Pag-asa—May Malaking Impluwensiya Nga ba Ito sa Ating Buhay?
SAMPUNG taóng gulang pa lamang siya, ngunit isang taon nang nakikipaglaban sa kanser si Daniel. Sumuko na ang kaniyang mga doktor, gayundin ang iba pang malalapít sa bata. Ngunit nanatiling umaasa si Daniel. Naniniwala siya na lálakí siyang isang mananaliksik at tutulong upang masumpungan ang lunas sa kanser balang-araw. Pantangi niyang inaasahan ang nalalapit na pagdalaw ng isang doktor na dalubhasa sa paggamot sa partikular na uri ng kanser na mayroon siya. Subalit nang dumating ang araw na iyon, napilitang kanselahin ng espesyalista ang kaniyang pagdalaw dahil sa masamang lagay ng panahon. Nanlumo si Daniel. Sa kauna-unahang pagkakataon, naging matamlay siya. Namatay siya pagkalipas ng ilang araw.
Ang nangyari kay Daniel ay inilahad ng isang tagapangalaga ng kalusugan na nagsuri sa papel na ginagampanan ng pag-asa at kawalang-pag-asa may kaugnayan sa kalusugan. Maaaring nakarinig ka na ng kuwentong katulad nito. Halimbawa, isang may-edad na ang malapit nang mamatay ngunit sabik pa ring masaksihan ang isang matagal nang hinihintay na mahalagang pangyayari—ito man ay pagdalaw ng isang mahal sa buhay o isang anibersaryo lamang. Nang maganap at lumipas na ang pangyayaring ito, di-nagtagal ay namatay ang taong iyon. Ano ang nakaiimpluwensiya sa gayong mga kalagayan? Maaari nga bang maging makapangyarihang puwersa ang pag-asa gaya ng pinaniniwalaan ng ilan?
Sinasabi ng dumaraming mananaliksik sa medisina na talagang may makapangyarihang epekto sa buhay at kalusugan ng isang tao ang pagiging optimistiko, ang pag-asa, at ang iba pang positibong mga damdamin. Ngunit hindi pare-pareho ang gayong mga pangmalas. Itinuturing ng ilang mananaliksik na isang bunton lamang ng di-makasiyensiyang kuwentong-bayan ang lahat ng gayong pag-aangkin. Mas gusto nilang isipin na ang pisikal na mga karamdaman ay may pisikal na mga sanhi lamang.
Siyempre pa, hindi na bago ang pag-aalinlangan sa kahalagahan ng pag-asa. Libu-libong taon na ang nakalilipas, tinanong ang pilosopong Griego na si Aristotle upang bigyang-katuturan ang pag-asa at sumagot siya: “Ito ay pangangarap nang gising.” At ilang siglo pa lamang ang nakalilipas, tahasang sinabi ng estadistang Amerikano na si Benjamin Franklin: “Siya na nabubuhay sa pag-asa ay mamamatay nang nag-aayuno.”
Kung gayon, ano ba ang totoo tungkol sa pag-asa? Lagi ba itong pangangarap lamang, isang paraan upang makasumpong ng kaaliwan ang mga tao sa walang-saysay na mga panaginip? O may makatuwirang dahilan upang ituring ang pag-asa bilang isang bagay na hindi lamang panaginip—isang bagay na kailangan nating lahat upang matamasa ang mabuting kalusugan at kaligayahan, isang bagay na may tunay na saligan at mga kapakinabangan?