Pagmamasid sa Daigdig
Bagong Katuturan ng Nakatanim na Bomba
Mahigit na sa 135 bansa ang lumagda na sa Ottawa Convention na nagbabawal sa mga antipersonnel mine, at nakaiskedyul ang Estados Unidos na idagdag ang lagda nito sa 2006. “Ngunit may nakaliligalig na kausuhan sa mga teknolohiya na dinisenyong bumago sa katuturan ng itinuturing na ipinagbabawal na nakatanim na bomba,” sabi ng New Scientist. “Ang Hapon . . . ay naniniwala na ang mga kasangkapang de-sabog na nakakalat sa mga dalampasigan ay hindi antipersonnel mine hangga’t ang mga ito ay pinagagana ng remote control. . . . Sa halip na tawagin itong nakatanim na bomba, binansagan itong ‘projectile scattering device.’” Sa kasalukuyan, ang Estados Unidos ay gumagamit ng mga antipersonnel mine upang pangalagaan ang mga antitank mine, kaya bumubuo sila ng mga antitank mine na nakatatalun-talon upang hadlangan ang mga pagtatangkang linisin ang isang lugar na tinamnan ng maraming bomba. Kapag ang ilang bomba ay inalis o sinira upang makagawa ng madaraanan sa isang lugar, ang mga natitirang tulad-robot na bomba ay “makadarama na nawawala ang mga ito at magpapatalun-talon hanggang sa makabuo silang muli ng isang regular na pormasyon,” ulat ng magasing iyon. Ang kusang-lumalagay-sa-ayos na mga bomba ay “lalagyan ng malakas na paang de-piston na nakakabit sa pinakaibaba ng mga ito na makapagpapaimbulog sa mga ito nang mahigit sa 10 metro [30 talampakan] paitaas.”
Mas Humaba ang Buhay
Ang inaasahang haba ng buhay ay nadagdagan ng 12.8 taon sa Peru nitong nakaraang 25 taon, ayon sa isang ulat kamakailan ng United Nations hinggil sa pagsulong ng kalagayan ng tao. Samantalang ang inaasahang haba ng buhay sa pagitan ng 1970 at 1975 ay 55.5 taon, tumaas ito sa 68.3 taon sa pagitan ng 1995 at 2000. Ang lumawig na haba ng buhay, sabi ng pahayagang El Peruano, ay resulta ng pinahusay na pangangalaga sa kalusugan, na nagpababa sa dami ng namamatay sa mga bagong-silang na sanggol mula sa 115 bawat 1,000 tungo sa 43 bawat 1,000, at sa mga bata na wala pang limang taóng gulang mula sa 178 bawat 1,000 tungo sa 54 bawat 1,000 sa yugto ring iyon. Tinataya na sa loob ng susunod na limang taon, “23 porsiyento ng populasyon ang mabubuhay hanggang 60 taóng gulang,” sabi ng El Peruano.
Nakabubuting Bitamina
Kapag nagtatrabaho tayo sa harap ng computer, ang ating mga mata ay patuloy na tumutugon sa matitingkad at madidilim na dako ng liwanag na lumilitaw sa screen, puna ng Zdrowie, isang magasing pangkalusugan sa Poland. Habang mas matingkad ang mga hudyat na ito sa paningin, ang ating mga mata ay kumokonsumo ng mas maraming rhodopsin, isang sangkap na pangulay na sensitibo sa liwanag na nagpapangyaring makakita tayo. Ang bitamina A ay mahalaga sa paggawa ng rhodopsin. Ayon sa Zdrowie, kabilang sa saganang mapagkukunan ng bitamina A ang atay at cod-liver oil. Ang mga taong kailangang magbawas ng taba at kolesterol sa kanilang pagkain ay maaaring kumain ng mga pagkaing may beta-carotene, na ginagawang bitamina A ng katawan sa tulong ng sikat ng araw. May beta-carotene sa mga gulay na kulay-dilaw, kulay-kahel, kulay-pula, at kulay-berde at sa mga prutas na gaya ng apricot, peach, pinatuyong plum, milon, at mangga.
Mga Aksidenteng Kaugnay ng Cell Phone
Hindi lamang sa mga kalsada maaaring makaragdag sa mga aksidente ang paggamit ng teleponong cellular. Sinasabi ng mga opisyal ng tren sa Hapon na ang mga pasaherong nag-aabang sa mga hintayan ay masyadong nakatutok ang pansin sa pakikipag-usap sa cell phone at nalilimutan kung nasaan sila. Kabilang sa mga aksidente kamakailan na iniulat ng Asahi Evening News ay hinggil sa isang kabataang lalaki na nakadungaw sa gilid ng hintayan habang nakikipag-usap sa kaniyang telepono. Nang yumukod siya sa kaniyang kausap nang wala sa isip, ang kaniyang ulo ay nadaplisan ng dumarating na tren. Buti na lamang, siya’y nakaligtas at nagtamo lamang ng “sugat sa bandang itaas ng kaniyang kanang mata.” Ngunit sa isa pang kaso, “isang estudyante sa haiskul na nakikipag-usap sa cellphone ang dumungaw sa gilid ng hintayan at nahagip at napatay ng isang tren na pangkargada.” Iniuulat ng mga tauhan sa mga istasyon na kung minsan ay nabibitiwan ng mga tao ang kanilang telepono sa riles. Isang lalaking 26 na taóng gulang na tumalon upang pulutin ang kaniyang telepono ang “nadurog at napatay” ng isang tren. Hinihiling ng mga opisyal ng tren sa mga tao na “laging tandaan na ang mga hintayan ng tren ay mga lugar na lubhang mapanganib.”
Mga Saloobin at mga Aksidente sa Sasakyang Panghimpapawid
Tinutukoy ng isang artikulo sa pahayagang The Straits Times ng Singapore ang mga panlipunang proseso o pakikipagtalastasan sa loob ng cockpit ng mga eroplano bilang isa sa maraming potensiyal na sanhi ng mga aksidente sa himpapawid. Sinasabi ng ulat na “ang pagtatalastasan ng kapitan at ng kaniyang kasamang piloto sa loob ng cockpit ay lubhang nakasalig sa ranggo sa Asia. Ang kapitan ang di-matututulang amo, anupat ang kasamang piloto na nakakita ng isang bagay na di-normal ay maaaring mag-atubiling sabihin iyon sa takot na hamunin ang awtoridad ng kapitan.” Ayon sa pahayagan, maaaring makakita ang mga tao ng isang potensiyal na problema ngunit hindi ito itatawag-pansin “sapagkat baka hindi sila malasin nang may pagsang-ayon.” O maaaring nadarama nila na ang kanilang kredibilidad ay pag-aalinlanganan dahil sa “kanilang ranggo sa kaayusan.” Sa cockpit ng eroplano, ang hindi pagsasalita ng kasamang piloto ay makadaragdag sa panganib na magkaroon ng aksidente.
Lubhang Nanganganib ang mga Korales
Mula sa Timog Aprika hanggang sa India, ang mga bahura ng korales sa Indian Ocean ay lubhang nanganganib, sabi ng The Economist. Nakababalisa ang natuklasan kamakailan ng mga biyologo sa buhay-dagat na ang “50-95% ng mga bahura ng korales sa karagatang iyon ay namatay sa nakalipas na dalawang taon.” Ito’y dahil hindi natatagalan ng korales ang pagtaas ng temperatura ng dagat nang higit sa 1 hanggang 2 digri Celsius sa loob ng mahigit sa ilang linggo. “Noong 1998, ang temperatura sa palibot ng Seychelles ay mas mataas ng 3°C kaysa sa temperaturang normal sa panahon sa loob ng ilang linggo,” sabi ng ulat. Naniniwala ang mga mananaliksik na naglalaan ito ng “kapuna-punang ebidensiya ng pag-init ng globo.” Ang pagkamatay ng korales ay ikinalugi ng Maldive Islands ng $63 milyon noong 1998/99. Ang mga turista na umaasang makakakita ng magagandang bahura, sabi ng The Economist, “ay umaalis dahil sa pagkadismaya sa mga bunton ng pangit na mga labíng kulay-abo.” Sinabi ni Olof Linden, kasamang patnugot ng ulat, na “isang malaking bahagi ng ecosystem sa planeta na may pinakamalawak na pagkakasari-sari ang gumuho nang gayon na lamang.” Dahil ang mga bahura ng korales ay mahahalagang pabinhian sa dagat, masama rin ang ibinabadya ng sakunang ito para sa mga taong nakatira sa baybayin na umaasa sa pangingisda.
Pagdidiborsiyo ng mga Retirado
Sa Pransiya “ang bilang ng mga mag-asawang mahigit na sa 55 taóng gulang na naghiwalay ay dumami ng 52 porsiyento sa loob ng apat na taon,” ulat ng pahayagang Le Figaro. Sa yugto ring iyon, higit pa sa doble ang idinami ng diborsiyo ng mga mag-asawang mahigit na sa edad 70, anupat lumalaking bilang ng mga babae ang nagsasampa ng diborsiyo. Ang mga kahirapan ng pakikibagay sa buhay-retirado ang isang salik. Ang mga problemang nakakayanan habang nasa trabaho ang asawa ay kadalasan nang lubhang bumibigat kapag kapuwa nasa bahay ang mag-asawa. Karagdagan pa, lumaki ang bilang ng mga babaing mahigit na sa 50 taóng gulang na may sariling kita. Mas malamang na diborsiyuhin ng mga babaing ito ang mga asawang taksil kaysa sa mga babae noong nakaraang mga henerasyon. Samantalang ang mga lalaking retirado ay madalas na nagkakaroon ng mas batang kapareha, lumalaking bilang ng mga babae na nasa edad na 60 at 70 na hindi balo ang nauuwi sa pagsosolo.
Mabilis na Paglaganap ng AIDS
Mahigit na limang milyon katao ang nahawahan ng virus ng AIDS noong taóng 2000, ang sabi ng isang ulat ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) at ng World Health Organization. Dahil dito, ang pandaigdig na bilang ng mga taong may HIV ay umabot na sa mahigit na 36 na milyon, mas mataas ng mahigit sa 50 porsiyento kaysa sa pagtayang ginawa noong 1991. Ang epidemya ay mabilis na lumaganap sa Silangang Europa, kung saan ang bilang ng mga indibiduwal na nahawahan—karamihan ay mga nagtuturok ng droga—ay halos nadoble sa loob ng isang taon. Sinabi rin ng ulat na ang mga pagsisikap ukol sa pag-iingat sa mariwasang mga bansa sa daigdig ay nahinto, anupat ang AIDS ay pangunahin nang lumalaganap sa mga nagtuturok ng droga at mga lalaking homoseksuwal. Sa kabilang dako, ang paglaki ng bilang ng mga bagong nahawahan sa timugan ng Sahara sa Aprika, kung saan 25.3 milyon katao na ang nahawahan, ay waring natigil sa kauna-unahang pagkakataon. Mula nang kumalat ang epidemya, mahigit na sa 21 milyon katao ang namatay sa sakit na ito.