Pagmamasid sa Daigdig
Maruming Salapi
“Ang salaping papel ay punô ng baktirya,” sabi ng The Globe and Mail ng Canada. Ipinakikita ng pananaliksik sa Estados Unidos kamakailan na halos lahat ng perang papel na kumakalat ay nahawaan ng streptococcus, enterobacter, pseudomonas, at iba pang baktirya. Ang mga baktiryang ito, sabi ng The Globe, “ay maaaring mapanganib sa mga pasyenteng mahina ang imyunidad gaya ng mahihinang may-edad na o mga taong may HIV-AIDS.” Ang ilang perang papel ay nagtataglay pa nga ng mas mapanganib na baktirya. Iminumungkahi ng mga mananaliksik na maaaring panahon na para sa literal na “money laundering.” Ang mga mamimili sa Hapón ay makakakuha na ng pera mula sa “malilinis na ATM” na “naglalabas ng yen na ininit sa temperaturang 200 C (392 F)—sapat na init upang patayin ang maraming baktirya subalit hindi sinusunog ang salapi.” Pagkatapos humawak ng salapi, ang The Globe ay nagpapayo, “maghugas ng kamay!”
Pagbawas sa Paggamit ng Asin sa mga Daan
Tuwing taglamig, mula 400,000 hanggang 1.4 na milyong tonelada ng asin ang ibinubuhos sa mga daan sa Pransiya upang alisin ang niyebe at yelo, ang ulat ng magasin tungkol sa kalikasan na Terre sauvage. “Lahat ng asin na ito ay may pinsalang idinudulot sa kapaligiran na unti-unting natutuklasan.” Ang asin sa daan ay naiipon sa lupa at maaaring dumhan nito ang tubig sa mga balon, sa ilalim ng lupa, sa lawa, at sa maliliit na lawa. Pinapatay nito ang maseselan na halaman sa loob ng 50 metro mula sa mga daan na may asin at sinisira ang mga dulo ng ugat ng mga punungkahoy. Kapag nasipsip ng mga ugat ng punungkahoy, hinahadlangan nito ang potosintesis. Sa paulit-ulit na pagkalantad dito, ang mga punungkahoy ay humihina at namamatay. Ang mga hayop na naaakit na dilaan ang asin sa mga daan ay kadalasang nahahagip ng mga sasakyan o namamatay dahil sa pagkain ng napakaraming asin nang napakabilis. Sa ilalim ng ilang kalagayan ang asin ay maaari ring pagmulan ng mapanganib na yelong “itim” (manipis na suson ng yelong mahirap makita). Sa isang daan na natatakpan ng niyebe, karaniwang maingat ang mga tsuper, subalit marami ang nakikipagsapalaran sa mga daang walang niyebe, anupat hindi nababatid na maaaring nabuo ang gayong yelo. Ang mga awtoridad ay nagrerekomenda: “Pag-isipang mabuti ang paggamit ng asin sa daan at bawasan ang paggamit ng asin.”
Isinisiwalat ng mga Huni ng mga Kuwago ang Kanilang Kalusugan
Kapag humuhuni ang mga tawny owl, isinisiwalat nila ang kalagayan ng kanilang kalusugan, ang sabi ng The Economist. “Pinag-aralan ni Stephen Redpath ng Centre for Ecology and Hydrology ng Britanya at ng kaniyang mga kasamahan ang 22 tawny owl sa Kagubatan ng Kielder sa hilaga ng Inglatera.” “Pinatugtog ng [mga mananaliksik] ang inirekord na mga huni ng isang di-pamilyar na lalaking kuwago at sinukat ang tagal ng pagtugon ng kanilang mga pinag-aaralang kuwago sa huning ito.” Ang mga kuwagong mayroong mas maraming parasito sa kanilang daluyan ng dugo ay mas matagal tumugon—yaong may pinakamaraming parasito ay dalawang ulit ang tagal ng pagtugon kaysa sa mga kuwagong walang parasito. Karagdagan pa, nang humuni ang mga kuwagong mayroong mas maraming parasito, ang kanilang tono ay mas mababa kaysa sa malulusog na ibon. “Walang alinlangan, ito ay isang di-sinasadyang pagsisiwalat para sa mga kuwago mismo,” ang sabi ng The Economist.
Mga Gantimpala ng Pagbabasa sa Anak
“Kapag nakikita [ng mga bata] ang kanilang ina at ama na kusang nagbabasa, sinisikap nilang tularan sila,” ang sabi ng lingguhang babasahing Przyjaciółka ng Poland. Sa panahon kung kailan ang mga bata ay higit at higit na nanonood ng TV, sabi ng artikulo, sulit na magbasa sa mga bata kahit na ang mga ito’y kasimbata ng dalawang taóng gulang, anupat itinatawag-pansin sa kanila ang mga larawan at ipinaliliwanag ang mga ito. Maaaring tanungin ng mga magulang ang bata tungkol sa katatapos lamang nilang basahin upang makita kung nauunawaan niya ang impormasyon. “At kapag biglang nabagot ang bata . . . , sikaping pasiglahin ang pagbabasa sa pamamagitan ng masiglang mga pagkumpas at pagbabagu-bago ng tinig.” Ang mga magulang ay hinihimok na alamin ang mga bagay na naiibigan ng kanilang anak at ipakipag-usap ang mga ito sa kaniya. “Pag-usapan ang tungkol sa iyong paboritong aklat na pambata, imungkahi ang ilang kawili-wiling pamagat. . . . Huwag manghimagod sa pagbabasa sa inyong mga anak, kahit na magagawa na nila ito sa ganang sarili nila,” ang sabi ng Przyjaciółka. “Kung minsan ay sapat na ang bumasa ng ilan sa mga unang pahina bilang pampasigla, at ang bata ay matutuwang patuloy na bumasa.”
May-Sakit na mga Taste Bud
Taun-taon, mahigit na 140,000 katao sa Hapon, kasali na ang mas maraming kabataan higit kailanman, ang nawawalan ng kanilang panlasa, ayon sa mga tantiya ng espesyalista sa tainga, ilong, at lalamunan na si Hiroshi Tomita. Bagaman ang paggagamot at mga suliraning pangkalusugan ay maaaring pagmulan ng sakit na ito, sabi ng ulat sa The Daily Yomiuri, naniniwala si Tomita na mga 30 porsiyento ng mga kaso ay nauugnay sa mababang pagkain ng zinc, isang mahalagang mineral na di-kapansin-pansin. “Ang zinc,” sabi ng artikulo, “ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa paggawa ng bagong mga selula ng taste bud, at ang kakulangan [sa zinc] ay humahantong sa unti-unting kawalan ng panlasa.” Ang mga sitsiriya, naprosesong pagkain, at kawalan ng pagkasari-sari sa pagkain ay pawang nakadaragdag sa problema. Ipinaliliwanag ng artikulo na “ang mga karagdagang kemikal na gaya ng phosphate, na nasa maraming pagkaing handa-nang-kainin, ay umuubos sa suplay ng zinc sa katawan at pumipigil sa pagsipsip dito.” Sa mga nakasusumpong na walang lasa ang pagkain, inirerekomenda ni Tomita ang mga pagkaing mayaman sa zinc. Kabilang dito ang mga talaba, maliliit na isda, at atay. Maaaring isauli ng sari-sari at nakapagpapalusog na pagkain ang mga taste bud, subalit kung hindi magamot ang malubhang kalagayan sa loob ng mahigit na anim na buwan, mas maliit ang tsansang gumaling pa ito, ang sabi ni Tomita.
Mabilis na Pagdami ng mga Moske sa Estados Unidos
Upang ipahiwatig ang lumalagong populasyon ng mga Muslim, sinabi ng The New York Times na “ang bilang ng mga moske sa Estados Unidos [ay] dumami nang mga 25 porsiyento sa loob ng anim na taon, tungo sa mahigit na 1,200.” Si John Esposito, patnugot ng Center for Muslim-Christian Understanding sa Georgetown University, ay naniniwala na ang kasalukuyang populasyon ng mga Muslim ay “mga apat hanggang anim na milyon.” Ang bilang ay maaaring mas mataas pa, ayon sa isang pagsusuri kamakailan na tinustusan ng apat na organisasyong Amerikano at Islam. Anuman ang kalagayan, “ang patuloy na pandarayuhan at ang malalaking pamilya ng maraming pamilyang Muslim” ang magpapanatili sa paglago, ang komento ni Esposito. “Sa loob lamang ng mga dekada ang Islam ay magiging ang ikalawang pinakamalaking relihiyon sa Amerika.” Ang dumadalo sa mga moske, sabi ng Times, ay nasumpungang binubuo ng “halos kalalakihan.” Ipinakikita rin ng pagsusuri na “ang mga mananamba ay mula sa iba’t ibang etnikong pinagmulan: sangkatlo ay mula sa Timog Asia, 30 porsiyento ay Aprikano-Amerikano at 25 porsiyento ay Arabe.”
Mga Tahanang Nagdudulot ng Sakit
“Ang mga tahanan sa Melbourne [Australia] na wala pang isang taon ay naglalaman ng volatile organic compounds (VOCs) na hanggang 20 ulit ang kahigitan sa ligtas na antas na inirerekomenda ng National Health and Medical Research Council,” sabi ng New Scientist. Ang isa sa mga kemikal na ito ay ang formaldehyde, “na nagiging sanhi ng pangangati ng balat at marahil ng kanser.” Ang formaldehyde ay sumasama sa hangin mula sa mga materyales sa konstruksiyon na gaya ng mga tablang pansahig at mga muwebles. Ang mga bagong alpombra ay naglalabas ng styrene, isa pang pinaghihinalaang bagay na nagdudulot ng kanser, “samantalang ang mga pintura at mga solvent ay naglalabas naman ng sari-saring nakalalasong sangkap,” ang paliwanag ng ulat. “Ang mga kemikal ay maaaring hindi maging isang malubhang banta sa kalusugan ng karamihan sa mga tao. Subalit ang mga ito’y maaaring humantong sa mga sakit ng ulo at lubhang maapektuhan ang maliit na grupo ng mga indibiduwal na lalo nang sensitibo rito.”
Nangunguna sa Produksiyon ng Gatas sa Daigdig
Ang India ngayon ang nangungunang tagagawa ng gatas sa daigdig, sabi ng The Hindustan Times. “Pinuri ng palaisip-sa-kapaligiran na Worldwatch Institute [sa Washington, D.C.] ang malaking pagsulong sa gatas ng India,” sabi ng ulat. “Mula noong 1994, ang gatas ang naging nangungunang produkto sa agrikultura ng India at noong 1997, nalampasan ng bansa ang E.U.A. upang maging ang pinakamalaking tagagawa ng gatas sa daigdig.” Si Lester Brown, tagapamanihala ng Worldwatch Institute, ay sinipi na nagsasabi: “Kapansin-pansin, ito’y nagawa sa pamamagitan ng paggamit ng mga kakambal na produkto sa agrikultura at ng mga pinag-anihan sa halip na butil para sa pagkain ng hayop. Napalawak ng India ang suplay ng protina nito nang hindi ginagamit ang mga butil para sa tao upang ipakain sa mga baka.”
Ginagawang Madali ang Paggasta
Ginawa ng maunlad na teknolohiya ang pamimili na isang 24-na-oras-bawat-araw, 7-araw-sa-isang-linggo na pambansang libangan para sa maraming taga-Canada, ang ulat ng pahayagang Calgary Herald. “Ang mga mamimili ay maaaring bumili nang walang-tigil sa Internet, sa The Shopping Channel, sa pamamagitan ng mga katalogo ng mga pidido sa koreo o bumili ng mga bagay sa pamamagitan ng credit card sa isang saglit.” Ang mga card na may matataas na limitasyon sa pangungutang ay nagpapasigla sa mga tao na gumasta nang labis. Ang ilang credit card ay nag-aalok ng karagdagang mga panghikayat. Si Larry Wood, propesor ng finance sa University of Calgary, ay nagsabi: “Ang mga tao ay nagkakaroon ng salapi upang bumili ng isang bagay subalit gagamitin ang kanilang credit card upang makakuha ng mga gantimpala o puntos, anupat iniisip na gagamitin nila ang salapi upang ipambayad sa katapusan ng buwan. Pagkatapos ay gagastusin nila ang salapi at mangungutang pa rin.” Gayunman, naniniwala si Wood na ang problema ay lalo pang lumalala. Sa pagsisikap na mapanatili ang isang pamantayan ng pamumuhay, iniisip niya na ang mga mamimili ay mangungutang kaysa bawasan ang paggastos. Ayon sa isang surbey ng 1999 Statistics Canada, ang kabuuang utang sa credit card ng mga taga-Canada ay mahigit na $14 na bilyon.