Niagara Falls—Isang Nakasisindak na Karanasan
KAMAKAILAN ay nagkaroon ako ng pagkakataong makita ang Niagara Falls sa paraang ibang-iba kaysa noon—malapitan. Tinitiyak ko sa iyo na iyon ay isang nakasisindak na karanasan. Kaming magkakaibigan ay pumasyal sa Canadian Horseshoe Falls, na tinawag nang gayon dahil sa hugis nito. Ilang ulit na rin akong nakapunta roon mula nang una akong pumasyal noong 1958, pero may isang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa—hinding-hindi pa ako nakasasakay sa lantsa sa ilog patungo sa mismong harapan ng talon. Subalit ginagawa na ito ng mga tao mula pa nang pasinayaan ang mga ekskursiyon sakay ng mga lantsang Maid of the Mist noong 1848. Milyun-milyon na ang nakaranas ng ganitong kapana-panabik na paglalakbay. Ngayon ay ako naman.
Regular na umaalis ang mga lantsa mula sa magkabilang panig ng ilog, ang panig ng Amerika at ang panig ng Canada. Walang-tigil ang pila. Makikita natin ang mga taong iba’t iba ang edad, maging maliliit na bata, na nagsusuot ng magaan na kulay-asul na plastik na mga kapote na kailangan upang hindi sila matilamsikan. (Para naman sa mga pumapasyal sa American Falls sa kabilang panig, ang mga kapote ay kulay-dilaw.) Ang lantsang Maid of the Mist VII ay nakapagsasakay ng hanggang 582 pasahero. Tumitimbang ito nang 132 metriko tonelada at may 24 na metro ang haba at 9 na metro ang lapad. Sa ngayon ay may apat na lantsang ginagamit, ang Maid of the Mist IV, V, VI, at VII.
Kami Naman ang Magpapakabasâ
Nakipila kami sa karamihan, at pagkababang-pagkababa ng grupo ng nabasâ at narumhang mga turista sa Maid of the Mist VII, sumama kami sa agos ng mga tao. Nakikini-kinita ko na ang isang kapana-panabik na paglalakbay. Sa distansiyang walang isang milya ang layo, ang tubig ay dumadagundong sa gilid ng talon, at bumubuhos sa taas na 52 metro tungo sa lunas sa ibaba na may 55 metrong lalim. Ang aming lantsa ay umusad na sa ilog at naglayag patungo sa panig ng Amerika, kung saan binagtas namin ang umaalimpuyong tubig sa paanan ng American Falls, na may kabuuang pagbuhos na 54 na metro.a Malapit na ang pinakakapana-panabik na bahagi.
Patindi nang patindi ang tensiyon habang kami’y papalapit sa bumabagsak na tubig. Di-nagtagal at imposible nang makakuha pa ng mga larawan dahil sa hangin at napakalakas na tilamsik sa palibot. Parang wala nang katapusan ang hirap ng piloto habang unti-unti niyang inilalapit ang lantsa sa mismong pinagbabagsakan ng mahigit sa 168,000 metro kubiko ng tubig bawat minuto sa gilid ng talon at bumubuhos sa mismong harapan ng lantsa! Nakabibingi ang ingay. Hindi mo halos marinig ang iyong sigaw. Kumabog ang dibdib ko. Nalalasahan ko mismo ang tubig ng Niagara, malamig ngunit malamang na malinis. Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang ito sa tanang buhay ko!
Matapos ang tila magpakailanman, sa wakas ay unti-unti nang inilayo ng piloto ang aming Maid mula sa mapanganib na dako at iniliko kaming paayon sa agos ng ilog. Nakahinga ako nang maluwag. Nakaraos kami. Pero ang totoo, wala naman talagang dapat ikatakot. Ang kompanyang nagpapatakbo ng mga lantsang ito ay may malinis na rekord kung tungkol sa aksidente. Tiniyak sa amin ni Emil Bende, ang general manager ng kompanya ng lantsa, na ang bawat lantsa ay may sapat na mga life jacket at balsa para sa pinakamaraming sakay na pasahero. Hindi mangyayari rito ang anumang pagkakamali na gaya niyaong sa Titanic!
Umuurong ang Talon!
Oo, napipinsala ang talon dahil sa pagkaagnas. Tinatayang sa nakalipas na 12,000 taon, ang talon sa Niagara ay umurong na nang mga 11 kilometro, tungo sa kasalukuyang kinaroroonan nito. May pagkakataon na ang bilis ng pagkaagnas ay mga isang metro bawat taon. Ngayon ay bumaba na ito sa humigit-kumulang 36 na sentimetro tuwing sampung taon. Ano kaya ang dahilan ng pagkaagnas na ito?
Ang tubig ay dumaraan sa isang matigas na pang-ibabaw na suson ng dolomite na batong-apog na ang nasa ilalim ay mga suson ng malalambot na batong-buhangin at mga batong madaling magkadurug-durog. Ang mga suson na ito sa ilalim ay naaagnas, at sa gayon ay gumuguho ang mga batong-apog at bumabagsak sa lunas sa ibaba.
Hindi Nasasayang ang Tubig
Ang napakaraming tubig na bumubuhos sa maikling Niagara River (56 na kilometro) ay nanggagaling sa apat sa limang Great Lake. Umaagos ito pahilaga mula sa Lake Erie tungo sa Lake Ontario. Sa maikling pag-agos na ito, ginagamit ito upang makagawa ng kuryente mula sa tubig, na pinaghahatian ng Canada at ng Estados Unidos. Sinasabing ito ang isa sa pinakamalaking pinagkukunan ng hydroelectric power sa buong daigdig. Ang mga planta ng kuryente ng Canada at Estados Unidos ay may kapasidad na 4,200,000 kilowat kung pagsasamahin. Ang tubig para sa umiikot na mga makina ay kinukuha sa Niagara bago makarating ang ilog sa talon.
Mga Honeymoon at ang mga Ilaw sa Gabi
Ang Niagara Falls ay isang paboritong lugar para sa mga nagha-honeymoon. Lalo nang naging totoo ito pagkatapos ng pelikulang Niagara noong 1953. Kung gabi, ang talon ay tinatanglawan ng may-kulay na spotlight na nagbibigay ng isa pang aspekto sa kagandahan at karingalan ng pambihirang lugar na ito sa ating planeta. Tiyak na ang pagbisita sa Canada at sa Estados Unidos ay di-kumpleto kung hindi ka pupunta sa kababalaghang ito ng daigdig. At kung medyo malakas ang iyong loob, huwag mong kalilimutang sumakay sa lantsa! Hindi mo iyon pagsisisihan o malilimutan.—Ipinadala.
[Talababa]
a “Sa American Falls, patayong bumubuhos ang tubig mula 21 hanggang 34 na metro (70 hanggang 110 talampakan) tungo sa [mga] bato sa paanan ng talon.”—Ontario’s Niagara Parks.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
ANG KASTILANG AERO CAR NG NIAGARA
Apat at kalahating kilometro pababa mula sa talon ay may isang napakalaking alimpuyo ng tubig na “nabubuo sa dulo ng Rapids, kung saan biglang lumiliko ang Great Gorge pahilagang-silangan. Dito umiikut-ikot at nakakalas ang namumuo at kulay-berdeng-esmeraldang alimpuyo upang dumaang palabas sa pinakamakitid na kanal sa Gorge.”—Ontario’s Niagara Parks.
Ang pinakamagandang paraan upang makitang mabuti ang kabuuang sukat ng pambihirang lawang ito ay ang pagsakay sa Kastilang Aero Car ng Niagara, isang cable car na tumatawid sa ibabaw ng lawa at mula roo’y makikita ang kahanga-hangang tanawin ng ilog, kapuwa pasalungat at paayon sa agos. Subalit bakit ito tinawag na “Kastila[ng]” Aero Car? Ito ay dinisenyo at ginawa ng isang napakahusay na Kastilang inhinyero, si Leonardo Torres Quevedo (1852-1936), at ginagamit na ito mula pa noong 1916. Wala nang iba pang katulad nito.
[Dayagram/Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAGKAAGNAS ang dahilan ng pag-urong ng talon nang tinatayang 1,000 talampakan o higit pa mula noong 1678
1678
1764
1819
1842
1886
1996
[Credit Line]
Pinagmulan: Niagara Parks Commission
[Mga mapa sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CANADA
E.U.A.
CANADA
E.U.A.
Lake Erie
Niagara Falls
Niagara River
Lake Ontario
[Larawan sa pahina 25]
American Falls
Canadian Horseshoe Falls
[Larawan sa pahina 26]
Tanawin ng talon sa taglamig na tinatanglawan kung gabi