Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 3/22 p. 16-19
  • Paghahalaman sa Organikong Paraan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahalaman sa Organikong Paraan
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paano ba Lumalago ang Iyong Halamanan?
  • Palaka, Ibon, at Kulisap​—Mga Kaibigan ng Iyong Halamanan
  • Mga Halaman at Pagsugpo sa Peste
  • Pagkain Mula sa Iyong Sariling Taniman
    Gumising!—2003
  • ‘Manatili Kayo sa Aking Salita’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Paggawa ng “Compost” ay Nagbabalik at Lalong Malaki Kaysa Kailanman!
    Gumising!—1992
  • Hindi Lamang mga Insekto ang Pinapatay ng Kemikal na mga Pestisidyo
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 3/22 p. 16-19

Paghahalaman sa Organikong Paraan

DUMAKOT ka ng lupa mula sa iyong taniman ng gulay. Ito ba’y babad na babad sa mga pamatay-damo, pamatay-insekto, pamatay ng daga, at pamatay ng fungi anupat waring halos walang nabubuhay na organismo rito? O ito ba’y namumutiktik sa mga bulati, insekto, at lahat ng uri ng mikroorganismo? Kung ang iyong lupa ay namumutiktik sa buháy na mga organismo, malamang na ikinakapit mo ang mga simulain ng organikong paghahalaman, alam mo man ito o hindi.

Kadalasang nasasangkot sa organikong paghahalaman ang mga pamamaraan upang mapahusay ang kalidad ng lupa sa halamanan na gumagamit ng likas na biyolohikal na mga sangkap. Ang isa sa mga tunguhin nito ay paunlarin ang isang ekosistema na doo’y magiging matibay ang mga halaman upang mapaglabanan ang mga peste at mga sakit. Sa mga bansa na doo’y karaniwang ginagamit sa paghahalaman ang mga sintetikong kemikal, sumisidhi ang interes sa organikong paghahalaman. Bakit? May ilang dahilan.

Una sa lahat, ang mga labí ng pestisidyo sa mga prutas at gulay ay pinagmumulan kung minsan ng malulubhang panganib sa kalusugan. Upang ilarawan ito, iniulat ng aklat na Pesticide Alert na “noong tag-araw ng 1985, halos 1,000 katao sa ilang estado sa Kanluran [ng Estados Unidos] at Canada ang nalason ng mga labí ng pestisidyong Temik sa mga pakwan.”

Karagdagan pa, minamalas ng maraming tao ang organikong paghahalaman bilang isang paraan upang ipagsanggalang ang kapaligiran. Ang ilang peste ay hindi na tinatablan ng paulit-ulit na paglalagay ng kemikal na mga pestisidyo, kaya gumawa ang mga siyentipiko ng mga lason na lalong mapanganib. Napahalo na ang matatapang na kemikal na ito sa tubig sa ilalim ng lupa at narumhan ang ating napakahalagang suplay ng tubig.

Ang isa pang kapakinabangan ng organikong paghahalaman ay ang bagay na mas kakaunting basura ang itatapon sa ating mga tambakan. Paano nagiging posible iyon? Ang mga tirang pagkain at mga dumi na galing sa bakuran ay bumubuo ng malaking bahagi ng ating basura. Sa halip na itapon, ang mga organikong sangkap na ito ay maaaring isalansan at hayaang mabulok, anupat nagbubunga ng matabang kombinasyon na tinatawag na abono (compost). Maaaring hindi kaayaayang isipin ang gayong halo, ngunit iyon ay isang masarap na pagkain para sa isang halaman!

Sa kahuli-hulihan, maaaring ituring ng ilan ang organikong paghahalaman bilang isang paraan upang makapag-ehersisyo, masiyahan sa sikat ng araw, magtrabaho sa lupa, at mapagmasdan ang mumunting binhi na tumubo at maging malulusog na halaman. Interesado ka ba sa organikong paghahalaman? Kung gayon ay simulan na natin! Una, susuriin natin ang lupa sa iyong halamanan.

Paano ba Lumalago ang Iyong Halamanan?

Maraming halamanan ang may alinman sa luwad o mabuhanging lupa. Ang mabuhanging lupa ay binubuo ng malalaking tipik na doo’y napakabilis na dumaloy ang tubig at mga sustansiya anupat hindi gaanong mapakinabangan ng sistema ng ugat. Sa kabilang banda, ang luwad ay binubuo ng mumunting suson na lubhang magkakadikit anupat ang tubig ay hindi makatagos sa matigas na ibabaw, at sa gayo’y umaagos ito, o kung tumagos man ay naiimbak lamang, kung kaya hindi makahinga ang mga ugat ng mga halaman.

Tumataba ang mga ugat sa lupa na may timbang na mga tipik na nagpapanatili ng sapat na halumigmig upang hindi matuyo ang mga ugat samantalang hinahayaang matuyo ang sobrang tubig. Ang tawag ng mga maghahalaman sa kombinasyong ito ay loam. Sa gayong lupa, malayang tumatagos ang hangin, na nagpapangyaring magawa ng mga mikroorganismo ang trabaho nito na pagdaragdag ng mga sustansiya sa lupa.

Dapat lagyan ng maraming organikong bagay​—abono​—kapuwa ang luwad at mabuhanging lupa upang maging timbang ito. Kapag inilagay ito sa lupa sa pamamagitan ng pala, kinukundisyon ng abono ang lupa. Yamang pinananatili nito ang halumigmig tulad sa isang espongha, hindi na ito kailangang diligin nang madalas. Taglay ng abono ang milyun-milyong kapaki-pakinabang na baktirya na patuloy na bubulok sa nasisirang mga bagay, anupat ginagawa itong mga sustansiya na kailangan ng mga halaman upang yumabong nang husto. Nakatutulong din ang abono upang gawing balanse ang lupa nang sa gayon ay hindi ito maging lubhang maasido ni magkaroon ng maraming alkalino.

Kapag itinanim sa lupa, binubuhaghag ng mga pananim na may malalalim na ugat, gaya ng clover at alfalfa, ang matitigas na lupa at pinararami ang organikong bagay. Ang mulch​—halimbawa, isang suson ng tinabas na mga damo o kusot na inilagay sa ibabaw ng lupa​—ay kapaki-pakinabang din sa pagbabago ng kayarian ng lupa.

Napakahusay na kapareha ang kahanga-hangang bulati sa pagpapahusay ng lupa sa iyong halamanan. Habang gumagawa ito ng malalalim na butas sa lupa​—hanggang apat na metro ang lalim​—pinapapasok ng bulati ang hangin sa lupa, pinangyayaring pumaibabaw sa lupa ang sari-saring mineral, at pinahuhusay ang paagusan ng tubig. Sa prosesong ito, nag-iiwan din ito ng mga dumi na, ayon sa aklat na Step by Step Organic Vegetable Gardening, ay “limang ulit na kasingyaman sa nitroheno, phosphorus, at potasiyum [ng] nakapalibot na lupa.”

Palaka, Ibon, at Kulisap​—Mga Kaibigan ng Iyong Halamanan

‘Pero paano naman ang mga insekto sa halamanan?’ baka itanong mo. ‘Paano ko sila mapalalayas nang hindi gumagamit ng pestisidyo?’ Huwag kalimutan na hindi lamang mga kinaiinisang insekto ang pinapatay ng mga pestisidyo. Pinupuksa rin ng mga ito ang kapaki-pakinabang na mga organismo gaya ng bulati at fungi. Tandaan din na ang mga palaka ay kapaki-pakinabang sa halamanan. Ang isang palaka ay maaaring kumain ng mahigit sa 10,000 pesteng insekto sa loob lamang ng tatlong buwan. Hindi pihikan sa pagkain ang mga palaka. Kasali sa kanilang pagkain ang mga kaaway ng halaman gaya ng mga kuliglig, squash bug, tent caterpillar, armyworm, higad na gypsy-moth, at mga lintang-kati.

Mabisa rin ang mga ibon sa pagkontrol ng mga peste sa halamanan. Isang house wren ang naobserbahang ipinakakain ang “500 gagamba at higad sa mga inakay nito isang hapon ng tag-araw,” ayon sa aklat na Gardening Without Poisons. Kung nais mong mag-anyaya ng ilang wren o iba pang ibon na kumakain ng insekto sa iyong halamanan, magsabit ka ng ilang pagkain ng ibon o materyales sa paggawa ng pugad sa lugar na kitang-kita. Hindi magtatagal, makikita mo naman na pinaunlakan ang iyong “paanyaya”! At ang mga kulisap? Pinapatay ng maraming kapaki-pakinabang na kulisap sa halamanan yaong mga kulisap na naninira. Kung bibili ka ng mga uwang (ladybug) at pakakawalan mo ang mga ito sa iyong halamanan, agad nilang hahanapin ang kanilang paboritong pagkain, ang mga dapulak (aphid). Makabibili rin ng mga itlog ng mandadangkal at mailalagay iyon sa halamanan. Kapag napisa na ang mga itlog, kakainin ng mga mandadangkal ang halos lahat ng insektong makakasalubong nito.

Mga Halaman at Pagsugpo sa Peste

Maaari kang gumamit ng ilang halaman upang sugpuin ang mga peste sa iyong halamanan. Pagtabihin mo ang mga halaman na iniiwasan ng mga peste sa halamanan at ang mga halaman na nangangailangan ng proteksiyon. Halimbawa, ang mga uod, na sumisira sa mga ugat ng maraming halaman at nagpapahina rito, ay lumalayo sa mga amarilyo (marigold). At ang mga white cabbage butterfly ay itinataboy ng dumero (rosemary), sage, o thyme, kapag ang mga ito ay itinanim malapit sa repolyo. Subalit dapat mag-ingat: Ang ilang halaman ay umaakit ng mga peste sa halamanan.

Ang pagpapalit-palit ng pananim ay isang praktikal na paraan ng pagsugpo sa peste at sakit. Sa halip na magtanim ng iyon at iyon ding uri ng halaman sa isang lugar taun-taon, baka naisin mong pagpalit-palitin ang mga halaman sa iyong halamanan. Sa ganiyang paraan ay mapahihinto mo ang siklo ng pagsalakay ng sakit at peste.

Maaaring maging isang hamon ang organikong paghahalaman, anupat mangangailangan ng panahon at pagtitiyaga. Baka umabot ng maraming buwan bago maging mataba ang iyong lupa sa pamamagitan ng organikong paraan. Baka maranasan mo ang mga hadlang, at kapag nangyari iyon, baka matukso kang gumamit kaagad ng pang-isprey na kemikal. Gayunman, bago mo gawin iyon, huminto ka at pag-isipan mo ang mga pangmatagalang pakinabang ng pag-iwas sa paggamit ng mga lasong kemikal. Subalit kung matiyaga ka, hindi magtatagal at baka magkaroon ka ng isang halamanan na nagbubunga ng masasarap na gulay na pinalaki sa organikong paraan na hindi naging gaanong suliranin ang mga peste at sakit kaysa sa iba. Hindi, hindi naman lubusang mawawalan ng problema ang iyong halamanan, ngunit matutuwa ka sa mga resulta. Kaya kung nasisiyahan ka sa paghahalaman, bakit hindi mo subuking magkaroon ng isang sariling organikong halamanan?

[Larawan sa pahina 17]

Luwad

[Larawan sa pahina 17]

Mabuhanging lupa

[Larawan sa pahina 17]

Loam

[Mga larawan sa pahina 18]

Mga Kaibigan ng Iyong Halamanan

Ang isang palaka ay maaaring kumain ng mahigit sa 10,000 insektong peste sa loob ng tatlong buwan

Isang house wren ang naobserbahang ipinakakain ang “500 gagamba at higad sa kaniyang mga inakay isang hapon ng tag-araw”

Pinapapasok ng bulati ang hangin sa lupa at pinangyayaring pumaibabaw sa lupa ang sari-saring mineral

Ang paboritong pagkain ng uwang ay ang dapulak, isang mapanirang insekto

[Larawan sa pahina 18]

Kapag inilagay ito sa lupa sa pamamagitan ng pala, kinukundisyon ng abono ang lupa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share