig na wari’y patungo na sa okultismo, gaya ng mga relihiyong pangkalikasan at neopaganismo.a “Saan ka man pumunta sa Russia sa ngayon, ang pangkukulam ay bahagi na ng buhay sa araw-araw,” ang sabi ng isang pulis sa bansang iyon. Ang Estados Unidos ay pinamamahayan ng mga 50,000 hanggang 300,000 mangkukulam, o mga “Wiccan,”b gaya ng tawag ng ilan sa kanilang sarili.
Ang salitang “mangkukulam” sa ngayon ay karaniwan nang ginagamit nang may kalayaan at maaaring mangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao. Ang paglago ng pangkukulam sa kasalukuyan ay waring pangunahin nang may kaugnayan sa isang katangian ng pagsamba sa diyosa, na relihiyong salig sa kalikasan na may matatag na paniniwala sa kapangyarihan ng isip. Ang ilang mangkukulam ay nagsosolo—isinasagawa nila ang kanilang mga ritwal nang nag-iisa, na nagmamatyag sa pagbabago ng mga panahon, hugis ng buwan, at iba pang kababalaghan sa kalikasan. Ang iba naman ay sumasamba at nanggagaway nang grupu-grupo, na karaniwan nang isang pangkat ng 13 mangkukulam.
Totoo na sa Kanluran, ang pagkaunawa ng publiko ngayon tungkol sa pangkukulam ay may malaking pagkakaiba sa mga saloobing naging dahilan ng pagsunog sa mga mangkukulam noong Edad Medya. Gayunman, manaka-naka, sumisilakbo pa rin ang walang-pakundangang karahasan laban sa mga mangkukulam. Halimbawa, sa pagsisimula ng Oktubre 1998 sa Indonesia, pinagpapatay ng mga de-itak na mga gang ang mahigit sa 150 katao na hinihinalang mga mangkukulam. Sa Timog Aprika, mahigit sa 2,000 kaso ng karahasan laban sa mga mangkukulam, kabilang na ang 577 pagpatay, ang iniulat sa pagitan ng 1990 at 1998. Sa harap ng gayong dalawang pagmamalabis—sa pagitan ng pagiging interesado sa pangkukulam at ng pagkapoot sa mga mangkukulam—ano ang dapat na maging pangmalas ng mga Kristiyano sa bagay na ito?
Mga Pangangailangang Di-Natustusan
Ano ang nagtulak sa mga tao upang magsagawa ng modernong pangkukulam? Inaangkin nila na ang isang dahilan ay ang pagpipitagan sa kalikasan at buhay. Sa katunayan, ang ilan ay nasasabik na ipaliwanag na hindi naman kabilang sa kanilang pagsamba ang paghahain ng mga hayop sa kanilang mga ritwal. Sinasabi naman ng iba na sila’y pahapyaw na nakikibahagi sa pangkukulam bilang bahagi ng paghahanap sa mga taong kanilang mapagtatapatan, mapagkakatiwalaan, at makakausap hinggil sa mga bagay na pang-espirituwal. “Lahat ng kakilala ko sa paganong kilusan ay napakapalakaibigan at tapat . . . Sila’y mahuhusay na tao,” sabi ng isang modernong mangkukulam. At marami ang nagkakailang sila’y may anumang pakikipag-ugnayan kay Satanas, anupat tumitiyak na walang masamang diyos sa kayarian ng kanilang relihiyon.
Para sa marami sa kanila, ang pangunahing dahilan ng pagiging mangkukulam ay dahil sa pagkadama ng pangungulila sa espirituwal at kawalan ng kasiyahan sa pangunahing mga relihiyon. Patungkol sa kaniyang pangkat, ganito ang sinabi ni Phyllis Curott, isang mataas na saserdoteng babaing Wiccan: “Kaming lahat ay hindi nasisiyahan sa mga turo at gawain ng mga relihiyong aming kinagisnan.” Sinisikap ng mga modernong mangkukulam, paliwanag ni Curott, na sagutin ang mga tanong na gaya ng, ‘Paano natin madidiskubreng-muli ang sagrado?’ Subalit ang pangkukulam ba ang landas tungo sa tunay na espirituwalidad?
Tunay na Espirituwalidad—Mula Saan?
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na si Jehova ang tanging tunay na Diyos at ang Pansansinukob na Soberano. (Awit 73:28; 1 Pedro 1:15, 16; Apocalipsis 4:11) Inaanyayahan niya ang mga tao na hanapin siya “at talagang masumpungan siya.” (Gawa 17:27) Kung gayon, matatamo lamang ang tunay na espirituwalidad sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” paniniyak sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Santiago.—Santiago 4:8.
Gayunman, ang Salita ng Diyos ay nagbababala laban sa masamang pinagmumulan ng balakyot na espirituwalidad. (1 Juan 4:1) Ipinakikilala nito si Satanas na Diyablo, ang pusakal na kaaway ni Jehova, at ang kaniyang mga demonyo bilang pinagmumulan ng karamihan sa maling espirituwalidad na laganap sa ngayon.c Ayon sa Bibliya “binulag [ni Satanas] ang isipan” ng marami. Talagang ‘inililigaw niya ang buong tinatahanang lupa,’ pati na yaong mga kasangkot sa pangkukulam—angkinin man nilang sumasamba sila sa Diyablo o hindi. Bakit gayon?—2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9.
Kapuna-puna ang pagkakahawig ng marami sa mga gawain at mga ritwal na kaugnay sa modernong pangkukulam sa mapanganib na mga aspekto ng Satanismo. Kaya nga, kahit ang diumano’y inosenteng pag-uusisa ay madaling humantong sa okultismo. Sa katunayan, marami na ang nahulog sa masamang impluwensiya ni Satanas sa paraang ito.
Hindi dapat ipagwalang-bahala ang katotohanan na kung minsan ang mga nagsasagawa ng modernong pangkukulam ay naaakit dito sapagkat hangad nila ang kapangyarihan o paghihiganti. “May mga taong tumatawag sa kanilang mga sarili na mga mangkukulam at ginagamit iyon sa napakasamang layunin,” sabi ni Jennifer, isang modernong mangkukulam. Anuman ang pangyayari, kapuwa ang mabait at mapaghiganting mangkukulam ay nanganganib na ganap na makontrol ni Satanas at ng mga demonyo. Maaaring itinatanggi ng ilang mangkukulam ang pag-iral ng gayong balakyot na espiritung persona, subalit lalo lamang silang nagiging madaling malinlang ng mga ito.—Ihambing ang 1 Corinto 10:20, 21.
Hinahatulan ng Bibliya ang panghuhula, panggagaway, pagmamahika, pangkukulam, at anumang pagtatangkang makipag-usap sa mga patay. Maliwanag nitong sinasabi: “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Mangyari pa, determinado ang mga Kristiyano na ‘gumawa ng mabuti sa lahat,’ at marami na silang natulungan sa kanilang ministeryo na makatakas sa lahat ng anyo ng espiritismo. (Galacia 6:10; Gawa 16:14-18) Sa kabila nito, umiiwas ang tunay na mga Kristiyano sa anumang pakikisangkot sa huwad na pagsamba, kasali na ang anumang anyo ng pangkukulam.—2 Corinto 6:15-17.
[Mga talababa]
a Ang terminong “relihiyong pangkalikasan” ay tumutukoy sa paniniwalang ang lupa at ang lahat ng nabubuhay na bagay ay bahagi ng pagkadiyos at may magkakatulad na puwersa ng buhay; ang “neopaganismo” naman ay tumutukoy sa pagsamba sa mga diyos bago ang panahong Kristiyano.
b Ang mga Wiccan ay mga tagasunod ng Wicca, na “isang paganong relihiyong pangkalikasan na nag-ugat sa kanluraning Europa bago ang panahong Kristiyano,” ayon sa The American Heritage College Dictionary.
c Ang mga serye ng “Ang Pangmalas ng Bibliya” sa Gumising! ay sumagot sa mga tanong na gaya ng “Talaga Bang Mayroong Diyablo?” (Enero 8, 1990, pahina 12-13) at “Totoo ba ang mga Demonyo?” (Abril 8, 1998, pahina 18-19).
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Picture Book of Devils, Demons and Witchcraft/Ernst and Johanna Lehner/Dover