Ang Pagkaliliit na “Trak” ng Iyong Katawan
NOONG nakalipas na limang araw, isa itong selula na may nukleo. Ngunit pagkatapos ng isang mahaba-habang yugto ng paglaki at pagdami, na may mga dagliang pagliit, inilabas nito ang kaniyang nukleo. Ito’y isa nang reticulocyte. Ano iyon? Ito’y isang pulang selula ng dugo na wala pa sa hustong gulang, na handa nang pumasok sa iyong daluyan ng dugo. Dalawa hanggang apat na araw mula ngayon, ito’y magiging isang pulang selula ng dugo na nasa hustong gulang.
Ang maliit na selulang ito ay katulad na katulad ng isang trak. Ang pamamaraan ng pagdadala ng “kargamento” nito ay hemoglobin, isang protina na naghahatid ng oksiheno. Tinataya na sa buhay nito na apat na buwan, ang “trak” na ito ay maglalakbay nang humigit-kumulang 250 kilometro sa iyong buong katawan. May mga sampung bilyong capillary (napakaliliit na ugat ng dugo) sa iyong katawan, na ang pinagsamang haba ay katumbas ng makalawang ulit ng sirkumperensiya ng lupa. Kinakailangan ang trilyun-trilyong erythrocyte (mga pulang selula ng dugo) upang maihatid ang oksiheno sa lahat ng bahagi ng katawan.
Ang maliit na “trak” na ito ay halos laging tumatakbo sa iyong daluyan ng dugo. Nag-iiba-iba ang bilis nito depende sa mga kalagayan. Ang pinakamabilis na takbo ng selula ay mga 120 sentimetro bawat segundo kapag ito’y nasa “superhighway” ng dugo mula sa puso—ang aorta. Habang pumapasok ang selula sa “maliliit na kalsada” ng katawan, unti-unti itong bumabagal sa katamtamang bilis na 0.3 milimetro bawat segundo sa dulong mga capillary.
Kung Saan Nanggagaling ang mga Selula ng Dugo
Sa mga normal na taong adulto, karamihan sa mga selula ng dugo ay ginagawa sa utak sa buto. Araw-araw, sa bawat kilo ng iyong katawan, ang iyong utak sa buto ay gumagawa ng isang bilyong pulang selula, 400 milyong granulocyte (puting mga selula), at isang bilyong platelet. Pinapalitan nito ang katumbas na nawawalang selula araw-araw. Sa isang normal na adulto, milyun-milyong pulang selula ng dugo ang nasisira at napapalitan bawat segundo.
Ngayon, upang pumasok sa daluyan ng dugo mula sa utak sa buto, ang pulang selula na wala pa sa hustong gulang ay pumupunta sa panlabas na dingding ng maliliit na ugat (mga sinusoid) sa utak sa buto, sumisiksik sa isang maliit na butas na tinatawag na migration pore, at pagkatapos ay sumasama sa dugo. Sa loob ng tatlo pang araw, patuloy itong gagawa ng hemoglobin. Ngunit pagkatapos nito, yamang isa na itong pulang selula ng dugo na nasa hustong gulang, o erythrocyte, hihinto na ito sa paggawa nito.
Ang mga Sirkulasyong Systemic at Pulmonary
Noong ika-17 siglo, pinagtibay ng mga doktor na may dalawang uri ng sirkulasyon ang dugo. Sa sirkulasyong systemic, ang pagkaliliit na mga “trak” ng iyong katawan, ang mga pulang selula, ay nagsisimula sa puso patungo sa mga himaymay ng katawan. Doon ay naghahatid sila ng oksiheno at kinukuha ang dumi sa anyo ng carbon dioxide. Ang prosesong ito ay tinatawag na panloob na paghinga. Pagkatapos ay bumabalik ang pulang mga selula sa puso. Sa sirkulasyong pulmonary, ang mga “trak” ay ipinadadala sa mga baga. Doon ay kanilang idinidiskarga ang dumi at muling naglululan ng oksiheno. Kaya pinahihintulutang huminga ng sirkulasyong pulmonary ang iyong katawan.
Kapag Walang Sapat na Selula
Kung minsan ay mas kaunti sa normal na dami ang bilang ng mga pulang selula ng dugo. Ang kalagayang ito ay tinatawag ng mga doktor na anemya. Maaaring iba’t iba ang sanhi nito, kalakip na ang (1) depekto sa paggawa o paglaki ng mga pulang selula ng dugo, (2) pagtaas sa bilang ng nasisira sa mga ito, at (3) malubhang pagdurugo. Maaari ring magkaroon ng anemya dahil sa namamalaging pamamaga o mga tumor.
Posibleng magkaroon ng mga problema kapag napakarami o napakakaunti ang iron sa dugo. Kapag napakakaunti ng iron, hindi maaaring lumaki nang normal ang mga pulang selula. Bilang resulta, ang mga selula ay magiging mas maliliit at mas mapuputla kaysa sa karaniwan. Sa maraming kaso, nalulunasan ng panggagamot na may iron ang depektong ito. Kung minsan naman, ang antas ng iron sa dugo ay napakataas. Maaaring mangyari ito kapag pumuputok ang mga napinsalang pulang selula, anupat inilalabas ang iron sa sistema. Unti-unting nalalason ang lahat ng sangkap ng katawan. Lalo nang delikado ang pagkalason sa puso. Ang mga pasyenteng dumaranas ng kalagayang ito ay halos nagkakaroon ng di-normal na paggana ng puso na karaniwan nang nagtatagal.
Kinakailangan ang maraming aklat upang maipaliwanag ang lahat ng trabahong ginagawa ng mga selula ng dugo sa iyong katawan, ngunit maliwanag na ang kamangha-manghang kasalimuutan ng mga ito, na bahagya lamang na inilarawan dito, ay lumuluwalhati sa karunungan ng Isa na nagdisenyo at lumalang ng buhay. Hinggil sa dakila at matalinong Maylalang, sinabi ng isa sa kaniyang mga sinaunang mananamba: “Sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.”—Gawa 17:28.