Pagmamasid sa Daigdig
Maling Tulong?
Pinagtatalunan ang mga pagsisikap na ingatan ang pagong na loggerhead sa Hapon mula sa pagkaubos ng uri nito, ang sabi ng The Daily Yomiuri. Ang paghuhukay sa mga itlog ng pagong, paglilimlim sa mga ito, at pagpapakawala nito sa dagat ay maaari lamang makahadlang sa likas na mga kakayahang maglayag ng mga pagong. “Nararamdaman [ng mga pagong na napisa sa likas na paraan] ang magnetismo ng lupa habang umuusad sa buhanginan, sa gayon ay napapaunlad nito ang likas na kakayahan para sa direksiyon,” ang ulat ng pahayagan. “Ang pagpisa sa artipisyal na paraan ay nangangahulugan ng pagkulong sa maliliit na pagong sa isang lugar bago ilagay [ang mga ito] sa likas na kapaligiran ng karagatan, na humahadlang sa mga ito upang mapaunlad ang kanilang likas na kakayahang malaman ang direksiyon at abilidad na galugarin ang karagatan sa ganang sarili nito.”
Ang Napakahalagang Ngiti na Iyan
“Ang isang simpleng ngiti ay siyang pinakamainam na paraan upang mawagi ang mga kaibigan at makaimpluwensiya ng mga tao,” ang ulat ng The Times ng London. Isinisiwalat ng isang pambansang surbey na isinagawa ng Royal Mail na ang unang bagay na napapansin ng karamihan ng mga tao sa iba ay ang ngiti nito. Halos kalahati ng mga sinurbey ay nagsabi na hindi sila makikipagnegosyo sa sinuman na mukhang di-palakaibigan. Ang mga manedyer na babae ang partikular na mas malamang na magtaas sa puwesto ng mga empleadong ngumingiti. Ganito ang sabi ni Brian Bates, kasamahang awtor ng The Human Face: “Ipinakikita ng pananaliksik na ito kung gaano kahalaga ang pagngiti sa lipunan. Kadalasang mas gusto nating ibahagi ang mga bagay na pinaniniwalaan natin, ang mga inaasam at pananalapi sa mga palangiti.” Pinararami ng pagngiti ang paglalabas ng katawan ng pamatay-kirot na mga endorphin, ang dagdag pa niya, at ang mga taong likas na palangiti ay “mas matagumpay ang personal na buhay at karera.”
Pinakatumpak na Orasan
Nakagawa ang isang pangkat ng mga siyentipiko sa Estados Unidos ng isang orasan na mercury-ion na “tumpak hanggang sa kaliit-liitang femtosecond—ang pinakamaliit na yunit ng oras na karaniwang ginagamit sa siyensiya,” ulat ng The Times ng London. Sinasabi na ito’y “halos 1,000 ulit na mas tumpak kaysa sa mga atomikong orasan na dating batayan sa oras ng Co-ordinated Universal Time (UTC), ang pandaigdig na pamantayan ng orasan.” Ipinaliliwanag ng pisiko na si Scott Diddams: “Ang lubos na paggagamitan nito ay ang fundamental physics, upang malaman nang higit ang mas detalyadong mga bagay hinggil sa uniberso.” Pagdating ng panahon, magagamit din ito sa mga network ng telepono at mga satelayt para sa paglalayag. Bagaman sinasabi ni Diddams na ang orasan ang “pinakatumpak na orasan sa buong mundo,” sinasabi niya na posibleng mapahusay pa ito.
“Pinakawastong Sensus”?
Ang surbey para sa populasyon noong 2000 sa Estados Unidos ay tinaguriang “pinakawastong sensus sa kasaysayan,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Gayunman, “kasali sa kabuuan ng sensus noong 2000 ang 5.77 milyon katao na pinaniniwalaan ng Census Bureau na umiiral ngunit hindi masumpungan kung nasaan.” Nagpapaliwanag ang pahayagan: “Kapag wala itong tinatanggap na sagot mula sa inaakalang tinitirhan, basta inuuri na lamang ito ng kawanihan sa mga computer nito bilang ‘ipinalalagay na umiiral’ na mga tao, salig sa iba’t ibang pahiwatig, kasali na kung paano tumugon ang kanilang mga kapitbahay.” Ginawa ito kahit na hindi natitiyak ng mga opisyal kung may bahay nga sa direksiyon. Kasali sa mga hula kung ilang tao ang nakatira roon, ang kanilang edad, kasarian, lahi, at kung sila ay may asawa o wala. Ipinalalagay na ito’y wasto, ang sabi ng isang opisyal, “dahil ang magkakalahing tao ay malamang na manirahan nang malapit sa isa’t isa.” Sa ilang estado, ang ipinapalagay na mga Amerikano ang siyang bumubuo sa mahigit na 3 porsiyento sa kabuuang bilang, at ginagamit ang mga pala-palagay upang punan ang kategorya para sa lahi ng mahigit na 11 milyon katao.
Nakamamatay na mga Puno?
Pinagtatalunan sa Pransiya kung ano ang kahihinatnan ng mga 400,000 puno na nakahilera sa mga daanan ng bansa. Lalong ibinunton ang sisi sa mga puno na nasa tabi ng daan dahil sa mga namamatay sa aksidente sa sasakyan. Sa mga namatay sa daan na 7,643 noong taóng 2000, 799 sa mga ito ang bumangga sa puno, ang ulat ng magasing Pranses na L’Express. Subalit sinasabi ng ilan na ang talagang dahilan ng kamatayan ay, hindi ang mga puno, kundi ang alkohol at mabilis na pagpapatakbo. Gayunman, sa pagitan ng 10,000 at 20,000 puno na wala pang dalawang metro ang layo mula sa pinakagilid ng daan ang nakaiskedyul na putulin. Bilang pagbanggit sa editoryal ng The Wall Street Journal hinggil sa bagay na ito, sinabi ng artikulo na nasa magasing Pranses na para bang ang mga puno ang nakagawa ng “malubhang krimen dahil sa hindi umiwas sa daan ng mga lasing na nagmamaneho.”
Tsinong Pagsulat—Isang Naglalahong Sining?
“Ang mga Tsinong titik, na kayhirap-hirap sauluhin ng mga henerasyon ng mga batang Tsino, ay napapaharap sa pinakamatinding banta—mula sa mga computer,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. “Ang mga miyembro ng edukado at piling mga tao sa Tsina, na laging ipinagmamalaki na saulado nila ang 6,000 titik, ay nakalilimot na kung paano sumulat. Nakababasa pa rin naman sila, subalit kapag wala na ang kanilang mga computer, marami ang hindi na makaalaala kung paano isulat ang mga titik.” Ang syndrome ay tinawag na “ ‘ti bi wang zi’—o pagkalimot sa titik kapag hinawakan mo na ang panulat.” Hanggang noong dekada ng 1980, halos lahat ng bagay ay nakasulat, ngunit sapol noon, ang mga Tsinong titik ay naipasok na sa pangkaraniwang mga computer dahil sa makabagong programa sa computer. Bunga nito, ang sining ng pagsulat ng magagandang titik, isang kakayahan na labis na pinahahalagahan na diumano’y nagsisiwalat sa panloob na katauhan ng isang tao, ay naglalaho na at ito’y “nakababahala sa maraming dalubwika, sikologo at mga magulang.”
Pagdidiyeta ng mga Kabataan
Isiniwalat ng kamakailang surbey sa 1,739 na batang babae na taga-Canada na nasa edad 12 hanggang 18 na 27 porsiyento ang kakikitaan ng mga sintomas ng sakit na nauugnay sa pagkain, ang sabi ng pahayagang Globe and Mail. Pinunan ng mga kasali mula sa lunsod, arabal, at lalawigan ang isang talaan ng mga tanong na sumusuri sa kaugalian sa pagkain at kawalan ng kasiyahan sa hubog ng katawan. Isiniwalat ng mga impormasyon na ang ilan na kasimbata ng 12 ay nagpapakalabis sa pagkain at nagpupurga (sapilitang pagsuka ng kinain) o umiinom ng mga pildoras sa pagdidiyeta, pampadumi, at pampaihi upang pumayat. Ayon kay Dr. Jennifer Jones, isang siyentipikong mananaliksik sa University Health Network sa Toronto, ang mga batang babae lalo na ay “kailangang magkaroon ng mabuting saloobin hinggil sa pagkain at ehersisyo. Kailangan nilang malaman ang tungkol sa kanilang mga katawan at na ang larawan ng mga pangangatawan na nakikita nila sa mga paskilan, sa mga magasin at mga rock video ay hindi normal.” Idinagdag pa ng Globe na “hindi nalalaman ng maraming tin-edyer na babae na likas lamang na mag-ipon ng taba sa panahon ng pagdadalaga, at mahalaga ang bagay na iyon para sa normal na paglaki.”
Mga Pildoras sa Silid-aralan
Parami nang paraming bata ang umiinom ng mga pildoras upang makayanan ang tumitinding panggigipit sa paaralan, ang ulat ng Südwest Presse sa Alemanya. Isa sa bawat 5 bata na nasa paaralang elementarya ang diumano’y gumagamit ng mga pampakalma o mga gamot na nagpapasigla sa paggawa. Sa haiskul naman, 1 estudyante sa bawat 3 ang umiinom ng pildoras. Gayunman, sinasabi ni Albin Dannhäuser, presidente ng Bavarian Teachers Association, na ang pag-inom ng gamot upang makayanan ang kaigtingan o para mapasulong ang grado ng isa ay di-kaayaaya, yamang wala itong nagagawa upang tulungan ang mga bata na lutasin ang kanilang mga problema. Pinapayuhan niya ang mga magulang na huwag masyadong gipitin ang kanilang anak kundi “isaisip ang pisikal at mental na kalusugan ng bata gayundin ang pagkakaroon ng matatag na personalidad.”
Ginamit ang Salot na Panirang-Damo
“Ang mga panirang-damo tulad ng water hyacinth, lantana at parthenium ay nakasiphayo sa mga tagapagtayo ng bahay dahil sa pagiging matibay nito,” ang sabi ng India Today. Dinala sa India ng mga taga-Britanya noong 1941 para gamitin bilang halamang-bakod, nakalatan na ng Lantana camara ang halos 100,000 ektarya ng lupain at napatunayang halos imposibleng sugpuin—sa manu-mano, kemikal, o biyolohikal na paraan. Ang nakalalasong epekto ng panirang-damo ay humahadlang sa pagtubo ng iba pang halaman, at kinailangang ilipat sa ibang lugar ang buong nayon pagkatapos na kumalat ito. Gayunman, para sa mga taganayon ng Lachhiwala, naging kapaki-pakinabang sa paraang pangkabuhayan ang panirang-damo. Ang Lantana ay ginagamit kasama ng putik upang magtayo ng mga bahay at kulungan ng mga manok. Pagkatapos balatan ito, ang panirang-damo na hindi nasisira ng peste at insekto ay napakahusay na gawing muwebles at mga basket. Ginagamit ang mga dahon ng Lantana bilang pantaboy ng lamok at para sa mga patpat ng insenso. Kapag pinulbos, ginagamit ang ugat ng halaman upang sugpuin ang mga impeksiyon sa ngipin.
Epekto ng Kawalang-Pag-asa
“Bakit namamatay ang ibang tao samantalang ang iba, na may sakit naman, ay patuloy na nabubuhay?” ang tanong ni Dr. Stephen L. Stern ng departamento ng saykayatri sa University of Texas Health Science Center sa San Antonio. “Ang isang kasagutan sa tanong na ito ay maaaring dahil sa pagkakaroon o kawalan ng pag-asa.” Sinasabi ng isang pag-aaral sa 800 may-edad nang mga Amerikano na ang kawalang-pag-asa ay malimit na nauuwi sa mas maagang pagkamatay. Gayunman, sinasabi ng mga mananaliksik na ang mga epekto ng kawalang-pag-asa ay malimit na nagkakaiba-iba sa mga indibiduwal, depende sa mga salik na gaya ng mga karanasan noong pagkabata, panlulumo, pinagmulang kultura, at katatagan ng kabuhayan.