Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/22 p. 8-12
  • Kung Paano Nakaligtas ang Relihiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Nakaligtas ang Relihiyon
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Lubhang Pinahalagahan ng KGB”
  • Katulong ng Estadong Sobyet
  • Kung Paano Nakaligtas ang mga Saksi
  • Kung Paano Nagbago ang mga Kalagayan
  • Ang Pagsalakay ng Sobyet sa Relihiyon
    Gumising!—2001
  • Isang Tudlaan ng Pagsalakay ng Sobyet
    Gumising!—2001
  • Ano ang Kinabukasan ng Relihiyon?
    Gumising!—2001
  • Madulang Pag-unlad
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/22 p. 8-12

Kung Paano Nakaligtas ang Relihiyon

NANG lusubin ng Nazing Alemanya ang Russia noong Hunyo 1941, halos nalipol na ng mga Sobyet ang Simbahang Ruso Ortodokso. Ngunit pagkatapos ng paglusob ng mga Nazi, sinimulang baguhin ng mga Sobyet ang kanilang saloobin sa relihiyon. Ano ang nag-udyok nito?

Ipinaliwanag ni Richard Overy, propesor ng makabagong kasaysayan sa King’s College, London, sa kaniyang aklat na Russia’s War​—Blood Upon the Snow: “Si Metropolitan (obispo) Sergei [Sergius], pinuno ng Simbahan, ay nagsumamo sa mga tapat nang mismong araw ng paglusob ng mga Aleman na gawin nila ang lahat upang magwagi. Naglathala siya ng di-kukulangin sa dalawampu’t tatlong liham nang sumunod na dalawang taon, na nananawagan sa kaniyang kawan na ipakipaglaban ang walang-diyos na estado na kanilang tinatahanan.” Kaya, patuloy ni Overy, ‘pinahintulutan ni Stalin na muling lumaganap ang relihiyon.’

Noong 1943, sa wakas ay pumayag si Stalin na kilalanin ang Simbahang Ortodokso sa pamamagitan ng paghirang kay Sergius bilang ang bagong patriyarka nito. “Ang mga awtoridad ng Simbahan ay tumugon sa pamamagitan ng paglikom ng salapi mula sa mga tapat upang tustusan ang isang sandatahang hanay ng Sobyet,” ang sabi ni Overy. “Hinimok ng mga pari at obispo ang kanilang mga kongregasyon na tuparin ang pananampalataya, ang sa Diyos at kay Stalin.”

Sa paglalarawan sa yugtong ito ng kasaysayan ng Russia, sumulat ang Rusong iskolar sa relihiyon na si Sergei Ivanenko: ‘Ang opisyal na lathalain ng Simbahang Ruso Ortodokso, The Journal of the Moscow Patriarchate, ay pumuri kay Stalin bilang ang pinakadakilang lider at guro sa lahat ng panahon at bansa, na isinugo ng Diyos upang iligtas ang bansa mula sa paniniil, mga may-ari ng lupa, at mga kapitalista. Nanawagan ito sa mga mananampalataya na ibigay ang kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo sa pagtatanggol sa USSR laban sa mga kaaway nito at gawin ang buo nilang makakaya upang itatag ang Komunismo.’

“Lubhang Pinahalagahan ng KGB”

Kahit nang matapos na ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, ang Simbahang Ortodokso ay nanatiling kapaki-pakinabang sa mga Komunista. Isiniwalat ng The Soviet Union: The Fifty Years, isinaayos ni Harrison Salisbury, kung bakit nagkaganito: “Nang matapos ang digmaan, ang mga lider ng simbahan ay sumang-ayon sa mga kahilingan ng patakaran ni Stalin sa pakikitungo sa ibang bansa may kaugnayan sa Cold War.”

Inilalarawan ng bagong aklat na The Sword and the Shield kung paano pinagsilbihan ng mga lider ng simbahan ang mga interes ng Sobyet. Ipinaliliwanag nito na si Patriyarka Alexis I, na humalili kay Sergius bilang patriyarka noong 1945, “ay sumali sa World Peace Council, ang pambalatkayong organisasyon ng Sobyet na itinatag noong 1949.” Sinasabi rin ng aklat na siya at si Metropolitan Nikolai “ay lubhang pinahalagahan ng KGB [ang Komiteng Panseguridad ng Estadong Sobyet] bilang mga kasangkapang pang-impluwensiya.”

Kapansin-pansin na noong 1955, idineklara ni Patriyarka Alexis I: “Ang Simbahang Ruso Ortodokso ay sumusuporta sa lubos na mapayapang patakaran ng ating pamahalaan sa pakikitungo sa ibang bansa, hindi sa dahilang diumano’y walang kalayaan ang Simbahan, kundi sa dahilang ang patakaran ng Sobyet ay matuwid at katugma ng mga pamantayang Kristiyano na ipinangangaral ng Simbahan.”

Sa isyu ng Enero 22, 2000, ng The Guardian ng London, Inglatera, sinipi ang sinabi ng disidenteng paring Ortodokso na si Georgi Edelshtein: “Ang lahat ng obispo ay maingat na pinipili upang sila’y makipagtulungan sa pamahalaang sobyet. Lahat ay mga agent ng KGB. Alam ng marami na si Patriyarka Alexy ay kinalap ng KGB, anupat may code-name na Drozdov. Sa ngayon, pinananatili nila ang gayunding pulitika na taglay nila 20 o 30 taon na ang nakararaan.”

Katulong ng Estadong Sobyet

May kinalaman sa kaugnayan ng Simbahang Ortodokso at ng mga Sobyet, ganito ang napansin ng magasing Life ng Setyembre 14, 1959: “Binigyan ni Stalin ng ilang pribilehiyo ang relihiyon, at itinuring siya ng simbahan na parang czar. Ang pakikipagtulungan ng ortodoksiya ay tiniyak sa pamamagitan ng isang pantanging kawanihan ng pamahalaan at ginamit ng mga Komunista ang simbahan mula noon bilang isang kasangkapan ng estadong Sobyet.”

Pinatotohanan ni Matthew Spinka, isang awtoridad sa mga gawain ng simbahan sa Russia, ang pag-iral ng matalik na kaugnayan ng Simbahan at Estado sa kaniyang aklat na The Church in Soviet Russia, na inilathala noong 1956. Isinulat niya: “Sinadya ni kasalukuyang Patriyarka Alexei na ang kaniyang Simbahan ay maging kasangkapan ng pamahalaan.” Sa katunayan nga, ang Simbahang Ortodokso ay nakaligtas sa pamamagitan ng pagiging katulong ng Estado. ‘Ngunit napakalaki na bang kasalanan niyan?’ baka itanong mo. Buweno, pag-isipan kung paano minamalas ng Diyos at ni Kristo ang bagay na ito.

Sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa kaniyang tunay na mga alagad: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan.” At tahasang itinatanong ng Salita ng Diyos: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos?” (Juan 15:19; Santiago 4:4) Sa gayon, gaya ng paglalarawan ng Bibliya, ginawa ng simbahan ang kaniyang sarili na isang relihiyosong patutot na “pinakiapiran ng mga hari sa lupa.” Ipinakita nito na ito’y bahagi ng tinatawag sa Bibliya na “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.”​—Apocalipsis 17:1-6.

Kung Paano Nakaligtas ang mga Saksi

Sa kabaligtaran, isiniwalat ni Jesu-Kristo kung paano makikilala ang kaniyang tunay na mga tagasunod, na sinasabi: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na ito ang isang pangunahing salik sa pagkaligtas ng mga Saksi sa dating Unyong Sobyet, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na ulat sa The Sword and the Shield. “Tinutulungan ng mga Jehovist sa lahat ng paraan ang kanilang mga kapananampalataya na nasa mga kampo [ng sapilitang pagtatrabaho] o mga tapon sa loob ng bansa, anupat tinutustusan sila ng salapi, pagkain at damit.”

Kasama sa “pagkain” na inilaan para sa mga nasa kampong piitan yaong uring espirituwal​—mga Bibliya at literaturang salig sa Bibliya. Ang Bibliya ay naglalaman ng ‘mga pananalita ng Diyos,’ na sinabi ni Jesus na kailangan natin upang tustusan ang ating espirituwal na buhay. (Mateo 4:4) Ang literatura ay ipinuslit sa mga kampo sa kabila ng malaking panganib na nasasangkot dito, yamang ang sinuman na matuklasang gumagawa nito ay tatanggap ng matinding parusa.

Si Helene Celmina, isang taga-Latvia, ay ibinilanggo sa kampong bilangguan sa Potma sa Russia mula noong 1962 hanggang 1966. Isinulat niya ang Women in Soviet Prisons, isang aklat na doo’y ipinaliwanag niya: “Maraming Saksi ni Jehova ang tumanggap ng sampung taóng mabigat na pagtatrabaho dahil lamang sa pagkakaroon ng ilang isyu ng magasing Bantayan sa kanilang mga apartment. Yamang ang mga tao ay inaaresto sa dahilang mayroon sila ng mga babasahing ito, mauunawaan nga kung bakit ikinababalisa at ikinagagalit ng administrasyon ang presensiya ng literaturang ito sa kampo.”

Walang alinlangan, ang pagsasapanganib ng personal na kalayaan at kaligtasan upang makapaglaan ng espirituwal na tulong ay katibayan ng Kristiyanong pag-ibig! Ngunit bagaman ito’y isang mahalagang salik sa pagkaligtas ng mga Saksi, may isang salik na mas mahalaga pa. “Hindi maintindihan ninuman,” sabi ni Helene Celmina, “kung paano nakapapasok ang ipinagbabawal na literatura sa lugar na ito na may matitinik na alambre at limitadong pagtatalastasan ng mga tao.” Parang imposible ito, yamang lahat ng pumapasok sa bilangguan ay buong-ingat na kinakapkapan. “Para bang ang mga anghel ay lumipad sa itaas sa kinagabihan at inihulog ito,” sulat ng awtor na ito.

Totoo naman, ipinangako ng Diyos na hindi niya iiwan, o pababayaan, ang kaniyang bayan. Kaya gaya ng ginawa ng salmista sa Bibliya, handa ang mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet na kilalanin: “Narito! Ang Diyos ay aking katulong.” (Awit 54:4; Josue 1:5) Tunay nga, mahalaga ang kaniyang tulong sa pagkaligtas ng mga Saksi sa dating Unyong Sobyet!

Kung Paano Nagbago ang mga Kalagayan

Noong Marso 27, 1991, ang mga Saksi ni Jehova ay naging isang organisasyong legal na kinikilala sa Unyong Sobyet nang lagdaan ang isang legal na karta na kinapapalooban ng sumusunod na deklarasyon: “Ang layunin ng Relihiyosong Organisasyong ito ay ang tuparin ang relihiyosong gawain na paghahayag ng pangalan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang maibiging mga paglalaan para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian sa pamumuno ni Jesu-Kristo.”

Kasama sa mga pamamaraan na nakatala sa karta para sa pagsasagawa ng relihiyosong gawaing ito ang pangangaral sa publiko at pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao, pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya sa mga nais makinig, pagdaraos ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa tulong ng mga publikasyong para sa pag-aaral ng Bibliya, at pamamahagi ng mga Bibliya.

Mula nang lagdaan ang dokumentong iyon mahigit na sampung taon na ang nakararaan, ang Unyong Sobyet ay nagkawatak-watak na, at malaki ang ipinagbago ng situwasyon ng relihiyon sa 15 dating republika ng Sobyet. Ano ang masasabi tungkol sa kinabukasan ng relihiyon doon at sa iba pang bahagi ng daigdig?

[Kahon sa pahina 11]

Ang Pakikipagtulungan ng Simbahan sa mga Sobyet

Sa kaniyang aklat na Russia Is No Riddle, na inilathala noong 1945, sumulat si Edmund Stevens: “Lubhang pinakaingatan ng Simbahan na huwag kagatin ang kamay na nag-aalaga rito sa ngayon. Lubusan nitong natanto na bilang kapalit ng mga pabor na ipinagkakaloob, inaasahan ng Estado na ibibigay ng Simbahan ang matibay na suporta nito sa rehimen at kikilos ito kaayon ng ilang limitasyon.”

Ipinaliwanag pa ni Stevens: “Ang tradisyon sa loob ng maraming siglo bilang ang opisyal na relihiyon ng Estado ay nakaugat nang malalim sa Simbahang Ortodokso, kaya nga madali nitong nagampanan ang bagong papel nito bilang malapít na pakikipagtulungan sa Pamahalaang Sobyet.”

Lubusang sinaliksik ng Keston Institute ang nakaraang pagtutulungan ng mga Sobyet at ni Alexis II, ang kasalukuyang patriyarka ng Simbahang Ruso Ortodokso. Sa ganito nagtapos ang ulat nito: “Ang pakikipagtulungan ni Aleksi ay hindi pambihira​—lahat halos ng mga nakatataas na lider ng lahat ng relihiyon na opisyal na kinikilala​—kasama na ang mga Katoliko, Baptist, Adventist, Muslim at Budista​—ay kinalap bilang mga agent ng KGB. Sa katunayan, ang taunang ulat na naglalahad sa pagkalap kay Aleksi ay sumasaklaw rin sa marami pang ibang agent, na ang ilan sa kanila ay nasa Simbahang Luterano ng Estonia.”

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Pinaaabutan Yaong Nasa mga Kampo

Ginugol ni Viktors Kalnins, isang peryodista na taga-Latvia, ang kalakhang bahagi ng kaniyang sampung-taóng sentensiya (1962-72) sa pasilidad ng kampo sa Mordovian Republic, mga 400 kilometro sa timog-silangan ng Moscow. Sa pakikipanayam ng isang manunulat ng Gumising! noong Marso 1979, tinanong si Kalnins: “Alam ba ng mga Saksing nakabilanggo kung ano ang nangyayari rito sa Estados Unidos o sa ibang mga bansa may kinalaman sa organisasyon?”

“Alam nila,” tugon ni Kalnins, “at ito’y sa pamamagitan ng literatura na tinatanggap nila. . . . Ipinakita pa nga nila sa akin ang kanilang mga magasin. Hindi ko kailanman nalaman kung saan nakatago ang literatura; ito’y palipat-lipat sa pana-panahon. Ngunit alam ng lahat na nasa loob ng kampo ang literatura. . . . Pilit na itinatago ng mga Saksi ni Jehova ang literatura at pilit ding hinahanap ng mga guwardiya ang literatura!”

Sa tanong na “Tinangka ba ng mga Saksi ni Jehova na kausapin ka tungkol sa kanilang mga paniniwala?” tumugon si Kalnins: “Aba oo! Alam na alam ng lahat ang mga ito. Alam namin ang lahat tungkol sa Armagedon . . . Madalas silang makipag-usap tungkol sa wakas ng pagkakasakit.”

[Larawan]

May tibay ng loob na ibinahagi ng mga Saksi sa mga kampo sa Mordovian Republic ang mga katotohanan sa Bibliya

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ipinatapon ang mga Vovchuk sa Irkutsk, Siberia, noong 1951 at sila’y nananatiling tapat na mga Kristiyano hanggang sa ngayon

[Larawan sa pahina 10]

Dahil sa pagsuporta ng simbahan noong Digmaang Pandaigdig II, pinahintulutan ni Stalin na pansamantalang lumaganap ang relihiyon

[Credit Line]

U.S. Army photo

[Larawan sa pahina 10]

Si Patriyarka Alexis I (1945-70) ay nagsabi: ‘Ang patakaran ng Sobyet ay katugma ng mga pamantayang Kristiyano na ipinangangaral ng Simbahan’

[Credit Line]

Central State Archive regarding the film/photo/phono documents of Saint-Petersburg

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share