Ang mga Pagbaha sa Mozambique—Kung Paano Inalagaan ng mga Kristiyano ang mga Biktima
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MOZAMBIQUE
MAAGA noong nakaraang taon, ang mga nanonood ng telebisyon ay natigilan sa mga larawan mula sa Mozambique tungkol sa mga taong nangungunyapit sa mga sanga ng mga punungkahoy habang ang tubig-baha ay nagbabanta sa kanila. Isang babae ang nagsilang samantalang nasa isang punungkahoy at nakita siyang itinataas ng helikopter upang iligtas kasama ang kaniyang sanggol. Gayunman, libu-libo ang naiwang nasa kagipitan—ang ilan ay kasama ng mga ahas—hanggang sa kumati ang tubig o hanggang sa masagip sila ng mga helikopter.
Nagsimula ang trahedya nang walang-tigil na bumuhos ang ulan sa kabiserang lunsod ng Mozambique, ang Maputo. Sa loob ng ilang oras, maraming karatig-bayan ng lunsod ay lubusang binaha. Sa ilang dako, umabot ang tubig sa mga bubong ng mga bahay. Ang mga lansangan ay naging mga rumaragasang ilog. Nagkaroon ng malalaking kanal, at ang mga bahay at mga kotse, gayundin ang halos lahat ng bagay, ay tinangay ng tubig. Ngunit mas malubha pa ang susunod na mangyayari.
Nagpatuloy ang buhos ng ulan, anupat binaha ang buong timugang bahagi ng bansa. Bumuhos din ang ulan sa mga katabing bansa na Timog Aprika, Zimbabwe, at Botswana. Dahil umaagos ang mga ilog na Incomati, Limpopo, at Zambezi mula sa mga bansang ito patungo sa Mozambique bago tumungo sa karagatan, nawasak ang malalaking bahagi ng Mozambique nang umapaw ang mga ito. Kung paano inalagaan ng mga Kristiyano ang isa’t isa noong panahon ng malaking sakunang ito ay isang kuwentong nakapagpapatibay ng pananampalataya.
Pagtaya sa Unang Pinsala
Noong Pebrero 9 nang nakaraang taon, dalawang kinatawan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Maputo ang umalis upang dumalaw sa hilaga. Nang mga alas nuwebe ng umaga, nadaanan nila ang lunsod ng Xinavane, kung saan ang tubig ng Ilog Incoluane ay napakataas. Ipinasiya nilang magpatuloy hanggang sa Xai-Xai, ang kabisera ng lalawigan ng Gaza. Gayunman, napansin nila na malapit sa lunsod ng Chókwè, kung saan madalas maganap ang malulubhang pagbaha kapag may mga bagyo, ay walang mga palatandaan ng mga problema. Kaya nagpasiya silang bumalik sa Maputo.
Subalit, habang papalapit sila sa Xinavane nang pauwi na sila, pinahinto sila ng barikada ng mga pulis. “Ang mga tubig-baha mula sa Timog Aprika ay umabot na rito at pinutol ang pambansang lansangan,” ang babala ng mga pulis. “Kahit mga bus o trak ay hindi makadaraan.” Ang mismong bahagi ng lansangan na tinawid nila nang umagang iyon ay lubusan na ngayong nakalubog sa tubig! Yamang ang mga ilog sa dako pa roon ng hilaga ay tumataas na rin, napahiwalay ang lugar mula sa ibang bahagi ng bansa.
Ipinasiya ng dalawa na magpalipas ng gabi sa karatig na Macia. Nang gabing iyon ay lumubha ang kalagayan. Ang buong lunsod ng Xinavane ay binaha, at ang mga tao roon ay nawalan ng lahat ng ari-arian. Gumawa ng mga kaayusan upang tulungan ang mga Saksi sa lugar na iyon na makarating sa isang Kingdom Hall sa Macia, kung saan isang pansamantalang kampo para sa mga nagsilikas ang itinayo. Agad na nagtungo ang mga Saksi sa mga bodega ng paninda at bumili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, balatong, harina, at mantika.
Natuon ngayon ang pagkabahala sa mga kapuwa Kristiyano sa Chókwè at sa karatig na mga lunsod. Nagtipun-tipon ang mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon sa Chókwè at nag-organisa ng isang malawakang paglikas. Pinalaganap ang mensahe: “Umalis kaagad, at magtungo sa Macia!” Subalit di-nagtagal ay napag-alaman na marami mula sa Xinavane ang hindi nakarating. Kaya nagsugo ng mga Saksi upang alamin ang nangyari sa kanila. Napag-alaman din na isang Kristiyanong matanda ang nalunod sa loob ng kaniyang bahay. Isinaayos ang kaniyang libing, at ang iba pa sa mga Saksi, na ang ilan ay nasa ibabaw ng mga bubungan, ay natagpuan at tinulungang makarating sa Macia.
Pagkatapos na maisagawa ang mga kaayusang ito, ang mga kinatawan mula sa sangay ay nagtungo sa Bilene, isang maliit na lunsod sa may baybayin, kung saan umarkila sila ng isang eroplano patungong Maputo. Hanggang sa abot ng matatanaw ng mga naglalakbay, ang rehiyon ay binaha. Iniulat na sa lalawigan lamang ng Gaza, 600,000 katao ang apektado.
Lumubha ang Kalagayan
Sa sumunod na ilang araw, tumindi ang buhos ng ulan, at ang mga sentrong lalawigan ng Mozambique ay nawasak din. Pagkatapos ay isang pagkalakas-lakas na buhawing tropiko na pinanganlang Eline ang namuo. Noong Pebrero 20, nagbuhos ito ng mapangwasak na ulan sa mga lalawigan ng Inhambane, Sofala, at Manica. Nagbunga ito ng higit pang pagbaha, kamatayan, at pagkawasak.
Pagkaraan nito, sa pagtatapos ng Pebrero, ang lunsod ng Chókwè at ang buong rehiyon sa paligid ay binaha sa paraang hindi pa kailanman nangyari roon. Nang maghahatinggabi na noong Sabado, Pebrero 26, ang mga tubig-baha ay rumagasa na gaya ng isang napakalaking pagguho, anupat tumangay sa anumang madaanan nito. “Kami ay nagising dahil sa isang kapitbahay na sumisigaw sa may bintana,” ang paglalahad ni Luis Chitlango, isang Saksi na 32 taóng gulang.
Nagpaliwanag si Chitlango: “Pagbalikwas namin sa kama, narinig namin ang malakas na dagundong ng tubig. Habang lumilikas kami, nasalubong namin ang maraming ahas. Sa ganap na alas sais, nakarating kami sa mas mataas na lugar, ngunit di-nagtagal nang umagang iyon, nang ang mga tubig-baha ay tumaas na sa palibot, kinailangan na kaming umakyat sa mga punungkahoy. Ang aming grupo ay kinabibilangan ng 20 katao.
“Naunang umakyat sa mga punungkahoy ang mga kalalakihan. Pagkatapos ay iniabot sa kanila ng mga kababaihan ang mga bata, at ang mga ito ay itinali sa mga sanga ng punungkahoy. Ang mga kababaihan ang sumunod kasama ang kanilang mga sanggol. Sa pana-panahon, bumababa kami sa mga punungkahoy at hinahalukay ang lupa sa ilalim ng tubig para humanap ng mga mani, na alam naming itinatanim sa lugar na iyon.
“Pagkaraan ng tatlong araw, ipinasiya namin na maglakad kaming lahat patungong Chókwè. Umabot ang tubig sa aming dibdib, at sinagupa namin ang malalakas na agos. Sa daan ay nakita namin ang maraming tao sa mga punungkahoy at sa mga bubungan. Kinabukasan ay kumati ang mga tubig-baha anupat maaari nang makarating sa lunsod ang mga trak at makapaghatid ng mga tao sa Macia.”
Ang Kampo ng Nagsilikas na mga Saksi
Noong Marso 4, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay umarkila ng isang eroplano at lumipad ito sakay ang mga kinatawan patungo sa nasalantang lugar. Ang kalakhang bahagi ng populasyon ay lumikas patungong Macia, na naging isang malaking kampo para sa mga nagsilikas. Maraming biktima ng pagbaha ang nakaranas ng trangkaso, malnutrisyon, malarya, at iba pang sakit.
Ang tanawin ay parang isang lugar ng digmaan. Ang mga helikopter na ipinadala ng iba’t ibang bansa ay nagliliparan sa himpapawid ng lunsod at nagsilapag sa ginawang mga pansamantalang paliparan upang magbaba ng mga panustos. Nang makarating sa Macia ang tumutulong na pangkat ng mga Saksi, hindi lamang sila gumawa ng mga kaayusan para sa pagpapakain sa mga biktima kundi nagtayo rin sila ng isang pagamutan. Gayunman, humingi muna sila ng pahintulot mula sa lokal na mga awtoridad, na pumuri naman sa kanilang pagkukusa.
Tuwing umaga sa kampo ng mga Saksi, na naging tuluyan ng halos 700 Saksi at mga iba pa, isang teksto sa Bibliya ang isinasaalang-alang tuwing alas 6:30 n.u. Kapag handa na ang pagkaing niluto ng mga Kristiyanong kapatid na babae, tinatawag ang mga pangalan ng mga ulo ng pamilya. Bawat isa mga ito ay sesenyas sa pamamagitan ng kaniyang mga daliri kung gaano karaming plato ang kaniyang kailangan, at ang pagkain ay ibibigay.
Bawat aspekto ng buhay sa kampo ay organisadung-organisado. Ang ilang tao ay inatasang bumili ng pagkain; at ang iba naman ay inatasang mangalaga sa kalinisan ng tubig na iniinom, maglinis ng mga palikuran, at marami pang iba. Ang mabuting kaayusan ay napansin ng mga opisyal ng pamahalaan, na nagkomento: ‘Magandang mamalagi rito. Lahat ay nakakakain, at walang nag-aaway.’ Isang lokal na awtoridad ang nagsabi: ‘Lahat ay dapat dumalaw sa kampo ng mga Saksi upang makita kung paano dapat tumakbo ang mga bagay-bagay.’
Isang araw ay ipinatawag ng komite sa pagtulong ang Kristiyanong matatanda at ipinabatid sa kanila na ang tanggapang pansangay ay nagsaayos na muling magtayo ng mga bahay at mga Kingdom Hall at maglaan ng iba pang pangunahing mga pangangailangan para sa mga biktima ng baha. Kinaumagahan, nang isaalang-alang ang teksto sa Bibliya sa araw na iyon, ipinatalastas ang tungkol sa mga planong ito. Matagal ang palakpakan.
Bagaman ang mga awtoridad ay nag-abuloy ng dalawang malalaking tolda, marami pa rin sa kampo ang natutulog sa labas. Kaya isang pangkat mula sa mga biktima ng pagbaha ang inorganisa upang magtayo ng isang malaking Kingdom Hall sa isang lote na pag-aari ng isang lokal na kongregasyon. Itinayo ito na yari sa mga tambo at mga yero—sa istilong pang-Mozambique—upang makapagpatuloy ng 200 katao. Natapos ito sa loob lamang ng dalawang araw!
Paghahanap sa mga Napahiwalay
Samantala, noong Marso 5, pagkaraang kumati nang bahagya ang mga tubig-baha, isang tumutulong na pangkat ang binuo upang maglakbay patungo sa bayan ng Aldeia da Barragem, na matatagpuan sa isa sa unang mga rehiyon na binaha. Ito ay may isang kongregasyon na binubuo ng mga 90 Saksi, at walang balita tungkol sa kanila.
Sa paglalakbay na iyon, nadaanan ng pangkat ang Chihaquelane, isang malaking kampo para sa mga nagsilikas na naging tuluyan ng mga 100,000 katao. Sa magkabilang gilid ng lansangan, na ang ilang bahagi nito ay inanod ng tubig, ang rehiyon ay lubog sa baha hanggang sa abot ng matatanaw. Isang miyembro ng pangkat ang nagkomento: “Nang makarating kami sa Chókwè, tumambad sa amin ang isang tiwangwang na tanawin. Maraming bahay sa bukana ng lunsod ang may tubig pa rin hanggang sa mga bubong. Karamihan sa mga bahay ay lubog sa mga tubig-baha. Papadilim na noon, at kailangang maglakbay pa kami ng 25 kilometro bago kami makarating sa Aldeia da Barragem.”
Nang gabing iyon, nakarating din ang pangkat sa kanilang destinasyon. Isang miyembro ng pangkat ang gumunita: “Huminto kami at nag-isip kung ano ang susunod naming gagawin.” Pagkatapos ay naglitawan ang mga tao, na sumisigaw: “Mga kapatid!” at nagkaroon ng malakas at masayang tawanan. Nang makita nila ang mga ilaw ng dalawang sasakyan, agad na inisip ng mga Saksi roon na marahil ay ito na ang kanilang mga kapatid, at sinabi nila ito sa iba. Ang mga nagmamasid ay humanga at nagsabi: ‘Talagang may pag-ibig ang mga taong ito. Nagdala sila ng pagkain at pumunta pa rito upang dumalaw!’
Paglalaan ng Patuloy na Pangangalaga
Ang mga kapatid sa Aldeia da Barragem ay tinulungang makarating sa kampo sa Macia, kung saan sila ay pinakain, binigyan ng tuluyan, at ginamot. Samantala, ang situwasyon sa Macia ay lumulubha. Kakaunti na ang pagkain, gamot, at panggatong, yamang ipinadadala ang mga ito sa pamamagitan ng eroplano. Nagkaroon ng madaliang pangangailangan na isauli ang isang madaraanang lupa patungong Maputo. Natapos ito noong Marso 8.
Ang malaking lunsod ng Xai-Xai ay lubusang binaha. Ang sentro nito ay lubog sa tubig hanggang sa lalim na tatlong metro sa ilang dako! Ang mga Saksi ay bumuo ng isang komite sa pagtulong upang mangalaga sa kanilang mga kapatid doon. Bukod dito, nag-organisa ng mga komite upang mangalaga sa mga nangangailangan sa mga lalawigan ng Sofala at Manica.
Dumating ang mga tulong na panustos mula sa mga Saksi sa ibang mga bansa. Halimbawa, ang sangay sa Timog Aprika ay nagsaayos na magpadala ng tone-toneladang damit, kumot, at iba pang bagay. At ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York, ay naglaan ng pondo upang magamit ng mga apektado ng sakuna.
Nang kumati na nang husto ang mga tubig-baha at tinaya na kung ilan ang nawalan ng kanilang mga tahanan, nagsimula na ang gawaing pagtatayo ng mga bahay at mga Kingdom Hall. Isang komite sa muling pagtatayo ang binuo at sinuportahan ng maraming boluntaryo, na agad namang nagpasimula sa pagtatrabaho. Mula noon, muling naitayo ang mahigit sa 270 bahay at di-kukulangin sa limang Kingdom Hall.
Nang mabuo ang unang mga bahay na itinayo ng mga boluntaryong Saksi, napansin ito ng mga tao. Isang kapitbahay ang nagkomento: ‘Sinasamba ninyo ang isang Diyos na buháy. Nakalimutan na ng aming mga pastor ang kanilang mga tupa na nagdurusa. Subalit kayo ay nakatatanggap ng magagandang bahay na ito.’ Sa mga lugar na iyon, marami ang tumanggap sa mensahe ng Kaharian na ipinangaral ng mga Saksi ni Jehova, at napasimulan ang maraming pag-aaral sa Bibliya.—Mateo 24:14; Apocalipsis 21:3, 4.
Bagaman maraming Saksi ang nawalan ng lahat ng kanilang mga ari-arian, isa man sa kanila ay hindi nawalan ng pananampalataya. Sa halip, ang pananampalataya nila sa Diyos na Jehova at sa kanilang pandaigdig na samahan ng mga kapananampalataya ay napatibay. Nagpapasalamat sila sa kanilang maibiging internasyonal na kapatiran, na totoong alisto sa pagtugon sa kapaha-pahamak na sakunang ito. Personal nilang naranasan ang magiliw na pangangalaga at proteksiyon ni Jehova, at lagi nilang maaalaala ang pananalita sa Bibliya: “Si Jehova ay dakila.”—Awit 48:1.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Lumubog sa maputik na tubig ang lunsod ng Xai-Xai
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga tulong na panustos ay dumating dala ng sasakyang panghimpapawid
[Larawan sa pahina 26]
Nagtayo ng isang pagamutan ang tumutulong na pangkat ng mga Saksi
[Larawan sa pahina 26]
Patuloy ang pagtatayo ng mga bagong bahay
[Larawan sa pahina 26]
Ang pinakamalaking kampo para sa mga nagsilikas ay naging tuluyan ng 100,000 katao