Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 8/8 p. 16-17
  • Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mahabang Kasaysayan ng Karahasan
  • Ang Impluwensiya ng mga Demonyo
  • Kinamumuhian ng Diyos ang Karahasan
  • Magwawakas Pa Kaya ang Karahasan?
  • Karahasan
    Gumising!—2015
  • Ating Mapanganib na Panahon—Bakit Napakarahas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Pakikitungo sa Iba Ayon sa Nais ng Diyos
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 8/8 p. 16-17

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?

LAGANAP ang karahasan at nakikita ito sa iba’t ibang paraan. Bukod sa digmaan, nariyan din ang karahasang nauugnay sa palakasan, sa droga, sa mga gang, sa paaralan, at sa hanapbuhay gayundin ang karahasan sa libangan. Maging ang karahasan sa loob ng tahanan ay waring karaniwan na sa maraming pamilya. Halimbawa, ipinahiwatig ng isang kamakailang pagsusuri na sa Canada, 1.2 milyong lalaki at babae ang marahas na sinaktan ng kani-kanilang kabiyak nang di-kukulangin sa isang beses sa loob lamang ng nakalipas na limang taon. Naghinuha rin ang isa pang pagsusuri na mga 50 porsiyento ng mga nambubugbog ng asawang babae ang marahas na nang-aabuso rin ng kanilang mga anak.

Tiyak na ang gayong mga gawa ng karahasan ay nakapanghihilakbot sa iyo kung paanong gayundin ang epekto nito sa karamihan ng mga tao. Gayunman, ang karahasan ay naging isang pangunahing bahagi ng karamihan sa libangan sa ngayon. Nabibighani ang mga manonood hindi lamang sa gawa-gawang karahasan sa mga pelikula kundi maging sa mga pisikal na pagsalakay sa totoong buhay na ipinakikita sa telebisyon. Paborito ang boksing at iba pang mararahas na isport sa maraming bansa. Ngunit ano ba ang nadarama ng Diyos hinggil sa karahasan?

Isang Mahabang Kasaysayan ng Karahasan

Mahaba ang kasaysayan ng karahasan. Ang unang pisikal na karahasan na gawa ng isang tao na iniulat sa Bibliya ay inilarawan sa Genesis 4:2-15. Si Cain, ang unang anak na lalaki nina Adan at Eva, ay nainggit sa kaniyang kapatid na lalaki na si Abel at sinadyang paslangin ito. Paano tumugon ang Diyos? Ipinaliliwanag ng Bibliya na lubhang pinarusahan ng Diyos na Jehova si Cain dahil sa pagpatay nito sa kaniyang kapatid.

Sa Genesis 6:11, mababasa natin na mahigit na 1,500 taon pagkatapos ng pangyayaring iyon, ang lupa ay “napuno ng karahasan.” Muli, ano ang naging reaksiyon ng Diyos? Inutusan niya ang matuwid na si Noe na gumawa ng arka na magliligtas sa kaniya at sa kaniyang pamilya samantalang si Jehova naman ay nagpasapit ng isang delubyo sa lupa, sa gayon ay ‘nilipol’ ang marahas na lipunang iyon. (Genesis 6:12-14, 17) Ngunit bakit ba gayon na lamang ang pagkahilig ng mga tao sa karahasan?

Ang Impluwensiya ng mga Demonyo

Isinisiwalat ng ulat ng Genesis na ang mga anak ng Diyos, mga masuwaying anghel, ay nagkatawang-tao, nagsipag-asawa ng mga babae, at nagluwal ng mga supling. (Genesis 6:1-4) Ang mga supling, na tinatawag na mga Nefilim, ay mga lalaking pambihira ang laki at kabantugan. Sa ilalim ng impluwensiya ng kanilang mga amang demonyo, sila ay naging mararahas na maton. Nang lumaki ang tubig-baha at tinakpan nito ang lupa, nalipol ang mga balakyot na maton na ito. Ngunit lumilitaw na iniwan ng mga demonyo ang kanilang katawang-tao at nagbalik sa daigdig ng mga espiritu.

Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na mula noon, ang mga rebeldeng anghel na ito ay nakapagdulot ng malakas na impluwensiya sa mga tao. (Efeso 6:12) Ang kanilang lider, si Satanas, ay tinatawag na orihinal na “mamamatay-tao.” (Juan 8:44) Kaya ang karahasan na nagaganap sa lupa ay maaaring angkop na tukuyin bilang makademonyo, o sataniko.

Nagbababala ang Bibliya hinggil sa mapang-akit na kapangyarihan ng karahasan. Sa Kawikaan 16:29, sinasabi nito: “Ang taong marahas ay mandaraya sa kaniyang kapuwa, at tiyak na papaparoonin siya nito sa daang hindi mabuti.” Marami sa ngayon ang naaakit na sumang-ayon, magtaguyod, o gumawa ng karahasan. Gayundin, milyun-milyong tao ang nahihikayat na masiyahan sa libangan na lumuluwalhati sa karahasan. Ang mga salita sa Awit 73:6 ay may-katumpakang magagamit upang ilarawan ang kasalukuyang salinlahi. Sinasabi ng salmista: “Ang kapalaluan ay nagsilbing isang kuwintas sa kanila; binabalot sila ng karahasan na gaya ng kasuutan.”

Kinamumuhian ng Diyos ang Karahasan

Paano dapat gumawi ang mga Kristiyano sa marahas na sanlibutan? Ang ulat ng Bibliya hinggil sa mga anak na lalaki ni Jacob na sina Simeon at Levi ay naglalaan ng mainam na patnubay sa atin. Nakisama ang kanilang kapatid na babaing si Dina sa imoral na bayan ng Sikem. Nagbunga ito ng panghahalay sa kaniya ng isang taga-Sikem. Bilang pagganti, walang-awang pinaslang nina Simeon at Levi ang lahat ng lalaki ng Sikem. Nang maglaon, sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, sinumpa ni Jacob ang di-mapigil na galit ng kaniyang mga anak na lalaki sa ganitong mga pananalita: “Si Simeon at si Levi ay magkapatid. Mga kasangkapan ng karahasan ang kanilang mga sandatang pamatay. Sa kanilang matalik na kapisanan ay huwag kang pumasok, O kaluluwa ko. Sa kanilang kongregasyon ay huwag kang makiisa.”​—Genesis 49:5, 6.

Kasuwato ng mga pananalitang ito, iniiwasan ng mga Kristiyano ang pakikipagsamahan sa mga nagtataguyod o nagsasagawa ng karahasan. Maliwanag, kinapopootan ng Diyos ang mga nagtataguyod ng karahasan. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Pinaaalalahanan ang mga Kristiyano na iwasan ang lahat ng anyo ng di-mapigil na galit, maging ang berbal na pang-aabuso.​—Galacia 5:19-21; Efeso 4:31.

Magwawakas Pa Kaya ang Karahasan?

Tinanong ng sinaunang propetang si Habakuk ang Diyos na Jehova: “Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan?” (Habakuk 1:2) Marahil ay naitanong mo na rin iyan. Sinagot ng Diyos si Habakuk, na nangangakong aalisin ang “balakyot.” (Habakuk 3:13) Naglalaan din ng pag-asa ang makahulang aklat ni Isaias. Doon ay nangangako ang Diyos: “Ang karahasan ay hindi na maririnig pa sa iyong lupain, ang pananamsam o ang kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan.”​—Isaias 60:18.

Nagtitiwala ang mga Saksi ni Jehova na hindi na magtatagal at aalisin ng Diyos sa lupa ang lahat ng anyo ng karahasan at yaong mga nagtataguyod nito. Sa panahong iyon, sa halip na mapuno ng karahasan, “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova kung paanong ang tubig ay tumatakip sa dagat.”​—Habakuk 2:14.

[Larawan sa pahina 16]

Nagsimula ang karahasan nang patayin ni Cain si Abel

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share