Pagkidnap—May Lunas Ba?
“ANG mga pagdukot ay umabot na sa puntong hindi na matitiis ng buong bansa, at dapat na labanan ng lahat ng lipunan ang kasamaang ito,” bulalas ng punong ministro ng Chechnya nang ito’y nangakong lilipulin ang malaganap na paghihirap sa kaniyang republika sa Russia na sinalot ng pagkidnap.
Lipulin ang mga pagkidnap? Ang tunguhin ay kapuri-puri, subalit ang tanong ay, Paano?
Mga Pagsisikap na Ginagawa
Ang mga awtoridad sa Colombia ay humirang ng 2,000 detektib, 24 na piskal ng bayan, at isa pa ngang pantanging antikidnap na tagapag-ugnay upang labanan lamang ang mga pagkidnap. Sa Rio de Janeiro, Brazil, isang martsang bayan na nagpoprotesta sa maraming pagkidnap sa lunsod ay nakaakit ng mga 100,000 nagmartsa. Sa Brazil at Colombia, ang mga pangkat ng militar ay nagsagawa ng kontra-salakay sa pamamagitan ng pagkidnap sa mga kamag-anak ng mga kidnaper. At ang ilang Pilipino ay bumaling sa hustisyang vigilante—pinatay nila nang walang paglilitis ang mga kidnaper!
Pinasimulan ng mga awtoridad sa Guatemala ang parusang kamatayan sa mga kidnaper, at pinakilos ng presidente ang hukbo upang ihinto ang epidemya ng pagkidnap. Pinagtibay naman ng pamahalaan sa Italya ang mahihigpit na batas upang hadlangan ang mga pagkidnap, sa pamamagitan ng paggawang ilegal sa mga bayad na pantubos at sa pagsamsam sa salapi at ari-arian upang ihinto ang pagbabayad ng mga kamag-anak. Ipinagmamalaki ng mga opisyal sa Italya na ang mga batas na ito ay nakatulong upang mabawasan ang mga pagkidnap. Gayunman, sinasabi ng mga kritiko na bilang resulta, sinikap ng mga pamilya na lutasin ang mga kaso nang palihim at na nabawasan nito ang opisyal na bilang ng mga pagkidnap. Tinataya ng pribadong mga tagapayong panseguridad na ang bilang ng mga pagkidnap sa Italya sa katunayan ay dumoble mula noong mga taon ng 1980.
Maraming Mungkahi—Kakaunting Lunas
Para sa maraming pamilya ng mga biktima ng pagkidnap, iisang lunas lamang ang waring umuubra—palayain ang kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng karaka-rakang pagbabayad ng pantubos hangga’t maaari. Subalit nagbababala ang mga dalubhasa na kung ang pantubos ay napakataas at napakabilis na binabayaran, maaaring ipalagay ng mga kidnaper na isang madaling puntirya ang pamilya at babalik sa ikalawang pagkakataon. O maaari silang humingi ng ikalawang pantubos bago palayain ang biktima.
Ang ilang pamilya ay nagbayad na ng matataas na pantubos upang masumpungan lamang na patay na ang biktima. Kaya sinasabi ng mga dalubhasa na ang isa ay hindi kailanman dapat na magbayad ng pantubos o makipag-areglo bago makakuha ng patotoo na buháy ang biktima. Ang gayong patotoo ay maaaring sa anyo ng pagsagot sa isang tanong na tanging ang biktima lamang ang makasasagot. Ang ilang pamilya ay humingi ng larawan ng biktima na hawak ang isang bagong pahayagan.
Kumusta naman ang tungkol sa mga pagsagip? Ang mga ito ay malimit na nauugnay sa malaking panganib. “Pitumpu’t siyam na porsiyento ng lahat ng mga bihag na panagot ay napatay sa Latin Amerika sa panahon na tinatangka ang pagsagip,” ang sabi ni Brian Jenkins, isang dalubhasa tungkol sa pagkidnap. Subalit kung minsan, matagumpay ang mga pagtatangka sa pagsagip.
Hindi kataka-taka, maraming lunas ang nakatuon sa pag-iwas sa kidnap. Hindi lamang ang mga awtoridad ng pamahalaan ang nagsasagawa ng mga pagsisikap na iwasan ang mga pagkidnap. Ang mga pahayagan ay nagtuturo sa mga tao kung paano iiwasang makidnap, kung paano tatalon mula sa tumatakbong kotse, at kung paano lalansihin ang mga kidnaper sa sikolohikal na paraan. Ang mga sentro para sa martial arts ay nagbibigay ng mga kurso sa depensa laban sa pagkidnap. Ang mga kompanya ay nagbebenta ng $15,000 ultra microtransmitter, na maaaring ilagay sa ngipin ng mga bata upang tumulong sa mga pulis na matunton ang mga bata kapag sila’y nakidnap. Para sa mga kayang bumili nito, ang mga manggagawa ng kotse ay nakagawa ng mga kotseng “kidnap proof” na naglalabas ng tear gas, may mga gun port, mga bintanang hindi tinatablan ng bala, mga gulong na hindi nalalaslas, at naglalabas ng langis.
Nakikita naman ng ilang mayaman ang mga bodyguard bilang isang lunas. Gayunman, may kinalaman sa situwasyon sa Mexico, ganito ang sabi ng dalubhasa sa seguridad na si Francisco Gomez Lerma: ‘Hindi nakatutulong ang mga bodyguard sapagkat nakatatawag sila ng pansin at maaaring kasabuwat ng mga kidnaper.’
Napakasalimuot ng problema tungkol sa pagkidnap at napakalalim ng mga ugat nito anupat tila walang sapat na magawa ang sangkatauhan upang maalis ito. Kung gayon, wala bang tunay na lunas?
Mayroong Lunas
Paulit-ulit na itinuturo ng magasing ito ang tanging tunay na lunas sa lahat ng problemang ito na napapaharap sa mga tao. Ang lunas na ito ang binanggit ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, nang turuan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Maliwanag, kailangan natin ang isang matuwid na pandaigdig na gobyerno na mamamahala sa mga gawain ng maraming iba’t ibang tao sa lupa—oo, ang Kaharian ng Diyos na binanggit ni Jesus. Yamang hindi kaya ng mga tao na magtatag ng gayong pamahalaan, makabubuting umasa tayo sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na nilayon niyang gawin ang mismong bagay na ito.—Awit 83:18.
Itinala ni propeta Daniel ang layunin ni Jehova, na isinusulat: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Inilalarawan ng Bibliya ang pasulong na mga hakbang na gagawin ng pamahalaang ito ng Diyos upang alisin ang lahat ng kriminal na gawain, lakip na ang pagkidnap.
Mahalaga ang Wastong Edukasyon
Walang alinlangang sasang-ayon ka na ang pagkikintal sa isip ng mga tao ng matinong mga simulain ay mahalaga upang malutas ang problema hinggil sa pagkidnap. Halimbawa, isaalang-alang ang epekto nito sa lipunan ng tao kung susundin ng lahat ang payo sa Bibliya na: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.” (Hebreo 13:5) “Huwag kayong magkautang kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa.”—Roma 13:8.
Masusulyapan mo kung magiging anong uri ang buhay sa hinaharap sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa programa ng pagtuturo na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 230 lupain sa buong lupa. Ang programang ito ay may mabuting epekto sa maraming tao na dating sakim o dating mapanganib na mga kriminal. Ganito ang sabi ng isang dating kidnaper: “Nang maglaon, natanto ko na upang palugdan ang Diyos, kailangan kong hubarin ang aking dating personalidad at magsuot ng bagong personalidad—isa na maamo at katulad niyaong kay Kristo Jesus.”
Subalit, hindi mababago kahit ng isang mahusay na programa sa pagtuturo ang lahat ng mga kriminal, marahil ni ang karamihan man. Ano ang mangyayari sa mga tumatangging magbago?
Pag-alis sa mga Manggagawa ng Masama
Hindi pahihintulutan ang mga sadyang manggagawa ng masama na maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong paliligaw. Hindi ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga taong sakim, . . . ni ang mga mangingikil ay magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa . . . Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa.”—Kawikaan 2:21, 22.
Ayon sa Kautusan ng Diyos noong sinaunang panahon, ang isang di-nagsisising kidnaper ay papatayin. (Deuteronomio 24:7) Ang mga taong sakim, gaya ng mga kidnaper, ay hindi magkakaroon ng anumang dako sa Kaharian ng Diyos. Maaaring maiwasan ng mga kriminal sa ngayon ang parusa ng tao, subalit hindi nila maiiwasan ang parusa ng Diyos. Kailangang baguhin ng sinumang manggagawa ng masama ang kanilang daan kung nais nilang mabuhay sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ni Jehova.
Maliwanag, kung mananatili ang mga kalagayan na nagiging sanhi ng kriminal na gawain, mananatili rin ang krimen. Gayunman, hindi iyan pahihintulutan ng Kaharian ng Diyos, sapagkat nangangako ang Bibliya: ‘Ang kaharian mismo . . . ang dudurog at magwawakas sa lahat ng mga kahariang ito,’ pati na ang lahat ng tao na gumagawa ng masama. Ang hulang ito sa Bibliya ay nagpapatuloy sa pagsasabing ang Kaharian ng Diyos ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda. (Daniel 2:44) Isip-isipin lamang ang mga pagbabagong mangyayari!
Isang Bagong Sanlibutan ng Katuwiran
Isaalang-alang ang isa pang hula sa Bibliya. Isa ito na may kagandahang inilalarawan ang hinaharap sa mga pananalitang ito: “Sila ay tiyak na magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at sila ay tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay tatamasahin nang lubusan ng aking mga pinili.”—Isaias 65:21, 22.
Babaguhin ng Kaharian ng Diyos ang buong planeta. Lahat ng nabubuhay ay magtatamasa ng buhay sa kaganapan, na nagpapaunlad ng kanilang likas na mga kakayahan sa pamamagitan ng paggawa ng kasiya-siyang gawain at kapaki-pakinabang na paglilibang. Magiging gayon ang mga kalagayan sa buong daigdig anupat walang sinuman ang mag-iisip pa man ng pagkidnap sa kaniyang kapuwa. Ang pagkadama ng katiwasayan ay magiging ganap. (Mikas 4:4) Sa gayon, ang kasalukuyang pangglobong panganib ng pagkidnap ay gagawin ng Kaharian ng Diyos na parang isang kabanata sa kasaysayan na hindi na aalalahanin ng sinuman.—Isaias 65:17.
[Larawan sa pahina 10]
“Walang sinuman ang magpapanginig sa kanila.”—Mikas 4:4