Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 12/8 p. 16-17
  • Kalugud-lugod na Duwetong Mang-aawit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kalugud-lugod na Duwetong Mang-aawit
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bell Bird
  • Habambuhay na Magkapareha
  • Sumisipol Habang Sila’y Nagtatrabaho
  • Awit ng Ibon—Isa Lamang Magandang Himig?
    Gumising!—1993
  • Ibon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nakikilala Mo ba ang Awit na Iyan?
    Gumising!—1999
  • Mga Ibong Umaawit—Mga Virtuoso na Humahamon sa Unawa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 12/8 p. 16-17

Kalugud-lugod na Duwetong Mang-aawit

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

MAGKAHARAP ang dalawang manganganta, handa na sa kanilang pagtatanghal. Ang pangunahing mang-aawit ay bahagyang yumukod at nagpalabas ng isang malambing at malinaw na himig na buung-buo at nasa tono anupat ito ay sumasaliw sa simoy ng hangin sa umaga hanggang sa malayo. Pagkatapos ay mahinhin namang yumukod ang pangalawahing mang-aawit at, eksaktung-eksakto sa tiyempo, nagpalabas ito ng gayunding kalambing na himig na mas mataas ng isang oktaba. Nang ang duweto ay sumigla na at lumakas, ang dalawang boses ay nagsimulang maging waring iisa. Pigil ang aking hininga sa pakikinig nang may kasiyahan at humanga ako sa kanilang hasáng-hasâ na kasanayan at sa kalidad ng kanilang boses.

Ang malabirtusong pagtatanghal na ito ay hindi ginanap sa isang punung-punong bulwagang pansimponiya. Sa halip, ginampanan ito sa isang sanga ng punungkahoy malapit sa aming tahanan dito sa Kenya​—ng dalawang ibon. Nang matapos ang kanilang awit, ang mabalahibong mga nagtanghal ay tumayo nang tuwid, ibinuka ang kanilang mga pakpak, at saka lumipad.

Madalas sabihin na “birds of a feather flock together” (“ang mga ibon na magkakapareho ang balahibo ay nagsasama-sama”). Gayunman, kapansin-pansin na ang ilang ibon ay waring nasisiyahan ding umawit nang sama-sama​—at gayon na lamang kaeksakto ang kanilang tiyempo! Napakaganda ng armonya ng gayong duwetong pag-awit anupat kung hindi mo nakikita ang mga ibon, malimit na imposibleng matiyak ng tagapakinig na dalawang magkaibang ibon pala ang gumagawa ng musika! Maging ang mga siyentipiko ay nalinlang. Kaya naman, tanging nito lamang kalilipas na mga panahon nalaman na ang duwetong pag-awit ay isang kagawian ng mga ibon.

Ang Bell Bird

Halimbawa, ang boubou sa tropiko ay lalo nang napakahusay magtanghal. Masusumpungan sa kontinente ng Aprika, ito ay may natatanging awit na parang tunog ng plawta na kadalasan ay nakakahawig ng taginting ng dalawang piraso ng metal na pinagpipingki. Kaya ito ay karaniwan nang tinatawag na bell bird (ibong kampana). Ang boubou ay kaakit-akit na napapalamutian ng makintab na itim na tuktok, batok, at mga pakpak. Ang tulad-niyebeng kaputian ng mga balahibo nito sa dibdib at ang puting guhit sa pakpak ay gumagawa ng napakagandang pagkakaiba. Ang mga boubou ay palaging nakikita na pares-pares, at magkatulad ang mga guhit at kulay ng babae at ng lalaki.

Sinumang naglalakad sa malabay na kagubatan o mga palumpong ay makababatid sa presensiya ng mga boubou bago pa makita ang mga ito. Ang lalaki ay madalas magpalabas ng tatlong sunud-sunod na tulad-kampanang huni. Ang mga ito ay karaka-rakang sinasagot ng babae sa pamamagitan ng isang paos na kweee. Kung minsan ay nagpapalabas ang isang ibon ng walang-patid na sunud-sunod na huni habang sinasaliwan naman ito ng kapareha nito ng iisang tono​—isang malambing na tono na umaalinsabay sa indayog ng awitin nang walang anumang maririnig na paghinto.

Kung paanong eksaktong nagagawa ang ganitong koordinasyon ay hindi lubusang maintindihan ng mga siyentipiko. Iniisip ng ilan na, sa ilang kalagayan sa paanuman, maaaring ito ay dahilan lamang sa “practice makes perfect,” wika nga ng iba. Ang lalaki at babae ay magkasabay na umaawit araw-araw, kung kaya nakakamit ang mataas na kalidad ng tiyempo sa kanilang pagtatanghal.

Kapansin-pansin din, ang mga boubou ay waring may “puntó” na nagkakaiba ayon sa lugar. Lumilitaw na ito ay bunga ng kanilang pagtulad sa mga tunog sa dakong kinaroroonan nila o sa ibang awit ng mga ibon. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na pagkopya sa boses. Bunga nito, ang mga awit ng mga boubou na naririnig sa mapalumpong na kaparangan ng Timog Aprika ay maaaring ibang-iba sa mga naririnig sa Great Rift Valley ng Silangang Aprika.

Habambuhay na Magkapareha

Sa aklat na The Trials of Life, ganito ang sabi ni David Attenborough: “Nakaaantig na malaman na ang mga magkaduwetong pares, bilang tuntunin, ay nananatiling magkasama sa paglipas ng panahon, kung hindi man habambuhay.” Ano kaya ang sanhi ng matibay na buklod na ito? Ganito ang idinagdag ni Attenborough: “Palibhasa’y natutuhan na ang paraan, sinasanay rin nila ito bilang paraan ng pagpapatibay sa buklod nila, anupat inaawit ang kanilang mahihirap na duweto kahit habang nakadapong magkatabi sa isang sanga; at kung minsan, kapag wala ang kapareha, aawitin ng nag-iisang ibon ang buong detalyadong melodya anupat pinupunan ang kulang na bahagi nito.”

Ang mga awit ay maaari ring makatulong sa mga ibon upang matukoy ang kinaroroonan ng bawat isa sa malabay na pananim. Kapag gustong malaman ng lalaki ang kinaroroonan ng kaniyang kapareha, magpapalabas siya ng sunud-sunod na malambing na huni, at ang babae ay aalinsabay, bagaman ito ay maaaring nasa malayo. Ang kanilang tiyempo ay eksaktung-eksakto anupat waring naiplano na nang patiuna ang kanilang pagtatanghal.

Sumisipol Habang Sila’y Nagtatrabaho

Nasisiyahan ka bang magtrabaho sa saliw ng musika? Buweno, lumilitaw na nasisiyahan din ang mga ibon. Ang aklat na The Private Life of Birds, ni Michael Bright, ay nagsasaad na ang mga awit ng ibon ay nakapagpapasigla sa katawan ng kanilang mga tagapakinig na ibon, anupat sinabi nito na matapos marinig ang mga awit ng ibon, “ang pintig ng puso kapuwa ng mga lalaki at mga babae ay bumibilis.” Bukod dito, ang ilang babaing ibon ay “mas mabilis gumawa ng mga pugad” at “saka nangingitlog nang mas marami” kapag nakapakinig ng mga awit ng lalaking ibon.

Walang alinlangan na magpapatuloy ang mga siyentipiko sa pagtuklas ng kawili-wiling mga bagay tungkol sa duwetong mang-aawit, gaya ng boubou sa tropiko. Subalit anumang kapaki-pakinabang na kahalagahan ang taglay ng kanilang kasiya-siyang mga awitin, huwag nating kalilimutan na nagsasakatuparan din ang mga ito ng isa pang mas dakilang layunin. Nagdudulot ang mga ito ng kaluguran sa mga tainga ng mapagpahalagang mga lalaki at babae! Walang alinlangan, ang gayong makapigil-hiningang musika ay nagtutulak sa atin na purihin ang Maylalang ng “mga ibon sa langit.”​—Awit 8:8.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share