Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtatangi Salamat sa seryeng “Magwawakas Pa Kaya ang Pagtatangi?” (Setyembre 8, 2004) Habang binabasa ko ito, natanto ko na ako mismo ay medyo nagtatangi. Nakapagtataka ito sapagkat madalas akong nagagalit sa mga nagtatangi. Alam kong matutulungan ako ng magasing ito.
M. U., Estados Unidos
Bagaman malayo sa aking bayang tinubuan ang tirahan ko, hindi ko nadaramang biktima ako ng pagtatangi. Subalit tinulungan ako ng seryeng ito na makiramay sa mga biktima ng pagtatangi. Nagpapasalamat tayo na malapit nang wakasan ni Jehova ang problemang ito!
T. G., Norway
Pinapupurihan ko kayo sa inyong intensiyon na papag-isipin ang mga tao hinggil sa problema sa pagtatangi. Subalit, sa tingin ko ay nagpapakita rin kayo ng pagtatangi sa pahina 8 at 9. Inilarawan ninyo roon ang dalawang nagdaraang Judio na hindi tumulong sa nasaktang tao. Bakit mga Judio ang pinili ninyo?
H. H., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Ang lalaking Judio na si Jesus ang nagkuwento hinggil sa madamaying Samaritano. Noong panahon ni Jesus, maraming Judio ang may pagtatangi sa mga Samaritano. Kaya sa pagpapakita na ang isang taong may ibang lahi ay maaaring maging mabuting kapuwa sa isang Judio, tinuturuan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na Judio ng isang napakahalagang aral.
Mga Karamdaman sa Isip Salamat sa artikulong “Kapag May Karamdaman sa Isip ang Iyong Minamahal.” (Setyembre 8, 2004) Maraming taon nang may karamdaman sa isip ang aking nanay. Nauunawaan ko na ngayon na dapat ko siyang himuking humingi ng tulong at walang dapat ikahiya sa paggawa nito.
M. P., Ukraine
Ako po’y 16 anyos lamang, subalit maraming taon na akong dumaranas ng depresyon. Maraming salamat po sa pagsulat ninyo ng gayong nakatutulong na artikulo upang gumabay sa akin sa mahihirap na panahon. Tiyak na hindi lamang ako ang makikinabang.
K. J., Alemanya
Patuloy po kayong sumulat ng gayong mga artikulo! Tinutulungan kaming lahat nito na kilalanin ang pangangailangang maging mas matiisin at maibigin at hingin ang tulong na kailangan namin. Sabik na sabik na kaming mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, na wala nang gayong mapaminsalang karamdaman!
K. F., Estados Unidos
Mga Kabataan Ako po’y 15 taóng gulang, at madalas din po akong nakikipag-usap sa aking mga guro at kaklase tungkol sa aking pananampalataya. Totoo po ang sinasabi ng artikulong “Mga Kabataan na Nagsasalita Para sa Kanilang Pananampalataya” (Setyembre 8, 2004)—nagsisilbi talagang proteksiyon ang pagpapatotoo sa paaralan. Patuloy po sana kayong sumulat ng gayong maiinam na artikulo!
R. B., Alemanya
Paraiso Nasiyahan po ako sa artikulong “Munting Paraiso.” (Setyembre 8, 2004) Ngayon ko lamang po nalaman ang tungkol sa maraming hayop na binanggit doon! Mula ngayon, sisikapin ko pong basahin ang bawat isyu ng Gumising!
W. C., Pransiya
Maraming salamat sa artikulong ito. Bihira akong umalis sa nayon na tinitirhan ko, ngunit kapag binabasa ko ang Gumising!, regular akong “nakapaglalakbay.” Dahil sa kagandahan ng mga nilalang ni Jehova, patuloy tayong namamangha at nalalaman natin ang kaniyang dakilang pag-ibig.
D. H., Estados Unidos
Isang Bagay na Mas Mainam Lubha akong naantig sa talambuhay ni Charles Sinutko gaya ng ikinuwento sa artikulong “Mas Mainam Kaysa sa Katanyagan.” (Agosto 22, 2004) Tinalikuran ni Brother Sinutko ang kaniyang karera at iniwan ang katanyagan at kayamanan upang maglingkod kay Jehova. Kontento silang mag-asawa sa simpleng pamumuhay. Napaluha ako dahil sa kanilang matibay na pananampalataya at napasigla akong magtiwala kay Jehova. Napatibay akong pag-ibayuhin pa ang aking pagsisikap sa ministeryo. Salamat sa nakapagpapatibay-loob na talambuhay na ito.
I. B., Poland