Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/22 p. 25-27
  • Diringgin Kaya ng Diyos ang Aking mga Panalangin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Diringgin Kaya ng Diyos ang Aking mga Panalangin?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Diyos ay Isang Tunay na Persona
  • Pinagmumulan ng Karunungan at Kapangyarihan
  • Isang Diyos ng Katarungan at Pag-ibig
  • Pakikipagkaibigan sa Diyos
  • Ang Pribilehiyong Panalangin
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Kung Papaano Ka Mápapalapít sa Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Diringgin Kaya ng Diyos ang Aking mga Panalangin?

“Lahat ng bagay ay idinadalangin ko sapagkat kaibigan ko si Jehova, at alam kong tutulungan niya ako kapag ako’y may problema.”​—Andrea.

NATITIYAK ng kabataang si Andrea na dinirinig ng Diyos ang kaniyang mga panalangin. Subalit hindi lahat ng kabataan ay may ganitong pagtitiwala. Nadarama ng ilan na napakalayo nila sa Diyos upang makalapit sa kaniya. Nag-aalinlangan pa nga sila kung sapat nga kaya ang pagmamalasakit sa kanila ng Diyos upang maging makabuluhan ang kanilang panalangin.

Ano ba ang lihim ng panalangin? Sa simpleng pananalita, ito’y ang pagkakaroon ng isang tunay na pakikipagkaibigan sa Diyos. Nanalangin ang salmista: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.” (Awit 9:10) Kumusta ka naman? Kilalang-kilala mo na ba ang Diyos upang magtiwalang diringgin niya ang iyong mga panalangin? Bago mo ituloy ang pagbabasa, pakisuyong sagutin muna ang mga tanong sa kahon na may pamagat na “Gaano Mo Kakilala ang Diyos?” Ilan kaya ang masasagot mo?

GAANO MO KAKILALA ANG DIYOS? Ang mga sagot ay nasa pahina 27

1. Ano ang pangalan ng Diyos, at ano ang kahulugan nito?

2. Ano ang isinisiwalat ng Bibliya na siyang apat na pangunahing katangian ng Diyos?

3. Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan?

4. Paano tayo makapagtatamasa ng pakikipagkaibigan sa Diyos?

5. Ano ang dapat na maging saloobin natin kapag tayo’y nananalangin?

Masasagot mo ba ngayon ang ilan lamang sa mga tanong, kahit hindi mo pa nababasa ang natitirang bahagi ng artikulo? Kung gayon ay mas marami ka nang alam tungkol sa Diyos kaysa sa karamihan ng mga tao. Pero, baka naman ipinakikita ng iyong mga sagot na kailangan mo pang kumuha ng higit na kaalaman tungkol sa kaniya at makilala pa siyang lubos. (Juan 17:3) Sa layuning iyan, isaalang-alang ang ilang bagay na itinuturo sa atin ng Bibliya hinggil sa “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

Ang Diyos ay Isang Tunay na Persona

Una, tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan na ang Diyos ay hindi isang di-personal na puwersa. Siya’y isang persona na may pangalang Jehova. (Awit 83:18) Ang pangalang iyan sa Hebreo ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Maaari siyang magkagayon ayon sa kinakailangan niya upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. Hindi iyan magagawa ng isang walang-personalidad na kumpol ng enerhiya! Kaya kapag nananalangin ka, makatitiyak kang hindi ka nakikipag-usap sa isang di-tiyak na puwersa o nagsasalita sa hangin. Ikaw ay nakikipag-usap sa isang persona, isa na may kakayahang makinig at tumugon sa iyong mga panalangin.​—Efeso 3:20.

Kaya sabi ng kabataang si Diana: “Alam kong kahit nasaan ako, makikinig sa akin si Jehova.” Upang magkaroon ng ganiyang pagtitiwala, dapat na maging tunay sa iyo ang Diyos! “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral,” ang sabi ng Bibliya.​—Hebreo 11:6.

Pinagmumulan ng Karunungan at Kapangyarihan

Talagang matutulungan tayo ng Diyos sapagkat kasindak-sindak ang kaniyang kapangyarihan. Ang kapangyarihang iyan ay walang limitasyon, gaya ng pinatutunayan ng lawak at kasalimuutan ng materyal na uniberso. Sinasabi ng Bibliya na alam ni Jehova ang pangalan ng bawat bituin​—kahit na ang mga ito’y di-mabilang na bilyun-bilyon! Higit pa sa riyan, siya ang pinagmumulan ng lahat ng lakas na nakapaloob sa mga bituing iyon. (Isaias 40:25, 26) Hindi ba’t kahanga-hanga iyan? Subalit gaano man kagila-gilalas ang mga bagay na ito, sinasabi ng Bibliya na “ang mga ito’y pahiwatig lamang ng kaniyang kapangyarihan”!​—Job 26:14, Today’s English Version.

Isaalang-alang din ang walang-limitasyong karunungan ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na ang kaniyang mga kaisipan ay “napakalalim.” (Awit 92:5) Siya ang gumawa ng sangkatauhan, kaya naman nauunawaan niya tayo nang higit kaysa sa pagkaunawa natin sa ating sarili. (Awit 100:3) Palibhasa’y umiiral siya “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda,” walang-limitasyon ang kaniyang karanasan. (Awit 90:1, 2) Walang anumang bagay na hindi niya mauunawaan.​—Isaias 40:13, 14.

Paano kaya ginagamit ni Jehova ang lahat ng kapangyarihan at karunungang iyan? Ang 2 Cronica 16:9 ay nagsasabi: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” Sadyang walang problemang darating sa iyo na hindi malulutas ng Diyos o matutulungan kang maharap iyon. Naaalaala ng kabataang si Kayla: “Kamakailan, nang kami ng aming pamilya ay nagkaproblema, nanalangin ako kay Jehova, at nadama kong tinulungan niya kaming malampasan ang mga kalagayan, mga problema, at mga damdaming napakahirap sanang batahin.” Kapag nakikipag-usap ka sa Diyos, lumalapit ka sa pinagmumulan ng karunungan. Wala ka nang mas mabuti pang magagawa kaysa riyan!

Isang Diyos ng Katarungan at Pag-ibig

Subalit paano mo malalaman na nais ng Diyos na matulungan ka? Sapagkat ipinasiya ng Diyos na makilala siya, hindi lamang sa pamamagitan ng kaniyang dakilang kapangyarihan, o sa kaniyang malalim na karunungan o maging sa kaniyang di-matitinag na katarungan. Sa halip, si Jehova ay pangunahin nang nakikilala sa kaniyang katangian ng pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” sabi sa 1 Juan 4:8. At ang dakilang pag-ibig na iyan ang nagbibigay-bisa sa panalangin. Ang pinakadakilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig ay ang pagbibigay ng kaniyang Anak bilang haing pantubos upang makapagtamasa tayo ng buhay na walang hanggan.​—Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10.

Dahil sa ang Diyos ay pag-ibig, hindi ka kailanman dapat mangamba na ipagwawalang-bahala ka niya o pakikitunguhan ka nang di-makatarungan. “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan,” sabi sa Deuteronomio 32:4. Ang pag-ibig ng Diyos sa iyo ay tumitiyak na siya’y matamang nakikinig sa iyo. Dahil dito’y maipagkakatiwala natin sa kaniya ang ating niloloob at nadarama.​—Filipos 4:6, 7.

Pakikipagkaibigan sa Diyos

Ang totoo, inaanyayahan tayo ni Jehova na makipag-usap sa kaniya. Ayaw niyang siya’y maging isang estranghero sa atin. Sa halip, sa buong kasaysayan, inaanyayahan ni Jehova ang mga tao na maging kaibigan niya. Kabilang sa mga nagtamasa ng pakikipagkaibigan sa Diyos, na naging kalugud-lugod sa kaniyang puso, ay mga lalaki’t babae, bata at matanda. Kalakip sa mga ito ang mga taong gaya nina Abraham, Haring David, at Maria, ang ina ni Jesus.​—Isaias 41:8; Lucas 1:26-38; Gawa 13:22.

Ikaw man ay maaaring maging isa sa mga kaibigan ni Jehova. Mangyari pa, ang pakikipagkaibigang iyan ay hindi nangangahulugang ituturing mo ang Diyos na parang isang genie na tatawagin mo lamang kapag ikaw ay may hihilingin o may problema. Ang ating mga panalangin ay hindi maaaring nakasentro lamang sa ating sariling mga pangangailangan. Kung nais natin ang pakikipagkaibigan ng Diyos, dapat na maging interesado tayo sa kaniyang kalooban​—hindi lamang yaong sa atin​—​at dapat na aktuwal nating gawin ang kalooban ng Diyos. (Mateo 7:21) Kaya naman tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ituon ang kanilang mga panalangin sa mga bagay na mahalaga sa Diyos. Sinabi niya: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ ” (Mateo 6:9, 10) Ang ating mga panalangin ay dapat na punô rin ng papuri at pasasalamat sa Diyos!​—Awit 56:12; 150:6.

Gayunman, huwag na huwag nating iisipin na ang ating mga pangangailangan o mga álalahanín ay hindi mahalaga o napakababaw para ipanalangin. “Bagaman sinisikap kong maging prangka sa kaniya,” sabi ni Steve, “kung minsan ay nadarama kong hindi ko na dapat pang abalahin ang Diyos sa ilang karaniwang bagay lamang.” Kapag nakadarama ka na ng gayon, alalahanin mo ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. . . . Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Lucas 12:6, 7) Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob iyan?

Kung gayon, madaling maunawaan na habang higit mong nakikilala si Jehova, lalo kang napakikilos na lumapit sa kaniya sa panalangin at lalo kang nagkakaroon ng tiwala na matutulungan ka at talagang tutulungan ka ni Jehova. Kung gayon, ano ang dapat na maging pangkaisipang saloobin mo kapag lumalapit ka sa Diyos sa panalangin? Kailangang ikaw ay maging magalang, mapagpakumbaba, at di-mapag-imbot. Sa palagay mo kaya’y pakikinggan ka ng sinumang mataas na opisyal sa lupa kung hihiling ka sa paraang mapagmalaki at walang-galang? Kung gayon ay hindi ka dapat magtaka kung asahan din ni Jehova na igagalang mo siya at ang kaniyang mga pamantayan bago niya sagutin ang iyong mga panalangin.​—Kawikaan 15:29.

Natutuhan na ng libu-libong kabataang may takot sa Diyos na buksan ang kanilang puso sa Diyos. (Awit 62:8) “Kapag sinasagot ni Jehova ang aking mga panalangin,” ang sabi ni Brett, “lumalakas ang loob ko sapagkat naririyan pa rin siya bilang kaibigan ko.” Kumusta ka naman? Paano mo matatamasa ang katulad na uri ng pakikipagkaibigan sa Diyos? Dalawang kabataang Kristiyano ang nagbigay ng sumusunod na mga komento:

Rachel: “Upang lalong mápalapít kay Jehova, nadarama kong kailangan pa ang mas malalim na pag-aaral ng kaniyang Salita, at sinisikap kong malinang ang pananabik sa gayong uri ng pag-aaral.”​—1 Pedro 2:2.

Jenny: “Nadarama ko na habang lalo kang nagiging abala sa paglilingkod sa kaniya, lalo kang napapalapit kay Jehova.”​—Santiago 4:8.

Napag-isip-isip mo na ba kung gaano talaga kabuti ang naidudulot ng pagbigkas ng isang panalangin? Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong kabataan: “Mas mapapalapit ako sa Diyos kung makikipag-usap siya sa akin o magpapadala siya sa akin ng mensahe.” Yamang hindi naman natin naririnig ang sagot ni Jehova kapag tayo’y nananalangin, paano talaga nakatutulong sa atin ang panalangin? Ito’y tatalakayin sa isang isyu sa hinaharap.

[Kahon sa pahina 27]

Sagot sa mga tanong sa pahina 25

1. Jehova. Ito’y nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.”

2. Pag-ibig, kapangyarihan, katarungan, at karunungan.

3. Isinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, upang mamatay alang-alang sa atin.

4. Sa pamamagitan ng hindi lamang pagkadama ng pagkabahala sa ating sariling mga pangangailangan kundi maging interesado sa kalooban ng Diyos at gawin ito.

5. Dapat tayong maging mapagpakumbaba, magalang, at di-mapag-imbot.

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang pag-aaral ng Bibliya at pagkatuto mula sa paglalang ay tutulong sa iyo na higit pang makilala ang Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share