Ang Namumukod-Tanging Katangian ng Ating Araw
HABANG binabasa mo ang artikulong ito, maaaring ang araw ay sumisikat na o alam mong di-magtatagal at sisikat na ito. Mahalaga ba iyan? Oo, sapagkat kung wala ang liwanag ng araw, ang trilyun-trilyon na mga nabubuhay sa lupa—kabilang ka na—ay wala rito. Maglalaho ang iba’t ibang anyo ng buhay ng milyun-milyong uri, mula sa mga baktiryang may iisang selula hanggang sa pagkalalaking balyena.
Totoo na mga kalahati lamang ng ikaisang bilyong bahagi ng enerhiyang nanggagaling sa araw ang nakararating sa ating planeta. Gayunman, maging ang ilang “mumo” na iyon mula sa “mesa” ng araw ay sapat na upang mapakain at masustinihan ang buhay sa lupa. Hindi lamang iyan, sapagkat kung magagamit lamang nang lubusan ang munting patak na ito na nakararating, madali nitong masasapatan ang mga pangangailangan sa enerhiya ng ating makabagong lipunan, at mayroon pa ring lalabis.
Sinasabi ng karamihan sa mga aklat sa astronomiya na ang ating araw ay isang ordinaryong bituin, “isa lamang pangkaraniwang bagay sa kalangitan.” Ngunit ang araw nga ba ay isang “pangkaraniwang bagay sa kalangitan” sa lahat ng aspekto? Ipinalalagay ni Guillermo Gonzalez, isang astronomo sa University of Washington sa Seattle, na ang ating araw ay namumukod-tangi. Dapat bang makaapekto ito sa paghahanap ng mga bagay na may buhay sa ibang planeta? Sumagot si Gonzalez: “Mas kakaunti ang mga bituing makasusustini sa mga nabubuhay na may talino kaysa inaakala ng mga tao.” Dagdag pa niya: “Malibang limitahan ng mga astronomo ang kanilang paghahanap sa mga bituing namumukod-tangi na katulad ng Araw, nag-aaksaya sila ng maraming panahon.”
Ano ang ilang katangian ng araw anupat ito’y nakapagsusustini ng buhay? Habang sinusuri natin ang mga salik na ito, dapat nating tandaan na ang maraming kapahayagan tungkol sa pisikal na kayarian ng uniberso ay sa anyong teoriya.
Nakamamanghang mga Katangian
● Nagsosolong bituin: Tinataya ng mga astronomo na ang 85 porsiyento ng mga bituing malapit sa araw ay nakagrupo nang dala-dalawa o higit pa na nag-iikutan sa isa’t isa. Ang gayong mga bituin ay pinananatiling magkakasama ng mga puwersa ng grabidad.
Subalit ang araw ay isang nagsosolong bituin. “Ang kalagayan ng araw bilang isang nagsosolong bituin, kung gayon, ay waring pambihira,” ang isinulat ng astronomong si Kenneth J. H. Phillips sa kaniyang aklat na Guide to the Sun. Ang pagsosolong iyon ng araw ay nagpapangyaring umikot ang lupa sa palibot nito nang mas matatag, na lumilikha naman ng mga kalagayan na tumutustos sa buhay sa daigdig na ito, sabi ni Gonzalez.
● Pagkalaki-laking bituin: Ang isa pang kaugnay na kaibahan ng araw, ayon kay Gonzalez, ay na “isa ito sa 10 porsiyento na siyang pinakamalalaking bituin sa kapaligiran nito,” ulat ng magasing New Scientist. Sinabi ni Phillips: “Nasa araw ang 99.87% ng materya ng sistema solar at dahil dito ay kinokontrol ng grabidad nito ang lahat ng bagay sa sistema solar.”
Ipinahihintulot ng katangiang ito ang waring napakalayong agwat ng lupa sa araw—150 milyong kilometro—at gayunma’y hindi napapalayo ang lupa mula rito. Ang relatibong layo naman ng distansiyang ito ay nagsasanggalang sa buhay sa lupa upang hindi ito matupok ng araw.
● Mabibigat na elemento: Sinabi ni Gonzalez na nakahihigit nang 50 porsiyento ang dami ng mabibigat na elemento na nasa araw—karbon, nitroheno, oksiheno, magnesium, silicon, at iron—kaysa sa ibang mga bituin na kasintanda at kauri nito. Sa bagay na ito, ang ating araw ay namumukod-tangi sa mga karanggo nito. “Ang dami ng mabibigat na elemento sa araw ay napakababa,” sabi ni Phillips, “ngunit ang ibang mga bituin . . . ay may mas mababa pang dami ng mabibigat na elemento.” Sa katunayan, ang mga bituing may gayong dami ng mabibigat na elemento na gaya ng araw ay kabilang sa espesipikong kategorya na tinatawag na mga Population I star.
Ano ang kaugnayan nito sa pag-iral ng buhay sa lupa? Buweno, kailangan ang mabibigat na elemento upang matustusan ang buhay. Ngunit bihira ang mga ito, anupat bumubuo ng wala pang 1 porsiyento ng uniberso. Gayunman ang ating lupa ay halos binubuo ng mas mabibigat na elemento. Bakit? Sabi ng mga astronomo, sapagkat ang lupa ay lumiligid sa palibot ng gayon kapambihirang bituin na kinauugnayan—ang ating araw.
● Hindi gaanong biluhabang orbit: Isa pang bentaha ang idinudulot ng pagiging Population I star ng araw. “Ang mga Population I star sa pangkalahatan ay tumatahak sa halos bilog na orbit sa palibot ng sentro ng galaksi,” sabi ng aklat na Guide to the Sun. Ang orbit ng araw ay hindi gaanong biluhaba kung ihahambing sa ibang mga bituin na kasintanda at kauri nito. Bakit ba maaapektuhan niyan ang pag-iral ng buhay sa lupa? Sapagkat ang pagiging bilog ng orbit ng araw ay humahadlang upang hindi mahigop ang araw patungo sa bandang loob ng galaksi, na malimit na kinaroroonan ng mga supernova (mga bituing sumasabog).
● Pagbabagu-bago ng tindi ng liwanag: Narito ang isa pang bagay na kawili-wiling malaman tungkol sa bituin ng ating sistema solar. Kung ihahambing sa katulad na mga bituin, ang tindi ng liwanag ng araw ay hindi gaanong nagbabago. Sa ibang pananalita, ang liwanag nito ay nananatiling katamtaman.
Ang gayong pantay-pantay na sikat ng liwanag ay napakahalaga para sa buhay sa lupa. “Ang pagkanaririto natin mismo sa planetang ito,” sabi ng istoryador ng siyensiya na si Karl Hufbauer, “ay ebidensiya na ang liwanag ng araw ang isa sa mga di-gaanong nagbabagong salik sa kapaligiran.”
● Ang nakatagilid na orbit: Ang orbit ng araw ay nakatagilid lamang nang bahagya sa pinakakapatagan (plane) ng galaksi ng Milky Way. Nangangahulugan iyan na ang anggulo sa pagitan ng kapatagan ng orbit ng araw at ng kapatagan ng ating galaksi ay napakaliit. Paano ba ito nakatutulong sa ikabubuti ng buhay sa lupa?
Lampas pa sa mga gilid ng ating sistema solar, isang pagkalaki-laking pabilog na kalipunan ng mga kometa, na tinatawag na Oort cloud, ang nakapalibot sa atin.a Ipagpalagay nang ang kiling ng orbit ng araw sa kapatagan ng galaksi ay mas malaki. Kung magkagayon ay biglang tatawirin ng araw ang kapatagan ng ating galaksi at maaari nitong mabulabog ang Oort cloud. Ano ang magiging resulta? Ang lupa ay tatamaan ng kapaha-pahamak na ulan ng mga kometa, sabi ng mga astronomo.
Ano ang Sinasabi sa Atin ng mga Eklipse ng Araw?
Di-kukulangin sa 60 buwan ang nasa ating sistema solar. Lumiligid sila sa palibot ng pito sa siyam na planeta ng sistema. Ngunit waring ang lupa ang tanging planeta sa sistema solar na kakikitaan ng mga lubusang eklipse. Bakit nga ba?
Ang eklipse ng araw ay nagaganap kapag tumabing ang buwan sa pagitan ng araw at ng lupa. Upang maging lubos ang pagtakip, ang laki ng araw at ng buwan kung mamalasin mula sa lupa ay dapat na halos magkapareho, anupat halos lubusang natatakpan ng buwan ang araw. At ganitung-ganito ang nangyayari! Bagaman 400 ulit na mas malaki ang diyametro ng araw kaysa sa buwan, ito rin ay halos 400 ulit na mas malayo sa lupa kaysa sa buwan.
Ngunit ang layo ng lupa mula sa araw—na siyang dahilan kung bakit waring maliit ang araw kung titingnan—ay higit pa kaysa isang salik lamang sa pagkakaroon ng isang lubusang eklipse. Isa rin itong napakahalagang kondisyon upang umiral ang buhay sa lupa. “Kung tayo’y mas malapit o mas malayo pa nang kaunti sa Araw,” sabi ni Gonzales, “alinman sa ang Lupa ay magiging napakainit o napakalamig at sa gayon ay hindi maaaring tahanan.”
Mayroon pa. Ang di-karaniwang laki ng buwan ng lupa ay tumutulong sa buhay sa planetang ito sapagkat ang lupa ay pinipigilan ng hatak ng grabidad ng buwan upang hindi ito labis na gumiwang-giwang sa pag-inog sa axis nito. Ang gayong paggiwang-giwang ay maaaring maging sanhi ng matindi at kapaha-pahamak na pagbabagu-bago ng klima. Kaya upang magkaroon ng buhay sa lupa, kailangan ang eksaktong kombinasyon ng tamang agwat sa pagitan ng araw at lupa at isang buwan na may tamang laki—at karagdagan pa ito sa lahat ng iba pang kalagayan may kinalaman sa katangian ng araw. Ano ang tsansa na ang lahat ng ito ay nagkataon lamang?
Nagkataon Lamang?
Ipagpalagay nang dinala mo ang iyong kotse sa isang sanay at bihasang teknisyan upang ipakundisyon ito. Buong-sipag niyang tinapos ang kaniyang trabaho, at nakita mong maayos ang lahat ng bagay. Ano sa palagay mo ang magiging reaksiyon niya kung sa bandang huli ay igigiit mo na ang napakahusay na pagkakundisyon ng iyong kotse ay aksidente lamang o talagang nagkataon lamang?
Ang gayunding tanong ay maaaring ibangon tungkol sa pagiging katangi-tangi ng ating araw. Nais ng ilang siyentipiko na paniwalaan mo na ang kayarian ng ating araw, ang orbit nito, ang layo nito mula sa lupa, at ang iba pa nitong mga katangian ay pawang dahil lamang sa mabuting pagkakataon. Ito ba’y matinong pangangatuwiran? Sa palagay mo ba’y makatuwirang konklusyon iyan?
Kung paanong ang sasakyang de-motor na tamang-tama ang pagkakaayos ay may sinasabi sa atin tungkol sa pagsasanay at husay ng teknisyan, ang ating araw rin—kasama ng iba pang mga bagay sa kalangitan—ay may sinasabi sa atin. Ang pambihirang mga katangian ng ating bituing kinauugnayan na nagpapangyaring magkaroon ng buhay sa lupa ay nagpapabatid sa malinaw na mensahe na ang bituing ito ay likha ng isang matalino at makapangyarihang Disenyador at Maylalang. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:20.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Oort cloud, tingnan ang Gumising! ng Hulyo 22, 1999, pahina 26.
[Blurb sa pahina 17]
Mga kalahati lamang ng ikaisang bilyong bahagi ng enerhiyang nanggagaling sa araw ang nakararating sa ating planeta
[Larawan sa pahina 16]
Ang matitinding pagniningas na katulad nito ay hindi nagsasapanganib sa buhay sa lupa
[Credit Line]
Pahina 2, 15, at 16: NASA photo
[Larawan sa pahina 17]
Nagkataon lamang? Ang mahusay na tumbasan ng laki ng araw at ng buwan ang dahilan ng kahanga-hangang mga eklipse
[Larawan sa pahina 18]
Kung ang orbit ng araw ay iba, tatamaan ang lupa ng kapaha-pahamak na ulan ng mga kometa