Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 9/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Modernong “Mga Alipin” sa Galera
  • Paglalaho ng “Mga Lihim ng Kalikasan”
  • Mas Pinipili Pa Rin ang Papel
  • Ang Banta ng Organisadong Krimen
  • Ang Ating Basurahan sa Kalawakan
  • Dumarami ang Walang Tahanan
  • “Isang Naglalahong Sining”?
  • Huwaran sa Pagmamaneho
  • “Ang Pinakamalaking Buháy na Organismo sa Daigdig”
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1993
  • Nagsisikap na Lutasin ang Krimen
    Gumising!—1996
  • Ang Imposibleng Ideya na Opisinang Walang Papel
    Gumising!—1999
  • Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 9/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Modernong “Mga Alipin” sa Galera

“Sampu-sampung libong magdaragat sa mga barkong pangkomersiyo ang pinakikitunguhang gaya ng mga alipin,” ang sabi ng International Herald Tribune. Isiniwalat ng isang ulat ng International Commission of Shipping na ang mga magdaragat na ito ay “nakararanas ng di-ligtas na mga kalagayan, labis-labis na oras ng pagtatrabaho, hindi nasusuwelduhan, di-sapat na pagkain, panghahalay at pambubugbog.” Ang ilang magdaragat na nagrereklamo o humihingi ng tulong sa mga unyon ng manggagawa ay nanganganib na tanggalin sa trabaho o itapon pa nga sa dagat. Ang pangunahing mga biktima ng “modernong pang-aalipin” na ito ay mula sa papaunlad na mga bansa. Dahil sa mga problema sa ekonomiya sa kanilang mga bansa, marami ang walang masulingan para kumita ng salapi. Kaya, ayon sa awtor ng ulat, sila ay nagiging “madaling mabiktima, . . . dinadaya at pinagnanakawan.”

Paglalaho ng “Mga Lihim ng Kalikasan”

“Tinataya ng UN na umaabot ng 90% ng mga wika sa daigdig ang maaaring maglaho sa susunod na siglo, at kasama nitong maglalaho ang napakaraming mahahalagang kaalaman tungkol sa kalikasan,” ang sabi ng balita ng BBC News. Ang mga katutubong wika ay kadalasang nagsisilbing imbakan ng mga kaugalian, mga awit, at mga kuwento na ipinapasa sa sali’t salinlahi, anupat nagbibigay ng mahahalagang aral tungkol sa lokal na kapaligiran at mga hayop dito. Halimbawa, matagal nang pinagmamasdan ng mga taong Turkana sa hilagang-kanluran ng Kenya ang pag-uugali ng ilang ibon upang masabi kung kailan uulan. Nakatutulong ito sa kanila upang matiyak kung kailan magtatanim. Kung maglalaho ang kanilang wika, ang mahalagang kaalaman ng maraming henerasyon ay mawawala. Ngayon pa lang, 234 na katutubong wika na ang nalalamang naglaho, at 2,500 pa ang nanganganib na maglaho. “Ang mga lihim ng kalikasan, na nakapaloob sa mga awit, kuwento, sining at mga gawang-kamay ng katutubong mga tao, ay maaaring maglaho na magpakailanman,” ang sabi ng ulat ng UN, na nagbababala ng katumbas na paglaki ng panganib ng di-mabuting ani.

Mas Pinipili Pa Rin ang Papel

Mahigit sa 25 taon na ang nakalipas, inihula na mababawasan ang paggamit ng papel yamang naging kasangkapan sa opisina ang mga computer at maaaring itago ang impormasyon sa elektronikong paraan. Subalit patuloy na lumalaki ang pangangailangan para sa papel. Ayon sa pahayagang Vancouver Sun, pagdating sa uri ng papel na ginagamit sa mga copier at fax machine, mahigit sa 25 porsiyento ang nagamit ng mga taga-Canada noong 1999 kaysa sa nagamit nila noong 1992. Iyan ay may kabuuang “66 na libra (30 kilo) ng papel sa isang taon para sa bawat taga-Canada, kasali na ang mga bata.” Ipinakita ng isang surbey sa mga nag-oopisina na bagaman sa umpisa ay ginagamit ang mga computer upang makita ang mga impormasyon, gusto pa rin ng mga tao ang mga kopyang nasa papel. Totoo rin ito para sa mga taong may computer sa bahay, ang sabi ng Sun. Ang mga bata ang “pinakamalakas gumamit ng papel,” anupat gustong iniimprenta ang lahat ng kanilang nagagawa o nakikita sa computer.

Ang Banta ng Organisadong Krimen

“Ang organisadong krimen sa buong daigdig ay isa nang mas malaking banta sa katiwasayan ng pangkaraniwang mga tao kaysa sa digmaan.” Iyan ang puntong ibinangon sa kamakailang komperensiya hinggil sa krimen sa labas ng bansa, ayon sa serbisyo sa pagbabalita ng Agence France-Presses. Nang magsalita sa isang komperensiya sa Tokyo, sinabi ni Pino Arlacchi, Pangalawang-Kalihim-Panlahat sa UN Office for Drug Control and Crime Prevention: “Ang antas at kalubhaan ng krimen sa buong daigdig ay lumampas na sa kayang tanggapin ng mga pamahalaan at ng mga mamamayan sa pangkalahatan.” Binanggit niya ang ilegal na pagbebenta ng mga tao na siyang pinakamabilis lumago sa lahat ng uri ng krimen sa buong daigdig, anupat mga isang milyong babae at mga bata ang ipinupuslit ng mga sindikato sa ibang bansa, na pinagkakakitaan ng malaking halaga. “Walang isa mang bansa ang makapipigil sa organisadong krimen sa labas ng bansa sa ganang sarili nito,” ang sabi ni Bunmei Ibuki, ang dating pulitikal na lider ng mga ahensiya ng pulisya sa Hapon. “Iyan ang dahilan kung bakit nagiging napakahalaga ang mga ginagawa ng nagpapatupad ng batas sa panrehiyon o pambuong-daigdig na lawak.”

Ang Ating Basurahan sa Kalawakan

Sapol nang magsimula ang tao sa paggagalugad ng kalawakan halos 40 taon na ang nakararaan, ginagawa na niyang basurahan ang rehiyong nakapaligid sa lupa. Ayon sa The News ng Mexico City, halos 4,000 rocket ang inilunsad, anupat lumilikha ng “mahigit sa 23,000 ‘nakikitang’ mga bagay sa kalawakan, na ang bawat isa sa mga ito ay mas malaki pa sa isang bola ng cricket.” Sa mga ito, halos 6,000 ang “basura,” na tinatayang may bigat na 1,800 tonelada kapag pinagsama-sama. Ang pagbabanggaan ng mga bagay sa kalawakan ay lumikha ng mga 100,000 mas maliliit na piraso ng mga labí. Bagaman hindi naman ito panganib sa lupa, naghaharap ang mga ito ng malubhang panganib sa paglalakbay sa kalawakan dahil sa bilis ng mga ito. Kayang basagin ng isang pagkaliit-liit na piraso ng metal na tumatakbo sa bilis na 50,000 kilometro bawat oras ang salamin sa bintana ng isang sasakyang pangkalawakan, butasin ang solar panel (batirya ng sasakyang pangkalawakan), o lumikha ng butas sa damit ng isang astronot habang ito’y naglalakad sa kalawakan. “Binubuo ngayon ng NASA ang Project Orion, isang ‘kosmikong walis’ upang linisin ang basura sa kalawakan,” ang sabi ng The News. “Ang ideya ay pasabugin ang mga basura sa pamamagitan ng mga laser, . . . anupat marahang itinutulak ang mga ito sa ibabaw ng atmospera ng Lupa kung saan masusunog ang mga ito nang hindi makapipinsala.”

Dumarami ang Walang Tahanan

“Sa 1948 Universal Declaration on Human Rights, binanggit ng UN na ang pagkakaroon ng sapat na matitirhan ay lubhang kailangan, subalit, mahigit na kalahating siglo pagkatapos nito, ang karapatan sa pagkakaroon ng tiwasay na tahanan ay talagang hindi nabigyang-katiyakan,” ang sabi ng BBC News. Tinataya ng isang kamakailang ulat ng UN na 100 milyon katao sa buong mundo ang walang tahanan​—kasali na ang mahigit sa 30 milyong bata​—at nagbabala na ang situwasyon ay lumalala. Sa papaunlad na mga bansa, isinisisi ng UN ang problema lalo na sa mabilis na urbanisasyon. Karagdagan pa, sa Timog-silangang Asia at Aprika, halos 600 milyon katao ang nakatira sa mga pabahay na siksikan at masama ang kalagayan, na walang sapat na sanitasyon at tubig. Ang mas mayayamang bansa ay apektado rin naman. Sa Estados Unidos, umaabot ng 700,000 katao ang nakatira sa mga lansangan. Sa ilang bahagi ng Kanlurang Europa, 12 sa bawat 1,000 katao ang walang tahanan.

“Isang Naglalahong Sining”?

“Ang pandurukot ay isang naglalahong sining sa Osaka,” Hapon, dahil ang “mga kabataan ay hindi na interesado na linangin ang kasanayang ito,” ang ulat ng Asahi Evening News. Ayon sa isang lokal na pulis, inaabot ng ilang taon ng pag-aaprentis upang maging sanay sa uring ito ng pagnanakaw. Waring mas pinipili ng mga kabataang kriminal ang mas madadaling paraan ng pagnanakaw. Halimbawa, ang mga kaso ng pang-aagaw ng pitaka ay mabilis na dumarami. Sangkatlo ng lahat ng mga suspek na inaresto dahil sa pandurukot noong nakaraang taon sa Osaka Prefecture ay 60 anyos ang edad o higit pa. Ang pinakamatanda, isang 78-taóng-gulang na lalaki, ay inaresto sa ika-12 pagkakataon nang mahuli sa akto ng pagkuha ng kaha ng salamin mula sa bag ng isang matandang babae. “Napakalabo na ng kaniyang paningin anupat dinampot niya ang isang kaha ng salamin sa pag-aakalang iyon ay isang pitaka,” sabi ng isang imbestigador.

Huwaran sa Pagmamaneho

“Kailangang matalos ng mga magulang na maaaring sila ay nagiging huwaran ng kanilang mga anak kapuwa bago magkalisensiya ang mga ito at kapag nag-aaral na silang magmaneho,” sabi ni Susan Ferguson ng Insurance Institute for Highway Safety. Gaya ng iniulat sa magasing New Scientist, sinuri niya at ng kaniyang mga kasamahan ang rekord sa aksidente ng 140,000 pamilyang Amerikano, na inihahambing ang mga magulang sa kanilang mga anak na may edad 18 hanggang 21. Ang mga anak ng mga magulang na nakaranas ng tatlo o higit pang mga aksidente sa kotse sa loob ng limang taon ay may 22 porsiyentong posibilidad na maibangga ang kanila mismong kotse kaysa sa mga anak ng mga magulang na hindi naaksidente. Totoo rin ito kung tungkol sa mga paglabag sa trapiko gaya ng sobrang bilis o hindi paghinto kahit pula na ang ilaw. Sa mga kasong ito may 38 porsiyentong posibilidad na gagawin ng mga anak ang gaya ng ginawa ng kanilang mga magulang. “Dapat maging halimbawa ang mga magulang,” sabi ni Jane Eason ng Royal Society for the Prevention of Accidents sa Britanya. “Dapat maturuan ang mga tao tungkol sa kaligtasan sa lansangan mula sa murang edad.”

“Ang Pinakamalaking Buháy na Organismo sa Daigdig”

“Karaniwan nang hindi nakikita habang gumagapang sa luntiang mga kagubatan ng silangang Oregon ang pinakamalaking buháy na organismo sa daigdig, isang halamang-singaw na tinatawag na Armillaria ostoyae,” sabi ng magasing National Wildlife. “Ang halamang-singaw ay di-kukulangin sa 2,400 taóng gulang at sumasaklaw sa mahigit na 900 ektarya​—o halos 1,700 laruan ng football​—ayon sa mga siyentipiko ng U.S. Forest Service na nakadiskubre nito.” Ang halamang-singaw ay nabubuhay sa ilalim ng lupa, dahan-dahang kumakalat at kadalasa’y gumagamit ng mga ugat ng punungkahoy para makalipat-lipat sa mga puno. Subalit may “masamang mukha” ang halamang-singaw na ito, sabi ng mga tagapangalaga ng gubat. “Ang Armillaria ay nagdudulot ng isang sakit sa ugat na sa kalaunan ay maaaring pumatay sa mga punungkahoy,” ulat ng magasin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share