“Pulang Ginto” Mula sa Mediteraneo
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
HINDI magkasundo ang mga iskolar noong una kung ito ba ay isang gulay o mineral. Malaon nang nahalina ang mga tagahanga sa matingkad na kulay nito. Sa nakalipas na mga siglo, ito ay ginamit bilang isang palamuti, gamit sa sining, anting-anting, gamot, at salapi pa nga. Sa ngayon, ito ay pangunahin nang ginagamit sa paggawa ng alahas. Ano ba ito? Ang pulang korales mula sa Mediteraneo—napakahalaga anupat tinawag itong pulang ginto.
Ano ba talaga ang pulang korales? Paano at saan ito nabubuo? Anu-anong paraan ang ginamit upang makuha ito? Anong mga bagay ang gawa sa pulang korales noon? At anong mga bagay naman ang gawa mula rito ngayon?
Hayop, Gulay, o Mineral?
Inilarawan ng sinaunang mga naturalista ang pulang korales ng Mediteraneo (Corallium rubrum), kung paano ito kinukuha, at ang mga gamit nito. Noon lamang ika-18 siglo pangkaraniwang naunawaan na ang korales ay labíng kalansay ng isang organismo sa pangkat ng mga hayop, yamang lahat naman ng korales ay mga hayop. Ang tila mga bulaklak sa isang maliit na punungkahoy ay talagang mga galamay ng mga buháy na nilalang—mga kumpol ng mga polyp. Ang mga sanga, na umaabot nang mga 25 hanggang 30 sentimetro ang haba, ay mga tumining na solidong kalsiyum na ibinuga ng mga kumpol ng mga organismong ito upang protektahan ang kanilang sarili. Ang bawat sanga ay may isa lamang kulay, subalit makikita ang iba’t ibang uri ng kulay pula. Ang pulang korales ay tumutubo sa ibabaw ng anumang solido—isang bato, lumubog na barko, o isang sinaunang bala pa nga ng kanyon—sa lalim na 250 metro, subalit kailangan nito ang kalmado at malinis na karagatan na may napakaalat na tubig at ang temperatura ng tubig ay dapat na pabagu-bago sa pagitan ng 10 at 29 na digri Celsius. Masusumpungan ito sa karagatan ng Albania, Algeria, Espanya, Gresya, Italya, Morocco, Pransiya, Tunisia, at Yugoslavia sa Mediteraneo at sa karagatan ng Cape Verde at Morocco sa Atlantiko. Tinatayang ang bilis ng paglaki ng bagong mga kumpol taun-taon ay mula apat hanggang walong milimetro ang haba at mga 1.5 milimetro ang diyametro.
Pinahalagahan Mula Noong Unang Panahon
Ipinakikita ng ebidensiyang nahukay na ang korales ay malaon nang lubhang pinahahalagahan, ginagawang isang bagay, at ikinakalakal. Noon, malamang na tinitipon lamang ng tao ang mga sanga na natatangay sa mga dalampasigan ng Mediteraneo. Ang mga piraso ng pulang korales ay marahil ginamit bilang mga anting-anting, na nasumpungan sa sinaunang mga libingan sa Switzerland. Kabilang ito sa mga alahas ng isang bathalang Sumeriano. Napakahalaga nito para sa mga Ehipsiyo. Itinuring ng sinaunang mga Judio ang korales na kasinghalaga ng pilak at piling ginto. (Kawikaan 8:10, 11; Panaghoy 4:7) At itinuturing din ito ng mga Celt na napakahalaga, anupat ginagawa nila itong palamuti sa kanilang mga sandata at kabisada ng mga kabayo.
Ang naturalistang Romano na si Pliny ay nag-ulat na noong unang siglo C.E., ang pulang korales ay nakukuha sa Gulpo ng Lions, sa kahabaan ng kanlurang baybayin ng peninsula ng Italya, at sa palibot ng Sicily. Inaalis ang mga kumpol ng korales sa mga lambat o pinuputol ng matatalim na kasangkapang bakal. Noon, ang korales ay itinuturing na isang lunas para sa lagnat, pagkakaroon ng bato sa bato, at mga karamdaman sa mata. Ipinalalagay rin na ipinagsasanggalang nito ang mga nagmamay-ari nito mula sa mga bagyo at kidlat.
Noong ikasampung siglo C.E., naimbento ng mga Arabe sa Hilagang Aprika ang isang kasangkapan sa pagkuha ng korales—isang malaking krus na dayagonal, ang mga biga nito ay may sukat sa pagitan ng apat at limang metro ang haba. Ito’y pinabigat sa pamamagitan ng isang mabigat na bato at may mga grupo ng mga lambat, na mga walong metro ang haba, na nakabitin sa gitna at sa labas nito. Ang kasangkapan ay ibinababa mula sa isang bangka tungo sa ilalim ng dagat kung saan nabubuo ang korales at ito ay kinakaladkad sa mga korales. Ang mga sanga ng korales ay nababali, nasasabit sa mga lambat, at nakukuha kapag ang kasangkapan ay iniahon muli. Ginamit ang iba’t ibang uri ng kasangkapang ito at pamamaraan hanggang nitong nakalipas na ilang taon, nang ipagbawal ang paggamit ng mga ito dahil sa pagkabahala na sinisira nito ang pinakasahig ng dagat at ang mga halaman-dagat at sa halip ay pinili nila ang mga maninisid. Sa teoriya, maaaring maging mas mapamili at hindi gaanong mapanira ang mga maninisid, subalit sa kalakaran, napatunayang lubusang nilimas ng ilang maninisid ang korales sa pinakasahig ng dagat.
Ang Tradisyonal na Produkto sa Italya
Ang sinaunang bihasang mga manggagawang Romano ay gumawa ng mga anting-anting, mga abaloryo para sa mga kuwintas, at mga eskultura na kumakatawan sa mga bagay na mula sa mitolohiya at kalikasan. Noong ika-12 siglo, malakas ang pagluluwas ng mga kalakal ng mga abaloryo, butones, at iba pang bagay sa pagitan ng Genoa at Constantinople at sa iba’t ibang daungan sa Mediteraneo. Noong panahon ni Marco Polo (ika-13 siglo), marami sa India at Indochina ang gustong bumili ng korales ng Mediteraneo, at dinala ito ng mga negosyanteng Arabe hanggang sa Tsina.
Bukod pa sa ibang mga lunsod, ang Trapani, Naples, at Genoa ay gumawa ng napakaraming makikinis na palamuti. Namumukod-tangi noong tinatawag na mga panahon ng Mannerism at baroque mula ika-16 hanggang ika-18 siglo ang mga produkto ng Trapani, kung saan ipinapalamuti ang korales na maliliit ang hugis sa ibabaw ng kahoy o metal, na nagpapaganda sa lahat ng uri ng mga bagay-bagay—mga kahong pinaglalagyan ng alahas, bandeha, kuwadro ng litrato, salamin, at mga dekorasyon sa simbahan. Ang magagarbong belen ay nililok sa korales, at itinahi ang libu-libong maliliit na korales sa mahahalagang damit at sa mga palawit sa altar. Lalo na noong ika-19 na siglo, nagawa ang napakaraming personal na mga palamuti sa lahat ng istilo at hugis—mga set ng alahas, tiyara, hikaw, palawit, kuwintas, kameo, alpiler, at mga pulseras na inukit na kawangis ng mga bulaklak, dahon, hayop, at mga klasikong disenyo.
Ang bayan ng Torre del Greco, sa Look ng Naples, Italya, ang nagpapakadalubhasa sa pagpoproseso ng pulang korales. Sa katunayan, ang bayan ay nagpoproseso ng tinatayang 90 porsiyento ng lahat ng pulang korales na nakuha sa buong daigdig. Dito, ang dalubhasa at bihasang mga manggagawa ay gumagamit ng lagaring pabilog upang putulin ang mga sanga ng korales para maging pira-piraso. Ang ilan ay ginamitan ng makina upang makagawa ng mga abaloryong bilog. Ang iba naman ay manu-manong ginagawa na may espesipikong mga hugis at laki, pinakikinis, at inienggaste sa mga singsing, hikaw, at iba pang bagay. Kalahati hanggang tatlong-kapat ng likas na materyal ang nasasayang o natatapon sa pagpoproseso, at isa ito sa mga dahilan kung bakit ang alahas na korales ay mas mahal kaysa sa bawat gramo ng alahas na ginto.
Narating ng industriya ang tugatog ng tagumpay at nagkamal ito ng maraming salapi. Nakalulungkot nga, ganito ang sabi ng aklat na Il Corallo Rosso (Pulang Korales), naakit din nito ang mga taong “naudyukan ng hangarin na yumaman sa mabilis at madaling paraan,” na may kakayahang sairin ang mga kumpol ng korales “hanggang sa mawasak ang mga ito.” Ang pagkabahala sa kinabukasan ng korales na ito at sa industriya na umaasa rito ang nagpakilos sa interesadong mga tao na imungkahi ang makatuwirang pangangasiwa sa likas-yamang ito. Bagaman hindi itinuturing na isang uri na nanganganib na malipol, ang malalaking sanga na ginagamit ng mga alahero ay pahirap nang pahirap hanapin. Sa ngayon ang mga likas na materyales para sa alahas na korales ng Italya ay nanggagaling din sa Pasipiko. Iba’t ibang uri ang nakukuha sa palibot ng Hapon at Taiwan, sa lalim na mga 320 metro, na gumagamit pa nga ng maliliit na submarino at mga robot na ginagamitan ng remote-control. Tumutubo ang mahahalagang korales sa lalim na 1,500 metro na mga 2,000 kilometro ang layo mula sa Hawaii.
Ang kahanga-hangang kagandahan ng alahas at mga eskultura na korales ay nagpapatunay sa kadalubhasaan ng bihasang mga manggagawa na nagtaguyod sa kamangha-manghang tradisyon na ito. At para sa mga taong nagpapahalaga sa gawa ng ating Maylalang, ang “pulang ginto” ng Mediteraneo ay isang halimbawa ng di-mabilang na mga regalo niya na kinalulugdan ng tao.—Awit 135:3, 6.
[Larawan sa pahina 16]
Ika-19 na siglong kuwintas na binubuo ng 75,000 abaloryong korales
[Credit Line]
Per gentile concessione del Museo Liverino, Torre del Greco
[Larawan sa pahina 17]
Buháy na korales
[Mga larawan sa pahina 18]
Tiyara
Ika-17 siglong kalis
Set ng alahas
[Credit Line]
Lahat ng larawan: Per gentile concessione del Museo Liverino, Torre del Greco
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Per gentile concessione del Museo Liverino, Torre del Greco