Mga Lunsod—Bakit Dumaranas ng Krisis?
“Halikayo! Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit, . . . dahil baka mangalat tayo sa ibabaw ng buong lupa.”—Genesis 11:4.
ANG mga salitang ito, na binigkas mahigit na 4,000 taon na ang nakararaan, ang nagbalita sa pagtatayo ng bantog na lunsod ng Babel.
Ang Babel, na nang maglaon ay tinawag na Babilonya, ay matatagpuan sa dating mabungang kapatagan ng Sinar sa Mesopotamia. Ngunit taliwas sa akala ng marami, hindi ito ang unang lunsod sa ulat ng Bibliya. Sa katunayan, nagsimulang magkaroon ng mga lunsod bago ang Baha noong panahon ni Noe. Ang mamamaslang na si Cain ang nagtatag ng unang lunsod na napaulat. (Genesis 4:17) Ang lunsod na ito, na tinawag na Enoc, ay malamang na isa lamang nakukutaang pamayanan o nayon. Sa kabilang dako, ang Babel ay isang malaking lunsod—isang kilaláng sentro ng huwad na pagsamba na may isang kahanga-hangang tore para sa relihiyon. Gayunman, ang Babel at ang bantog na tore nito ay sumagisag sa lubos na pagsalansang sa Diyos. (Genesis 9:7) Kaya ayon sa Bibliya, nakialam ang Diyos at ginulo ang wika ng mga tagapagtayo, anupat winakasan ang kanilang mapaghangad na pakana ukol sa relihiyon. “Pinangalat sila [ng Diyos] mula roon sa ibabaw ng buong lupa,” ang sabi ng Genesis 11:5-9.
Hindi nga kataka-taka na naging sanhi ito ng paglaganap ng mga lunsod. Sabihin pa, ang mga lunsod ay nagbigay ng proteksiyon mula sa pagsalakay ng kaaway. Ang mga lunsod ay naglaan sa mga magsasaka ng mga lugar na mapag-iimbakan at mapagbebentahan nila ng kanilang ani. Ang pagtatayo ng mga pamilihan ay nagbigay-daan din upang ang marami na naninirahan sa lunsod ay magkaroon ng ibang hanapbuhay bukod pa sa pagsasaka. Ang sabi sa The Rise of Cities: “Nang makalaya sa mga limitasyong dulot ng pamumuhay nang isang-kahig-isang-tuka, naging posible para sa mga naninirahan sa lunsod na gamitin ang kanilang mga kamay sa sari-saring kasanayan sa hanapbuhay: paggawa ng basket, paggawa ng palayok, pagsusulid, paghahabi, paggawa sa katad, pagkakarpintero at pagkakantero—anumang gawaing maipangangalakal.”
Ang mga lunsod ay nagsilbing mahusay na sentro ng pamamahagi para sa gayong mga produkto. Isaalang-alang ang ulat sa Bibliya tungkol sa isang matinding taggutom sa Ehipto. Naisip ng punong ministrong si Jose na makabubuti kung patatahanin ang mga tao sa mga lunsod. Bakit? Maliwanag na dahil mas mapadadali nito ang pamamahagi ng natitirang suplay ng pagkain.—Genesis 47:21.
Pinahusay rin ng mga lunsod ang komunikasyon at ugnayan ng mga tao noong mga panahong ang mga sasakyan ay mababagal at limitado. Pinabilis naman nito ang mga pagbabagong panlipunan at pangkultura. Ang mga lunsod ay naging mga sentro ng mga bagong bagay at nagtaguyod ng pagsulong sa teknolohiya. Habang malayang lumalaganap ang mga bagong ideya, lumitaw ang mga bagong kaisipan sa siyensiya, relihiyon, at pilosopiya.
Mga Pangarap na Hindi Natupad
Sa makabagong panahon, patuloy na iniaalok ng mga lunsod ang marami sa gayunding mga kapakinabangan. Hindi nga kataka-taka na milyun-milyon ang patuloy na naaakit sa mga ito—lalo na sa mga lupain kung saan ang buhay sa mga lalawigan ay naging lubhang napakahirap. Gayunman, para sa maraming tao na lumilipat sa mga lunsod, ang mga pangarap na magkaroon ng mas mabuting buhay ay hindi natutupad. Ang aklat na Vital Signs 1998 ay nagsabi: “Ayon sa isang pag-aaral ng Population Council kamakailan, ang uri ng buhay sa maraming pamayanan ng mga lunsod sa mga papaunlad na lupain ay mas mahirap ngayon kaysa sa mga lugar sa lalawigan.” Bakit nagkaganito?
Sumulat si Henry G. Cisneros sa The Human Face of the Urban Environment: “Kapag naipon ang mga dukha sa ilang espesipikong lugar, ang kanilang mga problema ay mabilis na nagkakapatung-patong. . . . Ang patuloy na pagsisiksikan ng mga dukha na karamiha’y kabilang sa minorya ay kasabay ng lumulubhang kawalan ng hanapbuhay, lumalaganap at nagtatagal na pagdepende sa sustento ng gobyerno, sari-saring suliraning pangkalusugan ng bayan, at, ang pinakanakatatakot, ang paglago ng krimen.” Ang aklat na Mega-city Growth and the Future ay may gayunding obserbasyon: “Ang maramihang pagdagsa ng mga tao ay malimit na nagiging sanhi ng mataas na bilang ng mga walang trabaho at ng mga kulang sa trabaho sapagkat hindi masapatan ng dami ng trabaho ang lumalaking bilang ng mga naghahanap nito.”
Ang lumalaking bilang ng mga batang lansangan ay isang nakahahabag na katibayan ng matinding karalitaan na umiiral sa mga lunsod sa mga papaunlad na lupain. Ayon sa ilang pagtaya, may 30 milyong batang lansangan sa buong daigdig! Sinabi ng aklat na Mega-city Growth and the Future: “Sinisira ng karalitaan at ng iba pang mga problema ang mga ugnayang pampamilya anupat napipilitan ang mga batang lansangan na ipagsanggalang ang kanilang sarili.” Ang gayong mga bata ay kadalasang naghahanap ng ikabubuhay sa pamamagitan ng paghahalukay sa mga basura, pamamalimos, o pagtanggap ng mabababang trabaho sa mga lokal na palengke.
Iba Pang Masaklap na Katotohanan
Ang karalitaan ay maaaring magbunga ng krimen. Sa isang lunsod sa Timog Amerika na bantog sa makabago at modernong arkitektura nito, naging napakalaganap ng krimen anupat mabilis na dumarami ang mga rehas na bakal sa kapaligiran ng lunsod. Mula sa pinakamayaman hanggang sa pinakamahirap, ang mga mamamayan ay nagtatayo ng mga bakod na bakal upang pangalagaan ang kanilang ari-arian at katahimikan. Waring sila’y nakatira sa mga hawla. Inilalagay pa nga ng ilan ang mga rehas bago pa man mayari ang kanilang bahay.
Ang malalaking populasyon ay nagiging pabigat din sa kakayahan ng lunsod na maglaan ng pangunahing mga serbisyo gaya ng tubig at sanitasyon. Tinataya na sa isang lunsod sa Asia, 500,000 pampublikong palikuran ang kailangan. Gayunman, ipinakikita sa isang surbey kamakailan na 200 palikuran lamang ang maayos!
Hindi rin dapat kaligtaan ang mapaminsalang epekto na idinudulot ng labis na populasyon sa lokal na kapaligiran. Ang mga kalapit na sakahan ay naglalaho habang lumalawak ang mga hangganan ng lunsod. Sinabi ni Federico Mayor na dating hepe ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization: “Ang mga lunsod ay kumokonsumo ng napakaraming enerhiya, sumasaid sa mga suplay ng tubig, at umuubos ng maraming pagkain at materyales. . . . Ang pisikal na kapaligiran ng mga ito ay said na sapagkat hindi na nito mailaan ang mga pangangailangan ni makayanan man ang ibinubungang mga suliranin.”
Mga Problema ng Malalaking Lunsod sa mga Kanluraning Lupain
Ang situwasyon sa mga lupaing Kanluranin ay maaaring hindi kasinlubha, gayunma’y dumaranas pa rin ng krisis ang mga lunsod. Halimbawa, ang aklat na The Crisis of America’s Cities ay nagsabi: “Ang mga lunsod sa Amerika sa ngayon ay kasusumpungan ng napakaraming karahasan. . . . Ang pagiging laganap ng karahasan sa mga lunsod sa Amerika ay napakalubha anupat pinag-uukulan ito ng malaking pansin sa mga babasahin sa medisina bilang isa sa malalaking isyung pangkalusugan ng bayan sa ating kapanahunan.” Sabihin pa, ang karahasan ay isang salot sa maraming malalaking lunsod sa buong daigdig.
Ang pagbaba ng uri ng buhay sa lunsod ay isang dahilan kung bakit ang maraming lunsod ay hindi na kaakit-akit sa mga nagpapatrabaho. Sinabi ng aklat na The Human Face of the Urban Environment: “Ang mga negosyo ay lumipat na sa labas ng mga lunsod o sa ibang bansa, nagsara ng mga planta, anupat nag-iwan ng ‘mga bukiring kulay-kape’—mga gusaling bakante sa mga loteng narumhan, na kinababaunan ng mga kemikal na nakalalason, anupat lubusang hindi na magagamit.” Bilang resulta, masusumpungan sa maraming lunsod ang mga dukha na naiipon sa mga lugar “na doo’y napakadaling ipagwalang-bahala ang mga problemang pangkapaligiran—kung saan nasisira ang mga sistema ng imburnal; kung saan hindi nalilinis nang husto ang tubig; kung saan ang maruruming insekto ay naglipana sa mga loteng tambakan ng basura at pumapasok sa mga tirahan; kung saan ang mga bata ay nakakakain ng pinturang may tingga mula sa mga dingding ng apartment sa mga gusaling nabubulok . . . kung saan waring wala nang sinumang nababahala.” Sa gayong kapaligiran, ang krimen, karahasan, at kawalang-pag-asa ay lumalaganap.
Karagdagan pa, ang mga lunsod na Kanluranin ay nahihirapang maglaan ng pangunahing mga serbisyo. Noong 1981, ang mga awtor na sina Pat Choate at Susan Walter ay sumulat ng isang aklat na may madamdaming pamagat na America in Ruins—The Decaying Infrastructure. Doon ay sinabi nila: “Ang mga pampublikong pasilidad sa Amerika ay mas mabilis na nasisira kaysa napapalitan.” Ang mga awtor ay nagpahayag ng malaking pagkabahala dahil sa dami ng kinakalawang na tulay, sira-sirang kalsada, at gumuguhong sistema ng imburnal sa pangunahing mga lunsod.
Pagkalipas ng dalawampung taon, ang mga lunsod na gaya ng New York ay mayroon pa ring mga humihinang imprastraktura. Inilarawan sa isang artikulo sa New York Magazine ang dambuhalang proyektong Third Water Tunnel. Ito’y inabot na ngayon ng mga 30 taon at tinatawag na ang kaisa-isang pinakamalaking proyektong imprastraktura sa Kanlurang Hemispero. Ginagastusan ito ng mga limang bilyong dolyar. Kapag natapos na, ang tunel ay maghahatid ng isang bilyong galon ng sariwang tubig bawat araw sa New York City. “Ngunit sa kabila ng lahat ng puspusang paghuhukay na ito,” sabi ng manunulat, “ang tunel ay karagdagan lamang sa mga tubong nakalagay na, upang makumpuni ang mga ito sa unang pagkakataon mula nang ikabit ang mga ito noong pasimula ng siglo.” Ayon sa isang artikulo sa The New York Times, ang pagkumpuni sa iba pang bahagi ng gumuguhong imprastraktura ng lunsod—ang mga subway nito, ang pinakamalalaking tubo nito ng tubig, ang mga kalsada nito, ang mga tulay nito—ay gugugol ng tinatayang 90 bilyong dolyar.
Hindi lamang ang lunsod ng New York ang nahihirapang maglaan ng kinakailangang mga serbisyo. Sa katunayan, ilang malalaking lunsod ang nakitang nanganganib na maputulan ng mga ito dahil sa maraming kadahilanan. Noong Pebrero 1998, ang Auckland, New Zealand, ay naperhuwisyo sa loob ng mahigit sa dalawang linggo dahil sa isang malubhang pagkawala ng kuryente. Ang mga naninirahan sa Melbourne, Australia, ay nawalan ng mainit na tubig sa loob ng 13 araw nang isara ang mga suplay ng gas dahil sa isang aksidenteng pang-industriya sa isang plantang pinanggagalingan nito.
At nariyan din ang problema na dinaranas sa lahat halos ng lunsod—buhul-buhol na trapiko. Sinabi ng arkitektong si Moshe Safdie: “Isang saligang di-pagkakasuwato—isang kabalintunaan—ang umiiral sa pagitan ng laki ng mga lunsod at ng mga sistema sa transportasyon na nagseserbisyo sa mga iyon. . . . Kinailangang iangkop ng matatanda nang mga lunsod ang kanilang pangunahing mga kalsada sa dami ng sasakyan na hindi inaasahan noong panahong gawin ang mga ito.” Ayon sa The New York Times, sa mga lunsod na gaya ng Cairo, Bangkok, at São Paulo, ang buhul-buhol na trapiko ang siyang “kaayusan.”
Sa kabila ng lahat ng mga problemang ito, waring walang tigil ang paglipat sa mga lunsod. Gaya ng sinabi sa isang artikulo sa The UNESCO Courier, “tama man o mali, ang lunsod ay waring nag-aalok ng pag-unlad at kalayaan, isang natatanaw na oportunidad, isang di-mapaglabanang pang-akit.” Ngunit ano nga ba ang magiging kinabukasan ng malalaking lunsod sa daigdig? Mayroon bang anumang makatotohanang lunas sa kanilang mga problema?
[Blurb sa pahina 5]
“Ang maramihang pagdagsa ng mga tao ay malimit na nagiging sanhi ng mataas na bilang ng mga walang trabaho at ng mga kulang sa trabaho”
[Larawan sa pahina 7]
Sinasalot ng buhul-buhol na trapiko ang maraming lunsod
[Larawan sa pahina 7]
Milyun-milyong batang lansangan ang nagsasanggalang ng kanilang sarili
[Larawan sa pahina 7]
Para sa marami na nakatira sa lunsod, ang mga pangarap na magkaroon ng mas mabuting buhay ay hindi natutupad