Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 10/22 p. 15-17
  • Heto Na ang Parada ng Mumunting Penguin!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Heto Na ang Parada ng Mumunting Penguin!
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Nakatutuwa, Subalit Malilikot”
  • Tamang-tamang “Life Jacket”
  • Ang Kaugnayan ng mga Ito sa Lupa
  • Pasimulan na ang Parada!
  • Mumunting Penguin​—Malalaking Problema
  • Ang Balahibo ng Emperor Penguin
    Gumising!—2013
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2002
  • Isang Kamangha-manghang Emperor
    Gumising!—2000
  • Komunikasyon—Mahalaga sa Kawing ng Buhay sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 10/22 p. 15-17

Heto Na ang Parada ng Mumunting Penguin!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NANAHIMIK at sabik na naghihintay ang mga tao. Nakatanaw sa malayo ang mapagbantay na mga mata para unang masulyapan ang mga bida. Nagkabuhay ang inilawang dako nang biglang lumitaw ang munting nilalang sa baybay-dagat. Umalingawngaw ang bulung-bulungan ng katuwaan ng mga tao habang isa-isang sumunod sa kaniya ang iba pa. Nagsimula na ang panggabing palabas. Heto na ang parada ng mumunting penguin ng Phillip Island!

Unang nakilala sa daigdig ang mga penguin nang maglayag ang kilalang mga manggagalugad na sina Vasco da Gama at Ferdinand Magellan sa malalaking karagatan sa katimugan noong ika-16 na siglo. Noong una, pinag-iisipan ng mga tao kung paano uuriin ang penguin. May balahibo ito na gaya ng ibon, lumalangoy ito na gaya isda, at naglalakad ito na gaya ng isang hayop sa lupa. Sa wakas, ang mga balahibo ang nakalutas sa problema. Mga ibon lamang ang may balahibo​—kaya tiyak na ito’y isang ibon. Mula sa magigilas na emperor at Adélie penguin ng Antartiko hanggang sa Galápagos penguin na nasa ekwador, 18 iba’t ibang uri ang bumubuo sa pamilyang ito ng ibon na hindi lumilipad.

Ibig mo bang pasyalan ang kolonya ng mga penguin sa kanilang likas na tirahan? Tayo na sa Phillip Island​—140 kilometro lamang ang layo mula sa timog-silangan ng modernong lunsod ng Melbourne, Australia. Dinaragsa ito ng mga 500,000 bisita taun-taon na nabibighani ng maliliit at kamangha-manghang nilalang na ito. Bakit nga ba kaibig-ibig ang mumunting penguin ng Phillip Island?

“Nakatutuwa, Subalit Malilikot”

Palibhasa’y parang nakaamerikana dahil sa itim at puting balahibo nito, mabilis na napapaibig ng mumunting penguin na ito ang mga nakakakita sa kanila. Dahil sa ang taas nito ay 33 sentimetro at tumitimbang lamang ng halos isang kilo, ang mga ito ang pinakamaliit sa mga uri ng penguin sa daigdig. Pero huwag kang padadaya sa liit nito! Kulang nga sa taas ito subalit napupunan naman ito ng kanilang katatagan at tibay.

“Nakatutuwa ang mumunting penguin, subalit malilikot ito,” ang paliwanag ni Propesor Mike Cullen, na nag-aral tungkol sa mga penguin sa kolonya ng Phillip Island sa loob ng mahigit na 20 taon. Ang pinakamaliit sa mga penguin na ito ang pinakamaingay rin naman. Sa gabi ay umaalingawngaw ang pag-ungol, pagsiyok, pag-unga, at pag-irit ng kolonya habang ipinagsasanggalang ng mga penguin ang kanilang mga pugad laban sa mga nanghihimasok, nagpapapansin sa isang makakapareha o basta nagkakatuwaan sa “pag-eensayo sa koro” kasama ng kanilang mga kapareha.

Nang unang ilarawan ito noong 1780, angkop na binansagan ang maliliit na penguin na Eudyptula minor, mula sa wikang Griego na nangangahulugang “mahusay at maliit na maninisid.” Dahil sa kanilang maliit, hugis-torpidong katawan, makintab at hindi tinatagos ng tubig na balahibo, at mga pakpak na tulad ng palikpik, para bang literal na lumilipad ang mga ito sa tubig.

Tamang-tamang “Life Jacket”

Sa kanilang paghahanap ng pagkain, maaaring languyin ng mga penguin na ito ang hanggang 100 kilometro sa isang araw, anupat nagbababad kung minsan sa dagat sa loob ng maraming araw o mga linggo kung kinakailangan. Paano natutulog ang mga ito sa dagat? Ang sagot ay nasa kamangha-manghang pagkadisenyo ng balahibo nito. Ang mga penguin ay may makapal na suson ng balahibo na malambot at kawing-kawing, tatlo hanggang apat na beses na mas makapal kaysa sa lumilipad na mga ibon. Ang nakulong na hangin sa suson nito ang nagsisilbing insulasyon ng ibon at siyang likas na nagpapalutang dito​—na katulad na katulad ng isang life jacket. Sa gayon, madaling makatulog ang penguin sa dagat, anupat lumulutang-lutang na gaya ng isang tapón, nakabuka ang mga palikpik na nagpapatatag dito, habang ligtas na nakaangat ang tuka nito sa ibabaw ng tubig.

Mangyari pa, maging ang makapal na suson ng balahibo ng penguin ay hindi magiging proteksiyon kung ito’y nakababad sa napakalamig na tubig kung saan hinahanap ng ibon ang pagkain nito. Hindi iyan problema para sa penguin​—isang pantanging glandula ng langis na nasa itaas ng buntot ng ibon ang naglalabas ng mga likidong pagkit. Inaayos ng penguin ang balahibo nito, anupat ginagamit ang tuka nito upang ikalat ang mga pagkit sa balahibo nito, para mapanatili itong hindi tinatagos ng tubig, malinis, at maganda. Walang scuba diver ang maaaring magkaroon ng kasuutang gayon kahusay ang pagkakadisenyo upang makayanan ang buhay sa dagat.

Maaari bang magkaproblema ang nilalang na ito na mahilig sa dagat dahil sa kawalan ng tubig-tabang? Ang dalawang glandula na di-pangkaraniwan ang pagkakadisenyo, na nasa itaas lamang ng bawat mata, ang nag-aalis ng alat ng tubig-dagat. Sa kaunting pilíg lamang ng tuka, naaalis ng penguin ang hindi kailangang asin sa bawat butas ng ilong.

Isa pa, mayroong mga mata ang mga penguin na pantanging dinisenyo upang makakitang mabuti sa ilalim ng tubig na tulad ng nagagawa nila kapag wala sila sa tubig. Maliwanag, ang nilalang na ito ay tamang-tamang nasangkapan para sa buhay nito sa tubig. At mapalad naman tayo, ang mumunting penguin ay hindi naglalagi sa dagat sa lahat ng panahon.

Ang Kaugnayan ng mga Ito sa Lupa

Ang Phillip Island at ang karatig na pangunahing lupain ay may baku-bako, mabuhanging dalampasigan na natatakpan ng makapal na damo at mga dahon. Angkop na angkop itong tirahan para sa kolonya ng 26,000 maliliit na penguin. Nagsisimula ang buhay sa isang lungga na pinagpagurang hukayin ng mga magulang sa isang bunton ng buhangin sa dalampasigan. Bago matiyagang maghalinhinan ang ama’t ina sa paglimlim, baka manatiling malamig ang kalalabas pa lamang na itlog sa loob ng ilang araw, subalit maaari itong mabuhay. Ang nangingitlog na mga ibon ay may pantanging lukbutan para sa inakáy, na may napakaraming ugat na dinadaluyan ng dugo, na nasa bandang ibaba ng kanilang tiyan. Kapag nililimliman ang isang itlog, ang lukbutang ito ay namimintog dahil sa mainit na dugo, sa gayon ay naililipat ang init na kinakailangan para lumaki ang itlog. Sa pagitan ng halinhinang paglilimlim ay umiimpis ang lukbutan, anupat nagpapangyaring bumalik ang balahibo sa pagiging hindi tinatagos ng tubig at nagpapahintulot din namang makabalik ang adultong penguin sa dagat upang manginain.

Minsang mapisa ang mga itlog, kagila-gilalas ang bilis ng paglaki ng sisiw. Sa loob lamang ng walo hanggang sampung linggo, kasinlaki na ng batang penguin ang isang adulto at handa na para sa dagat. “Kahanga-hanga ang itinatagal ng bata pang penguin sa paglalayag sa dagat na nasasangkapan lamang ng panloob na kayarian ng katawan nito . . . at kalipunan ng likas na mga katangian para mabuhay,” ang sabi ng aklat na Little Penguin​—Fairy Penguins in Australia.

Sa loob ng sumunod na isa hanggang tatlong taon, maaaring magpagala-gala ang mga inakáy na penguin sa layong libu-libong kilometro, anupat naglalagi sa dagat sa halos lahat ng panahon. Ang mga nabubuhay ay karaniwang nagbabalik sa tahanan ng kanilang kolonya para magparami​—sa loob mismo ng 500 metro sa lugar kung saan ito ipinangitlog. Paano ito nakababalik sa kanilang tahanan? Sinasabi ng ilan na naglalayag ang mga penguin sa pamamagitan ng araw, na ginagamit ang likas na biyolohikal na orasan na katumbas ng pag-ikot ng araw sa kalangitan. Sinasabi naman ng iba na nakikilala ng mga penguin ang pangkaraniwang heograpikong mga palatandaan. Sa paanuman, ang palabas ng mga magdaragat na ito na nagbabalik sa lupa pagkatapos ng mahabang paglalayag o pagkatapos ng nakapapagod na pangingisda ang siyang umaakit sa mga tao sa Phillip Island.

Pasimulan na ang Parada!

Habang nagtatakip-silim, daan-daang bisita na tuwang-tuwa ang pumuwesto na sa kani-kanilang lugar, handa nang manood sa gabi ng parada ng penguin. Malaon nang nagtitipon ang mga penguin sa malalaking grupo, o langkay, na binubuo ng daan-daang ibon na malayo sa baybayin kung saan nababasag ang alon. Nagliwanag ang dalampasigan dahil sa ilang malalakas na ilaw. Humihihip ang banayad na hangin, at humahampas ang maliliit na alon sa dalampasigan. Lumaganap ang pagdududa ng mga tao. Nasaan ang mga penguin? Darating kaya ang mga ito sa dalampasigan? Hindi pa natatagalan, lumitaw ang unang mumunting penguin at ninenerbiyos na lumakad nang pahilahod sa baybay-dagat. Palibhasa’y nagulat, biglang naglaho sa mga alon ang mga ito. Dahil sa batid ng mga ito ang pagkalantad sa mga maninila, gaya ng mga agila, alistung-alisto ang mga penguin. Mayamaya, lumitaw na muli ang mga ito at unti-unting nagtipun-tipon nang di na natatakot. Sa wakas, umahon sa tubig ang isang penguin na malakas ang loob at maliksing umampang-ampang sa dalampasigan patungo sa mapagkakanlungang buhanginan. Sumunod agad ang iba pa sa grupo. Dahil sa hindi alintana ang mga ilaw at manonood, nagmartsa sila sa baybayin, na para bang ipinakikita ang isang masiglang parada.

Nang makarating nang ligtas sa buhanginan, makikitang nakarelaks ang mga penguin at nagtipun-tipon ang mga ito sa mas malalaking grupo para ayusin ang kanilang balahibo. Langkay-langkay ang sumasampa sa baybayin sa ganitong paraan, na humihinto sandali para makisalamuha at “makipagkuwentuhan” sa kanilang kalapit bago umuwi. Para sa ilan ay nangangahulugan ito ng naninigas na paglalakad, pagkandirit, at pangungunyapit paakyat sa dalisdis na 50 metro ang taas bago makarating sa kanilang mga lungga.

Mumunting Penguin​—Malalaking Problema

Katulad ng iba pang nilalang sa palibot ng daigdig, napapaharap ang mumunting penguin sa maraming problema, karamihan sa mga ito ay may kaugnayan sa tao. Kasali sa mga banta ang pagkatapon ng langis mula sa nagdaraang mga barko, pag-unti ng likas na tirahan dahil sa mga gawain ng tao, at mga maninilang hindi katutubo sa lugar na iyon, gaya ng mga lobo at mga alagang hayop.

Ginawa na ang kahanga-hangang mga pagsisikap para lutasin ang mga suliraning ito. Nitong nagdaang mga taon, hindi nagbago ang dami ng mumunting penguin sa Phillip Island Penguin Reserve. “Nagtatagumpay kami . . . subalit unti-unti,” ang ipinahayag ni Propesor Cullen. Ganito pa ang sinabi niya: “Ang pinakamalaking hamon na kinakaharap namin sa ngayon ay ang pagtiyak sa mapagkukunan ng pagkain ng mumunting penguin . . . , at ito’y may kaugnayan sa magiging kalagayan ng karagatan at ng sangkatauhan sa kabuuan.” Ang mga epekto ng pag-init ng globo at mga lagay ng panahon, gaya ng El Niño, sa mapagkukunan ng pagkain sa karagatan ay naghaharap ng malalaking problema na masusing pinag-aaralan sa ngayon ng mga mananaliksik.

Tiyak na ang mga resulta ng pananaliksik na ito ay magpapasidhi sa ating pagpapahalaga sa ating planetang tinitirhan na may sari-saring buhay ngunit maselan. Dahil sa magiliw na pangangalaga na ipinakita sa buhay-iláng sa Phillip Island, baka magkaroon ka rin ng pagkakataon balang araw na maging isa sa mga manonood na tuwang-tuwang mapapabulong, “Heto na ang parada ng mumunting penguin!”

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PHILLIP ISLAND

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang mga manonood, mga upuan, at malalakas na ilaw​—nakahanda na ang lahat para sa parada ng penguin

[Mga larawan sa pahina 17]

Mula sa inakáy hanggang sa pagiging nasa hustong gulang na ibon sa loob lamang ng sampung linggo

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Mga larawan: Photography Scancolor Australia

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Mga larawan sa pahina 16 at 17: Photography Scancolor Australia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share