Ang Pangalan ng Diyos ay Pumukaw ng Kontrobersiya
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NETHERLANDS
ANG mga tagapagsalin ng isang bagong Bibliya sa wikang Olandes ay pumukaw ng kontrobersiya kapuwa sa mga iskolar ng Bibliya at sa karaniwang mga tao. Ang sanhi? Ang kanilang desisyon na isalin ang pangalan ng Diyos bilang Heer, o Panginoon.
Noong Disyembre 1998, mga ilang linggo lamang pagkatapos ilabas ng mga tagapagsalin ang isang sampol ng kanilang akda, isang grupo ng mga babae na kabilang sa Kerk en Wereld (Simbahan at Daigdig), isang organisasyong Protestante, ang naglunsad ng isang kampanya ng protesta sa pamamagitan ng koreo. Ang dahilan? Minamalas nila ang salitang “Panginoon” bilang “masyadong maka-lalaki.” Di-nagtagal, ang ibang mga grupo—Katoliko at Protestante—ay sumama sa kampanya ng protesta. Noong Pebrero 1999, idinagdag ng tatlong iskolar ang kanilang mga opinyon sa pamamagitan ng pagsasabi na kanilang itinataguyod ang paggamit lamang ng transliterasyon sa apat na titik sa Hebreo ng pangalan ng Diyos bilang YHWH. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagpulong sa Amsterdam ang mga iskolar, mga tagapagsalin, at mga teologo ng Bibliya upang pag-usapan ang isyu. Sa katapusan ng pag-uusap, lahat ng nakibahagi sa usapan ay inanyayahan na bumoto sa kung aling salin ang kanilang higit na pipiliin.
Sa ilalim ng pamagat na “Alang-alang sa Diyos, Huwag Pag-awayan ang Hinggil sa Pangalan ng Diyos,” ang pahayagang Nieuwsblad van het Noorden ay nag-ulat sa kinalabasan: “Ang PANGINOON ay nakakuha lamang ng pitong boto. Ngunit ang karamihan sa mga alternatibo ay hindi rin naman nakakuha ng maraming boto: ang Pangalan (1), ang Isa (3), ang Maawain (6), ang Di-Mapanganlan (7), ang Buháy na Isa (10), at ang Isa na Walang Hanggan (15). At ang nanalo ay . . . YHWH!” Noong Marso 15, 2001, ang Komiteng Nangangasiwa ng bagong salin ng Bibliya ay nagpasiyang gamitin ang HEER (PANGINOON) sa anyong malalaking letra na pinaliit upang kumatawan sa banal na pangalan.
Itinatampok ng nagaganap na kontrobersiyang ito na sa kabila ng mga di-pagkakasundo hinggil sa mas pinipiling salin ng pangalan ng Diyos sa Olandes, sumasang-ayon ang mga iskolar na ang Diyos ay may personal na pangalan. Sa Hebreo, ang pangalan ay binubuo ng apat na Hebreong titik, samakatuwid nga, יהוה, o YHWH. Paano isinalin sa Olandes ng ibang mga Bibliya, noon at ngayon, ang YHWH?
Isang lalaking Olandes na nagngangalang Nicolaas Goetzee ang naglathala ng isang edisyong Staten na salin ng Bibliya, na inimprenta sa malalaking pahina (folio) noong 1762. Binanggit nito sa pantitulong pahina: “Dahil sa mabibigat at alam na alam na mga kadahilanan, hindi rin namin isinalin ang Alaalang Pangalan ng Diyos na JEHOVA.” Ang iba pang kilalang-kilalang mga iskolar na Olandes—tulad nina Propesor Nicolaas Beets at Petrus Augustus de Genestet—ay gumamit din ng pangalang Jehova.
Kapansin-pansin, patuloy na ginagamit ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatana ang pangalang Jehova. Binanggit ng apendise sa Bagong Sanlibutang Salin sa Olandes na “patuloy [nitong] ginagamit ang salitang ‘Jehova’ dahil sa pagiging pamilyar dito ng mga tao sa loob ng maraming siglo. Karagdagan pa, pinananatili nito . . . ang apat na titik ng banal na pangalan, YHWH.” Kaya ang Bagong Sanlibutang Salin ay nakatulong sa milyun-milyon na malaman ang katotohanan hinggil sa pangalan ng Diyos.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.