Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/8 p. 20-22
  • Mula sa Mabagal na Kamatayan Tungo sa Maligayang Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mula sa Mabagal na Kamatayan Tungo sa Maligayang Buhay
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pamumuhay Nang May “Taning”
  • Matinding Paghahanap ng Kaaliwan
  • Isang Mahalagang Pagbabago sa Aking Buhay
  • Paggawa ng Napakahalagang mga Pasiya
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Tinanggap Ko ang Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo
    Gumising!—2003
  • Ang Tunay na Halaga ng Dugo
    Gumising!—2006
  • Lumakad Ayon sa Tagubilin ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/8 p. 20-22

Mula sa Mabagal na Kamatayan Tungo sa Maligayang Buhay

AYON SA SALAYSAY NI DIAMÁNTI DATSERIS

‘May taning na ang buhay ko.’ Iyan ang aking iniisip-isip habang nakahiga ako sa isang kama sa ospital samantalang ang mga yunit ng dugo ay unti-unting pumapasok sa aking mga ugat. Sa loob ng mahigit sa 20 taon, sinasabi sa akin na ito ang tanging paraan upang patuloy akong mabuhay​—kung matatawag nga itong buhay.

DI-NAGTAGAL pagkasilang sa akin noong 1969 sa Ierápetra, sa isla ng Creta sa Gresya, nakatanggap ang aking mga magulang ng masamang balita. Sinabi ng mga doktor na ang kanilang sanggol na babae ay may beta-thalassemia, o Cooley’s anemia. Ang beta-thalassemia major ay isang malubhang sakit sa dugo na namamana, na kadalasang lumilitaw sa mga taong may lahing Griego, Italyano, taga-Gitnang Silangan, taga-Timog Asia, o Aprikano.

Gaya ng ipinaliwanag ng mga doktor sa aking mga magulang, kapag ang isa ay mayroon nito, ang mga pulang selula ng dugo sa katawan ay hindi nakagagawa ng sapat na hemoglobin, isang protina na nagdadala ng oksiheno sa mga selula. Bilang resulta, hindi nakakakuha ng sapat na oksiheno ang aking mga selula. Nananatili lamang nang panandalian ang mga pulang selula sa aking dugo dahil sinisira at inaalis ng aking atay at palî (spleen) ang mga ito. Ang mga sangkap na ito ang sumisira sa mga pulang selula na di-normal o luma na.

Sinabi sa aking mga magulang na ang tanging nalalamang panggagamot sa thalassemia ay ang regular na pagsasalin ng dugo at ang pag-aalis ng naiipong iron. Gayunman, gaya ng ipinaliwanag ng mga doktor, isang epekto ng pagsasalin ng dugo ang patuloy na pagkaipon ng iron sa puso at sa atay, at ito’y maaaring makamatay. Ang pagsasalin ng dugo​—ang panggagamot na humahadlang sa kamatayan ng mga pasyente sa kanilang unang sampung taon ng buhay​—ay karaniwan nang ang pangunahing dahilan ng pagkalason sa iron na lubhang nakamamatay sa kalaunan. Ang mga pasyenteng may thalassemia na madalas na sinasalinan ng dugo, gaya ko, ay karaniwan nang namamatay dahil sa sakit sa puso bago dumating sa edad na 30.

Pamumuhay Nang May “Taning”

Mula pa sa aking pagkamusmos, lagi nang nagbabanta sa akin ang kamatayan. Hindi mailalarawan ng mga salita kung gaano kahirap mabuhay nang may gayong nakatatakot na hinaharap. Wala akong mga plano para sa kinabukasan at wala akong mga pangarap na mabubuhay akong tulad ng isang normal na adulto. Nadarama kong ang aking thalassemia ay katulad ng isang bomba na sasabog anumang oras.

Ang aking mga magulang ay naging napakaingat dahil sa pagkabahala nila sa aking kalusugan. Pinalaki akong may walang-katapusang listahan ng mga “hindi puwedeng gawin” at iba pang mga tagubilin: “Huwag kang tumakbo!” “Huwag kang masyadong matuwa!” “Mag-ingat ka!”

Dahil sa aking kalagayan ay naging napakarelihiyosa ng aking ina, na kabilang sa simbahang Griegong Ortodokso. May kataimtiman siyang humingi ng tulong sa mga relihiyosong imahen. Upang mapabuti ang aking kalagayan, dinadala niya ako sa malalayong monasteryo na may reputasyon sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at binibigyan ako ng iba’t ibang anting-anting at agimat. Malaking salapi ang ginastos sa gayong mga pamamaraan​—ngunit walang nangyari.

Naniniwala ako sa Diyos at iniibig ko siya, bagaman hindi ko alam kung paano siya sasambahin. Kapag nanlulumo, nananalangin ako at umiiyak: “Diyos ko, kung talagang umiiral ka at mahal mo ako, pakisuyong tulungan mo naman ako.”

Matinding Paghahanap ng Kaaliwan

Habang lumalaki ako, mabilis na lumalala ang aking kalusugan, pangunahin nang dahil sa sobrang iron sa dugo ko. Bilang bahagi ng paggamot sa akin, gumagamit ako ng isang aparato na nagpapababa sa dami ng iron sa dugo. Gabi-gabi ay kailangan kong iturok ang isang karayom sa ilalim ng balat sa aking puson upang maipasok ko ang iron chelator (gamot na nag-aalis ng iron) sa loob ng aking katawan sa buong magdamag. Gabi-gabi ay tinitiis ko ang pahirap ng seremonya na ito. Kadalasan, sa mga gabing iyon ng di-pagkakatulog, gusto ko nang mamatay. Pakiramdam ko’y winalang-bahala ng Diyos ang aking mga pagdaing.

Sa edad na 16, nagsimula akong makisama sa isang grupo ng mga kabataan na lubhang mahilig sa musikang heavy metal. Yamang matindi ang paghahanap ko ng kaaliwan, nasumpungan ko na ang musikang lumuluwalhati sa kalupitan, walang-awang karahasan, at Satanismo ay isang paraan upang matakasan ko ang mga problema. Tutal, yamang kahit saan ay nakapaligid sa akin ang kasamaan, sumang-ayon ako sa ideya na isang nakatataas na masamang kapangyarihan ang kumokontrol sa sansinukob. Ngunit di-nagtagal at lumitaw ang mga epekto ng droga at Satanismo. Madalas na nagtatago sa pulis ang aking mga kasamahan.

Ang walang-tigil na pagsasalin ng dugo sa akin ay nag-iwan ng namamalaging mga epekto sa aking katawan. Ang sobrang iron ay nagdulot ng mga itim na bilog sa ilalim ng aking mga mata at nanilaw ang aking balat. Hindi napabuti ng aking pananamit ang aking hitsura​—itim na damit at leather jacket, na pinalamutian ng mga hobnail at mga bungo, na makikita sa mga taong sinasamahan ko. Buti na lamang at hindi ako kailanman nagdroga.

Habang patuloy akong nakikinig sa musikang heavy metal na nagtatampok sa kamatayan, droga, mga demonyo, espiritismo, at dugo, nadarama kong nabihag na ako ni Satanas. Sa gabi ay nanlulumo ako at madalas na umiiyak. Sa nakapanlulumong kalagayang ito sa aking buhay ay may suminag na pag-asa.

Isang Mahalagang Pagbabago sa Aking Buhay

Isang araw, nang ako’y 20 taóng gulang, isang kaibigan ang nagbigay sa akin ng isang aklat na nakuha niya sa mga Saksi ni Jehova. Pinamagatan itong Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?a Hindi naman siya talaga interesado sa aklat, ngunit nang tiningnan ko ang mga pahina nito, namangha ako. Malinaw na ipinakita nito na mapabubuti ng mga simulain ng Bibliya ang buhay ng isa. Namangha rin ako na malaman ang hinggil sa pag-uusig sa mga sinaunang Kristiyano at sa kanilang pagiging handang magsakripisyo ng kanilang buhay alang-alang sa mga paniniwala nila. Nang matapos kong basahin ang aklat, nais kong ibahagi sa iba ang aking mga natutuhan. Dito ko naman nakilala si Manolis, isang lalaki na nakaaalam ng hinggil kay Jehova at sa mensahe ng Bibliya dahil ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak ay mga Saksi ni Jehova. Isinama niya ako sa pinagpupulungan ng mga Saksi ni Jehova sa lugar namin, at noong tag-init ng 1990, nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila.

Natutuhan ko sa aking pag-aaral sa Bibliya na ang ating Maylalang ay tunay na nagmamalasakit sa atin at hindi siya ang nagdulot ng sakit at kirot na dinaranas ng karamihan sa atin. (1 Pedro 5:7) Natutuhan ko na si Satanas ang nagpasimuno ng kasalanan at kamatayan sa sanlibutang ito at malapit nang mapawalang-bisa ni Jehova ang mga ginawa ni Satanas kapag inalis niya ang lumang sistemang ito at pinalitan ng isang sakdal na bagong sanlibutan. (Hebreo 2:14) Sa ilalim ng malaparaisong mga kalagayan, ang mga taong may takot sa Diyos ay isasauli sa kasakdalan. Kung magkagayon ay wala nang magsasabing, “Ako ay may sakit.”​—Isaias 33:24.

Gayundin, natutuhan ko na sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:20, 29; Genesis 9:4) Habang unti-unting nahuhubog at nasasanay ang aking budhi sa matataas na pamantayan at simulain ng Bibliya, naudyukan akong personal na magpasiya hinggil sa pagsasalin ng dugo. Nagpasiya akong huwag nang magpasalin ng dugo.

Sa loob ng mahigit na 20 taon, napaniwala ako na ang tanging paraan upang manatili akong buháy ay ang regular na pagpapasalin ng dugo. Ako ba, sa pagsunod sa utos ng Bibliya, ang magiging sanhi ng aking kamatayan? Ano kaya ang iisipin ng aking mga magulang sa aking pagtanggi sa dugo? Pipilitin kaya ako ng aking mga doktor at ng iba pang tauhan sa ospital na magpasalin ng dugo?

Paggawa ng Napakahalagang mga Pasiya

Sa pamamagitan ng marubdob na pananalangin ay inihagis ko kay Jehova ang lahat ng aking kabalisahan. (Awit 55:22) Nagpasiya rin akong sumubok ng iba pang panggagamot. Pagkatapos ng maraming pag-aaral, nasumpungan kong maaari kong palitan ang pagsasalin ng dugo ng maingat na pagpili ng mga pagkaing mayaman sa iron at mga bitamina. Higit sa lahat, determinado akong sumunod sa batas ng Diyos na isinasaad sa Bibliya.

Mauunawaan naman na lubhang nabahala ang aking mga magulang. Yamang mula pa sa aking pagkasanggol ay ginawa nila ang kanilang buong makakaya na panatilihin akong buháy, at ngayon ay tumatanggi ako sa pagsasalin ng dugo! Gayunman, nang maglaon, sinabi nila na igagalang nila ang aking pasiya sa bagay na ito.

Pagkatapos ay ipinaliwanag ko ang aking relihiyosong paninindigan sa mga tauhan ng ospital, at sinabi ko rin sa kanila na puspusan kong ipagpapatuloy ang mga pamamaraang kahalili ng pagsasalin ng dugo. May pag-aatubiling sumang-ayon ang mga doktor na sumunod sa aking kagustuhan.

Noong nagpapasalin ako ng dugo, naging kaibigan ko ang ilang kabataan na may thalassemia. Ngayon ay hindi nila maunawaan ang aking paninindigan hinggil sa dugo. Isa sa kanila ang may panunuyang nagsabi sa akin na di-magtatagal at ako’y “kukunin ng apat na tao”​—isang Griegong kasabihan na nangangahulugang mamamatay na ako. Nakalulungkot, nang maglaon ay isa siya sa limang pasyente na namatay bilang resulta ng pagsasalin ng nahawahang dugo!

Mula noong Agosto 1991, hindi na ako muling nagpasalin ng dugo. Salungat sa lahat ng akala, buháy ako at maayos ang pangangatawan. Yamang kumakain ako ng mga pagkaing mayaman sa mga bitamina at iron, napananatili ko ang sapat na kalusugan, sa kabila ng paminsan-minsang mga komplikasyon at namamalaging mga limitasyong dulot ng aking thalassemia.

Gayunman, higit sa lahat, ang aking buhay ay may layunin, isang buhay na pinayaman ng isang malapít na kaugnayan sa aking Maylalang, ang Diyos na Jehova. Noong Hulyo 1992, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Si Manolis, yaong minamahal na kaibigan na nagdala sa akin sa Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na nagbigay ng kinakailangan kong suporta, ay nabautismuhan din noong araw na iyon. Mga 18 buwan pagkatapos nito, ikinasal kami. Nang maglaon, nagalak akong makita nang ang aking ina at kapatid na babae ay maging bautisadong mga lingkod ni Jehova. Nagbago na ang pangmalas ng aking ama sa mga Saksi ni Jehova, at paminsan-minsan ay dumadalo siya sa mga pulong sa kongregasyon.

Natutuhan ko na bagaman ang kamatayan ay isang kaaway, hindi ito isang kaaway na dapat katakutan. (Awit 23:4) Mabuhay man tayo o mamatay, nakasalalay ito kay Jehova. Ang ating buhay ay nasa kaniyang mga kamay. (Roma 14:8) Palagi akong magpapasalamat sa kaniya sa pagliligtas sa akin mula sa isang buhay na ang tanging pag-asa ay ang mabagal na kamatayan. Tunay nga, inakay niya ako sa isang pag-asa ng buhay na walang hanggan!​—Apocalipsis 21:1-4.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 21]

Matindi ang paghahanap ko ng kaaliwan

[Larawan sa pahina 22]

Kasama ang aking asawa, si Manolis

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share