Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/8 p. 12-14
  • Nabuhay-Muli ang Aklatan ng Alejandria

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nabuhay-Muli ang Aklatan ng Alejandria
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Naitatag ang Aklatang Ito
  • Naglaho ang Aklatan
  • Pagsasauli sa Dati Nitong Kaluwalhatian
  • Alejandria
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Aklatan—Mga Pintuang-daan ng Kaalaman
    Gumising!—2005
  • Kung Papaano Makagagawa ng Isang Teokratikong Aklatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ano ang Maitutulong sa Atin ng Library ng Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/8 p. 12-14

Nabuhay-Muli ang Aklatan ng Alejandria

ISA ito sa pinakabantog na mga aklatan noong panahon nito. Dahil dito, ang lunsod na kinaroroonan nito, ang Alejandria, sa Ehipto, ay naging isang importanteng sentro para sa pinakamarurunong na tao sa daigdig. Wala talagang nakatitiyak kung paano ito naglaho, pati na ang kasama nitong napakahahalagang akda na lubhang nakaapekto sa edukasyon. Ngayon, para bang nabuhay-muli ang malaking aklatang iyon.

Nang itayong muli ang bantog na aklatan ng Alejandria, kakaiba ang naging hugis ng istraktura nito. Ang pangunahing gusali ng Bibliotheca Alexandrina, na siyang opisyal na tawag sa bagong aklatan, ay kagaya ng isang pagkalaki-laking nakatagilid na tambol. Ang bubong nito na gawa sa salamin at aluminyo (1)​—na halos kasinlaki ng dalawang palaruan ng football​—ay kinabitan ng mga bintana na nakaharap sa hilaga na siyang nagbibigay ng liwanag sa pangunahing silid para sa pagbabasa (2). Ang gusaling ito na waring malapad at pinutol na silinder ang kinaroroonan ng pangunahing espasyo para sa publiko at may bahagi itong mas mababa kaysa sa kapantayan ng dagat. Ang patag at makintab na bubong ng gusali ay bahagyang dahilig mula sa taas na pitong palapag anupat ang kabilang bahagi nito ay parang nasa malalim na hukay. Mula sa malayo, habang kumikinang ang metal na bubong nito dahil sa sikat ng araw, ang gusali ay mistulang sumisikat na araw.

Ang gusaling ito na mukhang nakatagilid na tambol ay may pader sa labas na binubuo ng isang matarik at malapad na kurba ng granitong kulay-abo, na may mga ukit ng magkakatabing letra mula sa sinauna at makabagong mga alpabeto (3). Ang patung-patong na mga bloke ng letra ay angkop na lumalarawan sa mga elemento na nagsilbing pundasyon ng kaalaman.

Isang maluwang at nakaayos na parang hagdan na silid para sa pagbabasa ang masusumpungan sa kalakhang bahagi ng loob ng gusaling ito (4). Naglagay ng espasyong imbakan para sa 8,000,000 tomo sa mga taguan sa ilalim ng gusali. Kabilang sa iba pang katangian ng gusali ang mga espasyo para sa eksibit, mga bulwagan para sa mga lektyur, espesyal na mga paglalaan para sa mga may kapansanan sa paningin (5), at isang planetaryum​—isang hiwalay na hugis-bilog na istraktura na kahawig ng isang satelayt na nakabitin sa gitna ng kalawakan (6). Idagdag pa ang sopistikadong sistema ng computer at pamatay-sunog upang makumpleto ang lubhang makabagong institusyon na ito.

Kung Paano Naitatag ang Aklatang Ito

Noong sinaunang panahon, ang lunsod ng Alejandria ay nakilala dahil sa naglahong bantog at kamangha-manghang mga bagay na gaya ng Pharos​—isang parola na sinasabing mahigit na 110 metro ang taas at itinuturing na isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig​—at ng libingan ni Alejandrong Dakila. Minana ng dinastiyang Griego ng mga Ptolemy ang Ehipto mula kay Alejandro at pinamahalaan nila ang bansa hanggang sa talunin ni Octavian si Antony at Cleopatra noong 30 B.C.E. Sa ilalim ng mga Ptolemy, nagbago ang Alejandria. Ang totoo, “sa loob ng ilang panahon ay naging sentro ito ng komersiyo at kultura ng buong daigdig,” ang sabi ng Atlas of the Greek World. Sa tugatog nito, mga 600,000 katao ang nakatira sa Alejandria.

Ang pinakamalaking atraksiyon ng lunsod ay ang maharlikang aklatan nito. Itinatag nang bandang pasimula ng ikatlong siglo B.C.E. at sinuportahan nang husto ng pamilya Ptolemy ang aklatan, at ito, kasama na ang Mouseion (Templo ng mga Musa), ang naging sentro ng kaalaman at imbensiyon sa daigdig ng mga Griego.

Pinaniniwalaang ang aklatan ay naglalaman ng 700,000 balumbong papiro. Bilang paghahambing, noong ika-14 na siglo, ang aklatan ng Sorbonne​—na ipinagmamalaking nagtataglay ng pinakamalaking koleksiyon noong panahong iyon​—ay naglalaman lamang ng 1,700 aklat. Gustung-gusto talaga ng mga tagapamahala ng Ehipto na palakihin ang kanilang koleksiyon anupat nagsusugo sila ng mga sundalo para halughugin ang bawat dumarating na sasakyang pandagat para makita kung may dala itong mga balumbon. Kapag may nasumpungan, kinukuha nila ang mga orihinal na sipi at ang isinasauli ay mga kopya na lamang. Ayon sa ilang pinagmumulan ng impormasyon, nang ipahiram ng Atenas kay Ptolemy III ang napakahalaga at orihinal na mga kopya ng klasikal na mga dramang Griego, nangako siyang magbabayad ng deposito at kokopyahin ang mga ito. Pero sa halip ay kinuha ng hari ang orihinal na mga kopya, hindi binayaran ang deposito, at mga kopya na lamang ang ibinalik.

Napakahaba ng talaan ng mga henyong nagtrabaho sa aklatan at museo ng Alejandria. Ang mga iskolar sa Alejandria ay pinapurihan dahil sa kanilang dakilang mga akda sa heometriya, trigonometri, at sa astronomiya, gayundin sa wika, panitikan, at medisina. Ayon sa tradisyon, dito isinalin ng 72 Judiong iskolar ang Hebreong Kasulatan tungo sa Griego, sa gayo’y natapos ang bantog na Septuagint.

Naglaho ang Aklatan

Balintuna nga, nadama ng mga mananalaysay na hindi na kailangang ilarawan nang detalyado ang mga institusyon ng Alejandria. Ang isang halimbawa nito ay ang pananalita ni Athenaeus, isang istoryador noong ikatlong siglo: “Hinggil sa dami ng aklat, sa pagtatatag ng mga aklatan, at sa koleksiyon sa Bulwagan ng mga Musa, bakit kailangan ko pang magsalita hinggil sa mga ito, yamang nasa alaala naman ng mga tao ang lahat ng ito?” Nakasisiphayo ang gayong mga komento para sa makabagong mga iskolar, na gustung-gustong makaalam nang higit pa tungkol sa kawili-wiling sinaunang aklatan na ito.

Nang lupigin ng mga Arabo ang Ehipto noong 640 C.E., malamang na wala na ang aklatan ng Alejandria. Nagtatalo pa rin ang mga iskolar kung paano at kailan ito eksaktong naglaho. Sinasabi ng ilan na marami sa mga nilalaman nito ay malamang na nawala nang sunugin ni Julio Cesar ang bahagi ng lunsod noong 47 B.C.E. Anuman ang dahilan, ang paglalaho ng aklatang iyon ay nangangahulugan ng pagkawala ng saganang kaalaman. Nawala nang tuluyan ang daan-daang akda ng mga dramatistang Griego, kasama na ang nakasulat na mga rekord ng unang 500 taon ng kasaysayan ng mga Griego maliban sa ilang akda nina Herodotus, Thucydides, at Xenophon.

Noong pagitan ng ikatlo at ikaanim na siglo C.E., madalas na may kaguluhan sa lunsod ng Alejandria. Ang mga pagano, Judio, at di-umano’y mga Kristiyano ay madalas na nagdidigmaan sa isa’t isa at naglalabanan nang sila-sila mismo hinggil sa inililihim na mga punto ng doktrina. Sa maraming pagkakataon ang simbahan mismo ang nagbuyo sa mga manggugulo na dambungin ang mga templo ng mga pagano. Napakaraming sinaunang balumbon ang nasira dahil dito.

Pagsasauli sa Dati Nitong Kaluwalhatian

Ang aklatan na itinayong muli ay nagbukas noong Oktubre 2002, at naglalaman ito ng mga 400,000 aklat. Mayroon itong sopistikadong sistema ng computer na magagamit upang makapagsaliksik sa iba pang mga aklatan. Ang pangunahing koleksiyon ay nagbibigay-pansin sa mga sibilisasyon sa silangang Mediteraneo. Palibhasa’y may espasyo para sa 8,000,000 aklat, nagsisikap ang Aklatan ng Alejandria na pagandahin ang katayuan ng sinaunang lunsod na ito.

[Kahon sa pahina 14]

KILALÁNG MGA TAO SA SINAUNANG ALEJANDRIA

ARCHIMEDES: Matematiko at imbentor, ikatlong siglo B.C.E. Sinasabing nakagawa ng maraming tuklas at gumawa ng sinaunang makasiyensiyang pagsisikap na kalkulahin ang halaga ng pi (π).

ARISTARCHUS NG SAMOS: Astronomo, ikatlong siglo B.C.E. Unang gumawa ng espekulasyon na ang mga planeta ay umiikot sa palibot ng araw. Ginamit niya ang trigonometri sa pagsisikap na kalkulahin ang distansiya ng araw at buwan pati na ang sukat ng mga ito.

CALLIMACHUS: Makata at punong librarian, ikatlong siglo B.C.E. Tinipon niya ang kauna-unahang indise ng aklatan ng Alejandria, isang akda na bumuo sa kanon ng klasikong panitikan sa Griego.

CLAUDIUS PTOLEMY: Astronomo, ikalawang siglo C.E. Ang kaniyang mga akda sa heograpiya at astronomiya ay pamantayang mga akda.

ERATOSTHENES: May malawak na kaalaman sa maraming paksa at isa sa pinakaunang mga librarian ng Alejandria, ikatlong siglo B.C.E. Kinalkula niya ang sirkumperensiya ng lupa nang may makatuwirang antas ng katumpakan.

EUCLID: Matematiko, ikaapat na siglo B.C.E. Ang ama ng heometriya at tagapagpasimula sa pag-aaral ng optics. Ang kaniyang akdang Mga Elemento ang pamantayang akda sa heometriya hanggang noong ika-19 na siglo.

GALEN: Manggagamot, ikalawang siglo C.E. Ang kaniyang 15 aklat sa siyensiya ng medisina ang naging pamantayang mga akda sa loob ng mahigit na 12 siglo.

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Lahat ng larawan, sa dalawang pahina: Courtesy of the Bibliotheca Alexandrina: Mohamed Nafea, Photographer

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share