Kababalaghan sa Medisina, Suliranin sa Etika
“Pinangyari ng debate tungkol sa ‘stem cell’ na pag-isipang mabuti ng mga siyentipiko at mga di-siyentipiko ang malalalim na usapin, gaya ng kung sino tayo at ano ang nagpapangyari sa atin na maging mga tao.”—NATIONAL ACADEMY OF SCIENCES, E.U.A.
SI Karen ay may Type 1 na diyabetis. Hindi na gumagawa ng insulin ang kaniyang may diperensiyang lapay. Gunigunihin ngayon kung si Karen ay magpapatingin sa isang doktor at magpapalagay sa kaniyang katawan ng bagong mga selula na pinarami sa laboratoryo, upang palitan ang nasirang mga selula ng lapay. Dahil sa gumagana na ang bagong mga selulang ito, unti-unti nang maihihinto ni Karen ang terapi ng insulin at siya ay magiging malusog na muli.
Hanggang nitong kamakailan lamang, ang gayong potensiyal na mga panlunas ay parang isang science fiction lamang, subalit ngayon ay naniniwala na ang ilang mananaliksik na posible ang mga ito. Bakit? Sapagkat noong 1998, natuklasan ng mga siyentipiko ang isang paraan para maparami ang mga selula na tinatawag na mga human stem cell. Ang mga stem cell na ito ay maaaring lumaki para maging kauri ng halos anuman sa mahigit na dalawang daang iba’t ibang uri ng mga selula sa katawan ng tao, kasali na ang mga selula ng lapay.a
Ayon sa isang ulat na ginawa ng National Institutes of Health sa Estados Unidos, “ang mga stem cell ay maaaring maging solusyon sa pagpapalit ng mga selulang nasira sa maraming kalunus-lunos na sakit.” Kasali na rito ang “Parkinson’s disease, diyabetis, nagtatagal na sakit sa puso, malala nang sakit sa bato, sakit sa atay, at kanser,” na ilan lamang sa mababanggit. Ang mga stem cell ay maaari pa ngang maging mga selula ng dugo, at diumano’y maaari pa ngang mawalan ng silbi ang mga bangko ng dugo dahil dito. Sa katunayan, maraming taon nang ginagamit ng mga doktor ang mga stem cell para gamutin ang partikular na mga sakit sa dugo. Karaniwang nasasangkot sa mga paraan ng paggamot na ito ang paglilipat ng utak ng buto, na may napakaraming stem cell na nakagagawa ng dugo, subalit mas pinipili ng mga doktor na kumuha ng mga stem cell mula sa dumadaloy na dugo. Dahil sa inaasahang mapapalitan ng mga paraan ng paggamot sa pamamagitan ng mga stem cell ang malulusog at bagong mga himaymay, karaniwang tinagurian ito na “regenerative medicine” (paraan ng paggamot para mapalitan ang napinsalang mga selula).
Gayunman, lubhang kontrobersiyal ang ilang aspekto ng bagong siyensiyang ito. Ipinapalagay ng maraming tao, kasali na ang marami-raming siyentipiko, na ang paggamit ng mga stem cell ng tao—lalo na yaong mga kinukuha mula sa mga binhi o di-pa-naisisilang na sanggol—ay nagpapakita ng kawalang-pitagan sa kabanalan ng buhay ng tao.
Dahil sa nakikini-kinita ng mga tagapagtaguyod ng mga stem cell ang makahimalang lunas sa napakaraming sakit, susuriin ng kasunod na mga artikulo ang iba’t ibang uri ng mga stem cell, kung paano kinukuha ang mga ito, at kung bakit lubhang kontrobersiyal ang usaping ito.
[Talababa]
a Ang magkahiwalay na laboratoryo sa Estados Unidos ay nagparami ng dalawang uri ng mga stem cell—ang mga human embryonic stem cell at mga human embryonic germ cell.