Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 7/22 p. 12-13
  • Pagsisikap na Pakanin ang Isang Bilyon Katao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsisikap na Pakanin ang Isang Bilyon Katao
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Nakikita sa Gawa Kaysa sa Salita
  • Saligan Para Umasa
  • Mga Bihag ng Karalitaan
    Gumising!—1998
  • Gutom sa Gitna ng Kasaganaan—Bakit?
    Gumising!—1985
  • Karalitaan—Paghanap ng Permanenteng Solusyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Sino ang Makapagpapatigil sa ‘Hiyaw ng Gutom’?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 7/22 p. 12-13

Pagsisikap na Pakanin ang Isang Bilyon Katao

BAWAT araw, isang bilyon katao ang hindi nakakakain nang sapat upang mapawi ang kanilang gutom. Subalit hindi dapat mangyari ang napakasaklap na kalagayang ito, ayon sa United Nations.

“Sinabi ninyo na ang inyong pangunahing priyoridad ay pawiin ang labis na karukhaan.” Ganiyan ang sinabi ng kalihim-panlahat ng United Nations na si Kofi Annan noong Setyembre 8, 2000, sa isang asamblea ng pinakamaimpluwensiyang mga lalaki at babae sa daigdig. Nagtipun-tipon sila para sa United Nations Millennium Summit, kung saan marami sa mga lider na iyon ang prangkahang nagkomento hinggil sa mga problema ng mga maralita sa daigdig. “Insulto sa sangkatauhan ang labis na karukhaan,” ang sabi ng bise presidente ng Brazil. Ganito pa nga ang sinabi ng punong ministro ng Gran Britanya: “Ang mauunlad na bansa sa daigdig ay may nakalulungkot na rekord ng pagkabigo sa Aprika na gumigitla at nagdudulot ng kahihiyan sa ating sibilisasyon.”

Nilinaw ng dalawang tagapagsalitang iyon na inilagay ng mga bansa ang kanilang sarili sa kahihiyan dahil sa hindi paggawa ng kanilang makakaya upang pakanin ang mga taong namamatay sa gutom. Bilang patunay ng kanilang pagnanais na iangat ang mga kalagayan ng pamumuhay ng lahat ng tao sa lupa, nangako ang mga dumalo sa pulong ng matataas na opisyal na gagawa sila ng mga hakbang na nakapaloob sa isang resolusyong binubuo ng walong bahagi. Ganito ang sinasabi sa isang bahagi: “Gagawin namin ang lahat upang palayain ang aming kapuwa lalaki, babae at bata mula sa kahabag-habag at di-makataong mga kalagayang sanhi ng labis na karukhaan, na kasalukuyang kinasasadlakan ng mahigit isang bilyon sa kanila. . . . Pinagtitibay pa namin na: Bawasan nang kalahati, pagsapit ng taóng 2015, ang dami ng mga tao sa daigdig na ang kinikita ay wala pang isang dolyar araw-araw at ang dami ng mga taong nagtitiis ng gutom.”

Anong pagsulong ang nagawa na upang maabot ang marangal na tunguhing iyan mula noong Setyembre 2000?

Mas Nakikita sa Gawa Kaysa sa Salita

Noong 2003, sinimulang suriin ng Global Governance Initiative ng World Economic Forum ang mga naisakatuparan na upang matamo ang mga tunguhing ibinalangkas sa United Nations Millennium Declaration. Ganito ang isinasaad sa opisyal na report, na inilabas noong Enero 15, 2004: “Sa kabila ng napakahahalagang tunguhin nito, bigung-bigo ang daigdig sa paggawa ng kinakailangang mga pagsisikap.” Hinggil sa pagkagutom, ganito ang isinasaad sa report: “Ang problema ay hindi ang ganap na kakulangan ng pagkain sa daigdig​—may sapat para sa lahat. Ang problema kasi ay hindi nakaaabot sa mga taong walang salapi ang makukuhang pagkain at sapat na nutrisyon.”

Hinggil sa pangkalahatang problema sa karukhaan, ganito ang sinasabi sa report: “Ang hindi puspusang pagtupad sa pangako ay pangunahin nang maisisisi ngayon sa mayayaman at mahihirap na pamahalaan. Subalit ang pangglobong sistema ng ekonomiya na binuo ng mayayaman ay madalas na laban sa maralita. Ang mayayamang bansa, sa kabila ng napakarami nilang retorika, ay hindi gaanong interesado na baguhin ang sistemang iyon o palakihin ang tulong sa pagpapaunlad ng mahihirap.” Sa harap ng ganitong pagbatikos, patuloy na nagdedebate ang mga pulitiko sa halip na kumilos at patuloy na minamaniobra ng mga pamahalaan ang mga bagay-bagay, para sa kani-kanilang kapakinabangan. Samantala, patuloy na kumakalam ang sikmura ng mga maralita sa daigdig.

Isang buklet mula sa World Economic Forum, na pinamagatang “Mula sa Pagmimithi Tungo sa Pagkilos,” ang nagbababala na “darami ang mga nagugutom sa malalawak na rehiyon ng populasyon ng tao maliban na lamang kung babaguhin ang internasyonal na mga patakaran sa pangangalakal, itutuon ang pambansang mga patakaran sa pagpawi ng gutom at pag-iibayuhin ang lokal na mga pagsisikap na napatunayan nang matagumpay.” At sino ang kailangang gumawa ng mas magagaling na patakaran at “lokal na mga pagsisikap na napatunayan nang matagumpay”? Ang mismong mga pamahalaan na naghayag sa publiko noong 2000 ng kanilang kapasiyahang iangat ang kalagayan ng buong sangkatauhan.

Ang isang nasirang pangako ay maaaring magbunga ng pagkasiphayo; ang maraming nasirang pangako ay nagbubunga ng kawalang-pagtitiwala. Dahil sa hindi pagtupad sa kanilang mga pangako na asikasuhin ang mahihirap, umani ng kawalang-pagtitiwala ang mga pamahalaan. Isang beses lamang sa isang araw napakakain ng isang inang may limang anak na naninirahan sa mahirap na bansa sa Caribbean ang kaniyang pamilya. Ganito ang sabi niya: “Ang iniintindi ko na lamang ay kung makakakain kami. Hindi mahalaga kung sino ang nasa kapangyarihan. Wala naman kaming nakukuhang anumang pakinabang mula sa sinumang nasa kapangyarihan.”

Ganito ang sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang kabiguan ng mga pamahalaan ng tao na lutasin ang mga problema ng mahihirap ay nagpapatunay sa katotohanang ito sa Bibliya.

Subalit may isang Tagapamahala na may kapangyarihan at pagnanais na kinakailangan upang lutasin ang mga problema ng tao, at ipinakikilala siya ng Bibliya. Kapag nagpuno na ang Tagapamahalang iyon, wala nang sinuman ang muling magugutom.

Saligan Para Umasa

“Sa iyo nakatingin nang may pag-asam ang mga mata ng lahat, at binibigyan mo sila ng kanilang pagkain sa kapanahunan.” (Awit 145:15) Sino ang Isang ito na nagmamalasakit sa pangangailangan ng tao ukol sa pagkain? Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Bagaman nagdurusa ang lahi ng tao mula sa taggutom at iba pang mga problema sa loob ng libu-libong taon, laging interesado si Jehova sa mga tao. Nakita niya ang kabiguan ng mga pamahalaan ng tao, at ipinakikita ng kaniyang mapananaligang Salita, ang Bibliya, na malapit na niyang palitan ang mga ito ng kaniyang sariling pamahalaan.

Ganito ang sinasabi ni Jehova: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.” (Awit 2:6) Ang proklamasyong ito mula sa pinakamataas na awtoridad sa uniberso ay isang dahilan upang umasa. Bagaman madalas na hindi natutulungan ng mga taong tagapamahala ang kanilang mga nasasakupan, si Jesu-Kristo, bilang hinirang na Hari ng Diyos, ay magdudulot ng mga kapakinabangan na hindi pa kailanman naranasan ng pinakamahihirap na tao sa lupa.

Sa pamamagitan ng Haring ito, pakakanin ni Jehova ang lahat ng nagugutom. “Ang Panginoon na Makapangyarihan sa lahat ay maghahanda ng isang malaking piging para sa lahat ng tao,” ang sabi sa Isaias 25:6 sa Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ni Kristo, hindi kailanman magkukulang ang mga tao ng masustansiyang pagkain, saanman sila nakatira. Hinggil kay Jehova, sinasabi ng Bibliya: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.”​—Awit 145:16.

[Blurb sa pahina 13]

“Ang mauunlad na bansa sa daigdig ay may nakalulungkot na rekord ng pagkabigo sa Aprika na gumigitla at nagdudulot ng kahihiyan sa ating sibilisasyon.”​—Punong ministro ng Britanya na si Tony Blair

[Larawan sa pahina 12]

ETIOPIA: Sa lupaing ito, mga 13 milyon katao ang umaasa sa tulong na pagkain. Ang batang makikita sa itaas ay isa sa kanila

[Larawan sa pahina 12]

INDIA: Tumatanggap ng pagkain sa paaralan ang mga estudyanteng ito

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Top: © Sven Torfinn/Panos Pictures; bottom: © Sean Sprague/Panos Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share