Sampung Milyong Aklat sa Isang Bahay na Salamin
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA
HABANG pumapanhik sa kahoy na hagdan patungo sa mahanging pasyalan, hindi mapipigilang humanga ang isang bisita—labis na manggigilalas pa nga—sa apat na pagkatataas na toreng napalilibutan ng salamin. Hindi ito isang pangkaraniwang pasilidad. Ito ang pinakamodernong Pambansang Aklatan ng Pransiya na nakatunghay sa pampang ng Seine. Sa isang diwa ay inabot ito ng maraming siglo para maitayo.
Sinaunang Pasimula
Noong 1368, tinipon ni Charles V ang halos 1,000 manuskrito sa isang tore sa kuta ng Louvre sa Paris. Subalit pagkatapos lamang talaga ng Sandaang Taong Digmaan, pinasimulang tipunin ng mga hari sa Pransiya ang isang permanenteng koleksiyon. Napagyaman ang aklatan dahil sa mga regalo at mga pamana ng mga taong humihiling ng maharlikang pabor, at gayundin dahil sa dala-dalang mga aklat ng mga manlalakbay at mga embahador na nagmula sa mga bansa sa Europa at sa Silangan o sa mga aklat na nasamsam ng mga sundalo sa digmaan. Pagkatapos, pinasimulan ni Francis I ang legal na sistema sa pagtatago ng aklat sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang batas noong ika-16 na siglo na humihiling na suplayan ang Aklatan ng Hari ng isang kopya ng bawat aklat na inilathala.
Pagkatapos na itago ang mga aklat sa iba’t ibang tahanan ng mga maharlika sa mga lalawigan, ibinalik sa Paris ang Aklatan ng Hari, na dinambong lamang noong panahon ng Mga Digmaan ng Relihiyon (1562-98). Nagkaroon ng mas permanenteng lugar ang aklatan noong 1721. Kasunod ng pagkakumpiska sa mga koleksiyon ng mga relihiyon at ng mga maharlika noong Rebolusyong Pranses, nagkaroon ang aklatan ng daan-daang libong aklat, manuskrito, at mga kopya ng mga gawa ng sining. Bagaman hindi matatawaran ang halaga nito, lubusan ring ipinakita ng natipong mga aklat ang patuloy na kakulangan ng lugar para sa mga ito sa umiiral nang mga pasilidad.
Nakagigitlang Pagdami
Noong 1868, isang silid para sa pagbabasa na napalilibutan ng siyam na simburyo ng salamin ang itinayo at pinasinayaan. Ito’y dinisenyo ng arkitektong si Henri Labrouste kung saan makapagbabasa rito ang 360 katao at maitatago ang mga 50,000 aklat. Ang mga salansanan ng katabing mga istante ng aklat ay malalagyan pa ng isang milyong tomo. Subalit sa loob ng anim na dekada, lumampas ng tatlong milyon ang bilang ng mga aklat sa aklatang ito!
Hindi makaagapay ang napakaraming pagkukumpuni at pagpapalawak sa karagdagang tatlong kilometro ng istante na kinakailangan taun-taon para sa mga aklat at mga magasin na patuloy na dumaragsa. Sa wakas, noong 1988, ipinatalastas ni Pangulong François Mitterrand ang proyekto ng pagtatayo ng marahil ay “pinakamalaki at pinakamodernong aklatan sa daigdig.” Ang layunin nito ay upang “masaklaw ang lahat ng larangan ng kaalaman, madaling magamit ng lahat, makagamit ng pinakamodernong mga teknolohiya para sa data transmission, maaaring sangguniin mula sa malalayong lugar, at makakonekta sa iba pang mga aklatan sa Europa.”
Para makabuo ng isang disenyo para sa bagong aklatan, ginanap ang isang internasyonal na kompetisyon. Halos 250 ideya ang isinumite. Sa wakas, tinanggap ang disenyo ng isang di-gaanong kilalang arkitektong Pranses na nagngangalang Dominique Perrault. Ang konsepto niya ay isang malaking kuwadradong pundasyon (plinth) na may tore sa bawat kanto nito na ang hugis ay tila isang nakabukas na aklat. Binatikos ng mga kritiko ang ideya ng pagtatago ng mga aklat sa mga toreng salamin—solar na hurno, ang tawag nila rito—kung saan ang mga aklat ay mabibilad sa sikat ng araw at init. Bilang kompromiso, pinagpasiyahang kabitan ng mga kahoy na pantabing ang likod ng mga bintana upang maingatan ang mga aklat at upang mailagak ang pinakamahahalagang dokumento sa mga salansanan na nasa malaking kuwadradong pundasyon.
Ang Hamon ng Paglilipat
Ang isa pang hamon ay ang paglilipat ng mahigit na sampung milyong aklat, na karamihan sa mga ito ay napakarupok at bibihira na, gaya ng dalawang kopya ng aklatan ng mga Bibliya ni Gutenberg. Nagkaroon ng mga problema sa naunang mga paglilipat. Ayon sa isang nakasaksi sa paglilipat noong 1821, maraming aklat ang nalaglag sa putik sa kalye mula sa mga kariton. Sa pagkakataong ito, gagawing organisado ayon sa makasiyensiyang pamamaraan ang paglilipat.
Noong 1998, isang grupo ng mga propesyonal ang bumalikat sa napakalaking gawain ng paglilipat sa milyun-milyong aklat. Upang maiwasan ang anumang pagkasira, pagnanakaw, o pagkawala, ang mga aklat ay hinakot na nasa mga saradong kabinet na di-pinapasok ng tubig, di-nasusunog, at may shock absorber. Sa loob ng halos isang taon, sampung trak, na walang marka bilang karagdagang hakbang sa seguridad, ang nakipaggitgitan sa napakagrabe at buhul-buhol na trapiko sa Paris upang ilipat araw-araw ang 25,000 hanggang 30,000 tomo sa bagong tahanan nito.
Isang Imbakang-yaman ng Kaalaman
Ang bagong aklatan ay hinati sa dalawang bahagi. Ang haut-de-jardin (halamanan sa itaas) ay may 1,600 upuan para sa publiko at dinisenyo para madaling magamit ang mga 350,000 aklat. Ang rez-de-jardin (halamanan sa ibaba) na bahagi ay may 2,000 upuan, na inireserba para sa mga mananaliksik.
Ang aklatan ay itinayo sa isang ginawang maliit na kagubatan. Ang dekorasyon ng pulang mga alpombra at kahoy na mga entrepanyo at mga muwebles ay nakatulong pa sa pagkakaroon ng komportable at relaks na kapaligiran na kaayaaya para sa malalim na pag-iisip at pag-aaral. May silid para sa audiovisual (panonood at pakikinig) kung saan maaaring sumangguni ang mga bisita sa mga CD-ROM, mga pelikula, audio recording, at libu-libong larawan at mga aklat sa anyong digital.
May sapat na salansanan ang Aklatan ng Pransiya upang mailagay ang karagdagan pang mga aklat na matitipon sa loob ng halos 50 taon. Mapag-iisip-isip nga ng isa ang pagbubuhos ng pagod para maitayo at maingatan ang gayong imbakang-yaman ng kaalaman!
[Larawan sa pahina 24]
Ang silid para sa pagbabasa noong 1868
[Credit Line]
© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris
[Picture Credit Line sa pahina 25]
©Alain Goustard/BNF. Architect: Dominique Perrault. © 2002 Artists Rights Society (ARS), New York/ADAGP, Paris