Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 5/22 p. 16-18
  • Paruparo, Halaman, at Langgam—Isang Mahalagang Ugnayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paruparo, Halaman, at Langgam—Isang Mahalagang Ugnayan
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Plano Para Manatiling Buháy
  • Panauhin na Naging Manloloob
  • Kagandahan sa Himpapawid
    Gumising!—1988
  • Isang Araw sa Buhay ng Isang Paruparo
    Gumising!—1993
  • Pag-aani ng Produktong May mga Pakpak
    Gumising!—2002
  • Ang Pinakamalaki at ang Pinakamaliit
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 5/22 p. 16-18

Paruparo, Halaman, at Langgam​—Isang Mahalagang Ugnayan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NETHERLANDS

TUWING Hulyo, alam ng maseselang asul na paruparo sa Kanlurang Europa na panahon na upang iluwal ang susunod na salinlahi. Subalit upang maisagawa iyon, hindi lamang kapareha ang kailangan ng mga paruparo. Kailangan din nila ang serbisyo ng namumukadkad na mga blue marsh gentian at gutóm na mga pulang langgam. Bakit? Anong papel ang ginagampanan ng mga halaman at mga langgam sa siklo ng buhay ng mga paruparong ito?

Ang isang lugar na doo’y mapagmamasdan ang kawili-wiling ugnayang ito ng tatlo ay sa Dwingelderveld National Park sa hilagang bahagi ng Netherlands. Sa parkeng ito nakatira ang napakaraming asul na paruparong ito. Sa tagsibol at tag-araw, ang mga kaparangan ng Dwingelderveld ay nagmimistulang karpet na may iba’t ibang kulay na binubuo ng maraming namumulaklak na halaman, kasali na ang mga blue marsh gentian, pink bog heather, at mga yellow bog asphodel. Ang mga asul na paruparo ay lalo nang naaakit sa maririkit na bulaklak ng bog heather at sa may-lamuymoy na mga bulaklak ng mga blue marsh gentian​—ngunit sa dalawang magkaibang dahilan. Ang namumulaklak na bog heather ay isang popular na hintuan para makasipsip ng nektar, at ang marsh gentian ay minamalas naman bilang isang potensiyal na imbakan. Ngunit ano ang iimbakin doon ng mga paruparo?

Isang Plano Para Manatiling Buháy

Pagkatapos ng pagpaparami, ang babaing paruparo ay humahanap ng isang marsh gentian na mas mataas kaysa sa mga halaman sa palibot. Dumadapo ang paruparo sa bulaklak at idinedeposito ang ilang itlog na kulay puti. Pagkalipas ng apat hanggang sampung araw, napipisa ang mga itlog, at sinisimulan ng mga dalawa hanggang anim na munting higad ang kanilang bagong buhay sa paghuhukay ng lungga sa loob ng kanilang suplay ng pagkain. Pagkaraan ng dalawa hanggang tatlong linggong walang-tigil na pagngata, bababa ang mga higad sa lupa.

Kapansin-pansin, ang higad ay karaniwan nang naghihintay hanggang sa gumabi upang bumaba. Mahalaga ito, dahil sa gabi nililisan ng dalawang uri ng pulang langgam, na nakatira rin sa pambansang parkeng iyon, ang kanilang mga pugad upang humanap ng pagkain. Bababa ang higad sa mismong daanan ng mga langgam na ito na naghahanap ng pagkain. Bagaman ang hakbang na ginawa ng higad ay waring pagpapatiwakal, ito sa katunayan ay bahagi ng isang plano para manatiling buháy. Kung gayon, ano ang susunod na mangyayari?

Di-magtatagal, mabubunggo ng ilang pulang langgam ang nakaharang na higad. Agad na hinihila ng mga ito ang higad patungo sa kanilang pugad. Kapag nasa loob na ito, ang higad ay pinakikitunguhan bilang panauhing pandangal at namumuhay nang ligtas at maalwan sa buong panahon ng taglagas, taglamig, at tagsibol samantalang nasa isang kapaligirang sagana sa pagkain. Ipagpalagay nang kaunti lamang ang mapagpipilian ng higad bilang pagkain​—ilang uod na langgam at ang kanilang pangunahing pagkain, yaong iniluluwa ng mga manggagawang langgam. Subalit nakikinabang din naman ang mga langgam sa kapalit nito. Regular nilang kinukunan ang higad ng kanais-nais na honeydew na inilalabas nito. Kahit na sa panahong maging pupa na ang higad, patuloy pa rin itong naglalaan ng kaunting honeydew sa mga langgam at iba pang mga inilalabas nito na gustung-gustong kainin ng mga langgam. Ngunit sa panahong iyon, mabilis na ang pagsapit ng wakas ng magkasamang pamumuhay na ito.

Panauhin na Naging Manloloob

Sa panahon ng pagiging pupa, ang higad ay nagsisimula nang maging isang paruparo. Kapag ganap na ang pagbabago, ang pupa ay nabibiyak at lumalabas ang isang paruparo. Kapansin-pansin na ang pangyayaring ito ay karaniwang nagaganap sa madaling-araw. Bakit? Dahil sa umaga, ang mga langgam ay hindi gaanong aktibo, at di-gaya ng panahon nang bumaba ang higad sa lupa mula sa halaman, sa pagkakataong ito ay makabubuti na hindi nito mapukaw ang pansin ng mga langgam.

Kapag sa wakas ay lumapit na ang mga langgam upang kumuha ng honeydew sa pupa, nagugulat ang mga ito na masumpungan ang isang kakaibang may-pakpak na nilalang sa kanilang pugad​—at agad nilang sinasalakay ang manloloob. Magmamadaling lalabas sa pugad ang higad na naging paruparo upang mailigtas nito ang kaniyang mga paa at ang kaniyang buhay. Kapag nasa labas na ng pugad, aakyat ang paruparo sa isang siit at titigil na sa paghabol ang mga langgam.

Sa isang ligtas na mataas na dako, ibubuka ngayon ng paruparo ang mga pakpak nito at hahayaang matuyo ang mga ito. Pagkatapos, pagkaraan ng halos isang taon mula nang mabuhay ito, sasapit na ang napakahalagang sandali at ikakampay na ng paruparo sa kauna-unahang pagkakataon ang mga pakpak nito. Hayun​—pumapagaspas sa ibabaw ng kaparangan! Sa loob ng ilang araw ay magpaparami na ito, at di-magtatagal at sisimulan na nito ang paghahanap ng isang mataas na blue marsh gentian. Tutal, panahon na upang simulan ang paghahanda para sa susunod na salinlahi.

[Kahon sa pahina 18]

Papaubos na Paruparo

Ang tirahan ng asul na paruparo ay ang kaparangan. Nagkaroon ng mga kaparangan, maraming siglo na ang nakalipas, sa mga lugar ng Kanlurang Europa kung saan pinutol ng tao ang mga kagubatan ng sinaunang panahon. Noon, ang mga kaparangan na may mga bulaklak na kulay purpura ay makikita hanggang sa abot ng tanaw, anupat sumasaklaw sa malalaking bahagi ng Belgium, Alemanya, at Netherlands, ngunit ngayon ay maliliit na bahagi na lamang ang natitira. Bilang resulta, ang asul na paruparo ay mabilis na naglalaho. Sa nakalipas na sampung taon, naglaho ito sa 57 sa 136 na kilalang likas na mga tirahan nito sa Netherlands. Sa katunayan, ang kaligtasan nito ay lubhang nanganganib anupat idinagdag ang pangalan nito sa European List of Endangered Butterflies, isang dokumentong tinipon ng Konseho ng Europa na nagtatala sa mga pangalan ng mga papaubos na uri ng paruparo.

Upang matiyak na ang Dwingelderveld National Park ay mananatiling isang ligtas na kanlungan para sa asul na paruparo, sinisikap ngayon ng mga tagapag-ingat ng parke na panatilihin ang kaparangan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pamamaraan sa pagsasaka na ginamit mismo ng mga magsasaka noong nakalipas na mga siglo. Gaya noong nakalipas, ang mga pastol kasama ang kanilang mga kawan ay gumagala sa mga kaparangan, at nanginginain ang mga baka sa mga parang na nalalaganapan ng makukunat na damo. Nililinis ng nanginginaing mga tupa at mga baka ang mga dakong maaaring tubuan ng ling, bog heather, at iba pang mga halaman. (Sa kasalukuyan, mga 580 uri ng halaman ang tumutubo sa parke.) Bunga nito, ginagawa naman ng mga asul na paruparo sa Dwingelderveld ang kanilang bahagi​—dumarami ang bilang ng mga ito. Sa katunayan, ang pinakamalaki at pinakamahalagang kaparangang parke na ito sa Europa ay gayon na lamang kainam na tahanan para sa mga paruparo sa pangkalahatan anupat 60 porsiyento ng lahat ng uri ng paruparo na naninirahan sa Netherlands ay maaaring masumpungan doon.

[Mga larawan sa pahina 16]

Dumarapo ang isang paruparo sa blue marsh gentian at idinedeposito ang kaniyang mga itlog

[Larawan sa pahina 17]

Inaalagaan ng mga pulang langgam ang mga pupa

[Credit Line]

Mga langgam sa pahina 16 at 17: Pictures by David Nash; www.zi.ku.dk/personal/drnash/atta/

[Larawan sa pahina 17]

Pink bog heather

[Larawan sa pahina 17]

Yellow bog asphodel

[Mga larawan sa pahina 18]

Tumutulong ang mga tupa at mga baka upang maisauli ang tirahan ng paruparo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share