Kung Paano Ka Makatutulong
“Kailangan ng tulong ng mga batang nanlulumo. Subalit hindi makukuha ng mga bata ang tulong sa ganang sarili lamang nila. Kailangan munang maunawaan ng isang nasa hustong gulang ang problema at pagtuunan ito ng pansin. Iyan ang napakahirap na bahagi.”—Dr. Mark S. Gold.
ANO ang maaari mong gawin kung naghihinala ka na nanlulumo ang iyong anak na tin-edyer? Una, huwag kang agad gagawa ng konklusyon hinggil sa bagay na iyon. Tutal, baka ibang sakit naman ang pinagmumulan ng mga sintomas.a Isa pa, lahat ng kabataan ay nakararanas ng paminsan-minsang pagiging sumpungin. Subalit kung nagtatagal ang kalagayang ito at waring hindi basta pansamantalang pamamanglaw lamang, baka makabubuting magpatingin sa doktor. Hinggil sa bagay na ito, makabubuting isaisip ang sinabi ni Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.”—Mateo 9:12.
Tapatang sabihin sa iyong doktor ang anumang makatutulong na impormasyon na maibibigay mo, kasali na ang kamakailang mga pagbabago sa buhay ng isang tin-edyer na maaaring nagdudulot sa kaniya ng kawalang-sigla. Tiyakin na sapat ang panahon na ginugugol ng doktor sa pakikinig sa mga sintomas bago niya gawin ang anumang pasiya batay sa pagsusuri. “Imposibleng makuha ang lahat ng impormasyon na kailangan upang lubusang matiyak ang kalagayan ng bata sa iisang pagkakataon sa loob ng dalawampung-minutong sesyon,” ang babala ni Dr. David G. Fassler.
Malayang itanong sa manggagamot ang anumang bagay na maaaring nasasaloob mo. Halimbawa, kung inaakala ng doktor na ang iyong anak na tin-edyer ay may klinikal na uri ng panlulumo, maaari mong itanong kung bakit hindi ibang nasuring sakit ang sinabi niya. Kung nag-aalinlangan ka sa paraan ng pagtiyak ng doktor sa sakit, sabihin mo sa kaniya na ibig mong humingi ng opinyon ng ibang doktor. Tiyak naman na walang makatuwiran at tapat na doktor ang pipigil sa iyo na gawin iyon.
Pagtanggap at Pagharap sa Situwasyon
Kung may klinikal na uri ng panlulumo ang iyong anak na tin-edyer, huwag mong ikahiya ang situwasyon. Ang totoo, maaaring igupo ng panlulumo maging ang pinakamahuhusay na kabataan. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na pinahirapan ng nakapipighating emosyon ang ilan na nagsikap na gumawa ng pinakamahusay upang paglingkuran ang Diyos, anuman ang kanilang edad. Isaalang-alang ang tapat na si Job, na nakadamang siya’y pinabayaan ng Diyos at sa gayo’y nagpahayag ng pagkarimarim sa buhay. (Job 10:1; 29:2, 4, 5) Si Hana ay isang lingkod ng Diyos na nakaranas ng ‘pait sa kaniyang kaluluwa’ anupat hindi siya makakain. (1 Samuel 1:4-10) Nariyan din ang makadiyos na lalaking si Jacob, na nagdalamhati sa loob ng maraming araw pagkamatay ng kaniyang anak na lalaki at ‘tumangging maaliw.’ Aba, ibinulalas pa nga ni Jacob ang kaniyang pagnanais na sumama sa kaniyang anak sa libingan! (Genesis 37:33-35) Kaya, ang emosyonal na kaligaligan ay hindi laging nagmumula sa ilang pagkukulang sa espirituwalidad.
Magkagayunman, ang panlulumo ng mga tin-edyer ay maaaring labis na magpahirap sa mga magulang. “Kailangang magpakaingat ako sa aking sasabihin at gagawin,” ang sabi ng ina ng isang tin-edyer na nanlulumo. “Ako’y nababahala, natatakot, palaaway, galit at hapung-hapo.” Isa pa ang umamin: “Lumalabas ako at makakakita ng isang ina na namimili kasama ang kaniyang anak na babae at nadudurog ang puso ko dahil sa nadarama ko na hindi namin magawa iyan [ng aking anak na babae] at hindi na kailanman magagawa pa.”
Normal lamang ang gayong damdamin. Subalit, kung minsan nakalilipos ang mga damdaming ito. Kung sakali mang mangyari ito, bakit hindi magtapat sa isang pinagtitiwalaang kaibigan? Ang Kawikaan 17:17 ay nagsasabi: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Huwag ring kalilimutan ang panalangin. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kung ihahagis natin ang ating mga pasanin sa Diyos, aalalayan niya tayo.—Awit 55:22.
Ang Hilig na Manisi
Maraming magulang ng nanlulumong mga tin-edyer ay labis na nasisiraan ng loob at nakadarama na sa paanuman ay dapat silang sisihin sa nangyayari. “Kapag ang iyong anak ay nanlulumo,” ang pag-amin ng isang magulang, “talagang nakadarama ka ng pagkakasala at walang makapipigil sa iyo na makadama ng gayon. Patuloy mong naiisip, ‘Saan ba kami nagkamali? Kailan ba nagsimula ang problemang ito? Ano ang nagawa ko para magkaganito?’” Paano gagawing timbang ng mga magulang ang kanilang pag-iisip hinggil dito?
Walang alinlangan na ang malupit na kalagayan sa tahanan ay totoong makaaapekto sa isang bata. Makatuwiran na ganito ang payo ng Bibliya sa mga ama: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Sa gayon, pinapayuhan ang mga magulang na pag-isipan ang kanilang pamamaraan ng pakikitungo sa kanilang mga anak at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Subalit ang panlulumo ay hindi laging bunga ng hindi magandang pagpapalaki ng mga magulang. Sa katunayan, ang sakit ay maaaring masumpungan sa mga tahanang may matimyas na pagmamahalan. Kaya naman, hindi kailangang makadama ng pagkakasala ang mga magulang na gumagawa ng lahat ng pinakamabuting magagawa nila upang tulungan ang kanilang mga anak.
Mahalaga rin naman na huwag sisihin ang nanlulumong tin-edyer. Sa paanuman, malamang na hindi rin naman niya gustong magkasakit. “Hindi ko siya kailanman sisisihin dahil sa nagkabulutong siya o nagkapulmonya,” ang sabi ng isang ina. “Pero kung tungkol sa panlulumo,” ang pag-amin niya, “iyan ang ginawa ko. Sinisi ko ang aking anak dahil sa pagkakasakit niya—na ikinaiinis ko.” Makatutulong sa mga magulang at iba pa na magtuon ng pansin sa kung paano nila matutulungan ang maysakit kung mamalasin ang panlulumo bilang isang sakit sa halip na isang kahinaan.
Ang pagpapalaki ng isang nanlulumong tin-edyer ay maaaring magdulot ng matinding kaigtingan sa ugnayan ng mga magulang. “Sinisi namin ang isa’t isa,” ang sabi ng isang asawang babae, “lalo na kapag naiisip namin ang buhay na inasam namin at ang buhay na talagang taglay namin dahil sa aming anak na lalaki.” Si Tim, na may anak na babae na pinahihirapan ng panlulumo, ay umamin: “Napakadaling sisihin ang iyong kabiyak. Kung ang mga magulang ay may problema sa pag-aasawa bago pa man magsimulang makita sa anak ang mga tanda ng panlulumo, ang nakalilitong pag-uugali ng bata ang huling pinagbubuntunan.” Huwag hayaang maging balakid sa inyong pag-aasawa ang panlulumo ng inyong anak! Talagang walang mabuting magagawa kung sisisihin ang iba—ito man ay ang iyong sarili, ang iyong anak, o ang iyong asawa. Ang mahalagang bagay ay tulungan ang maysakit.
Pagtulong
Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Kung ang nanlulumong tin-edyer ay nililigalig ng pagkadama ng mababang pagpapahalaga sa sarili, maaari kang makatulong. Paano? Tiyak na hindi sa pamamagitan ng mapanghatol na mga salitang gaya ng, “Hindi ka dapat makadama ng ganiyan” o, “Iyan ang mali mong ugali.” Sa halip, sikaping maging madamayin sa pamamagitan ng pagpapakita ng “pakikipagkapuwa-tao.” (1 Pedro 3:8) Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na “makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Tandaan, ang isang taong tunay na nanlulumo ay talagang nasasaktan. Ang sakit ng damdamin ay hindi guniguni lamang, ni ito man ay pagkukunwari upang makakuha lamang ng atensiyon. Pagkatapos na makinig, sikaping maibuhos ng maysakit ang kaniyang niloloob. Itanong kung bakit gayon ang kaniyang nadarama. Pagkatapos, may kabaitan at may pagtitiyagang ipaunawa sa tin-edyer kung bakit hindi makatuwiran ang gayong mababang pagtingin niya sa kaniyang sarili. Ang pagbibigay-katiyakan sa pag-ibig at kaawaan ng Diyos ay maaaring makatulong upang maibsan ang mga kabalisahan ng nagdurusa.—1 Pedro 5:6, 7.
Baka may iba pang praktikal na mga hakbang na magagawa mo. Halimbawa, baka kailangan mong tiyakin na ang iyong nanlulumong anak na tin-edyer ay may sapat na tulog, pagkain, at ehersisyo. (Eclesiastes 4:6) Kung may inihatol na gamot, isang katalinuhan na maipaunawa sa tin-edyer ang kahalagahan ng pag-inom niyaon. Huwag kailanman susuko sa pagtulong, at huwag kailanman magsasawa sa pagpapakita ng pag-ibig.
Sabihin pa, ang panlulumo ng isang tin-edyer ay maaaring isang karanasang nakasusugat ng damdamin, para sa pinahihirapan nito at sa iba pang miyembro ng pamilya. Sa dakong huli, ang pagtitiis, pagtitiyaga, at pag-ibig ang magbibigay ng saligan sa pagtulong sa nanlulumong mga tin-edyer.
[Talababa]
a Ayon sa ulat, ang ilang sakit—kasali na ang mononucleosis, diyabetis, anemia, hypothyroidism, at hypoglycemia—ay maaaring kakitaan ng mga sintomas na tulad ng panlulumo.
[Blurb sa pahina 11]
Ang isang tao na tunay na nanlulumo ay talagang nasasaktan. Ang sakit ng damdamin ay hindi guniguni lamang
[Kahon sa pahina 13]
KUNG IKAW AY ISANG NANLULUMONG TIN-EDYER
Hindi ka nag-iisa, at ang iyong kalagayan ay hindi naman wala nang kapag-a-pag-asa. Ang iyong panlulumo ay maaaring may kaugnayan sa (1) pagiging di-timbang ng kemikal na kayarian sa utak o (2) mga kalagayan sa buhay na halos wala kang magagawa o hindi mo makontrol. Alinman ang dahilan, hindi ka dapat sisihin sa iyong kalagayan. Magkagayunman, ano ang maaari mong gawin hinggil dito?
Sinasabi ng Bibliya na “may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Bakit hindi maghanap ng gayong kaibigan at ibuhos mo ang mga nilalaman ng iyong puso sa isang yaon? Ang isa sa iyong mga magulang o ibang maygulang na adulto ay maaari mong maging pinakamahusay na katulong sa paglaban sa panlulumo.
Kung naghihinala ang iyong mga magulang na ikaw ay nakararanas ng klinikal na uri ng panlulumo, maaaring ipasuri ka nila sa isang manggagamot na may karanasan sa paggamot ng sakit na ito. Ito’y isang matalinong hakbang, yamang kadalasang lubusang nalulunasan ng paggamot ang panlulumo, kung mayroon man nito. Halimbawa, kung mayroon mang di-timbang na kemikal na kayarian sa utak, maaaring ihatol ang isang antidepressant. Kung totoo ito sa iyong kalagayan, huwag mong ikahiya ang pag-inom ng gamot. Ibinabalik lamang nito ang tamang pagkakatimbang ng kemikal sa katawan mo, at maaaring ito ang paraan para makatulong sa iyo upang mapanauli ang isang antas ng kagalakan at katatagan sa iyong buhay.
Maraming nakararanas ng panlulumo ang nagtamo ng kaaliwan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at ng pagiging malapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”b—Awit 34:18.
[Talababa]
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat Ko Bang Sabihin sa Iba na Ako’y Nanlulumo?” na lumabas sa Oktubre 22, 2000, isyu ng Gumising!
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
TULONG AT PAG-ASA PARA SA MGA MAYSAKIT
Yamang ang panlulumo ay isang masalimuot na paksa, hindi maaaring talakayin ang lahat ng aspekto nito sa napakaikling seryeng ito ng mga artikulo. Gayunman, ang mga tagapaglathala ng Gumising! ay nagtitiwala na ang mga puntong iniharap ay makatutulong sa mga tin-edyer at sa kanilang mga magulang upang mapagtiisan ang nakapanghihinang sakit na ito.
Maaaring napansin ninyo na ang karamihan sa mga payo sa naunang mga artikulo ay nakasalig sa Bibliya. Totoo na ito’y isang sinaunang aklat. Subalit ang payo nito ay praktikal pa rin sa ngayon na gaya nang ito’y isulat noon. Bakit? Sapagkat bagaman nagbago na ang panahon, hindi nagbabago ang kalikasan ng tao. Napapaharap tayo sa iyon at iyon ding pangunahing mga suliranin na nakaharap ng nakaraang mga henerasyon. Ang pagkakaiba lamang ay mas malubha at mas malawak ang saklaw ng mga problemang ito sa ngayon.
Ngunit, may isa pang dahilan kung bakit napakapraktikal ng Bibliya: Ito’y kinasihan ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Bilang Maylalang natin, alam niya kung ano ang ating kailangan upang makamit ang kagalakan at kasiyahan sa buhay.
Mangyari pa, ang Bibliya ay hindi isang aklat sa medisina. Kaya, hindi nito inaalis ang pangangailangan na humanap ng tamang paraan ng paggamot para sa mga sakit, gaya ng panlulumo. Mangyari pa, ang Bibliya ay nagtataglay ng mga simulain na makatutulong sa atin upang aliwin ang mga nagdurusa. Bukod pa riyan, nagtataglay ito ng pangako ng Diyos na hindi na magtatagal at pagagalingin niya ang lahat ng ating mga karamdaman. (Awit 103:3) Oo, nilayon ni Jehova na ‘panumbalikin ang puso ng mga sinisiil.’—Isaias 57:15.
Ibig mo bang makaalam ng higit hinggil sa dakilang pag-asang ito? Pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na direksiyon sa pahina 5 ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 10]
Sikaping magpakita ng pakikipagkapuwa-tao
[Larawan sa pahina 11]
Kung nagpapatuloy ang sumpong ng panlulumo ng isang tin-edyer, makabubuting magpatingin sa manggagamot
[Mga larawan sa pahina 12]
Bilang isang magulang, huwag agad sisihin ang iyong sarili, ang iyong kabiyak, o ang iyong anak na tin-edyer