Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/22 p. 12-14
  • Bakit Dapat Bumasa Nang Malakas sa Iyong mga Anak?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Bumasa Nang Malakas sa Iyong mga Anak?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Linangin ang Hilig sa Pagbabasa
  • Tulungan Silang Maunawaan ang Daigdig sa Paligid Nila
  • Pagkakaroon ng Malapít na Kaugnayan
  • Itimo ang Mahahalagang Kasanayan sa Buhay
  • Gawing Kasiya-siya ang Pagbabasa
  • Maging Pihikan sa Pagpili Mo ng mga Aklat
  • Alam Mo Ba ang Binabasa ng mga Anak Mo?
    Gumising!—1985
  • Sa Pagbabasa Nang Malakas ay Nagiging Kasiya-siya ang Pagkatuto
    Gumising!—1987
  • Tulungan ang Iyong mga Anak na Magkahilig sa Pagbabasa at Pag-aaral
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 1: Magbabasa o Manonood?
    Tulong Para sa Pamilya
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/22 p. 12-14

Bakit Dapat Bumasa Nang Malakas sa Iyong mga Anak?

“Lumapit siya sa akin, umupo sa aking kandungan habang hila-hila ang kaniyang luma nang aklat na ang mga pahina ay napahiran ng . . . peanut butter, at ang sabi . . . , ‘Tulungan mo akong basahin ito, Tatay; tulungan mo akong basahin ito.’”​—Dr. Clifford Schimmels, propesor sa edukasyon.

ANG mga bata​—kay dali nilang matuto. Ipinakikita ng mga pananaliksik na mabilis ang pagsulong sa utak ng mga bata na wala pang tatlong taóng gulang. Maaaring gumanap ng mahalagang papel sa malusog na paglaki ng isang bata ang pang-araw-araw na gawain kasama ng magulang gaya ng pagbabasa, pag-awit, at paglalambing. Gayunman, ayon sa isang pag-aaral, kalahati lamang sa bilang ng lahat ng mga magulang na may mga anak na ang edad ay nasa pagitan ng dalawa at walo ang bumabasa sa kanilang mga anak sa araw-araw. Baka itanong mo, ‘Talaga bang mahalaga ang pagbabasa sa aking anak?’

Linangin ang Hilig sa Pagbabasa

Sinasabi ng mga eksperto na ang sagot ay oo. “Ang pinakamahalagang gawain upang paunlarin ang kaalaman na kailangan upang magtagumpay sa pagbabasa ay ang pagbabasa nang malakas sa mga anak. Lalo na itong totoo sa mga taon bago magsimula ang pagpasok sa paaralan,” sabi ng ulat na Becoming a Nation of Readers.

Habang nakikinig sa pagbasa ng mga kuwento mula sa isang aklat, musmos pa lamang ay natututuhan na ng mga bata na ang mga letra sa pahina ay katumbas ng mga salita na binibigkas natin. Nagiging pamilyar din sila sa wika ng mga aklat. “Tuwing magbabasa tayo sa isang bata, naghahatid tayo ng mensahe ng ‘kaluguran’ sa utak ng bata. Matatawag mo pa nga ito na isang patalastas, na kinukondisyon ang bata na iugnay sa kaluguran ang mga aklat at mga babasahin,” sabi ng isang manwal tungkol sa pagbabasa nang malakas. Lilinangin ng mga magulang na nagpapasigla ng ganitong pagkahilig sa mga aklat ang habang-buhay na hangarin ng kanilang mga anak na maging mga mambabasa.

Tulungan Silang Maunawaan ang Daigdig sa Paligid Nila

Ang mga magulang na bumabasa nang malakas sa kanilang mga anak ay makapagbibigay ng isang mahalagang kaloob​—ang kaalaman tungkol sa mga tao, lugar, at mga bagay. Sa hindi magastos na paraan, sila ay maaaring “maglakbay” sa daigdig sa pamamagitan ng mga pahina ng mga aklat. Isaalang-alang ang halimbawa ng dalawang-taóng-gulang na si Anthony, na binabasahan ng kaniyang ina mula nang siya’y isilang. Sabi ng kaniyang ina: “Ang una niyang pagpunta sa zoo ay isang paglalakbay upang muling tumuklas.” Muling tumuklas? Oo, bagaman unang pagkakataon pa lamang iyon na makakita si Anthony ng aktuwal na mga sebra, leon, giraffe, at iba pang hayop, kilala na niya ang mga nilalang na ito.

Sinabi pa ng kaniyang ina: “Masayang nakilala ni Anthony ang maraming tao, hayop, bagay at mga ideya, pawang mula sa mga aklat, sa unang dalawang taon ng kaniyang buhay.” Oo, ang pagbabasa nang malakas sa mga bata habang musmos pa sila ay makatutulong nang malaki upang maunawaan nila ang daigdig na kanilang kinabubuhayan.

Pagkakaroon ng Malapít na Kaugnayan

Sa mga taon ng paghubog, nagkakaroon ang musmos na mga bata ng mga saloobin na makaiimpluwensiya sa kanilang pagkilos sa mga panahong darating. Kaya naman kailangang ilatag ng mga magulang ang pundasyon para sa isang malapít na kaugnayan na kakikitaan ng pagtitiwala, paggalang sa isa’t isa, at pang-unawa. Maaaring malaki ang maitulong ng pagbabasa sa prosesong ito.

Kapag gumugugol ng panahon ang mga magulang na akbayan ang kanilang mga anak at magbasa sa kanila, maliwanag ang mensahe: “Mahal kita.” Ganito ang sabi ni Phoebe, isang ina sa Canada, tungkol sa kaniyang anak na lalaki, na ngayo’y walong taóng gulang na: “Naniniwala kaming mag-asawa na ito ang nakatulong nang malaki upang maging malapít sa amin si Nathan. Wala siyang inililihim sa amin at madalas niyang sabihin sa amin kung ano ang nadarama niya. Lumikha ito ng isang espesyal na ugnayan.”

Ugali na ni Cindy na magbasa nang malakas sa kaniyang anak na babae mula nang ito ay mga isang taóng gulang at marunong nang umupo at makinig nang ilang sandali. Sulit ba ang lahat ng panahon at pagsisikap? Sabi ni Cindy: “Kadalasang ang maalwan at payapang kapaligiran kapag nagbabasa nang magkasama ang kailangan lamang upang hikayatin si Abigail na ikuwento sa amin ang isang pangyayari sa paaralan o isang problema sa kaibigan. Sinong magulang ang hindi sabik sa ganiyang pagtugon?” Tiyak, ang pagbabasa nang malakas ay aakay sa isang matalik na kaugnayan ng magulang at ng anak.

Itimo ang Mahahalagang Kasanayan sa Buhay

“Napakaraming walang-kabuluhang impormasyon ang nakukuha ng ating mga anak, mula sa telebisyon at sa iba pang pinagmumulan, anupat kailangan nila, higit kailanman, ng pampalusog sa isip, ng malinaw na kaisipan, ng karunungan, ng katatagan ng pag-iisip na tutulong sa kanila na kumilos kasuwato ng kanilang mga simulain at makitang nasa ayos ang kanilang buhay,” sabi ng aklat na 3 Steps to a Strong Family. Ang mga magulang ang nasa pinakamainam na kalagayan na maglaan ng isang positibo at kapaki-pakinabang na impluwensiya.

Ang pagpapakilala sa masasalimuot at mahuhusay na pangungusap na masusumpungan sa mga aklat ay maaaring maging isang positibong kasangkapan sa pagtuturo sa isang bata na ipahayag ang kaniyang sarili kapuwa sa pagsasalita at sa pagsusulat. Sinabi ng awtor ng Babies Need Books na si Dorothy Butler: “Ang kalidad ng pag-iisip ng isang indibiduwal ay nakasalalay sa kalidad ng kaniyang wika. Sa katunayan, ang wika ay sentro ng eksena kung pagkatuto at katalinuhan ang pag-uusapan.” Ang mahusay na kakayahan sa pakikipagtalastasan ang pinaka-buhay ng mabubuting ugnayan.

Maaari ring magpatibay ng mahuhusay na moral at simulain ang pagbabasa ng angkop na mga aklat. Ang mga magulang na nagbabasa at nangangatuwiran sa kanilang mga anak ay makatutulong sa mga ito na magkaroon ng mga kakayahan sa paglutas ng mga problema. Habang bumabasa si Cindy sa kaniyang anak na si Abigail, maingat niyang inoobserbahan ang reaksiyon ni Abigail sa mga situwasyon na iniharap sa mga kuwento. “Bilang mga magulang, mas marami tayong matututuhan tungkol sa di-litaw na mga katangian ng kaniyang personalidad at umaasa na matulungan siyang maiwasan ang di-wastong kaisipan sa murang edad pa lamang.” Oo, nakapagtuturo kapuwa sa isip at sa puso ang pagbabasa nang malakas sa mga bata.

Gawing Kasiya-siya ang Pagbabasa

Magbasa “nang malumanay,” na pinananatiling relaks, di-pormal, at kasiya-siya ang kapaligiran. Alam ng may-unawang mga magulang kung kailan hihinto sa pagbabasa. Sabi ni Lena: “Kung minsan ay pagod na si Andrew, dalawang taóng gulang, at hindi niya kayang umupo nang matagal. Pinaiikli namin ang aming iskedyul sa pagbabasa upang bumagay sa kaniyang kondisyon. Ayaw naming magkaroon si Andrew ng anumang negatibong saloobin sa pagbabasa, kaya hindi namin ipinipilit sa kaniya ang higit pa sa makakaya niya.”

Mas marami pang nasasangkot sa pagbabasa nang malakas bukod sa pagbigkas lamang ng nakalathala. Alamin kung kailan bubuklatin ang pahinang may larawan upang lumikha ng pananabik. Bumasa nang matatas. Nagbibigay buhay rin sa kuwento ang pagbabagu-bago ng tinig at pagdiriin. Ang kataimtiman ng iyong tinig ay magpapadama sa iyong anak ng kapanatagan.

Pinakamalaki ang pakinabang kapag aktibong nakikibahagi ang iyong anak. Huminto paminsan-minsan, at magbangon ng pumupukaw na mga tanong. Palawakin ang sagot ng iyong anak sa pamamagitan ng pagbanggit ng iba pang bagay na puwedeng mangyari.

Maging Pihikan sa Pagpili Mo ng mga Aklat

Subalit marahil ang pinakamahalagang salik ay ang pagpili ng mahuhusay na aklat. Kailangan dito ang patiunang paghahanda. Maingat na suriin ang mga aklat, at gamitin lamang yaong may positibo o nakapagtuturong mensahe at may mabuting aral ang kuwento. Tingnang mabuti ang pabalat, ang sining, at ang pangkalahatang istilo. Piliin ang mga aklat na kawili-wili kapuwa sa magulang at sa anak. Kadalasang hihilingin ng mga bata na basahin nang paulit-ulit ang isang kuwento.

Ang mga magulang sa buong daigdig ay lalo nang nasisiyahan sa aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.a Dinisenyo iyon para basahin ng mga magulang kasama ng kanilang mumunting anak, at hindi lamang ito makatutulong sa mga bata na maging mahuhusay na mambabasa kundi mapupukaw rin nito ang kanilang interes sa Bibliya.

Ang mga magulang na bumabasa nang malakas sa kanilang mga anak ay makapaglilinang sa kanila ng mabubuting kaugalian sa pagbabasa, na maaaring magdulot ng makabuluhang mga resulta sa buong buhay nila. Ganito ang sabi ni JoAnne tungkol sa kaniyang anak na babae: “Hindi lamang natuto si Jennifer na bumasa at sumulat bago pa man pumasok sa paaralan at magkaroon ng hilig sa pagbabasa kundi, higit na mahalaga, nadama niya ang pag-ibig sa ating Dakilang Maylalang, si Jehova. Natutuhan ni Jennifer na umasa sa Kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, upang gabayan siya sa lahat ng kaniyang desisyon.” Totoo, maaaring maging higit na mahalaga kung ano ang itinuturo mong ibigin ng iyong anak kaysa sa kung ano ang itinuturo mong pag-aralan niya.

[Talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 14]

Kapag Nagbabasa sa Iyong Anak

• Magsimula kapag siya ay sanggol pa lamang.

• Bigyan ng panahon ang iyong anak na magtuon ng pansin sa pagbabasa.

• Bumasa ng mga kuwento na kapuwa ninyo naiibigan.

• Bumasa nang madalas hangga’t maaari at bigyan ng buhay ang pagbabasa.

• Isangkot ang iyong anak sa pamamagitan ng pagtatanong.

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Kinuha ang larawan sa Wildlife Conservation Society’s Bronx Zoo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share