Chewing Gum—Makabago Subalit Sinauna
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
MULA NOONG SINAUNANG PANAHON ang mga tao ay nakasumpong na ng kasiyahan sa pagnguya ng chewing gum. Ang sinaunang mga Griego ay ngumuya ng resina ng punong mastic. Ang mga Aztec ay ngumuya ng tzictli, o chicle, mula sa puno ng tsiko. At tinuruan ng mga Katutubong Amerikano ng New England ang mga mananakop na ngumuya ng resina ng punong spruce. Sa katunayan, maaga noong mga taon ng 1800, ang mga tipak ng resina ng spruce ay naging ang unang komersiyal na chewing gum na ipinagbili sa Estados Unidos. Nang maglaon, naging popular ang nangunguyang pinatamis na paraffin wax.
Sinasabing ang makabagong chewing gum ay nagsimula noong huling kalahatian ng ika-19 na siglo. Noong naging tapon sa Estados Unidos ang dating pangulo ng Mexico na si Santa Anna, napansin na siya ay ngumunguya ng mga piraso ng chicle na dala niya buhat sa Mexico. Natanto ng isang Amerikanong imbentor ang potensiyal ng chicle kung ito’y gagawing matamis at lalagyan ng lasa, at nag-angkat siya ng chicle patungo sa Estados Unidos upang gawing chewing gum.
Ang chicle ay ang malagatas na dagta ng tsiko, isang punungkahoy na laging sariwa ang dahon na tinatawag na puno ng chewing gum. Katutubo ito sa Gran Petén, isang tropikal na maulang kagubatan sa gawing hilaga ng Guatemala, Belize, at Yucatán Peninsula sa Mexico. Sa ilang dako roon, mahigit na isang daan at pitumpu’t limang puno ng tsiko ang masusumpungan sa isang ektarya. Kung tag-ulan, ang mga nangongolekta ng chicle, na tinatawag na mga chiclero, ay humihiwa nang pasigsag sa katawan ng puno ng ligaw na tsiko, na hinahayaang dumaloy nang dahan-dahan ang dagta sa isang sisidlan sa pinakapuno nito. Pagkatapos ito ay kinokolekta, nilalaga hanggang sa ninanais na lapot, at hinuhubog na parang mga bloke upang ipagbili. Bagaman ginagamit pa rin ang chicle sa industriya ng chewing gum—lalo na sa chewing gum na iniaanunsiyo bilang natural—ito ay lubhang pinalitan na ng sintetikong mga produkto noong dekada ng 1940 sa Estados Unidos.
Bakit ba napakapopular ng chewing gum? Marami ang ngumunguya ng chewing gum upang bumango ang kanilang hininga at luminis ang kanilang ngipin kapag hindi makapagsipilyo pagkatapos kumain o magmeryenda.a Nasusumpungan naman ng iba na ang pagnguya ng chewing gum ay nakapagpaparelaks at isang tulong sa konsentrasyon. Sa katunayan, dahil sa kinikilalang ang pagnguya ng chewing gum ay nakababawas ng tensiyon at nakatutulong upang maging alisto, ang hukbong sandatahan ng Estados Unidos ay nagbigay sa mga tropa nito ng chewing gum noong una at ikalawang digmaang pandaigdig at isinasama pa rin ito sa mga rasyon sa mga sanayang dako at sa mga pagkain ng sundalo. Nasusumpungan ng ilang tsuper na mas mabisa ang pagnguya ng chewing gum kaysa sa pag-inom ng kape upang manatili silang gisíng. Maaaring masumpungan ng mga taong nagsisikap na huminto sa paninigarilyo na nakatutulong ang pagnguya ng chewing gum. Popular din ito para masapatan ang pagnanais na magmeryenda—ang isang piraso ng chewing gum ay naglalaman ng wala pang sampung kalori.
Gayunman, naiinis naman ang maraming tao sa mga ngumunguya ng chewing gum. At maaaring may mga panahon na hindi itinuturing na mabuting asal ang pagnguya ng chewing gum. Kaya kung ginagawa mo ang sinauna subalit makabagong kaugaliang ito ng pagnguya ng chewing gum, makabubuting gumamit ka ng mabuting pagpapasiya.b
[Mga talababa]
a Ang pagnguya ng chewing gum ay nagpaparami ng laway, na tumutulong upang gawing neutral ang asido sa plaque sa ngipin, anupat nakatutulong sa pagkakaroon ng malusog na bibig. Upang magkaroon ng higit pang proteksiyon laban sa pagkasira ng ngipin, inirerekomenda ng mga dentista ang paggamit ng chewing gum na walang asukal.
b Babala: Ang chewing gum ay hindi dapat lunukin, yamang maaari itong bumara sa bituka at sa lalamunan. Gayundin, ang labis-labis na pagnguya ng chewing gum ay nagpapangyaring maglabas ng mas mataas na antas ng asoge mula sa pasta sa ngipin na yari sa amalgam.
[Larawan sa pahina 31]
Ang mga chiclero ay humihiwa nang pasigsag sa katawan ng puno ng tsiko
[Credit Line]
Copyright Fulvio Eccardi/vsual.com