Ang Pambihirang Yurumí
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ARGENTINA
SA MADILIM nilang taguan sa ilalim ng lupa, isang komunidad ang nagkakagulo dahil may sumasalakay sa kanila. Nagmamadaling sumugod sa unahan ang tagapagtanggol na mga sundalo dala ang nakahandang mga sandata, bagaman wala naman talaga itong kalaban-laban. Walang anu-ano, isang napakalaking bahagi ng pananggalang na pader ang gumuho, at natabunan ang maraming naroroon. Mula sa nabutas nilang pader, lumusot ang mga sumasalakay kasabay ng nakasisilaw na liwanag.
Ito ba’y paglalarawan ng pagsalakay sa isang lunsod noong panahon ng mga Romano? O isang eksena sa maaksiyong pelikula? Hinding-hindi! Sa halip, ito ang pagsalakay ng yurumí—mula sa pangmalas ng insekto. Pero para sa yurumí, o higanteng anteater, ito’y isa lamang panibagong punso ng mga anay na nakita niya sa kaniyang araw- araw na paglilibot.
Nakakita ng Isang Yurumí
Bagaman maraming uri ang mga anteater, partikular na isasaalang-alang natin ang higanteng anteater, na kilala rin bilang ant bear. Ang totoo, hindi naman talaga ito isang oso pero maaaring pinangalanan siya ng ganito dahil sa kaniyang mabibigat na paghakbang at dahil sa madalas itong tumatayo kapag kailangan nitong ipagtanggol ang kaniyang sarili. Gayundin, “niyayakap” nito ang umaatake sa pamamagitan ng kaniyang malalakas na bisig, na gaya ng oso.
Sa hilagang-silangan ng Argentina at sa karatig na mga bansa, ang tawag sa higanteng anteater ay yurumí dahil sa pangalan nito sa wikang Guarani, na ang ibig sabihin ay “maliit na bibig.” Bagay na bagay ang ganitong pangalan, yamang napakaliit ng butas ng bibig nito, bagaman magkasinghaba ang panga at ulo nito. Ang mahaba at parang-tubong bibig ng yurumí ang unang napapansin ng mga nakakakita. Ang yurumí ay mayroon ding isang mahaba at mabalahibong buntot, na itinataas niya paminsan-minsan. Mas mahaba at malambot ang makapal na balahibo nito sa buntot, anupat sa tingin ay mas mabigat ito kaysa sa talagang timbang nito. Sa kabila ng kapansin-pansing hitsura nito, ang katawan ng yurumí ay halos kasinlaki lamang ng asong German shepherd. Ang isang nasa hustong gulang na yurumí ay maaaring tumimbang nang hanggang 25 kilo. Pero puwede itong lumaki nang 1.8 metro o higit pa mula sa bibig nito hanggang sa dulo ng buntot nito.
Ang yurumí ay may malungkot at pagala-galang buhay, na malimit ay nasa latiang kaparangan ng Timog Amerika. Kung iisipin mo ang kontinenteng ito, malamang na maguguniguni mo ang mauulang kagubatan at malalagong pananim. Pero mayroon din itong malalawak na patag at tuyong pastulan na nakakalatan ng mga palmera at tumpuk-tumpok na matitinik na pananim. Mayaman sa nabubulok na mga halaman ang lupa sa gayong lalawigan at gustung-gusto naman ito ng mga anay. Dito itinatayo ng mga anay ang kanilang matataas na punso ng pinaghalong lupa at laway—isang kombinasyon para sa napakatibay na konstruksiyon. Ang malalaking istrakturang ito ay umaabot sa taas na mahigit na 1.8 metro.
Sa gitna ng napakaraming insektong ito, naroroon ang yurumí—na espesyalista sa pagkain ng mga ito. Kaya naman, ang makasiyensiyang pangalan nito na Myrmecophaga tridactyla ay una, nagbibigay-pansin sa ugali nito sa pagkain (anteater) at ikalawa, sa bagay na dahil ang tatlo sa apat na daliri nito sa dalawang paa sa unahan ay may nakatatakot na parang-kalawit na mga kuko. Ang Enciclopedia Salvat de la fauna ay nagsasabi: “Ang mga kuko ay para sa paghanap ng pagkain at pandepensa: Kapag may sumasalakay, ginagamit ito ng anteater na parang matatalas na panaksak, anupat tumatayo ito sa kaniyang hulihang paa taglay ang husay at galing kung kaya posible itong makasugat nang malubha at makapanakot pa nga ng mga jaguar.”
Paano ba Kumain ang Yurumí?
Ang yurumí ay walang ngipin. Magkagayunman, hindi ito problema dahil may pambihira itong paraan para makakuha ng pagkain. Una, napakalakas ng pangamoy nito—40 ulit na mas malakas kaysa sa pangamoy ng tao—sa paghanap ng pagkain. Pagkatapos, ginagamit ng yurumí ang unahang mga paa na may kuko na sampung sentimetro ang haba, sa paghukay sa mga taguan sa ilalim ng lupa para humanap ng mga insekto, uod, o mga itlog. Pagkatapos, inilulusot nito ang makitid na 45 sentimetrong dila nito papasok sa nakatagong mga dinaraanan ng mga insekto.
Ang pagkalalaking glandula ng laway ng yurumí ay naglalabas ng malagkit na laway upang mapanatiling mamasa-masâ at malagkit ang dila nito. Ang mga langgam at mga anay ay dumirikit sa kaniyang dila at kinakain niya ang mga ito. Pero hindi sapat ang basta lunukin lamang ang mga kinapal na ito. Kailangan ding tunawin ang mga ito. Kapansin-pansin, malalakas ang kalamnan ng tiyan nito anupat nadudurog nito ang mga insekto.
Ano ang Kinabukasan ng Yurumí?
Bagaman nakakalat sa malawak na lugar ng Sentral at Timog Amerika, ang mga yurumí ay hindi kailanman dumami nang husto. Marahil ay hindi sila talaga madaling dumami. Paisa-isa lamang kung manganak ang babaing yurumí pagkatapos ng mga 190 araw na pagbubuntis. Pinapasan ng ina ang kaniyang anak sa unang taon nito. Inilarawan ng isang naturalistang taga-Argentina ang nakatutuwang aspektong ito: “Nakakita ako ng isang inang pasan ang kaniyang maliit na anak, na mga ilang araw lamang ang edad. Hindi mo agad mamamalayan ang maliit na kinapal na ito sa likod ng ina, at napansin kong tamang-tama ang pagkakatago sa kaniya dahil ang itim na liston sa likod nito ay akmang nakapatong sa itim na liston ng kaniyang ina. Sa gayon, hindi agad siya napapansin ng mga ibong maninila.”
May malaking epekto ang yurumí sa ekolohikal na komunidad na pinaninirahan nito. Ang isang yurumí ay nakakakain ng sampu-sampung libong langgam o anay sa isang araw. Kung hindi makokontrol ng yurumí ang populasyon ng mga insekto, dumami kaya ang mga ito tungo sa pagiging salot? Sa paanuman, ang ekolohiyang ito ay nagbabago. Bakit?
Nakalulungkot, unti-unti nang nawawala ang yurumí dahil sa mga tao. May tumutugis sa mga ito bilang isport; pinapatay ng iba ang mga ito dahil itinuturing nila na ang yurumí ay nagbabadya ng kamalasan. Mayroon namang humuhuli sa mga ito para ipagbili sa mga nangongolekta ng mga pambihirang kinapal may kinalaman sa soolohiya, at ang mga anteater na ito ay humahantong sa mga kulungan o sa mga museo—patay na at pinalamnan na lamang ng bulak. Mapapabilang kaya ang mga yurumí sa iba pang pambihirang mga kinapal na paubos na? Panahon lamang ang makapagsasabi. Gumagawa ng mga pagsisikap upang mapangalagaan ang hiyas na ito ng biyolohikal na pagkakasari-sari.
[Larawan sa pahina 15]
Naghahanap ng isa sa mga paborito niyang pagkain—mga anay
[Larawan sa pahina 15]
Isang batang “yurumí” na pasan ng kaniyang ina
[Larawan sa pahina 14, 15]
Ang kahanga-hangang 45-sentimetrong dila ng “yurumi”
[Credit Line]
Kenneth W. Fink/Bruce Coleman Inc.