Ang Magandang Mariposa
ISANG gabing kaayaaya noon nang isang mariposa ang lumipad papasók sa isang eleganteng restawran. Habang ito’y aali-aligid sa tabi ng kaniyang mesa, may pagkatarantang binugaw ng babaing kumakain doon ang mariposa na para bang siya’y sinasalakay ng isang lamok na may dalang sakit! Lumipad naman ang mariposa patungo sa ibang mesa at sa wakas ay dumapo sa kuwelyo ng amerikana ng isang lalaki. Ibang-iba ang reaksiyon ng lalaking ito at ng kaniyang asawa—hinangaan nila ang mariposa, habang pinag-iisipan ang kagandahan at ang pagiging di-mapaminsala ng maselan na nilalang na ito.
“Ang mga mariposa ay talagang hindi namiminsala,” paliwanag ni John Himmelman, kasamang tagapagtatag ng Connecticut Butterfly Association. “Wala silang mga pangkagat, at ang ilang adulto, gaya ng kilaláng luna moth, ay talagang hindi kumakain. Wala silang dalang rabis o anupamang sakit, hindi sila nangangagat . . . Sa katunayan, hindi alam ng karamihan sa mga tao na ang mga paruparo ay talagang mga mariposa na lumilipad kung araw.”
Ang lahat ay humahanga sa mga paruparo, ngunit kakaunti ang humihinto upang hangaan ang kagandahan at pagkakasari-sari ng mga mariposa. ‘Kagandahan?’ baka sabihin mo nang may pagdududa. Iniisip ng ilan na ang mariposa ay isa lamang karaniwan-ang-hitsurang pinsan ng magandang paru-paro, gayunma’y kapuwa sila binigyan ng iisang siyentipikong klasipikasyon—Lepidoptera, na nangangahulugang “makaliskis na mga pakpak.” Ang malawak na pagkakasari-sari na mamamalas sa magagandang nilalang na ito ay kamangha-mangha. Sinasabi ng The Encyclopedia of Insects na may 150,000 hanggang 200,000 kilalang uri ng Lepidoptera. Ngunit sa mga ito, 10 porsiyento lamang ang mga paruparo—ang iba ay mga mariposa!
Katulad ng maraming tao, halos hindi ko pinag-iisipan ang mga mariposa maliban lamang kapag inililigpit ko na ang aking mga damit na pantaglamig at nilalagyan ng naptalina ang mga iyon na panlaban sa mga tangà sa damit (clothes moth). Hindi ko alam na kapag adulto na ang mga tangà, hindi na sila nangangain ng tela—ginagawa lamang nila iyon habang sila’y nasa anyong uod pa bilang mga higad.a
Ano ang nagpabago sa pangmalas ko sa mga mariposa? Ilang panahon na ang nakararaan, kami ng aking asawa ay dumalaw sa mga kaibigan namin na sina Bob at Ronda. Maraming alam si Bob tungkol sa mga mariposa. Ipinakita niya sa akin ang isang maliit na kahon na noong una ay inakala kong naglalaman ng isang magandang paruparo. Ipinaliwanag niya na iyon ay isang cecropia, o robin moth, isa sa pinakamalalaking mariposa sa Hilagang Amerika. Ang lapad ng nakabukang mga pakpak nito ay maaaring umabot ng hanggang 15 sentimetro at ang haba ng siklo ng buhay nito ay isang taon. Manghang-mangha ako nang malaman kong ang buhay nito bilang adulto ay tumatagal lamang nang 7 hanggang 14 na araw! Ang malapitang pagsusuri sa magandang cecropia ay nagbigay sa akin ng isang bagong pangmalas sa mga mariposa.
Itinuro ni Bob ang ilang maliliit na butil sa bandang ilalim ng kaniyang kahon. “Ang maliliit na butil na ito ay mga itlog,” paliwanag ni Bob, “at nais kong palakihin ang mga iyan hanggang sa maging adulto.” Magpapalaki ng mariposa? Naging interesado ako sa ideyang iyon. Ngunit hindi pala ganoon kadaling isagawa ang planong ito. Sa loob ng dalawang linggo ay hindi nagtagumpay si Bob sa pagpapapisa sa mga itlog na iyon. Kaya ipinasiya niyang wisikan ng kaunting tubig ang mga iyon. Pagkalipas ng isang linggo pagkatapos na mawisikan, 26 sa 29 na itlog ang napisa sa loob ng isang araw. Pagkatapos ay inilagay ni Bob ang maselan na mga uod, na ang bawat isa ay halos sinlaki ng lamok, sa isang makinis na mangkok upang hindi makaalis ang mga ito.
Ang unang kinain ng nagsisilabas na uod ay ang kanilang sariling bahay-itlog. Pagkatapos niyan, kinailangang magbigay si Bob ng pagkain, na isa palang mahirap na trabaho. Pagkatapos na makapagsaliksik, sinubukan niyang pakainin sila ng mga dahon ng maple. Gumapang ang mga uod sa mga dahon pero hindi nila kinain ang mga iyon. Subalit nang maglagay si Bob ng mga dahon ng cherry at birch, kaagad nilang kinain ang mga iyon.
Nang ang maliliit na uod ay maging mga higad na, inilipat sila ni Bob sa isang terrarium na may takip na screen sa ibabaw. Ang terrarium ay naglaan ng wastong pagkabalanse ng halumigmig para sa mga higad at sa mga dahon. Nagsilbi rin itong kulungan ng mga higad, sapagkat napakahilig na nilang gumala nang kaya na nilang gumapang.
Ang paglalaan ng pagkain para sa 26 na gutóm na higad ay mas magawain pala kaysa inaasahan. Tuwing pupunuin ni Bob ng dahon ang terrarium, inuubos ng mga higad ang buong suplay sa loob lamang ng dalawang araw. Dito na siya nagpatulong sa kaniyang kapatid na babae at sa dalawang kabataang kaibigan, isang lalaki at isang babae, na makibahagi sa pagbabantay at pagpapakain sa nagsisilaking langkay.
Mahalaga na ang mga higad ay kumain ng napakaraming pagkain, hindi lamang para sa paglaki sa panahon ng kanilang pagiging uod kundi para rin sa sustansiyang kailangan kapag naging mga adulto na sila. Ang dahilan, ang adultong cecropia ay walang magagamit na bibig, at talagang hindi ito kumakain! Para sa sustansiyang kailangan sa panahon ng maikling buhay-adulto nito, lubusan itong umaasa sa mga kinain nito habang uod pa.
Pagpapalit ng Bagong mga Balat
Habang lumalaki ang mga higad, nagpapalit sila ng kanilang mga balat, o naghuhunos, nang ilang ulit. Ang mga yugto ng buhay ng isang higad sa pagitan ng mga paghuhunos ay tinatawag na mga instar.
Ang balat ng higad ng cecropia ay hindi lumalaki, kaya kapag lumaki na ang higad anupat nabanat na nang husto ang kaniyang balat, panahon na upang ito’y maghunos. Alam ni Bob na malapit na itong maganap sapagkat huminto na sa pagkain ang mga higad. Pagkatapos na gumawa ng mga bahay na sutla at dumikit sa mga iyon, ang mga higad ay nakapirmi roon nang ilang araw habang nagpapatubo sila ng bagong balat. Kapag handa na ang bagong balat, lalabas na lamang ang mga higad mula sa kanilang lumang balat at iiwanan ang mga iyon na nakadikit sa bahay na sutla. Nang makita ko ang mga higad sa kanilang huling instar, namangha ako sa kanilang inilaki. Humaba na sila ng halos 12 sentimetro at mas mataba pa kaysa sa aking hintuturo.
Paggawa ng Bahay-Uod
Pagkatapos ng huling instar, ang bawat higad ay gumawa ng bahay-uod (cocoon)—isang malaking kimpal ng mga abuhing hibla na nakadikit sa patpat. Dalawang uri ng bahay-uod ang ginagawa ng mga cecropia. Ang isa ay malaki, buhaghag at mistulang-supot na kayarian na pabilog ang ilalim at papakitid ang pinakaleeg. Ang isa pang uri ay mas maliit at mas masinsin at hugis-biluhaba na may papakitid na leeg at ilalim. Ang dalawang uri ay naglalaman ng panloob na bahay-uod na masinsin ang pagkakabilot. Ang mga bahay-uod ng cecropia sa pangkalahatan ay mamula-mulang kulay-kape, kulay-kape, mapusyaw na berde, o abuhin. Kung ihahambing sa mga bahay-uod ng iba pang mga uri sa Hilagang Amerika, ang mga bahay-uod ng mga mariposang cecropia ay napakalaki—hanggang 10 sentimetro ang haba at 5 hanggang 6 na sentimetro ang lapad. At naipagsasanggalang ng kamangha-manghang mga kayariang ito ang mga nakatira rito sa mga temperaturang kasimbaba ng -34 digri Celsius.
Nang makapasok na ang mga higad sa kanilang mga bahay-uod, wala na kaming gagawin kundi matiyagang maghintay. Lumabas sila nang sumunod na tagsibol, mga isang taon pagkatanggap ni Bob sa adultong mariposa. Inilagay ni Bob ang mga patpat na kinakapitan ng mga bahay-uod sa isang pirasong foam na plastik upang panatilihing nakatayo ang mga ito. Di-nagtagal, lahat ng cecropia maliban sa isa ay lumabas mula sa kanilang bahay-uod, anupat naging sulit ang pagtitiyaga at pagpapagal.
Lumaking Pagpapahalaga sa mga Mariposa
Ang pagkasaksi sa kahanga-hangang siklo ng buhay ng cecropia ay nag-udyok sa akin na higit na magbigay-pansin sa mga mariposa na aali-aligid sa mga ilaw at nakadapo sa mga gusali. Naganyak din ako ng aking karanasan na pag-aralan pa nang higit ang kawili-wiling mga nilalang na ito. Halimbawa, natutuhan ko na ang mga mariposa at mga paruparo ay mahuhusay sa paglipad, anupat ang ilang uri ay nandarayuhan sa malalayong lugar. Ang lapad ng nakabukang mga pakpak ng munting diamondback moth ay 2.5 sentimetro lamang, ngunit sa pana-panahon ay lumilipad ito sa pagitan ng Europa at Britanya na dumaraan sa maunos na North Sea. At ang mga sphinx moth, o mga hawkmoth ay umaali-aligid sa mga bulaklak gaya ng ginagawa ng mga hummingbird.
Di-kalaunan matapos kong masaksihan ang siklo ng buhay ng cecropia, nakakita ako ng isa na nakadapo sa palumpong sa ilalim ng isang ilaw. Alam kong dahil napakaselan ng mga kaliskis sa mga pakpak ng mariposa, hindi mo dapat hawakan iyon sa mga pakpak nito. Ngunit kung ilalagay mo ang iyong nakaunat na kamay sa harap ng isang mariposa, maaaring lumakad ito patungo sa iyong daliri. Nang subukan ko ito, binigyan ako ng konsuwelo ng magandang nilalang sa pamamagitan ng pagdapo sa aking hinlalato. Nang maglaon, ito’y lumipad na patungo sa itaas ng mga puno. Habang ito’y lumilipad, naisip kong kamukhang-kamukha nga ito ng isang paruparo. Sa susunod na pagkakataon na sa akala mo’y nakakita ka ng isang paruparo, tingnan mo itong muli. Baka iyon ay isa palang maganda at di-mapaminsalang mariposa.—Isinulat.
[Talababa]
a Ang ilang uri ng uod ng mariposa ay nagdudulot din ng malaking pinsala sa pananim.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
1. Robin moth (cecropia)
2. Polyphemus moth
3. Sunset moth
4. Atlas moth
[Credit Lines]
Natural Selection©-Bill Welch
A. Kerstitch
[Mga larawan sa pahina 18]
Kalakip sa mga yugto ng paglaki ng mariposang cecropia ang:
1. Mga itlog
2. Higad
3. Adultong mariposa
[Credit Line]
Natural Selection©-Bill Welch