Mula sa Buhay na Batbat ng Krimen Tungo sa Buhay na Lipos ng Pag-asa
AYON SA SALAYSAY NI COSTA KOULLAPIS
NAKATITIG AKO SA MARUMING PADER NG AKING SELDA AT NAPAGWARI KONG KAILANGAN KONG GUMAWA NG PARAAN UPANG MAGKAMAL NG MALAKING HALAGA NG SALAPI NANG SA GAYON AY MABAGO KO ANG KINASADLAKAN KONG PAMUMUHAY NA BATBAT NG KRIMEN AT MAKAPAGBAGONG BUHAY.
HABANG nakaupo ako roon—kahabag-habag at namimighati—nagunita kong sa loob ng nagdaang taon, 11 sa aking mga kaibigan ang namatay. Ang isa ay binitay dahil sa pamamaslang, ang isa naman ay nagpakamatay habang naghihintay ng paglilitis dahil sa pagpaslang, tatlo ang nasobrahan sa droga, dalawa ang binugbog hanggang sa mamatay sa isang sagupaan sa kalye, at apat ang namatay naman dahil sa mga aksidente sa sasakyan. Gayundin, ilan sa aking iba pang kaibigan ay nasa iba’t ibang bilangguan na nasentensiyahan dahil sa malulubhang krimen.
Kaya sa loob ng mapanglaw kong selda, buong-taimtim akong nanalangin sa Diyos, sinuman siya, na ipakita sa akin ang daang palabas sa daigdig na ito ng krimen. Lumipas pa ang ilang panahon bago nasagot ang panalangin kong iyan. Samantala, nalusutan ko ang maselan na paratang na malubhang pag-atake na may intensiyong maminsala nang husto sa pisikal. Nakatulong ang negosasyon hinggil sa pag-amin ng kasalanan, anupat napagaan ang paratang sa akin at napababa ang aking sentensiya. Ngunit hayaan mong ipaliwanag ko muna kung paano ako napasadlak sa problemang iyan.
Ipinanganak ako sa Pretoria, Timog Aprika, noong 1944 at doon na ako lumaki. Malungkot ang aking kabataan, at ang aming buhay bilang isang pamilya ay madalas na pinahihirapan ng marahas na pagsilakbo ng galit ni Itay, na pinalulubha ng kaniyang madalas na paglalasing. Isa rin siyang pusakal na sugarol, at siya’y napakasumpungin anupat kaming lahat ay labis niyang inaabuso sa salita at sa pisikal na paraan, lalo na ang aking ina. Para matakasan ang malimit na awayan, tumira ako sa kalye.
Ang Aking Landas Patungo sa Krimen
Bilang resulta, nasanay ako sa kamunduhan sa napakamurang edad. Halimbawa, pag-edad ko ng walong taóng gulang, natutuhan ko ang dalawang leksiyon. Ang una ay nang mahulihan ako ng mga laruang ninakaw ko sa isang kapitbahay. Bugbog-sarado ako sa aking ama. Parang naririnig ko pa ang pagalit niyang banta: “Kapag nahulihan kita uli ng mga nakaw na bagay, pipilipitin ko ang leeg mo!” Ang ipinasiya ko’y hindi ang bagay na hindi na ako muling magnanakaw kailanman kundi hindi na ako muling pahuhuli kailanman. ‘Sa susunod ay itatago ko na iyon at hindi na iyon matutuklasan pa,’ sabi ko sa aking sarili.
Ang ikalawang leksiyon na natutuhan ko noong ako’y medyo bata pa ay iba naman. Sa isang klase sa paaralan hinggil sa Kasulatan, itinuro sa amin ng aming guro na ang Diyos ay may personal na pangalan. “Ang pangalan ng Diyos ay Jehova,” sabi niya na ikinagulat namin, “at pakikinggan niya ang anumang panalanging sasambitin ninyo, basta hihilingin ninyo ang panalangin sa pangalan ng kaniyang Anak, si Jesus.” Iyon ay tumimo nang husto sa aking murang isipan, bagaman hindi nito napahinto ang aking pagpapatangay sa isang buhay na batbat ng krimen. Talagang naging eksperto ako sa pang-uumit sa tindahan at panloloob pagsapit ko ng haiskul. Hindi ako natulungan ng aking mga kaibigan sa paaralan, yamang marami sa kanila ang nakagugol na rin ng panahon sa mga repormatoryo dahil sa iba’t ibang krimen.
Sa paglipas ng mga taon, kinaugalian ko na ang pagiging kriminal. Nasangkot ako sa di-mabilang na panghaharang, panloloob, pagnanakaw ng kotse, at mararahas na pag-atake bago pa man ako lumampas sa aking pagiging tin-edyer. Palibhasa’y nagbababad ako sa mga bilyaran at mga bar, utusan ng mga bugaw, mga nagbibili ng aliw, at mga kriminal, ni hindi ko man lamang natapos ang aking unang taon sa technical haiskul.
Nakipagbarkada ako sa mga pusakal na kriminal, na hindi nag-aatubiling lumpuhin ang sinumang magpapahamak sa kanila. Natutuhan ko na mas makabubuti kung ititikom ko ang aking bibig at hindi ipagmamalaki ang aking mga nagawa o ipagmamayabang ang pera kung kani-kanino. Ang paggawa nito ay magsisilbing pagbabando na may nagawa kang krimen, na maaaring umabot sa kaalaman ng mga pulis at sa mahihirap na pagtatanong. Mas masama pa, baka humantong iyon sa di-inaasahang pagdating ng ibang mga kriminal, na humihingi ng balato sa ninakaw.
Gayunman, sa kabila ng mga pag-iingat na iyon, paminsan-minsan ay sinusubaybayan pa rin ako ng mga pulis dahil sa paghihinalang ako’y kasangkot sa ilegal na mga gawain. Ngunit nag-ingat ako na huwag kakitaan ng anumang bagay na magsasangkot sa akin sa isang krimen o magdadawit sa akin dito. Minsan, nilusob ng mga pulis ang aming tahanan nang alas tres ng umaga. Makalawang ulit nilang hinalughog ang buong bahay namin, na ang hanap ay mga de-kuryenteng kagamitan—ninakawan ng mga paninda ang isang lokal na wholesaler. Wala silang nakita. Dinala ako sa istasyon ng pulisya para kunan ng fingerprint pero hindi ako pinapanagot.
Pagkakasangkot sa Droga
Pag-edad ko ng 12, regular na akong gumagamit ng mga drogang nagpapatuliro ng isip. Naapektuhan ng pang-aabusong ito ang aking kalusugan, at sa ilang pagkakataon ay halos masobrahan ako ng gamot. Hindi nagtagal, ipinakilala ako sa isang doktor na may malakas na koneksiyon sa masasamang-loob. Humantong ito sa aking pagiging dealer ng droga, at di-naglaon ay natutuhan ko na ang pagsusuplay sa ilang ahente ay hindi gaanong mapanganib para sa akin dahil labas na ako sa eksena habang ang iba ay nakasuong sa panganib.
Nakalulungkot, ilan sa aking mga ka-deal sa droga ay nasobrahan sa gamot at namatay o kaya’y nakagawa ng malulubhang krimen habang nasa impluwensiya ng droga. Isang “kaibigan” ang pumaslang sa isang kilalang doktor. Naging ulo ito ng balita sa buong bansa. Pagkatapos ay sinikap niyang isangkot ako, pero wala akong kaalam-alam sa pangyayari hanggang sa dumating ang mga pulis sa aming bahay. Sa katunayan, madalas dumating ang mga pulis at nagtatanong sa akin tungkol sa iba’t ibang krimen na nagaganap.
Gayunman, isang araw, nakagawa ako ng isang bagay na napakahangal. Matapos ang isang linggong pagdodroga at paglalasing, sinalakay ko ang dalawang tao bunga ng galit dahil sa di-pagkakaunawaan at nasaktan ko sila nang husto. Kinaumagahan, isinuplong nila na ako ang nanakit sa kanila, at ako’y inaresto sa salang pananalakay na may intensiyong manakit nang husto. Iyan ang dahilan ng pagbagsak ko sa bilangguan.
Magpayaman, Saka Magpakatino
Paglabas ko sa bilangguan, nabalitaan kong may bakanteng puwesto para sa tagakontrol ng mga kalakal sa isang kompanya ng gamot. Nag-aplay ako at nakumbinsi ko ang amo na kuwalipikado ako sa trabahong iyon. Dahil sa rekomendasyon ng isang kaibigan na nagtatrabaho na sa kompanya, natanggap ako. Inakala kong ito na ang aking pagkakataon na makapagkamal ng maraming salapi at pumunta sa ibang lugar upang doon magpanibagong buhay. Kaya sinikap kong matutuhan agad ang pasikut-sikot ng negosyo at pinagpupuyatan ko gabi-gabi ang pag-aaral sa mga pangalan ng lahat ng gamot. Natitiyak kong ito na ang magiging daan tungo sa panibagong buhay.
Ang plano ko’y maghintay ng panahon at makuha ang pagtitiwala ng aking mga amo. Pagkatapos, kapag nagkaroon ng pagkakataon, sasalisi ako at magnanakaw ng napakaraming partikular na gamot na alam kong napakamahal sa black market, ibebenta ko ang mga ito, at biglang yaman na ako. Naipakana ko na rin ang inaakala kong di-mapasusubaliang katuwiran upang makalusot ako at makapagpanibagong buhay.
Dumating na ang panahon para isakatuparan ang aking balak. Isang gabi, matapos kong mapasok ang bodega, tiningnan ko ang mga istanteng punô ng mga gamot na nagkakahalaga ng daan-daang libong dolyar. Nakita ko roon ang aking pagkakataon na magpanibagong buhay na ligtas sa krimen at karahasan. Subalit, sa kauna-unahang pagkakataon, inusig ako ng aking budhi. Ano kaya ang dahilan ng biglang pagkatigatig na ito ng aking budhi gayong halos limot ko nang may budhi pala ako? Hayaan mong ikuwento ko sa iyo kung paano nangyari ito.
Ilang linggo bago nito, nagkausap kami ng aking manedyer tungkol sa kahulugan ng buhay. Bilang tugon sa kaniyang sinabi, sumagot ako na bilang huling paraan, ang isa ay makapananalangin. “Kanino?” tanong niya. “Sa Diyos,” sagot ko. “Ngunit maraming diyos na dinadalanginan ng mga tao,” sabi niya, “kaya sino sa kanila ang dadalanginan mo?” Sabi ko: “Sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat.” “A, ganoon,” patuloy niya, “at ano naman ang kaniyang pangalan?” “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ko. “Buweno, gaya nating dalawa at ng sinuman, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay may personal na pangalan,” sagot niya. May katuwiran nga naman iyon, pero naiinis na ako. Kaya nagtanong ako na may pagkainis: “E, ano naman ang pangalan ng Diyos?” “Ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay Jehova!” sagot niya.
Biglang bumukas ang nakaraan na parang isang kurtina, at ang alaala ng leksiyong iyon sa silid-aralan noong ako’y walong taóng gulang pa lamang ay pawang nanumbalik. Laking gulat ko, napakaganda ng datíng sa akin ng pakikipag-usap na iyon sa manedyer. Matagal kaming nakaupo habang nawiwili sa isang seryosong usapan. Kinabukasan, dinalhan niya ako ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.a Binasa ko ang buong aklat nang gabing iyon at agad akong nakumbinsi na natagpuan ko na ang katotohanan at ang tunay na kahulugan ng buhay. Nang sumunod na dalawang linggo, wala na kaming ibang ginawa kundi ang pag-usapan ang iba’t ibang paksa mula sa kahanga-hangang asul na aklat na iyon.
Kaya naman, habang ako’y nakaupo sa madilim at tahimik na bodega, ibinubulong ng aking budhi na ang aking balak na pagnanakaw at pagbebenta ng mga gamot ay pawang mali. Tahimik akong umalis at umuwi, taglay ang pasiyang mula sa araw na iyon ay hindi na ako magnanakaw.
Isang Lubusang Pagbabago
Nang sumunod na mga araw, sinabi ko sa aking pamilya na nagpasiya na akong magbagong buhay, at sinimulan kong ibahagi sa kanila ang ilan sa mga katotohanan sa Bibliya na aking natutuhan. Gusto akong palayasin ng aking ama sa bahay. Ngunit ipinagtanggol ako ng aking kapatid na si John, na nagsabi sa aking ama: “Ngayon lamang nangyari sa kaniyang buhay na si Costa ay masangkot sa isang bagay na walang kinalaman sa krimen, at pagkatapos ay palalayasin pa ninyo siya? Gusto ko pang malaman ang bagay na ito.” Laking tuwa ko nang hilingin sa akin ni John na pagdausan ko siya ng pag-aaral sa Bibliya. Mula noon, lahat ng pumupunta sa akin na naghahanap ng droga ay tumatanggap na lamang ng isang aklat na Katotohanan! Di-nagtagal ay nagdaraos na ako ng 11 pag-aaral sa Bibliya sa tulong ng aklat na iyan.
Pagkaraan ay napag-alaman kong hindi naman pala Saksi ang manedyer ng kompanya. Ang kaniyang asawa ay mga 18 taon nang Saksi, ngunit hindi “siya kailanman nagkaroon ng pagkakataon na pagkaabalahan ang hinggil sa katotohanan.” Kaya isinaayos niya na isang makaranasang Saksi ang magdaos sa akin ng regular na pag-aaral sa Bibliya. Di-nagtagal ay natulungan ako ng aking pag-aaral na maunawaan ang pangangailangang harapin ang iba pang mga suliranin sa buhay, at di-naglaon ay napalaya ako ng katotohanan ng Salita ng Diyos mula sa mga daan ng sanlibutan.—Juan 8:32.
Gayunman, bigla akong nakaramdam ng pangamba sa bilis ng mga pangyayari sa loob lamang ng ilang linggo. Napaharap ako sa malalaking pagbabago, at napagtanto ko na isang malaking labanan sa pagitan ng laman at ng espiritu ang naghihintay sa akin kung itutuloy ko ang pagtahak sa direksiyong itinuturo sa akin ng aking mga pag-aaral sa Bibliya. Sa kabilang banda, napagtanto ko na maaaring kamatayan, o sa paanuman ay pagkabulok sa bilangguan, ang naghihintay sa akin kung itutuloy ko naman ang uri ng pamumuhay na ginagawa ko hanggang sa pagkakataong iyon. Kaya matapos ang matamang pag-iisip at taimtim na pananalangin, ipinasiya kong sundin ang daan ng katotohanan. Sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig pagkalipas ng anim na buwan, noong Abril 4, 1971.
Mga Gantimpala ng Pagpapakatino
Sa aking pagbabalik-tanaw, hindi ko mapigil ang aking damdamin habang pinagwawari ko ang mga pagpapalang natamasa ko mula nang magpasiya akong iwan na ang daan ng krimen. Sa 11 katao na pinagdausan ko ng pag-aaral sa unang ilang napakagulong linggong iyon, 5 ang lumalakad pa rin sa daan ng katotohanan. Tinanggap din ng aking ina ang pag-aaral sa Bibliya at naging isang bautisadong Saksi, anupat nagpatuloy sa tapat na paglilingkod sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1991. Nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova ang aking dalawang kapatid na lalaki at ngayo’y naglilingkod bilang matatanda. Natulungan ko rin ang aking tiyahin na matutuhan ang katotohanan, at siya’y 15 taon nang naglilingkod nang buong-panahon sa ministeryo.
Napatibay nang husto ang manedyer ng kompanya ng gamot na pinagtrabahuhan ko dahil sa mga pagbabago sa aking buhay anupat sinimulan niyang higit na dibdibin ang katotohanan mula sa Bibliya. Isang taon matapos akong bautismuhan, sinagisagan din niya ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkaraan ay naglingkod siya bilang isang matanda sa loob ng maraming taon sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Pretoria.
Kasal na ako ngayon sa isang nakaalay na kapatid na Kristiyano. Lumipat kami ni Leonie sa Australia noong 1978. Doon ipinanganak ang aming dalawang anak na lalaki, sina Elijah at Paul. Ang pagpapatibay ng aking pamilya ay naging isang tunay na bukal ng kalakasan sa akin. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na maglingkod bilang isang matanda sa Canberra, ang kabisera ng Australia. Araw-araw ay nagpapasalamat ako kay Jehova, na nagligtas sa akin sa walang-kabuluhang buhay na batbat ng krimen na humahantong sa kahapisan at kamatayan. Higit pa riyan, binigyan niya ng kahulugan ang aking buhay sa pamamagitan ng paglalaan ng isang tunay na pag-asa para sa akin at sa aking mga mahal sa buhay.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 18]
Noong ako’y 12
[Larawan sa pahina 18]
Kasama ang aking asawa at dalawang anak sa ngayon