Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 10/22 p. 25-27
  • Inukit na Alabastro—Ang Sinaunang Sining ng Volterra

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inukit na Alabastro—Ang Sinaunang Sining ng Volterra
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbuo ng Industriya
  • Isang Hapon ng Pamamasyal sa Volterra
  • Isang Mainitang Pagtatalo
  • Alabastro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Alabastro
    Glosari
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 10/22 p. 25-27

Inukit na Alabastro​—Ang Sinaunang Sining ng Volterra

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

Gunigunihin ang isang likas na materyales na agad na nagagawang makinis at kaakit-akit na mga hugis​—materyales na dahil sa ganda, linaw, at iba’t ibang kulay na guhit nito ay napakagandang ukitin upang gawing kaakit-akit na mga pigurin. Alam mo ba kung ano ito?

INILALARAWAN namin ang alabastro. Wala pa kaming gaanong alam tungkol sa batong ito hanggang sa pumasyal kami sa tradisyonal na sentrong pagawaan nito sa Italya​—ang lunsod ng Volterra sa Tuscany.

Ang inukit na alabastro ay may mahabang kasaysayan sa Volterra, mula pa noong panahon ng mga Etruscano, na siyang mga naunang nanirahan sa lugar na iyon. Kabilang sa maraming sinaunang produktong hinangaan namin sa Etruscanong museo roon ay ang daan-daang alabastrong urna​—rektanggular na mga batong kahon na lagayan ng abo ng sinunog na bangkay​—na may petsang mula ikaapat hanggang unang siglo B.C.E. Ang mga batong kahon na ito ay nagagayakan ng mga nakaumbok na ukit, na karaniwang naglalarawan ng diumano’y paglalakbay ng namatay tungo sa kabilang buhay.

Mangyari pa, hindi lamang mga Etruscano ang gumagamit ng alabastro noong sinaunang panahon. Palagi rin itong ginagamit ng mga Ehipsiyo. Gayunman, may pagkakaiba sa kemikal na sangkap ng oriental na alabastrong ito​—na tinutukoy rin sa Bibliya​—at ng mas malambot na parang-tsok na alabastro ng Volterra.

Gamít na gamít din ang marmol sa sinaunang Griego at Romanong sining, subalit kung ihahambing sa “espesyal” na materyales na ito, ang parang-tsok na alabastro ay itinuturing na mahinang uri. Ito’y mas malambot, mas madaling mabasag na bato, madaling magasgas, kung kaya ang gamit nito sa arkitektura at sining ay palagi nang segunda lamang sa marmol. Ang mga alabastrong eskultura ay hindi puwedeng nakalantad sa labas. Sa arkitektura, ang alabastro ay karaniwan nang nakalagay sa loob. Pero, palibhasa’y madaling iporma ang alabastro, bagay na bagay itong ukitan ng pagkaliliit na mga detalye.

Pagbuo ng Industriya

Walang ebidensiya ng produksiyon ng alabastro sa Volterra sa loob ng mga siglo matapos ang panahon ng mga Etruscano at Romano. Gayunman, may tinutukoy sa ulat ng kasaysayan tungkol sa produktong ito noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo. Si Francesco de’ Medici, punong duke ng Tuscany, ay nakabili noon ng isang di-pangkaraniwan at magandang plorera na ginawa sa torno mula sa isang artisanong taga-Volterra at ipinagkaloob ito sa Duke ng Bavaria. Noong ika-17 siglo, ang mga artisano roon ay abala sa paggawa ng magagandang bagay at maliliit na pandekorasyon. Nauso ang hanapbuhay na ito noong ika-18 siglo dahil sa de-kalidad na mga reproduksiyon ng klasikal na mga eskultura. Nang panahong iyon, ang kasikatan ng alabastro ng Volterra ay lumaganap sa buong Europa at sa iba pang lugar.

Nang panahon ding iyon pinauso ni Marcello Inghirami Fei, isang tagaroong maharlika na kilalang mahusay sa sining at marunong sa negosyo, ang pangangalakal ng alabastro. Ginamit niya ang mga bagong tuklas na deposito ng mineral sa ilalim ng lupa, at noong 1791 itinayo niya ang isang paaralan na doo’y 100 aprentis ang natututo sa sining na ito sa direksiyon ng mga dalubhasang artisano na inanyayahan mula sa iba’t ibang lugar sa Italya at sa ibang bansa. Umasenso ang industriya.

Ang walo o siyam na pagawaan ng alabastro na naroroon noong 1786 ay naging 60 pagsapit ng 1830. Sa loob ng mga taóng iyon, 50 abenturerong negosyante na taga-Volterra ang naglibot sa mga pamilihan sa buong daigdig mula Europa hanggang Amerika, India, at sa Dulong Silangan upang magbenta ng mga mamahaling alabastro. Ang ilan ay nagkamal ng maraming salapi. Nagpatuloy ang malakas na negosyong ito hanggang 1870, subalit mula noon, ang kalagayan ng negosyo ay minsang umunlad at minsang bumagsak. Magkagayunman, ang paggawa ng alabastro ay nananatiling isa sa pangunahing pinagkakakitaan doon.

Isang Hapon ng Pamamasyal sa Volterra

Dahil sa tahimik, makikitid, sementadong kalye, mga gusaling bato, magagandang sulok, at maaaliwalas na liwasan, na pawang napalilibutan ng kaakit-akit na kabukiran, ang Volterra ay may naiibang kapaligiran. Para bang bumalik kami noong Edad Medya. Sa aming pamamasyal isang hapon ng tag-init kasama ng mga kaibigan, tiniyak namin na mapasyalan ang Porta all’Arco, isang kahanga-hangang nakaarkong pintuang-daanan na may petsang ikaapat na siglo B.C.E., na bahagi ng pader ng Etruscanong lunsod.

Nagtagal kami sa mga eskaparate ng tindahan upang buong-paghangang matitigan ang mga grupo ng ibong lumilipad, nag-aalmang mga kabayo na punung-puno ng sigla, at malalantik na mga taong pigurin​—na pawang alabastro subalit kumikinang-kinang dahil sa mga inukit na kristal. Nakadispley sa mga nakaarkong silid-tanghalan ang magagarbong urna na nagagayakan ng namumungang mga puno ng ubas at mga reproduksiyon ng klasikal na mga eskultura at mga plorera, kandelero, chess set, kahon ng alahas, at marami pang ibang pandekorasyon na buong-tiyagang binutas-butasan at inukitan.

Palibhasa’y napansin ang aming interes, natutuwang dinala kami ng aming mga kaibigan sa maalikabok na mga pagawaan upang makita namin mismo kung paano ginagawa ng mahuhusay na artisano ang kanilang mga materyales upang maging magagandang produktong gaya ng mga ito. Napag-alaman namin na hindi panay ang paglitaw ng hugis-itlog na malalaking bato, na may timbang na 2 hanggang 1,000 kilo, sa parang-tsok na mga suson ng lupa na nasa ilalim ng rehiyon ng Volterra. Ang mga bato ay kinukuha mula sa mga tibagan na nasa labas o mula sa mga tunel na may lalim na 280 metro. Ang mga kulay ng alabastro ay mula sa malinaw na puti hanggang sa kulay-gatas at dilaw, mula sa mamula-mulang kulay hanggang sa kulay magulang na kape, at mula sa abuhing-berde hanggang sa kulay-itim, na ang karamihan ay may iba’t ibang hilatsa at antas ng linaw nito.

Sa iba’t ibang pagawaan na pinasyalan namin, napansin namin ang sari-saring sistema ng paggawa. Nakilala namin si Gloria, na nag-uukit ng pagkagagandang dekorasyon sa isang plato, at si Franco, na abala naman sa pagtotorno ng mga pandekorasyon. Karamihan sa mga bilog na bagay ay ginagawa sa ganitong paraan, mula sa mga plato at mga mangkok hanggang sa mga kagamitan sa ilaw at mga lampara​—na dito’y bagay na bagay ang malinaw na alabastro. Nakakalat ang mga gamit at mga produkto​—mga pangkayod at pangkikil, malyete at pait, mga pantornong pinaaandar ng kompresor, liha, at papatapos nang mga busto. Sinabi sa amin na ang mga pigurin ng tao at hayop na nakakalat sa mga salansanan ay ginagamit na mga modelo para sa reproduksiyon ng mga ito.

Lahat ng pasamano ay natatakpan ng makapal na puting pulbos ng alabastro. May pakinabang pa rin sa mga alabok na ito. Maramihang ginagawa ang maliliit na estatuwa sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tinimplang pulbos ng alabastro at polyester na resina sa mga molde​—pero ang mga nagawang ito ay hindi dapat mapagkamalang tunay na gawa ng kamay, na ipinaaalam naman agad ng maraming artisano.

Isang Mainitang Pagtatalo

Sinasabing nasa dugo na ng mga taga-Volterra ang alabok ng alabastro, at hindi nga nagtagal ay nahalata namin ito sa aming pakikipag-usap sa mga palakaibigang artisano na may mainitang pagtatalo nga tungkol sa kanilang makasaysayang trabaho. Iginigiit ng ilan na ang mumurahing mga bagay na halos walang bahid ng sining ay nakasisira sa magandang pangalan ng isang produkto na dati’y may mataas na uri. Ikinakatuwiran naman ng iba na may oportunidad sa pamilihan para sa iba’t ibang produkto, mula sa walang-kaparis na mga gawa ng sining hanggang sa mga pandekorasyon na maramihan kung gawin. Hindi na bago ang pagtatalong ito, at malayo pang matapos ito. Ang totoo, nadaraig ng malupit na kompetisyon at komersiyo ang maraming pagsisikap ng tao, at malamang na magpatuloy pa ito upang magamit ang kanilang impluwensiya.

Subalit isang bagay lamang ang tiyak. Ang kakayahan sa sining na ipinagkaloob ng ating Maylalang sa sangkatauhan ay mananatili magpakailanman. Ang nakita namin sa aming pagdalaw sa Volterra ay isang halimbawa lamang ng mga nakabibighaning kakayahan na sukdulang mapauunlad ng lahat ng nabubuhay kapag nasaksihan na nila ang katuparan ng makahulang pananalita ng Diyos na Jehova: “Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”​—Isaias 65:22.

[Mga larawan sa pahina 26]

1. Ang mga batong alabastro ay kinukuha mula sa mga tunel na may lalim na 280 metro. 2. Itinotorno ng artisano ang isang plorera. 3. Isang magarbong alabastrong urna. 4. Isang modernong alabastrong eskultura

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share