Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Ipagtapat sa Akin ng Iba ang Kanilang mga Problema?
“Mayroon akong kaeskuwela. Magdidiborsiyo ang kaniyang mga magulang, at unti-unting bumababa ang mga grado niya. Sinasabi niya sa akin ang kaniyang mga problema sa pamilya.”—Jan, 14 anyos.
“Ipinagtapat sa akin ng kaeskuwela kong babae na nakipagtalik siya sa isang lalaki. Nagdalang-tao siya at nagpalaglag nang hindi man lamang nalalaman ng kaniyang mga magulang.”—Mira, 15 anyos.
NAKIKIPAG-USAP ka sa isang kaibigan o kaeskuwela. Mayamaya, ipinagtapat niya sa iyo ang kaniyang problema. Marahil ay ikinababahala niya ang karaniwang mga problema ng mga tin-edyer—damit, pera, hitsura, kasamahan, at mga grado. Sa kabilang panig naman, maaaring mas mabigat at mahirap ang mga problemang kinakaharap niya.
Ipinakikita lamang ng situwasyon sa Estados Unidos kung gaano kalubha ang maaaring maging problema ng mga kabataan. Ayon sa magasing Newsweek, “tinataya ng National Institutes of Mental Health (NIMH) na 8 porsiyento ng mga nagbibinata’t nagdadalaga at 2 porsiyento ng mga bata (ang ilan ay 4 na taóng gulang) ang may sintomas ng depresyon.” Ganito ang sinabi ng isa pang surbey: “Mga 97 sa bawat 1,000 babaing ang edad ay 15-19—isang milyong Amerikanang tin-edyer—ang nagdadalang-tao taun-taon. Ang karamihan sa mga pagdadalang-taong ito—78 porsiyento—ay di-sinasadya.” Nariyan din ang milyun-milyong kabataan na naninirahan sa tahanang mabuway ang mga ugnayan. Libu-libo ang nagiging biktima ng pisikal o seksuwal na pang-aabuso. Mahigit sa kalahati ng mga magsisipagtapos ng haiskul sa Estados Unidos ang nakapag-abuso ng inuming de-alkohol. Nakababahala ang dumaraming kabataang napapaharap sa sakit na nauugnay sa pagkain.
Hindi nga kataka-taka na kailangang-kailangan ng maraming kabataan ang isang makakausap at mapagtatapatan! At kadalasan na ang una nilang kinakausap ay ang isang kasamahan. Ano ang dapat mong gawin kung nagkataong ikaw ang kasamahang iyon? Kung isa kang Kristiyano, hindi nakapagtatakang ikaw ang kanilang lapitan. Iniuutos ng Bibliya sa mga Kristiyano na sila’y maging “halimbawa” sa paggawi at maging makatuwiran. (1 Timoteo 4:12; Filipos 4:5) Kaya ang iba pang mga kabataan—pati na ang mga di-sumasampalataya—ay maaaring nagnanais na magtapat sa iyo. Kung gayon, paano mo dapat harapin ang gayong situwasyon? At paano kung nadarama mong hindi mo kayang harapin ang ilang bagay na sinabi nila sa iyo?
Maging Mabuting Tagapakinig
Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Kapag may problema ang isang tao at nais niyang makipag-usap sa iyo, kadalasan nang ang pinakamabuting gawin ay makinig lamang. Tutal, hinahatulan ng Bibliya ang mga nagwawalang-bahala sa “daing ng maralita.” (Kawikaan 21:13) Maaaring nag-ipon pa ng lakas ng loob ang iyong kasamahan para masabi niya sa iyo ang bagay na iyon. Ang iyong pagiging handang makinig ay maaaring magpadali sa kaniya na magsalita. “Karaniwan nang hinahayaan ko lamang magsalita ang nagtatapat sa akin,” ang sabi ng kabataang Kristiyano na si Hiram. “Hinahayaan kong sabihin niya kung ano ang kaniyang iniisip, at sinisikap kong magpakita ng simpatiya.” Gayundin ang sinabi ni Vincent: “Kung minsan, gusto lamang ng mga tao na may makausap.”
Kaya maaaring hindi naman inaasahan ng iyong kasamahan na lulutasin mo ang kaniyang mga problema. Baka kailangan lamang niya ang isang mabuting tagapakinig. Kaya makinig! Iwasang magambala ka ng nasa paligid mo o sumabad nang di-kinakailangan. Baka ang pagkanaroroon mo at ang iyong pakikinig lamang ay malaking tulong na. Ipinakikita nito na talagang nagmamalasakit ka.
Nangangahulugan ba ito na wala kang dapat sabihin bilang tugon? Nakasalalay iyan nang malaki sa uri ng problemang kinakaharap niya. Karaniwan na, naaangkop ang isang pinag-isipan at mabait na tugon. (Kawikaan 25:11) Halimbawa, kung ang isang kakilala ay nakaranas ng personal na trahedya, maaaring ang pinakamagaling na magagawa ay magpakita ng simpatiya. (Roma 12:15) Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 12:25: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” Marahil ay kailangan lamang na patibayin mo siya. Sabihin mong nagtitiwala kang mapagtatagumpayan niya ang kaniyang problema. Ang mga pananalitang gaya ng “Naiintindihan ko na kung bakit ganiyan ang nadarama mo” o “Ikinalulungkot ko na kailangan mong harapin ito” ay makapagpapahiwatig sa iyong kasama na ikaw ay taimtim at nais mo siyang tulungan.
Gayunpaman, nagbababala ang Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” Mahalagang iwasan ang mga komentong gaya ng “Hindi naman pala ganoon kagrabe ang problema mo,” “Kalimutan mo na lang iyan,” o “Hindi ka dapat makadama ng ganiyan.” Mag-ingat din na huwag sikaping pagaanin ang problema sa pamamagitan ng pagpapatawa. Baka isipin agad ng iyong kasama na hindi mo iginagalang ang kaniyang damdamin.—Kawikaan 25:20.
Gayunman, paano kung wala kang masabi? Maging tapat. Sabihin mo sa iyong kaibigan na hindi mo talaga alam kung ano ang sasabihin mo pero gusto mo pa ring makatulong sa kaniya. Tanungin siya, “Ano ba ang maitutulong ko?” Oo, maaaring may magawa kang ilang praktikal na bagay upang mapagaan ang kaniyang pasan.—Galacia 6:2.
Pagbibigay ng Nakaaaliw na Payo
Paano kung nangangailangan ng payo ang iyong kasama? Siyempre, bilang isang kabataan, wala ka pang gaanong karanasan. (Kawikaan 1:4) Kaya baka hindi ka kuwalipikadong magbigay ng payo sa bawat problema. Subalit ganito ang sinasabi ng Awit 19:7: “Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” Oo, sa kabila ng pagiging “walang-karanasan,” maaaring may sapat kang kaalaman sa mga simulain ng Bibliya na makatutulong sa isang kasamahang nangangailangan. (Kawikaan 27:9) Bakit hindi mo ibahagi ang ilang punto mula sa Bibliya sa paraang hindi naman nagsesermon? Kapag hindi ka tiyak kung aling mga simulain sa Bibliya ang maikakapit sa problema, magsaliksik ka. Sa loob ng maraming taon, ang bahagi ng magasing ito na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay nakapaglathala na ng maraming payo na nakasalig sa Bibliya hinggil sa iba’t ibang paksa. Ang isa pang mahalagang pinagmumulan ng impormasyon ay ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.a
Maaaring maging mabisang tulong kung ibabahagi mo ang iyong mga karanasan. Marahil ay mayroon kang ilang praktikal na mungkahi. Maaari mong ipaliwanag kung ano ang nakatulong sa iyo nang hindi naman iginigiit ang iyong mga pananaw. (Kawikaan 27:17) Gayunman, tandaan na hindi pare-pareho ang bawat situwasyon. Baka ang mabisa sa iyo ay hindi naman mabisa sa lahat.
Mga Pag-iingat
Huwag gumugol ng labis na panahon sa pakikinig sa mga problema ng mga kabataang hindi naman natatakot kay Jehova ni gumagalang sa mga pamantayang Kristiyano. Marami sa kanilang mga problema ay maaaring bunga ng istilo ng pamumuhay na hindi kasuwato ng Bibliya. Ang pagsisikap na tulungan ang mga humahamak sa payo ng Bibliya ay maaaring makadismaya sa inyong dalawa. (Kawikaan 9:7) Isa pa, maaaring mahantad ka sa maraming mangmang o mahalay pa ngang pag-uusap. (Efeso 5:3) Kaya kung waring asiwâ ka sa usapan, magkaroon ng lakas ng loob na sabihing wala ka sa kalagayan na tumulong o na hindi ka komportable sa paksang iyon.
Mag-ingat ka kung ang isang di-kasekso ay nagsisikap na sabihin sa iyo ang kaniyang niloloob. Nagbababala ang Bibliya na ang puso ay mapandaya. (Jeremias 17:9) Ang malapít na pakikipagsamahan ay maaaring pumukaw ng romantikong damdamin at umakay pa nga sa seksuwal na imoralidad.
Bukod dito, huwag kang mangakong hindi mo sasabihin sa kahit kanino ang ipinagtapat niya sa iyo. May-kahinhinang kilalanin na ang kausap mo ay maaaring mangailangan ng higit pang tulong kaysa sa maibibigay mo.—Kawikaan 11:2.
Kapag Kailangan ang Tulong ng Iba
Sa maraming kaso, ang pinakamagaling ay humingi ng tulong sa iba upang matulungan mo ang iyong kaibigan. Si Mira, na sinipi sa pasimula, ay nagsabi: “Hindi ko talaga alam kung paano tutulungan ang kaeskuwela ko. Kaya kinausap ko ang isang elder sa kongregasyon hinggil dito, at nagbigay siya ng mahusay na payo kung paano tutulungan ang kaeskuwela ko.” Oo, sa loob ng kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova, may makaranasang mga lalaki na makatutulong sa iyo. (Efeso 4:11, 12) Iminungkahi ng elder kay Mira na himukin niya ang kaniyang kaeskuwela na makipag-usap sa mga magulang nito. Sinunod naman ng kaeskuwela ni Mira ang kaniyang payo. Ganito ang sinabi ni Mira: “Bumuti ang kaniyang kalagayan. Ngayon ay gusto niyang makaalam nang higit pa tungkol sa Bibliya.”
Paano kung may kompidensiyal na bagay na ipinagtapat sa iyo ang isang kapuwa Kristiyano? Siyempre, nanaisin mong gawin ang lahat ng makatuwirang magagawa mo para makatulong. (Galacia 6:10) Kung nangangamba kang napapalayo na siya sa mga pamantayang moral ni Jehova, huwag matakot na ‘magsalita ng katotohanan’ sa kaniya. (Efeso 4:25) Maging tapat pero huwag maging mapagmatuwid sa sarili. Ang iyong pagsasalita nang prangkahan ay tanda ng isang tunay na kaibigan.—Awit 141:5; Kawikaan 27:6.
Sa gayong situwasyon, mahalaga ring himukin ang iyong kaibigan na humingi ng tulong—sa kaniyang mga magulang, sa isang elder, o sa isang may-gulang na Kristiyano na iginagalang niya. Kung nakalipas na ang isang makatuwirang haba ng panahon at hindi pa rin siya nakikipag-usap sa iba, baka kinakailangang ikaw na ang makipag-usap sa iba para sa kaniya. (Santiago 5:13-15) Maaaring kakailanganin mo ang lakas ng loob para gawin ito, pero ipinakikita nito na talagang nagmamalasakit ka at nais mo ang pinakamagaling para sa iyong kaibigan.
Siyempre pa, hindi inaasahan ni Jehova na lulutasin mo ang mga problema ng lahat ng tao. Pero kapag may nagtapat sa iyo ng kaniyang mga problema, hindi mo kailangang madama na wala kang maitutulong. Gamitin ang mga natutuhan mo bilang Kristiyano, at patunayan na isa kang “tunay na kaibigan.”—Kawikaan 17:17.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 21]
Sa ilang kaso, baka kailangan mong humingi ng tulong sa iba para matulungan mo ang isang kaibigang may problema