Pagmamasid sa Daigdig
Isang Malaking Mata
Ang brittle star, na kilala rin bilang ang serpent star, ay inakalang nabubuhay sa madilim na kalaliman ng karagatan nang walang mga mata. Nagtaka ang mga mananaliksik kung paanong ang kamag-anak na ito ng starfish ay waring nakakakita ng mga maninila at pagkatapos ay nakatatakas mula sa mga ito. “Ngayon ay natuklasan na ng mga siyentipiko ang lihim nito,” ang ulat ng The New York Times. “Ang pinakakatawan nito ang bumubuo ng isang malaking mata.” Ang brittle star ay gumagamit ng maraming tulad-abaloryong lente upang bumuo ng inaakalang isang malaking mata na may maraming yunit. Karagdagan pa, ang maliliit na lente nito ay maaaring “magpokus ng liwanag nang di-kukulanging 10 beses na kasinghusay ng mga mikrolente na ginagawa ngayon sa mga laboratoryo,” ang sabi ng ulat. “Ipinakikita ng pagsusuring ito kung anong kamangha-manghang mga materyales ang kayang buuin ng kalikasan, na lubhang nakahihigit sa teknolohiya sa kasalukuyan,” ang sabi ni Dr. Joanna Aizenberg, ang pangunahing awtor ng pagsusuri.
Matibay na Baktirya
Namumutiktik sa buhay ang lupa, maging sa lalim na ilang kilometro sa lupa, ang ulat ng National Post ng Canada. “Ang mga baktiryang ito ay lubhang nasa kailaliman ng Lupa anupat kinakailangan ng 50,000 taon upang makarating ang tubig-ulan sa mga ito,” ang sabi ni Propesor Terry Beveridge ng University of Guelph. “Walang liwanag, walang potosintesis, walang mga asukal o protina upang makain.” Paano nabubuhay ang mga baktirya? Ayon sa Post, natuklasan ng mga mananaliksik mula sa Canada at Estados Unidos na ang baktiryang Shewanella ay kumakapit sa iron oxide at sinisipsip nito “ang mga elektron ng mineral upang makakuha ng kinakailangang enerhiya na ginagamit sa metabolismo nito upang mabuhay.” Tinataya ng mga siyentipiko na sampu-sampung libong iba’t ibang mikrobyo ang nabubuhay sa kailaliman ng lupa, ngunit wala pang 10 porsiyento ang ganap na nakilala ang uri.
Pagbabalik ng Sleeping Sickness
“Nagbababala ang mga mananaliksik na bumabalik ang sleeping sickness sa mga bahagi ng Aprika sa nakababahalang antas,” ang ulat ng British Medical Journal. Sinabi ni Pierre Cattand, ng Association Against Trypanosomiasis sa Aprika: “Animnapung milyong tao ang itinuturing na nanganganib, ngunit tatlo hanggang apat na milyon lamang ang nasusubaybayan, na nagbubunga ng mga 45 000 bagong kaso sa isang taon. Tinataya na di-kukulangin sa 300 000 hanggang 500 000 ang naaapektuhan sa kasalukuyan.” Ang sakit na ito, na itinuturing na halos nalipol na noong dekada ng 1960, ay naipapasa sa mga tao sa pamamagitan ng tsetse fly. Ang mga lugar na sinasabing pinakananganganib at nangangailangan ng tulong mula sa ibang bansa ay ang Angola, Democratic Republic of Congo, at timugang Sudan.
Tinalikuran ng mga Czech ang Relihiyon
Ipinakikita ng mga estadistika na inilathala ng Statistical Office of the Czech Republic na sa loob ng nakalipas na sampung taon, maraming tao sa lipunan ng Czech ang tumalikod na sa relihiyon. Halimbawa, 2.7 milyong Czech lamang ang nagsabi noong 2001 na sila’y mga Romano Katoliko, kung ihahambing sa 4 na milyon noong 1991. Sa loob ng yugto ring iyon, dumanas ng 32 porsiyentong pagbaba ng bilang ng mga miyembro ang Evangelical Church at 46 na porsiyento naman sa Hussite Church. Bakit bumaba ang bilang? Di-nagtagal pagkatapos ng pagbagsak ng Komunismo, nakadama ng kalayaan ang mga Czech na ipakilala ang kanilang sarili bilang mga miyembro ng simbahan. Ngunit ngayon, halos 60 porsiyento ng populasyon nito ay nag-aangkin na wala silang relihiyon. Ang Czech Republic sa kasalukuyan, na pinagmulan noon ng kilalang relihiyosong repormador na si Jan Hus, ay naging isa sa mga bansa sa Europa na di-gaanong relihiyoso.
Naglalahong Etika sa Trabaho
“Limampu’t limang porsiyento ng mga nangungunang ehekutibo na kinapanayam [sa Estados Unidos] ang nagsabi na ang paglalaho ng etika sa trabaho ay magkakaroon ng malaking negatibong epekto sa pagtakbo ng mga korporasyon sa hinaharap,” ang ulat ng magasing The Futurist. May ilang salik na maaaring maging sanhi ng gayong paglalaho, ang sabi ng magasin, lakip na ang mga batang “nakikita ang kanilang mga magulang na nananatiling matapat sa kanilang mga amo, ngunit tatanggalin lamang sa trabaho dahil sa pagbabawas ng manggagawa sa kompanya.” Naging dahilan ito upang malasin ng marami sa mga taong ipinanganak noong dekada ng 1960 at patuloy na ang trabaho ay “isang pamamaraan upang matamo ang kanilang mga tunguhin: salapi, kasiyahan, at libangan.” Sinasabi ng artikulo na sa dahilang ito, “ang seguridad sa trabaho at mataas na sahod ay hindi na mga pangganyak na tulad nang dati.” Ang dalawang kasalukuyang sintomas ng paglalaho ng etika sa trabaho ay ang dumadalas na pagiging huli ng mga manggagawa sa trabaho at pag-abuso ng mga ito sa karapatang lumiban sa trabaho dahil sa sakit.
Serbisyong Panlibingan sa Internet
Isang serbisyo sa Internet ang nagpapangyari ngayon na madalaw sa Internet ang mga libingan na ginawa sa computer, ang ulat ng The Japan Times. Maaaring magbigay-pugay ang mga kaibigan at mga kamag-anak sa kanilang namatay na minamahal sa Internet. Isang larawan ng lapida ang lilitaw sa iskrin ng computer kalakip ang litrato at maikling biyograpiya ng namatay. May inilaang espasyo upang makapag-iwan ng mga mensahe ang mga dumadalaw. Upang mapaunlakan ang mga dumadalaw na Budista, maaaring mag-alay ang mga ito ng prutas, bulaklak, patpat na insenso, at inuming de-alkohol sa libingan na ginawa sa computer sa pamamagitan ng pagpindot sa mouse (isang aparato ng computer). Ayon kay Tadashi Watanabe, presidente ng kompanyang nag-aalok ng mga serbisyo sa Internet para sa pag-alaala sa mga patay, “sinasabi ng ilan na isang napakagandang ideya ito para sa mga taong hindi makadalaw sa mga libingan nang gayong kadalas, kagaya niyaong naninirahan sa ibang bansa.”
Babala Hinggil sa Artiko
“Hanggang 80 porsiyento ng maselan na rehiyon ng Artiko sa planeta ang lubhang mapipinsala sa kalagitnaan ng siglong ito kung hindi babagal ang pag-unlad ng industriya,” ang sabi ng pahayagang The Globe and Mail ng Canada. Isang ulat ng UN Environment Programme ang nagkomento hinggil sa tumitinding mga epekto ng pagdami ng tao sa buong rehiyon ng Artiko. Ayon sa ulat, kung ang pag-unlad ng industriya ay magpapatuloy sa bilis ng pag-unlad nito noong 1940 hanggang 1990, ang mga resulta ay magiging mapangwasak. Sinasabi na ang pinsala ay may posibilidad na umabot din sa ibang mga rehiyon, yamang maraming hayop sa Artiko ang nandarayuhan sa ibang lugar. “Sa kasalukuyan,” ang sabi ng pahayagan, “10 hanggang 15 porsiyento ng rehiyon ng Artiko sa daigdig ay naaapektuhan ng pag-unlad ng industriya [sa nakapipinsalang paraan].”
Pagdami ng mga Batang Napakataba
“Ang bilang ng mga batang labis ang timbang ay halos nadoble nitong nakaraang dekada,” ang sabi ng The Times ng London, na nagkomento hinggil sa isang kamakailang surbey na inilathala ng British Medical Journal. “Mahigit sa isa sa limang bata na wala pang apat na taóng gulang ang labis ang timbang at halos isa sa sampung bata ay inuuri na napakataba.” Sinabi ni Dr. Peter Bundred ng University of Liverpool na binibigyan ng maraming ina ang kanilang mga anak ng “ready-made na mga pagkain, na may mas mataas na antas ng taba,” at nililibang ang mga bata sa pamamagitan ng paglalagay sa mga ito sa harap ng telebisyon. Kapag nagsimula na silang mag-aral sa paaralan, marami sa mga batang ito ang sasakay patungo sa paaralan sa halip na maglakad at manonood ng telebisyon pagkagaling sa paaralan sa halip na maglaro sa labas. “Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakikita natin ang mabilis na pagtaas ng timbang sa panahon ng pagkabata,” ang sabi ni Bundred.
Muling Pinagtibay ang May-kabatirang Pagsang-ayon
Sampung taon pagkatapos ng unang dekreto, na may petsang Enero 1991, muling inulit ng Italian Ministry of Health na hindi maaaring isagawa ang pagsasalin ng dugo hangga’t hindi sinasabi ng pasyente ang kaniyang may-kabatirang pagsang-ayon. Sinabi ng dekreto, na may petsang Enero 25, 2001, at inilathala sa Gazzetta Ufficiale della Repubblica Italiana (Opisyal na Gaseta ng Republika ng Italya): “Yamang nababatid na maaaring mapanganib ang pagsasalin ng dugo o mga bahagi ng dugo at/o pagbibigay ng mga sangkap na kinuha sa dugo, yaong tumatanggap ng gayong mga pamamaraan ay dapat na magpahayag ng nasusulat na pagsang-ayon o pagtutol bago isagawa ang gayong mga pamamaraan.”
Binubugbog ang mga Nagdadalang-taong Ina
“Ang mga pagsalakay ng mga lalaking kabiyak ay kinikilala ngayon na nagdudulot ng higit na pinsala sa ina at anak kaysa sa mga komplikasyong dulot ng medikal na pagsusuri sa panahon ng pagdadalang-tao,” ang sabi ng The Independent ng London. “Isang pagsusuri ng Royal College of Obstetricians hinggil sa karahasan sa tahanan sa Britanya . . . ang nagpakita na sangkatlo sa mga pagsalakay sa mga babae ay naganap sa kauna-unahang pagkakataon nang sila’y nagdadalang-tao. Lumalaki ang ebidensiya na ang pagkainggit, na pinukaw ng inaasahang sanggol na iluluwal, ang nag-uudyok sa ilang lalaki na maging marahas.” “Nagitla kami nang makita namin ang mga estadistika sa UK,” ang sabi ni Propesor James Drife ng Royal College of Obstetricians. Isang nakakatulad na pagsusuri sa Estados Unidos ang nakatuklas na ang sanhi ng 1 sa 5 pagkamatay ng mga babaing nagdadalang-tao sa bansang iyon ay pagpaslang, kung kaya’t ito “ang pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan sa mga nagdadalang-tao [roon].”