Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/8 p. 22-24
  • Niluluwalhati ang Kapayapaan sa Halip na Digmaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Niluluwalhati ang Kapayapaan sa Halip na Digmaan
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Karera sa Sining
  • Dumami ang mga Katanungan Hinggil sa Buhay
  • Paggawa ng Mahahalagang Pasiya
  • Paglaban sa mga Balakid sa Pamamagitan ng Pagtatakda ng mga Tunguhin
    Gumising!—2001
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Sinabi Nilang Hindi Na Ako Muling Makalalakad!”
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/8 p. 22-24

Niluluwalhati ang Kapayapaan sa Halip na Digmaan

AYON SA SALAYSAY NI DOROTHY HORLE

Noong 1919, ipinanganak ako sa isang Italyanong Katolikong pamilya sa Wilmington, Delaware, E.U.A. Hindi kailanman dumalo ang aking mga magulang sa mga serbisyo ng simbahan, ngunit pinapupunta nila kaming magkakapatid na babae sa simbahan. Namangha ako sa malalaking simbahan na may maririlag na arkitektura, mga estatuwa, at karangyaan.

SA paglipas ng mga taon, nawalan ako ng interes sa Katolisismo. Hindi binigyang halaga ng simbahan ang Bibliya, na pinagpipitaganan at regular na binabasa ng aking ama. Nabagabag ako sa mga pahayagan ng simbahan na bumabanggit sa mga pangalan ng mga nag-aabuloy at kung magkano ang iniabuloy ng mga ito. Marami ring sabi-sabi hinggil sa mga suwail na pari. Pagsapit ng edad na 15, hindi na ako isang aktibong Katoliko. Binigyan ako nito ng higit na panahon upang maitaguyod ang pagsasanay sa sining.

Isang Karera sa Sining

Noong 1940, nang ako ay 21 taóng gulang, pinakasalan ko si William Horle, isang kabataang lalaki na nasisiyahan sa pagguhit ng anumang bagay na nauugnay sa militar​—mga eroplano, sundalo, baril, at barko. Natuwa si Bill na ako’y isang pintor, at ibinili niya ako ng aking unang set ng mga oleo (oil paint). Sinimulan kong pag-aralan ang mga pamamaraan ng dalubhasang mga pintor.

Dalawang taon pagkatapos ng aming kasal, ginawang libangan ni Bill ang paggawa ng maliliit na modelong pangmilitar na yari sa tingga. Mga laruang sundalo? Hinding-hindi! Hinangad niyang gumawa ng tunay na mga likhang-sining. Ang ibang bihasang manggagawa ay gumagamit ng plastik, kahoy, o plaster, ngunit akmang-akma kay Bill na gumamit ng tingga dahil nagsanay siya bilang isang makinista.

Magdidisenyo siya ng isang pigura, gagawa ng isang molde, at pagkatapos ay ihuhulma ang pigura sa tingga. Nang maglaon, naging bihasang-bihasa na siya sa paghuhugpung-hugpong ng hinulmang mga bahagi, paghihinang, pagpapakinis, at pagpapakintab. Nang dakong huli ang mga moldeng gawa sa eskayola na kaniyang ginamit ay pinalitan niya ng mga moldeng gawa naman sa dental compound. Dahil dito ay naging mas detalyado ang kaniyang gawa.

Kapag nayari na ang bawat piraso ng solidong metal, trabaho ko naman na tapusin ito. Sa pamamagitan ng masusing pananaliksik, nasumpungan namin ang mga paglalarawan sa mga dating uniporme ng mga sundalo​—maging ang mga butones, mga tirintas, mga tsapa ng ranggo, at mga kulay ng mga ito.

Sa tulong ng mga lente, papahiran ko ang mga ito ng mga oleo at pinturang dinisenyo na kumapit sa metal. Pinangyayari nito na magmukhang buháy ang aming mga pigurin. Sa aming maliit na silong sa Philadelphia, Pennsylvania, gumawa kami ng mga Amerikanong Indian, mga sundalo ng Digmaang Sibil, mga U.S. Marine, mga kabayo at mga mangangabayo noong panahon ni Napoleon, mga Ehipsiyong Mamluk, mga Zouave ng Algeria, at iba pa.

Pagkatapos ay nakatanggap si Bill ng isang imbitasyon mula sa U.S. Marine Corps upang gumawa ng isang kawangis ng unang pangkat ng mga nakakabayong marino na nakatalaga sa Peking (ngayon ay Beijing), Tsina, bago noong 1939. Ginawa namin ito nang walang humpay, at noong 1954, iniharap namin ito sa Smithsonian Institution sa Washington, D.C. Pagkalipas ng ilang taon, itinanong ni Presidente Lyndon Johnson kung maaari itong mailipat sa White House. Siyempre, pumayag kami.

Hindi namin kailanman ipinagbili ang aming mga pigurin, ngunit namigay si Bill ng daan-daan. Pinapurihan kami sa maraming aklat hinggil sa mga modelong sundalo. Ang aming gawa ay idinispley sa World’s Fair noong 1965 sa Flushing Meadow, sa Queens, New York. Hiningi ng mga museo ang aming mga modelo. Ginamit ni Bruce Catton, isang istoryador hinggil sa Digmaang Sibil sa Estados Unidos, ang ilan sa aming mga diorama at pigurin upang magsilbing mga larawan sa kaniyang mga aklat.

Dumami ang mga Katanungan Hinggil sa Buhay

Gayunman, nang ako’y mag-edad 40, nagbago ang mga bagay-bagay para sa akin. Nagsimula akong mag-isip hinggil sa Diyos. Isang Araw ng Pasko, limang batang Katoliko ang nasunog at namatay sa isang natupok na bahay habang nasa simbahan ang kanilang mga magulang. Nagmuni-muni ako, ‘Paano hahayaan ng Diyos na mangyari ito sa kaniyang kaarawan?’ Nakakita ako ng isang aklat na gumugunita sa mga kalupitan sa mga Judio noong panahon ng Holocaust. Ang mga ito at ang iba pang kahila-hilakbot na mga pangyayari sa daigdig ang nag-udyok sa akin na magtanong, ‘Nasaan ang Diyos? Hindi niya ginagawa ang dapat niyang gawin!’

Mula sa maagang halimbawa ng aking ama, nadama ko na ang sagot ay malamang na nasa Bibliya. Kaya nagpunta ako sa Katolikong kumbento na malapit sa aming tahanan sa Philadelphia at isinaayos ko ang isang pakikipagtagpo sa isang pari upang pag-usapan ang Bibliya. Naghintay ako nang naghintay, ngunit hindi siya sumipot. Bawat linggo sa loob ng apat na linggo, nagpunta ako sa kumbento ngunit ni minsan ay hindi ko nakausap ang pari.

Isang gabi, yamang malungkot at nasisiphayo, tumingin ako sa kalangitan at nanalangin: “Hindi kita kilala. Hindi ko alam kung saang relihiyon ka kaanib, ngunit alam kong naririyan ka. Pakisuyong pahintulutan mo naman akong makilala ka!” Pagkatapos ng sandaling panahon, dumalaw sa aking tahanan ang mga Saksi ni Jehova.

Paminsan-minsan, nakikita ko ang mga Saksi na nagpaparada ng kanilang mga kotse, bumababa sa sasakyan, at nagpupunta sa iba-ibang tahanan. Bagaman wala akong alam hinggil sa kanila o kung bakit sila dumadalaw, naging mausisa ako sa kanilang misyon.

Nang araw na iyon noong 1961 nang dumalaw ang mga Saksi, nanlulumo ako dahil walang nangyayari sa aking paghahanap sa Diyos. Habang kinukuskos ko ang pintuan sa harapan ng aking bahay, isang babaing nasa kalagitnaang gulang na ang pangalan ay Marge Brion ang umakyat sa hagdanan ng beranda at bumati sa akin. Hindi ako lumingon upang siya ay pansinin. Ngunit nang ipakipag-usap niya ang hinggil sa lupa na gagawing isang magandang paraiso, pinakinggan kong mabuti ang kaniyang sinabi. Sa wakas ay itinanong niya, “Nakikinig ka ba sa akin?”

Inulit ko ang sinabi niya, kalakip ang talata sa Bibliya na sinipi niya mula sa Isaias 55:11. Pagkatapos ay lumingon ako, hinawakan ang kaniyang braso, at sinabi, “Tuloy kayo!” Ibinigay niya sa akin ang una kong Bibliya at ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso. Inalukan din niya ako ng isang regular na pag-uusap sa Bibliya​—ang mismong uri ng pag-aaral na inasahan kong ipagkakaloob sa akin ng Simbahang Katoliko.

Yamang dalawang beses sa isang linggo ang pag-aaral, naging mabilis ang aking pagsulong sa pag-aaral ng Bibliya. Sa maikling panahon, maliwanag na nasumpungan ko na ang katotohanan. Ang pagkatuto sa pangalan ng Diyos, na Jehova, ay isang lubhang madamdaming karanasan para sa akin. (Awit 83:18) Isip-isipin na lamang​—ito ang Diyos na hinangad kong makilala mula sa pagkabata! Natutuhan ko rin na ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay hindi isang mahiwagang bahagi ng isang tatluhang diyos. (Juan 14:28) Di-nagtagal, dumadalo na ako sa Kristiyanong mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at naghahangad na maging isang buong-panahong tagapaghayag ng mensahe ng Bibliya.

Paggawa ng Mahahalagang Pasiya

Ngayon ay napaharap ako sa aking pinakamatinding pagsubok. Sisirain ko ba ang tambalan sa sining nina William at Dorothy Horle? Paano ko mapaglilingkuran ang Diyos ng kapayapaan at ang kaniyang Anak, ang Prinsipe ng Kapayapaan, habang niluluwalhati naman ang digmaan sa pamamagitan ng sining? (Isaias 9:6) Hindi ba’t ipinangako ni Jehova na kaniyang ‘patitigilin ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa’? (Awit 46:9) Kaya bakit ipagpapatuloy ang isang bagay na wawakasan ng Diyos? At hindi ba’t inihula ni Isaias na ang bayan ng Diyos ay ‘magpupukpok ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at hindi na mag-aaral ng pakikipagdigma? (Isaias 2:4) Matagal at taimtim akong nag-isip at nanalangin. “Hindi ko na maaaring ipinta ang mga ito!” ang desisyon ko. Noong Abril 25, 1964, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Madalas sabihin ni Bill kung gaano siya kalungkot na balang araw ay kailangan kaming maghiwalay sa kamatayan. Nang magsimula akong mag-aral ng Bibliya, sinasabi ko sa kaniya: “Bill, maaari tayong mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos!” (Isaias 25:8; Apocalipsis 21:4, 5) Akala niya ay nababaliw ako. Nang ipaliwanag ko sa kaniya kung bakit dahil sa mabuting budhi ay hindi na ako maaaring magpinta ng mga piguring pangmilitar, nagalit siya at nagbantang iiwanan ako. Nang maglaon ay iniwan nga niya ako.

Gumawa si Bill ng mga piguring pangmilitar nang nag-iisa sa loob ng maraming taon. Ngunit hindi naman siya lumipat sa malayo, at lagi niya akong sinusuportahan at ang aming anak na lalaking si Craig, na ipinanganak noong 1942. Noong 1988, bumalik si Bill, at nagsama kami sa loob ng sampung taon hanggang sa kaniyang kamatayan.

Samantala, noong 1966, natamo ko ang aking tunguhin na maging isang payunir. Mula noon, hindi ako kailanman nanghinayang. Naging pribilehiyo ko na magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa aking ate. Tinanggap niya ang mga turo nito, at nananatili siyang isang aktibong Saksi hanggang ngayon. Nakinig ang aking ama sa mensahe ng Bibliya at sa loob lamang ng dalawang linggo ay nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Sa edad na 75, siya ay binautismuhan, at nanatili siyang tapat sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan sa edad na 81. Tinanggap din ng aking ina si Jehova bilang kaniyang Diyos, bagaman namatay siya bago siya nakapag-alay. Halos 94 na siya.

Sa paglipas ng mga taon, lubha akong pinagpala ni Jehova, ang Diyos ng kapayapaan. Ngayon, sa edad na 81, payunir pa rin ako, bagaman nahihirapan na akong maglakad-lakad. Nadarama ko ang gaya ng nadama ni apostol Pablo, na sumulat: “Ako ay nagpapasalamat kay Kristo Jesus na ating Panginoon, na nagbigay ng kapangyarihan sa akin, sapagkat itinuring niya akong tapat sa pamamagitan ng pag-aatas sa akin sa isang ministeryo.” (1 Timoteo 1:12) Tunay nga na naging isang maluwalhating ministeryo ito! Marami sa mga inaralan ko ng Bibliya ang gumawa rin ng kanilang mga pagsasakripisyo sa kanilang sarili upang maglingkod sa ating maawaing Diyos.

Talagang nalulungkot ako na ang aking buong pamilya ay hindi tumugon sa katotohanan ng Bibliya. Baka pagdating ng panahon, higit pa ang tutugon. Ngunit sa kaso ko ay napatunayang totoo ang mga salita ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay ‘makatatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak.’ (Marcos 10:30) Talaga namang pinayaman ako ni Jehova. Tunay na isang karangalan at isang kagalakan na ipagpalit ang katanyagan at digmaan para sa Diyos at sa kapayapaan!

[Larawan sa pahina 22]

Kasama si Heneral L. C. Shepherd, Jr., noong 1954

[Credit Line]

Defense Dept. photo (Marine Corps)

[Larawan sa pahina 23]

(Aktuwal na sukat)

[Larawan sa pahina 24]

Sa edad na 81, nakapagpayunir na ako nang mahigit na 30 taon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share