Nakulong sa Isang Pag-aasawang Walang Pag-ibig
“Sa isang lipunan na marami ang nagdidiborsiyo, hindi lamang mas maraming di-maligayang pag-aasawa ang malamang na magwawakas sa diborsiyo, kundi karagdagan pa, malamang na mas maraming pag-aasawa ang magiging di-maligaya.”—COUNCIL ON FAMILIES IN AMERICA.
SINASABING ang karamihan ng kaligayahan sa buhay at ang karamihan ng kalungkutan nito ay iisa ang pinagmulan—ang pag-aasawa ng isa. Tunay, iilang bagay sa buhay ang may kakayahang magdulot ng labis na tuwa—o ng labis na dalamhati. Gaya ng ipinahihiwatig ng kalakip na kahon, maraming mag-asawa ang dumaranas ng labis na dalamhati.
Subalit bahagi lamang ng problema ang isinisiwalat ng mga estadistika sa diborsiyo. Sa bawat pag-aasawang lumulubog, di-mabilang na iba ang nananatiling nakalutang subalit nananatili sa di-umaagos na tubig. “Maligaya dati ang aming pamilya, subalit ang nakalipas na 12 taon ay talaga namang nakayayamot,” ang pagtatapat ng isang babaing kasal sa loob ng mahigit na 30 taon. “Ang aking asawang lalaki ay hindi interesado sa aking damdamin. Siya talaga ang pinakamahigpit kong kaaway sa damdamin.” Sa katulad na paraan, isang lalaki na halos 25 taon nang may asawa ay nanangis: “Sinabihan ako ng aking asawa na hindi na niya ako mahal. Sinabi niya na mapagtitiisan niya ang kalagayan kung magtuturingan na lamang kami na parang magkakuwarto at magkani-kaniya kaming lakad pagdating sa paglilibang.”
Sabihin pa, winawakasan ng ilan na nasa gayong mahihirap na kalagayan ang kanilang pag-aasawa. Gayunman, para sa marami, ang diborsiyo ay hindi isang mapagpipilian. Bakit? Ayon kay Dr. Karen Kayser, ang mga dahilang gaya ng mga anak, kahihiyan sa komunidad, pananalapi, kaibigan, kamag-anak, at relihiyosong paniniwala ay maaaring magpanatili sa mag-asawa na magkasama, kahit sa isang kalagayang walang pag-ibig. “Malamang na hindi sila legal na magdiborsiyo,” ang sabi niya, “pipiliin ng mga mag-asawang ito na manatiling kasama ng kabiyak na doon sila ay hiwalay sa emosyonal na paraan.”
Dapat bang italaga ng mag-asawa na nanlamig na ang kaugnayan sa isa’t isa ang kanilang sarili sa isang buhay ng kawalang-kasiyahan? Ang pag-aasawa ba na walang pag-ibig ang tanging alternatibo sa diborsiyo? Pinatutunayan ng karanasan na maraming maliligalig na pag-aasawa ang maaaring iligtas—hindi lamang mula sa matinding pagdurusa ng paghihiwalay kundi rin naman mula sa matinding kalungkutan ng kawalan ng pag-ibig.
[Kahon sa pahina 3]
DIBORSIYO SA BUONG DAIGDIG
• Australia: Ang bilang ng diborsiyo ay halos dumami nang apat na ulit mula noong unang mga taon ng 1960.
• Britanya: Ayon sa mga pagtaya, 4 sa 10 pag-aasawa ang magwawakas sa diborsiyo.
• Canada at Hapón: Apektado ng diborsiyo ang halos sangkatlo ng mga pag-aasawa.
• Estados Unidos: Mula noong 1970, ang mga lalaki’t babaing nagpapakasal ay mayroon lamang 50-50 tsansang manatiling magkasama.
• Zimbabwe: Winawakasan ng diborsiyo ang halos 2 sa bawat 5 pag-aasawa.