Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/22 p. 12-14
  • Paano Ko Siya Aayawan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Siya Aayawan?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Wala Kang Romantikong Interes
  • Kung Bakit Mahirap Tumanggi
  • Pag-ingatan
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Isang Babaing May Gusto sa Akin?
    Gumising!—2005
  • Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?
    Gumising!—2004
  • Paano Kung Sabihin Niyang Wala Siyang Gusto sa Akin?
    Gumising!—2004
  • Paano Kung Hindi Niya Sinusuklian ang Aking Pag-ibig?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Siya Aayawan?

“Nitong tag-araw ay nagkagusto sa akin ang isang kapatid na lalaki sa aming kongregasyon. Wala talaga akong gusto sa kaniya. Ang problema, hindi ko alam kung paano siya tatanggihan nang hindi masasaktan ang kaniyang damdamin.”​—Elizabeth.a

“PUWEDE ba kitang makilala pa nang higit?” Mayroon na bang kabataang lalaki na nagtanong sa iyo ng ganiyan? Bilang isang kabataang babae,b marahil ay natuwa ka at nasiyahan​—baka kinilig pa nga! Sa kabilang dako, baka litung-lito ka rin anupat hindi mo alam kung ano ang isasagot.

Kapag may nagpakita ng romantikong interes sa iyo, maaari kang makadama ng iba’t ibang uri ng emosyon. Lalo nang totoo ito kung nasa edad ka nang mag-asawa anupat maaari ka nang tumugon sa gayong atensiyon!c Magkagayunman, ang paraan ng iyong pagtugon ay higit na nakadepende sa kung sino ang nagtatanong. Kung siya’y isang taong may-gulang na sa emosyon at naaakit ka sa kaniya, madaling malaman ang iyong sagot. Pero paano kung maliwanag na wala sa kaniya ang mga kuwalipikasyon ng isang karapat-dapat mapangasawa? O paano kung sa kabila ng pagkakaroon niya ng mahuhusay na katangian ay talagang hindi ka interesado sa kaniya?

Isaalang-alang din ang situwasyon ng isang kabataang babae na dating nakikipag-date sa isang lalaki ngunit napag-isip-isip niya na hindi ito ang nais niyang makapiling nang habang-buhay. Sa halip na makipagkalas, patuloy pa rin siyang sumasama rito. “Paano ko siya aayawan?” ang tanong niya.

Kapag Wala Kang Romantikong Interes

Noong panahon ng mga patriyarka, maliwanag na nagpapakasal ang mga tao sa mga indibiduwal na pinili ng kanilang mga magulang. (Genesis 24:2-4, 8) Sa mga lupaing Kanluranin, ang karamihan sa mga Kristiyano ay malayang pumili ng kanilang mapapangasawa. Isang kondisyon ang itinatakda ng Bibliya​—na ang isang Kristiyano ay mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”​—1 Corinto 7:39.

Nangangahulugan ba ito na dapat kang magpakasal sa sinumang kapananampalataya na nagpapakita ng interes sa iyo o nakipag-date sa iyo nang sandaling panahon? Buweno, pag-isipan ang halimbawa sa Bibliya tungkol sa isang kabataang babaing tagalalawigan mula sa nayon ng Sunem sa Gitnang Silangan. Nakita siya ni Solomon na kanilang hari at labis itong umibig sa kaniya. Subalit nang tangkain nitong ligawan siya, hindi lamang ito tinanggihan ng kabataang babae kundi pinakiusapan din niya ang mga babae sa korte na nagsisilbi sa hari: “Hindi ninyo tatangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.” (Awit ni Solomon 2:7) Ayaw ng matalinong babaing ito na tangkain siyang pilitin ng iba na magpadala sa emosyon. Talagang wala siyang romantikong interes kay Solomon, sapagkat ang iniibig niya ay isang hamak na pastol.

Ito’y nagtuturo ng isang mahalagang aral sa mga nag-iisip nang mag-asawa sa ngayon: Hindi ka maaaring magkaroon ng romantikong pag-ibig kahit kanino lamang. Kaya kahit na nakipag-date sa isang lalaki sa loob ng ilang panahon, maaaring matuklasan ng isang kabataang babae na wala siyang romantikong interes dito. Maaaring ang kaniyang damdamin ay batay sa isang nakikitang kahinaan sa ugali ng lalaking iyon. O baka hindi niya nadaramang naaakit siya rito. Isang kamangmangan ang ipagwalang-bahala ang gayong mga damdamin. Hindi ito papawiin ng basta pagwawalang-bahala lamang sa mga ito.d “Napakaraming pag-aalinlangan sa isip ko tungkol sa kaniya,” ang sabi ni Tamara tungkol sa binata na nakikipag-date sa kaniya. “Hindi lamang maliliit kundi mayroon ding mga pag-aalinlangan na talagang nakababagabag sa akin anupat nakadarama ako ng kaigtingan at nerbiyos kapag kasama ko siya.” Nang maglaon ay napag-isip-isip niya na dahil sa mga pag-aalinlangang ito, mas mabuti pang tapusin na ang kanilang relasyon.

Kung Bakit Mahirap Tumanggi

Gayunman, ang pag-ayaw sa isang binata ay maaaring mas madaling sabihin kaysa gawin. Katulad ni Elizabeth, na binanggit sa pasimula, baka nangangamba kang masaktan siya. Siyempre pa, dapat tayong maging sensitibo sa damdamin ng iba. Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘damtan nila ang kanilang sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag’ at pakitunguhan ang iba sa paraang nais din nilang pakitunguhan sila. (Colosas 3:12; Mateo 7:12) Ngunit nangangahulugan ba ito na dapat kang magkunwari dahil lamang sa ayaw mong biguin o masaktan ang binatang ito? Sa malao’t madali ay tiyak na matutuklasan din niya ang tunay mong damdamin, at ang hindi mo pagtatapat at pagpapaliban sa pagsasabi ng katotohanan ay magdaragdag lamang sa kirot. Mas malala pa kung pakakasalan mo ang binatang ito dahil lamang sa naaawa ka sa kaniya. Ang pagkahabag ay mahinang pundasyon para pagtayuan ng isang pag-aasawa.

Ngunit marahil ay pinaglalabanan mo ang kaisipan na, ‘Kung hindi ako magpapakasal sa kaniya, baka hindi na ako magkaroon ng ibang pagkakataon.’ Gaya ng sabi ng isang artikulo sa magasing Teen, baka ipangatuwiran ng isang babae: “Hindi siya ‘ang hinahanap ko,’ pero siya ang naririyan na maaari ko nang pakasalan​—at ayaw mo naman talagang manatiling nag-iisa.” Sabihin pa, malakas ang pagnanais na magkaroon ng kasama sa buhay. Subalit ang wastong pagtugon sa pagnanais na iyan ay hindi ang basta pagkakaroon ng kahit sino sa tabi mo. Kalakip diyan ang paghanap ng isa na talagang iniibig mo at may kakayahang gumanap sa makakasulatang mga pananagutan sa pag-aasawa. (Efeso 5:33) Kaya huwag kang magmadali sa pagpili ng mapapangasawa! Pinagsisihan ng marami ang pagpapakasal nang madalian.

Sa katapus-tapusan, maaaring ipagpatuloy ng ilan ang pakikipag-date kahit maliwanag na ang isang binata ay may malulubhang kapintasan. ‘Kung bibigyan ko siya ng kaunti pang panahon,’ ang katuwiran nila, ‘baka magbago siya.’ Ito ba’y talagang isang katalinuhan? Ang totoo, ang masasamang ugali at paraan ng paggawi ay malimit na nakaugat nang malalim at napakahirap baguhin. At gumawa man siya ng daglian at malalaking pagbabago, nakatitiyak ka ba na ang mga pagbabagong ito ay permanente? Sa ganitong situwasyon, isang kabataang babae na nagngangalang Karen ang may katalinuhang nagpasiya na makipagkalas sa isang binata nang mapag-isip-isip niya na magkaiba sila ng mga tunguhin. “Mahirap,” ang pagtatapat niya, “sapagkat naaakit ako sa kaniya sa pisikal. Ngunit alam kong iyon ang tamang gawin.”

Pag-ingatan

Totoong ang pag-ayaw sa isang tao ay hindi madaling gawin. Tulad ng isang kahon na may kasangkapang babasagin sa loob, ang situwasyon ay dapat pag-ingatan. Narito ang ilang mungkahi na maaaring makatulong.

Ipakipag-usap ang suliranin sa iyong mga magulang o sa isa pang may-gulang sa kongregasyon. Baka matulungan ka nilang alamin kung ang mga katangiang hinahanap mo ay waring hindi makatuwiran.

Maging malinaw at tuwiran. Huwag mag-iwan ng anumang alinlangan sa kaniyang isipan tungkol sa iyong nadarama. Ang basta pagsasabi ng “Salamat na lang” ay sapat na upang masiraan ng loob ang karamihan sa mga gustong manligaw. Kung kailangan, sabihin ang iyong pag-ayaw sa mas mapuwersang pananalita, gaya ng, “Pasensiya ka na, pero hindi talaga ako interesado.” Ingatang huwag magbigay ng impresyon na maaaring magbago ang iyong isip kung magpupumilit pa siya nang kaunti. Ang pagsasabi nang malinaw na wala kang romantikong damdamin sa kaniya ay mag-aalis sa anumang alinlangan at sa gayon ay magiging mas madali sa kaniya na tanggapin ang kaniyang kabiguan.

Tumbasan ng pagiging mataktika ang pagkamatapat. Sinasabi sa Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” Bagaman ang pagiging tahasan ay mahalaga, sinasabi ng Bibliya na ang ating pananalita ay dapat na “may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”​—Colosas 4:6.

Panindigan ang iyong desisyon. Maaaring pilitin ka ng mga kaibigan na may mabubuting intensiyon, na malamang na wala namang gaanong kabatiran sa mga dahilan mo sa iyong desisyon, upang bigyan mo ng isa pang pagkakataon ang relasyong iyon. Ngunit sa katapus-tapusan ay ikaw ang magdurusa sa iyong desisyon​—hindi ang iyong nagmamalasakit na mga kaibigan.

Kumilos ka kasuwato ng iyong mga salita. Kayong dalawa ay maaaring naging mabuting magkaibigan noon, at natural lamang na naisin mong maibalik ang dati ninyong pagkakaibigan. Ngunit karaniwan nang hindi iyan praktikal o posible. Ang naging damdamin niya sa iyo ay romantiko. Makatuwiran bang isipin na basta na lamang niya maipagwawalang-bahala ang damdaming iyon at magkukunwari na parang walang nangyari? Kaya bagaman maliwanag na mas mabuti kung magiging palakaibigan kayo sa isa’t isa, ang laging pag-uusap sa telepono o malimit na pagsasama sa mga pagtitipon ay malamang na magpalubha sa kaniyang paghihirap. Para mo na ring pinaglalaruan ang kaniyang emosyon, at hindi iyan kabaitan sa ganang iyo.

Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘magsalita ng katotohanan’ sa isa’t isa. (Efeso 4:25) Maaaring mahirap itong gawin, ngunit makatutulong ito sa inyong dalawa upang makapagpatuloy na kayo sa kani-kaniyang buhay.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Bagaman ang artikulong ito ay patungkol sa mga kabataang babae, ang mga simulain ay kumakapit din sa mga kabataang lalaki.

c Ang mga panganib ng pakikipag-date sa napakamurang edad ay tinalakay sa aming isyu ng Enero 22, 2001.

d Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Kaming Maghiwalay?” na lumabas sa isyu ng Gumising! ng Hulyo 22, 1988.

[Blurb sa pahina 13]

Hindi ka maaaring magkaroon ng romantikong pag-ibig kahit kanino lamang

[Larawan sa pahina 14]

Maging malinaw at tuwiran sa pagsasabi ng iyong nadarama

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share