Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagiging Ina Salamat sa artikulong itinampok sa pabalat na “Pagiging Ina—Kailangan Bang Maging Isang Superwoman?” (Abril 8, 2002) Inaakala ng marami ngayon na ang mga nanay na nasa bahay lamang ay hindi kasing-abala ng mga nagtatrabahong ina. Tinulungan ng inyong artikulo ang mga mambabasa na maunawaang ang lahat ng mga nanay ay mga nagtatrabahong ina!
T. M., Estados Unidos
Ang unang bagay na nakatawag ng aking pansin ay ang larawan ng isang superwoman sa pahina 2. Gusto kong basahin karaka-raka ang artikulo. Bilang isang ina na may dalawang maliliit na anak, masasabi kong ang pang-araw-araw na rutin ng isang ina ay makatotohanang inilarawan sa mga artikulo.
C. L., Alemanya
Ako po’y isang 12-taóng-gulang na babae, at nang matanggap ko po ang magasing ito, binasa ko ito kaagad. Batid ko na ngayon kung ano ang ginagawa ng aking inay para sa amin ni itay. Lalo ko pong pinahahalagahan ang tulong niya ngayon!
A. L., Estados Unidos
Nanganak ako ng isang sanggol na lalaki dalawang taon na ang nakalipas. Bago nito, isa akong buong-panahong ebanghelisador na may part-time na trabaho. Dahil sa pananabik ko sa aking dating istilo ng buhay, nadama kong hindi ako karapat-dapat sa aking papel bilang isang ina. Mahalaga para sa akin na makadama ng katiyakan, at iyan nga ang nadama ko habang binabasa ko ang mga artikulong ito.
S. T., Italya
Ngayon ko lamang napag-isip-isip ang ipinayo ninyo tungkol sa paglalaan ng panahon para magrelaks. Ginagawa ko na ito bago ko pa nabasa ang mga artikulong ito, subalit nakokonsensiya ako sa paggawa nito. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na maunawaang hindi ko kailangang makonsensiya basta pinananatili ko itong timbang.
C. C., Estados Unidos
Inaakala ng ilang ina na hindi nila natatanggap ang sapat na pagpapahalaga sa kanilang pagpapagal. Ang mga artikulong ito ay nagbigay ng pagpapahalaga na nararapat sa kanila. Bilang isang ina na may apat na anak, alam ko kung gaano kahirap na pagtimbangin ang pagiging isang maybahay at ang pagtatrabaho. Ang bagay na ginamit ni Jehova si Solomon upang isulat ang mga kaisipan tungkol sa masisipag na ina ay nakaaaliw sa akin at nagpapatibay-loob sa akin na gawin ang pinakamahusay na magagawa ko.
E. S., Alemanya
Bilang isang ina ng isang tatlong-taóng-gulang na batang babae, nakokonsensiya ako dahil sa lagi na lamang akong pagód na pagód. Tinulungan ako ng mga artikulong ito na maunawaang hindi lamang ako ang nakadarama ng ganito, at nagbigay sila ng ilang napakahusay na mga mungkahi sa kung ano ang magagawa ko upang mapabuti ang aking kalagayan.
K. J., Estados Unidos
Ipinakikita ng pabalat ng magasing ito ang isang ina na karga ang kaniyang maliit na anak. Waring kumakain ng isang hot dog ang bata. Katatapos lamang naming mag-asawa na mag-aral sa isang klase para sa CPR sa mga sanggol/bata. Sinabi ng tagapagturo na ang pagkain ng mga hot dog ang nangungunang sanhi para mabulunan ang mga sanggol at mga bata. Mahigpit niyang ipinagbawal ang pagpapakain sa mga bata ng mga hot dog.
G. E., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Sumasang-ayon kami na ang mga sanggol at maliliit na bata ay maaaring mabulunan sa pagkain ng mga “hot dog.” Sa katunayan, ang bata na nasa aming pabalat ay sumisipsip ng isang karot habang karga ng kaniyang ina.
Pakikipagtalastasan ng mga Hayop Maraming salamat sa artikulong “Wika sa Iláng—Ang mga Lihim ng Pakikipagtalastasan ng mga Hayop.” (Abril 8, 2002) Natawa ako nang mabasa ko ang pambihirang paraan ng wildebeest, o gnu, upang lituhin ang kaaway. Sa kabilang panig naman, napaiyak ako sa komento ni Joyce Poole tungkol sa napagmasdan niya na isang babaing elepante na “nagdadalamhati” sa anak nito na isinilang na patay. Ang gayong masigla at nakalulugod na mga artikulo ay nag-uudyok sa atin na mag-isip at tumutulong sa atin na matanto na ang pakikipagtalastasan ng mga hayop sa iláng ay nagdudulot ng “papuri sa isa na gumawa nito, ang Diyos na Jehova.” Magpatuloy nawa kayo sa pagsulat ng gayong mga artikulo!
A. G., Poland