Gaano Kaligtas ang mga Alpombra?
GAANO kalaking panahon ang ginugugol mo sa mga lugar sa loob ng bahay na nalalatagan ng alpombra? Ipinahihiwatig ng isang ulat sa magasing New Scientist na ang sagot ay maaaring nakababahala, lalo na para sa mga bata.
Sinabi ng magasin: “Ang ating pagkahantad sa pinakanakalalasong mga dumi ay 10 hanggang 50 ulit na mas mataas sa loob ng bahay kaysa sa labas.” Sinasabi ni John Roberts, isang inhinyerong pangkapaligiran sa Estados Unidos, na ang mga sampol ng alikabok sa alpombra mula sa pangkaraniwang tahanan ay maaaring nagtataglay ng napakataas na antas ng mga nakalalasong dumi. Kabilang dito ang tingga, cadmium, asoge, mga pestisidyo, at mga carcinogenic polychlorinated biphenol (PCB) at mga polycyclic aromatic hydrocarbon (PAH).
Iniuulat na maaaring tumaas pa nang 400 beses ang antas ng pestisidyo sa alikabok ng alpombra dahil sa mga pestisidyong naipapasok sa tahanan sa pamamagitan ng mga sapatos at paa ng mga alagang hayop. Ang mga duming ito ay sinasabing nananatili sa loob ng maraming taon. Yamang ang mga pestisidyo at mga PAH ay medyo madaling matuyo, ang mga ito ay sumisingaw, sumasama sa hangin, at pagkatapos ay muling bumabalik sa mga alpombra o sa ibabaw ng mga bagay.
Malimit na naglalaro ang mga paslit na bata sa sahig at pagkatapos ay isinusubo nila ang kanilang mga daliri. Kaya sila ang lalo nang nanganganib sa mga duming iyon. Bagaman mas magaan ang kanilang timbang, dahil sa mas mabilis ang metabolismo ng maliliit na bata kaysa sa mga may sapat na gulang, lumalanghap sila ng mas maraming hangin kaysa sa mga adulto.
Iniisip ng mga mananaliksik kung ang lumalaganap na paggamit ng alpombra sa loob ng bahay ang maaaring isang dahilan ng mabilis na paglaganap ng hika, mga alerdyi, at kanser sa mga bata. Si Roberts ay nagkomento: “Ang mga bahay na walang latag ang mga sahig at may maliliit na alpombra ay nagtataglay lamang ng mga 10 porsiyento ng alikabok na masusumpungan sa isang bahay na ang buong sahig ay nalalatagan ng alpombra.”
Iminumungkahi ni Roberts na upang gawing mas ligtas ang mga alpombra, dapat kang gumamit ng vacuum cleaner na may power head. Pagkatapos, isang beses sa loob ng isang linggo sa yugto ng ilang sanlinggo, paraanan nang 25 ulit ang bahagi ng alpombra na apat na piye mula sa pasukan ng bahay, 16 na ulit sa mga lugar na madalas daanan, at 8 ulit sa natitira pang mga bahagi ng sahig na may alpombra.
Kapag nagawa mo na ang simpleng pamamaraan na ito, at pagkatapos ay susundin mo ang kalahati ng inirekomendang beses ng pagpaparaan ng vacuum cleaner sa iyong alpombra bawat linggo, mapananatili mong mababa ang antas ng alikabok nito. Ipinapayo rin ni Roberts: “Maglagay ng makapal na doormat sa bawat pasukan ng inyong tahanan at magpunas ng paa nang dalawang beses bago pumasok.”