Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/8 p. 13-15
  • Reunyon ng mga Pamilya sa Korea—Isang Bagong Pasimula?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Reunyon ng mga Pamilya sa Korea—Isang Bagong Pasimula?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mahalagang Reunyon
  • Kalahating Siglo ng Pagkakahiwalay​—Malapit Nang Matapos?
  • Nasaksihan Ko ang Malalaking Pagbabago sa Korea
    Gumising!—2008
  • Isang Malaong Hinihintay na Pagkikita-kita ng Pamilya
    Gumising!—1985
  • Nakita Ko ang Pagsulong sa Korea
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Sa Wakas, Malaya Na Ako!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/8 p. 13-15

Reunyon ng mga Pamilya sa Korea​—Isang Bagong Pasimula?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA REPUBLIKA NG KOREA

TINAWAG itong isang madulang pangyayari. Umakit ito ng mahigit sa 1,300 lokal na mga reporter at mahigit sa 400 banyagang mga kabalitaan. Ang pangyayari ay ang muling pagsasama ng mga pamilya mula sa hilaga at timugang mga bahagi ng Korea​—mga pamilyang nagkahiwalay sa loob ng mga 50 taon.

Sa loob ng kalahating siglo, maraming Koreano ang hindi nakabalita sa kani-kanilang mga kamag-anak​—sa pamamagitan ng sulat, fax, o telepono. Pinaghiwalay sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya ng sonang hindi ginagamit sa layuning militar (demilitarized zone) na humahati sa bansa. Ano ang nagpangyari upang maging posible ang reunyong ito?a

Isang Mahalagang Reunyon

Noong Agosto 15, 2000, isang eroplano na may bandila ng Democratic People’s Republic of Korea ang lumapag sa Kimpo International Airport ng Republika ng Korea. Sakay ng eroplano ang mga pasaherong galing sa hilaga na tumanggap ng katibayan sa pamamagitan ng International Red Cross na ang ilan sa kanilang mga kamag-anak sa timog ay buháy pa. Pagkatapos ay isinakay ng eroplano ring ito ang 100 Koreano mula sa timog patungo sa hilaga, anupat naging posibleng makasama nila ang kanilang mga kamag-anak. Isip-isipin ang pagkakaroon ng isang kapatid na lalaki, isang kapatid na babae, isang ina, isang ama, isang anak na lalaki o babae, o isang kabiyak na hindi mo nakita sa loob ng mahigit na 50 taon! Marami na dumating para sa reunyong ito ay nasa mga edad na lampas sa 60 at 70, at hindi nila nakita ang kanilang mga kamag-anak mula nang sila’y mga tin-edyer!

Ang mga pagdalaw na ito ay isinaayos na tatagal lamang ng apat na araw at tatlong gabi, pagkatapos nito ay babalik na sila sa kani-kanilang bansa. Walang-alinlangang ito ang dahilan kung bakit ang marami sa muling nagkasamang mga miyembro ng pamilya ay halos walang-tigil na nagkuwentuhan! Dahil sa malamang na trauma at labis na emosyonal na kaligaligan, nakaantabay ang mga doktor, mga nars, at mga ambulansiya. Hindi kataka-taka, kinailangang gamitin ang mga ito.

Ang mga reunyon ay maliit na bahagi lamang ng kabuuang bilang ng pami-pamilyang nagkahiwalay. Ang ilang tantiya ay na may 690,000 katao na mahigit sa edad na 60 at 260,000 na mahigit sa edad na 70, ang hiwalay pa rin sa kanilang mga minamahal. Gayunman, sa 76,000 mula sa Republika ng Korea na nakatugon sa mga kahilingan at nag-aplay upang dalawin ang kanilang mga kamag-anak sa hilaga, 100 lamang ang napili para sa reunyong ito.

Kabilang sa mga ito ang 82-taóng-gulang na si Yang Jin-yeul. Tumanggap siya ng pasabi sa pamamagitan ng Red Cross na si Yang Won-yeul, ang kaniyang 70-taóng-gulang na kapatid na lalaki sa hilaga, ay naghahanap sa kaniyang mga kamag-anak sa timog. Ang nakababatang kapatid ni Yang Jin-yeul ay isang estudyante sa isang unibersidad sa Seoul noong 1950 nang mawala siya noong panahon ng Digmaan sa Korea. Wala nang nabalitaan pa tungkol sa kaniya mula noon. Silang dalawa, kasama ng kanilang dalawang kapatid na babae, ay muling nagkasama pagkatapos magkahiwalay ng limang dekada!

Muling nakasama ni Lee Pok-yon, 73 taóng gulang, ang kaniyang 70-taóng-gulang na asawa at dalawang anak na lalaki. Huli niyang nakita ang kaniyang pamilya nang ang kaniyang mga anak na lalaki ay dalawa at limang taóng gulang lamang. Noong panahon ng digmaan, isang araw ay umalis siya ng bahay na ang paalam ay bibili lamang ng isang bisikleta. Nawala siya at wala nang narinig pa tungkol sa kaniya mula noon. Sa kanilang makabagbag-damdaming reunyon, naitanong ng kaniyang asawa, na ngayo’y may sakit na palsy at diyabetis, ang pinag-isipan niya sa loob ng mga dekada: Bakit napakatagal naman niyang bumili ng bisikletang iyon?

Si Lee Chong-pil, 69 na taóng gulang, ay isang estudyante sa intermedya nang siya’y mapahiwalay sa kaniyang pamilya noong 1950 at naitalang nawawala. Muli niyang nakasama si Cho Won-ho, ang kaniyang 99-na-taóng-gulang na ina, dalawang kapatid na lalaki, at dalawang kapatid na babae sa timog. Nakalulungkot, hindi na siya nakilala ng kaniyang matanda nang ina.

Ilan lamang ito sa maraming makabagbag-damdaming mga reunyon na naganap. Ang pangyayari ay ipinalabas nang live sa ilang istasyon ng TV doon at sa ibang bansa. Sa panonood sa mga reunyong ito, napaiyak din sa kagalakan ang mga nanonood! Marami ang nagtatanong kung ito kaya ay hahantong sa higit pang mga pagkakataon para sa reunyon. Sa paano man, ang mga reunyon ay agad na nagwakas, ang paghihiwalay na ito ay halos kasintindi rin ng kirot noong unang paghihiwalay. Hindi alam ng mga mahal sa buhay kung magkikita pa kaya silang muli o kailan kaya sila muling magkikita.

Kalahating Siglo ng Pagkakahiwalay​—Malapit Nang Matapos?

Noong Agosto 15, 1945, pinalaya ng Korea ang sarili nito mula sa 36 na taon ng pagkaalipin sa kolonyal na pamamahala ng mga Hapones. Gayunman, di-magtatagal ang Korea ay mahahati ng pulitika noong panahong iyon. Sa pagpapatalsik sa mga Hapones mula sa peninsula ng Korea, sinakop ng mga puwersang Amerikano ang teritoryo sa timog ng 38th parallel, at sinakop naman ng mga puwersang Sobyet ang teritoryo sa hilaga. Hindi nalutas ng digmaan na agad sumiklab ang mga bagay-bagay. Ngayon ay may dalawang pamahalaan sa Korea. Mula noong 1945 patuloy at sa buong panahon ng Digmaan sa Korea, libu-libong pamilya ang nagkahiwalay. Nang matapos sa wakas ang digmaan noong 1953, isang sona na hindi ginagamit sa layuning militar na punô ng mga ibinaong bomba ang humati ngayon sa bansa.

Sa loob ng mga dekada, kakaunti ang pahiwatig ng pakikipagkasundo. Gayunman, noong Hunyo 13, 2000, isang eroplanong nagsakay sa pangulo ng Republika ng Korea, si Kim Dae-jung, ay lumapag sa Sunan Airport sa Pyongyang. Ang pangulo ng estado ng Democratic People’s Republic of Korea, si Kim Jong-il, ay naghihintay sa tarmak upang batiin siya. Isang bigla at di-inaasahang pinto ng pag-asa ang waring nabuksan. Hindi pa kailanman nagkita ang dalawang pinunong ito. Subalit sa okasyong ito, sila ay kumilos na parang magkapatid na hindi nagkita sa loob ng mahabang panahon. Sinundan ito ng tatlong-araw na komperensiya kung saan ang dalawang pinuno ay nangakong magsisikap na wakasan ang kalahating siglo ng matinding poot at magkaroon ng pakikipagkasundo. Ang mga reunyon ng nagkahiwalay na mga miyembro ng pamilya ay kabilang sa unang mga resulta ng komperensiyang iyon. Di-nagtagal ay nasa proseso na ang iba pang mga hakbang.

Nagkaisa rin ang dalawang pinuno na muling pagdugtungin ang riles ng tren sa pagitan ng hilaga at ng timog. May 12 kilometrong riles sa timugang bahagi ng Korea at 8 kilometro naman sa hilagang bahagi ang kailangang kumpunihin sa Setyembre 2001. Ang riles na ito ay daraan sa linyang naghihiwalay sa hilaga at timog, minsan pang pagdurugtungin ang dalawang bahagi ng Korea. At kapag ang riles ay naidugtong na sa wakas sa Trans Chinese Railroad, ito ay makaaabot mula sa peninsula ng Korea hanggang sa Tsina at hanggang sa Europa. Sa pananalita ni Pangulong Kim Dae-jung, tunay na ito’y magiging “isang bagong daang-bakal na seda.” Isa pang riles ng tren ang sa dakong huli’y babagtas sa gitna ng linyang naghihiwalay sa hilaga at timog Korea at durugtong sa Russian Trans-Siberian Railroad.

Panahon lamang ang makapagsasabi kung ang mga hakbang na ito ay talagang naghuhudyat ng isang bagong pasimula. Samantala, ang mga pagsisikap na muling pagsamahin ang mga pamilya ay kapuri-puri. Magkagayunman, maliwanag na kailangan ng sangkatauhan ang isang pangglobong pamamahala sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Sing-aga ng 1912, sinimulang organisahin ng mga Saksi ni Jehova ang pagpapalaganap ng mensahe ng pag-asa sa Silangan. Marami sa hilagang bahagi ng peninsula ng Korea ang nakarinig nito, at marami ang tumanggap nito. Gayunman, ang marami sa mga ito ay nabilanggo noong pamamahala ng Hapones dahil sa kanilang pagtangging makipagdigma.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II at ng kanilang paglaya sa bilangguan, ang mga Kristiyanong ito, mga Saksi ni Jehova, ay nagsimulang magsama-sama. Karamihan sa kanila ay nagpunta sa timog kung saan maaari silang magtamasa ng kalayaan sa pagsamba. Noong Hunyo ng 1949, ang unang kongregasyon ay naitatag sa Seoul, at sa ngayon ito ay lumago tungo sa isang malaking organisasyon ng mahigit sa 87,000 aktibong mga Saksi sa Republika ng Korea. Kabilang sa kanila ang libu-libong napahiwalay rin sa kanilang mga kamag-anak sa hilaga.

Marahil magkakaroon ng mga pangyayari na magpapahintulot sa muling pagsasama-sama ng lahat ng nagkahiwa-hiwalay na mga pamilya sa Korea. Higit na mahalaga, ang pagtatapos ng paghihiwalay na ito ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa wakas sa 22 milyong naninirahan sa Democratic People’s Republic of Korea na marinig ang mensahe ng Bibliya.

[Talababa]

a Isang reunyong itinaguyod ng pamahalaan ay naganap din noong 1985.

[Mga larawan sa pahina 13]

Isang mag-asawa (itaas) at isang mag-ina (ibaba) ang muling nagkasama

[Larawan sa pahina 14]

Sumasamba sa ninuno, isang lalaki ang yumuyuko sa larawan ng kaniyang ama, na namatay bago pa sila muling nagkita

[Larawan sa pahina 15]

Muling nakasama ni Yang Jin-yeul (dulong kaliwa) ang kaniyang kapatid na lalaki (gitna) mula sa hilaga

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Mga larawan sa pahina 13-15: The Korea Press Photojournalists Association

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share